Wrong timing minsan ang mag-rant habang nagsasaya ang lahat ngayong magsisimula ang Simbang Gabi, pero baka lang sakaling may maibahagi ako sa iyo.
Hindi ako makikipaglokohan: nakakapagod magsulat. Nakakapagod magtrabaho. Nakakapagod kumita. Nakakapagod maging mabuting tao. Nakakapagod magmahal. Nakakapagod mabuhay.
Pero for the purposes of illustration, tignan natin ang pagsusulat.
May mga pagkakataon sa buhay na para bang akala mo napakadali magsulat ng mga dapat sabihin tungkol sa mga ganitong isyu, suliranin, gawain. Minsan pagkatapos mo magbasa ng isang libro (o maraming libro kung ganoon ka talaga kahardcore) bigla ka na lang susuka ng isang malupit na perspektiba pagkatapos mo nguyain ang sari-saring ideya. Para kang siyang-siyang ngumuya ng bubblegum at pagkatapos idudura mo sa kalsada. (Wala naman tayo sa Singapore e: palusutin niyo muna ang imaheng ito.) Nguni't di katulad ng bubblegum na pagkatapos mong idura ay pagalitan ka ng iyong nanay sa pagkakalat, ang pagdura ng mga ideya ay papalakpakan at hahangaan ng makakarinig at magkakainteres sa sinasabi mo.
Pero meron nga noong mga pagkakataon na iyon na parang ang pakiramdam mo masyadong effort, masyadong masakit, masyadong nakakapagod at para bang nakakasawa na ang magsulat, magsalita, mag-isip. Na nakakasawa nang isipin ang mga bagay-bagay na palagay mo alam mo na pero sa totoo lang ay wala ka pa talagang kaaalam-alam. Parang iyong usapan ni Aslan at ni Prinsipe Caspian:
Welcome, Prince,” said Aslan. “Do you feel yourself sufficient to take up the Kingship of Narnia?”
“I — I don’t think I do, Sir,” said Caspian. “I’m only a kid.”
“Good,” said Aslan. “If you had felt yourself sufficient, it would have been a proof that you were not.The Chronicles of Narnia, Prince Caspian (1951)
Ch. 15 : Aslan Makes A Door In The Air
Kaya naman, sabi nga nating mga responsableng mag-aaral na naniniwala sa bilin ni nanay: "bago mo gawin ang isang bagay pakaisipin mo muna ng isang libong ulit." Pero tinatawag tayo ng pagkakataon. Hinihingi sa atin na maging palaisip at marunong umunawa sa mga galaw at kilos ng panahon. Kalaban natin ang oras at mga lakas na lagpas sa ating kakayanang pigilian, at ang magagawa lang natin ay harapin ang hamon at lagpasan ang kanilang daluyong. Parang sabi na ng aking hinahangaang dating guide (alam ko hindi, sakyan niyo na muna) na si RJ Ledesma: "Arguing with your fiancée is like arguing with a force of nature. You cannot stop a force of nature, you can only brace yourself for it, and hope that you can escape with all your organs functioning." Kaya madalas, pipiliin na lang nating kumilos nang hindi pinag-iisipan. Kailangan kumilos: kailangan muna nating iligtas ang ating mga sarili, saka na lang tayo maglinis ng kalat kung saka-sakaling mayroon. At madalas nga, meron. Maraming kakalat-kalat na mga bangkay na inanod kung hindi natin itinapon sa baha, ipinain sa trahedya.
Pero itatanong mo: e paano nga? Hindi na nga natin kayang makapaghanda para sa mga suliraning hinaharap natin sa araw-araw, tapos sasabihin mo kung susundin na lang ang puso pagpalo ng sitwasyon, sasablay talaga tayo. E ano talaga ang magagawa pa natin? Isipin mo yun: "hindi natin kayang makapaghanda." SINONG UGOK ANG NAGTURO SA IYO NIYAN? Hindi lahat ng bagay ay hindi pwedeng paghandaan: hindi lahat ng bagay ay nasa kamay ni Fortuna o ng kapalaran. Bilin ng politiko-historyador na si Niccolo Machiavelli: "Hindi pwedeng itanggi ang ating malayang pag-amin. Kahit nasa kamay ng kapalaran ang kalahati ating mga ginagawa, binibigyan pa rin nito tayo ng kakayanang ayusin ang isang kalahati pa." Kaya ano ang gagawin? Maging laging handa. Laong-Laan, sabi nga ni Jose Rizal. Ever ready, parang baterya. Mabilis pa sa alas kwatro.
