Thursday, October 9, 2008

Verdadero Imagen de la Biblioteca.

(Una sa mga serye ng pagsasakumplikado ng mga payak na bagay at lunan o pagsasadetalye ng mga bagay na hindi pinapansin)

~O~O~O~

Iniisip ko minsan ang pinagbubuhatan at kinatutunghan ng ilan sa mga bagay na inilalabas ng tao mula sa kanyang sistema. Napansin ko rin na ang mga tao ay lumikha ng mga bagay na siyang paglalagyan ng kanilang mga inilalabas. Kapuna-puna nga lamang na sa lahat ng pinaglalagyan ng mga inilalabas ng tao, iisa lamang ang pinagkakapitaganan, ipinalalagay na malinis at pinamamalagian ng mga tao: ang aklatan. Bilang pinaglalagyan ng mga pinaglalagyan ng inilalabas ng isipan ng tao (ang mga aklat na kinalalamnan ng mga ideya), isa ito sa mga lunan na pinamumugaran ng mga isip na naghahanap ng karunungan, nagnanais isaayos at ibahagi ang kanilang karunungan, o kaya'y nagnanais mamahinga matapos ang malaong pakikitalad sa larangan ng karunungan. Kung minsan, lalo't ang isang aklatan ay pag-aari ng isang pribadong institusyon o kaya'y ng pamahalaan, maaaring palamutian ito ng ilang mga bagay-bagay na may akademiko, kundi man pangkasaysayang halaga.

Maaari rin nating sabihin na sinusunod ng isang aklatan ang batas ng "kaayusan sa gitna ng kaguluhan." Nag-ugat ang obserbasyong ito sa penomenon ng pagbibigay ng partikular na kulay sa isang kalipunan ng mga akda, lalo na sa bahagi ng aklatang kinalalagyan ng mga talaarawang pampantas (academic journal), mga lumang peryodikong arawan, buwanan o taunan, pati na yaong mga serye ng mga aklat-sanggunian. Bagaman hindi ito totoo sa mga bahaging kinalalagyan ng mga aklat na maipapahiram upang maiuwi, naisasagawa naman ang naturang batas sa pamamamagitan ng pagsasaayos sa kanila batay sa paksa. Kaya matatagpuan ang isang akdang ukol sa administrasyon ni Josef Stalin na kalapit ang isang likha ni Leon Trotsky, dulot na din ng katotohanang ang huli ay ipinapaslang ng una sanhi ng pagkakaalit pulitikal.

Kaya naman marahil ay ito ang sanhi sa pagkakaroon ng hugot sa ating kamalayan ang imahen ng isang aklatan. Bilang repositoryo ng mga kaalaman, isa itong manipestasyon ng isang kalipunang naghahanap ng kapit sa kaniyang nakaraan upang maunawaan ang katotohanan ng kasalukuyan at maitakda ang tungo ng hinaharap.

Gayunman, may isang aspeto ang isang aklatan na tila nagbibigay dito ng isang kulay-pulitikal, isang aspetong nagbibigay ng hulagway ukol sa institusyon o kalipunang kinalalagyan nito. Kung bakit nga ba ang Aklatang Rizal ay mukhang malinis kung ihahambing sa mararaming aklatan ng Unibersidad ng Pilipinas, kung bakit mas maraming aklat, sanggunian at artipisyong mapag-aaralan ang huli kaysa una, o KUNG BAKIT BA MAY MGA AKLATAN SA MGA PAMPUBLIKONG PAARALAN NA KAPOS ANG LIBRO SA MARAMING ASIGNATURA. Isama na rin siguro maski yung ilang pribado, alam na ng nakakakilala sa pinagmulan kong paaralan ang konteksto.

Alam na alam ko, sabaw, wala sa konteksto at walang kapit sa katinuan, lalo't ang mga kinalalagyan ng mga aklatan ay mga kapaligirang may "kalayaang akademiko." Pero paano nga ba yung mga "public library"? Bukas sa lahat ang mga yaon, at alam na alam naman nating hindi lahat ng publiko ay mayroong kalayaang akademiko.

Di bale na nga. Basta ang tanong.

ANG TANONG.

AANNGG TANOOOONNGG:

Maituturing bang pulitikal ang aklatan?

~O~O~O~O~O~O~

At ganyan ang epekto ng nagbuhat sa isang Miyerkules na may dalawang nakakasabaw na asignatura na sinundan ng isang Huwebes na marami ka pang gustong isulat pero kapos pa rin ang dalawang oras para sayo.

Bakit pa pakiramdam ko mapapalipat ako ng AB Panitikang Filipino nang wala sa oras??!!

No comments:

Plurk