Kaya nga lang, minsan may mga bagay na kinatatamaran nating gawin hindi dahil hindi natin alam na ito ang tama. Hindi dahil takot tayo sa kawalang-katiyakan. Hindi dahil hindi tayo nakapaghanda. Hindi dahil nanghihina ka. Hindi dahil wala nang halaga ang ginagawa mo. Minsan, tinatabangan ka nga lang talaga. Minsan, hindi mo magawa ang dapat gawin hindi dahil tamad ka, kundi nga dahil sa tagal mo nang ginagawa ito, nakakasawa na ring gawin ito. Nakakapagod na nga talaga. Kumbaga, sa sobrang tagal mo nang ginagawa ito na paulit-ulit, nakakaburyong na. Parang kanta ng APO Hiking Society (at ni-revive ng Silent Sanctuary):
At kahit na anong gawin
Di mo na mapilit at madaya
Aminin sa sarili mo
Na wala ka nang mabubuga
Parang 'sang kandila na nagdadala
Ng ilaw at liwanag
Nauubos rin sa magdamag
Isipin mo: napakahirap ba talagang ipasa ang isang RH Bill na nagbibigay naman ng espasyo sa paniniwala ng marami at walang pilitan sa paggawa nito? Napakahirap ba talaga para sa isang Kongreso na gumawa ng mga batas na makakatulong para sa kanilang constituency at sambayanan kesa magpumilit magsulong ng mga isyung kagaya ng mga lintik na scandal? Napakahirap ba talaga para sa isang Korte Suprema na maintindihang inuuna dapat ang pagkilala sa demokratikong pagpapahalaga kaysa sa proseso, lalo't malinaw namang nailagay ni Montesquieu na "But though the tribunals ought not to be fixed, the judgments ought; and to such a degree as to be ever conformable to the letter of the law. Were they to be the private opinion of the judge, people would then live in society, without exactly knowing the nature of their obligations." Napakahirap ba talaga para sa atin maging maunawain sa katotohanang posibleng parehong biktima rin si Hubert Webb kung paanong nabiktima si Lauro Vizconde ng pasikut-sikot ng ating hudikaturang hindi na maunawaan ng karaniwang mamamayan dala ng pagkubkob dito ng mga "technical experts?" Napakahirap ba talagang magets na ang kasalanan ni Hayden Kho ay hindi lang ang pagtalusira sa privacy ng mga babaeng binalahura niya kundi ang mismong pambabalahura sa mga babaeng ito labas sa matinong konsepto ng relasyon?
Nakakapagod. Ang sakit sa ulo. Kaya minsan mas ok pa sa atin ang magpasarap. Minsan mas mabuti pa ang magpasarap. Minsan mas ok pa ang magrelax sa ating mga private spaces at mag-chill. Nakakapagod ang mundo. Alalahanin muna natin ang sarili natin.
Walang problema dun, kailangan iyon. Pero ang tanong: lalabas ka ba uli? Magpapagod ka ba uli?
At siguro, iyon ang magandang mensahe ng Pasko para sa atin. Kung saka-sakaling namimigay sa inyo ng mga Eucahalette sa inyong parokya ang Word & Life Publications, maganda yung pagninilay na tinanong sa atin ni Jess P. Balon nitong nakaraang Gaudete Sunday: ang mensahe sa atin ay "magalak." Paano tayo magagalak habang nakikita nating maraming suliranin sa lipunang ating ginagalawan, kung sira ang mga buhay at mga pangarap ng mga tao sa paligid natin? Ang pagkagalak na ito, sa kabila ng ating kinamihasnan, ay hindi dapat matapos sa pagsasaya lamang. Kailangan niyang tumuloy sa pangangarap para sa isang bagong mundo. Isang lipunang makatarungan kung saan ang lahat ay may espasyo ang lahat para maging masaya. Isang mundong si Inang Maria mismo ang naging propeta sa pamamagitan ng Magnificat (at kelan ka nga ba huling nakapakinig na si Maria ay isang rebolusyonaryo?):
Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon,
At nagalak ang aking espiritu sa Dios na aking Tagapagligtas.
Sapagka't nilingap niya ang kababaan ng kaniyang alipin.
Sapagka't, narito, mula ngayon ay tatawagin akong mapalad ng lahat ng maghahalihaliling lahi.
Sapagka't ginawan ako ng Makapangyarihan ng mga dakilang bagay; At banal ang kaniyang pangalan.
At ang kaniyang awa ay sa mga lahi't lahi, sa nangatatakot sa kaniya.
Siya'y nagpakita ng lakas ng kaniyang bisig; Isinambulat niya ang mga palalo sa paggunamgunam ng kanilang puso.
Ibinaba niya ang mga prinsipe sa mga luklukan nila, At itinaas ang mga may mababang kalagayan.
Binusog niya ang nangagugutom ng mabubuting bagay; At pinaalis niya ang mayayaman, na walang anoman.
Tumulong siya sa Israel na kaniyang alipin, Upang maalaala niya ang awa
(Gaya ng sinabi niya sa ating mga magulang) Kay Abraham at sa kaniyang binhi magpakailan man.
Yes, alam ko, mga mambabasa, si P. Luis David, S.J. ang unang nagsabi nito. Siyempre ikakalat ko na rin para naman mapilitan siya mag-reinvent ng mga bagong leksyon. Matyagan niyo't lalabas to sa Simbang Gabi niya sa Dec. 22.
So, ano pa ba ang pwedeng sabihin ng isang pagod, wasak, nauubusan ng pag-asa at nagdududang nilalang na kagaya ko sa iyo? Ganyan talaga ang buhay: isang laban. Tuloy lang ang buhay. May pag-asa.
(だ)ってばよ!