Sunday, July 25, 2010

Habang Binabasa Natin Si Barthes at Bob Ong

Hinahanap ko kung paano magsasalita
Tinatanaw mo ang ayaw nila ipaunawa,
Sinisikap ko lagpasan ang daigdig
Hinuhukay mo ito't nanliligalig.
Habang magkatabi sa iisang gilid,
Ng bus na tila malamig na silid.
Iniisip ko muli kung mahal ko ba siya,
Ika'y pasulyap-sulyap sa mundong tulala;
Nananaginip kaya ako na kasama ko siya,
Dala ng kamalasang kami'y nagkasira?
Sa iyo ba kaya'y may nag-aantay rin?
O sa puso mo'y nagbigay-panimdim?
Hindi ko malaman kung paano at bakit
Nguni't pagtatabi nati'y nagbibigay-sakit
Pagka't habang ika'y humihimbing
Ang dibdib ko'y umaantak at umiiling.

Thursday, July 22, 2010

Kung Binabasa Mo To, Bakit Hindi Ka Aktibista (O Bakit Ka Nananatiling Aktibista)?

BAKIT AKO NAG-AARAL? Naisip mo ba yun kahit minsan, o dahil sa puntong ito ng buhay mo na bata ka pa naman kaya hindi mo pinag-iisipan? Malamang hindi di ba? Nag-aaral ka kasi lahat ng kaedad mo nag-aaral. Nag-aaral ka kasi pinasok ka sa ekwelahan ng magulang mo. Nag-aaral ka kasi natutuwa ka. Nag-aaral ka kasi hindi ka naman talaga nasa eskwelahan para matuto: gusto mo magkaroon ng kaibigan. Nag-aaral ka kasi... basta. Andyan e. At pag di ka nag-aral pagagalitan ka. Kukunsiyensiyahin ka. Ituturo sa iyo ang mga kaedad mong hindi nag-aaral dahil tamad sila, wala silang utang na loob sa magulang nila, kaya dahil ka ganoon, nandyan ka, nasa isang “mabuting” pamilya, inaasahan ka mag-aral para payabungin pa ang lagay ng pamilya mo.

Maraming dumaan sa eskwelahan na ganyan ang tinakbo ng utak mula pagkabata hanggang mamatay. Hindi na bago tong kwentong to. Nag-aaral kasi gusto nilang umangat ang buhay. Nag-aaral kasi iyon ang tradisyon: nasa pamilya na na nasa eskwelahang ito sila nagsimula at magtatapos kaya dapat huwag sirain ang tradisyon ng pamilya. Nag-aaral ka kasi, gusto mong may patunguhan ang buhay mo, at sinasabi kong “may patutunguhan” sa imahen ng “may magandang trabaho, malaki ang kita, hindi nagugutom, may kaya.” Para maipagmalaki ng magulang, mag-anak at pamilya. Para respetuhin ng lipunan. Para maayos ang takbo ng buhay, may kasiguraduhan. Halos lahat naman yata tayo sa puntong ito takot sumugal kaya laging “play on the safe side.” Sumunod sa utos. Ang sumunod, may biyaya. Ang pasaway, may parusa. Simple di ba?

Pero sa dinami-dami ng sagot na yun, siguradong-sigurado ko, kahit hindi mo sabihin, maiisip mo rin yun: “pero hindi lang yun e.” Sa dami ng rason na ibinigay sa iyo ng ilang taon mong pamumuhay, hindi mo pa rin sasabihing iyon lang ang takbo ng buhay mo. Iyon lang ang tanging rason mo kung bakit mo ginagawa to. Kung mangyari man na yun nga lang ang sagot mo, iniisip mo: “maski hindi ok, matututunan ko namang mahalin to.” Tignan natin yun. Bakit mo gustong “matutunan mahalin” ang isang bagay? Kasi pakiramdam mo, andito ka na e. Ganyan talaga; sulitin mo na lang. Hindi mo man pinili, at kahit baliktarin mo ang panahon siguradong hindi mo mapipiling hindi piliin ito, ganito ang takbo. Kumbaga kinwento nga sa akin ng isang guro: “may pagka-tinapon ka sa lagay mo.” Nandyan ka sa pamilyang yan na pinahahalagahan ang edukasyon nang hindi mo pinili. Nandyan ka sa isang pamilyang wasak-wasak at hindi ka tinuruan kahit minsan ng kahit ano nang hindi mo pinili. Pero may nais kang gawin. May nais kang maabot. At ayaw mong papigil sa kung ano ang meron ngayon upang makuha mo ang nais mo bukas. Kaya kahit pakiramdam mo hindi mo talaga nais gawin ito, kailangan mo gawin, kasi may rason ka. Pinanghawakan mo na.

Kaya naman iisipin mo: “Nag-aaral ako dahil gusto ko, at gusto kong may marating.” Ipagpalagay natin: nais mong mag-aral dahil nais mong magkatrabaho nang matino. Nais mong maging maayos ang buhay mo. Nais mong yumaman, o kaya maging sapat ang hawak sa araw-araw. Kaya kailangan mo ng maganda, matino at maayos ang sweldong trabaho.

~O~O~O~

BAKIT AKO NAGTATRABAHO? Nasabi na natin kanina ang mga rason mo kung bakit ka nag-aaral, para makarating ka sa puntong nais mo magtrabaho. Nagtatrabaho ka dahil ika nga, kailangan mo mabuhay. Kailangan ng pantustos. Kailangan mo para mabayaran mo ang magulang mong gumastos sa iyo ng ilang taon sa araw-araw; consuelo de bobo ika nga (tignan mo mamaya uli yung sinabi ko ha; “consuelo de bobo). Nais mong magkaroon ng maayos na trabaho kasi kailangan mo iyon kung magtatayo ka na ng sariling pamilya, at nais mo na pag nagtayo ka ng sariling pamilya, matutustusan mo sila kagaya ng pagtustos sa iyo ng magulang mo. Simple di ba? Halos pareho ng nasa itaas.

~O~O~O~

BAKIT NAIS KO MAGKAPAMILYA? Nais mo ituloy ang lahi, gaya ng naituro sayo ng magulang mo. Nais mo rin maranasan ang maging magulang para makapagbayad-utang ka sa pagtitiis sayo ng magulang mo noong ikaw naman ang pinapalaki nila: consuelo de bobo uli. Dahil nais mo lumagay sa tahimik. Nais mong may uuwian ka, may nagmamahal sayo at mamahalin mo, na magbibigay kahulugan sa buhay mo.

Hindi mo ninais magkapamilya “bago” mag-aral at magkatrabaho dahil alam mong komplikado to, pangmatanda lang. At hindi ka pa naman matanda. (Pansin mo yun, maraming nagsasabi ngayon na ayaw nila tumanda?) Siyempre, takot sila sa responsibilidad, nais muna nila maging malaya. Nais nila maging handa sa tamang panahon.

~O~O~O~

At sa huli, ipapasa mo ang mga kaalamang ito, ang mga rasong ito, ang mga pagpapahalagang ito, sa magiging anak mo. Kung itatanong niya sa iyo kung bakit ganun, sasabihin mo: ganoon talaga e. Sumunod na lang. Huwag na maraming tanong. May silbi naman lahat iyan, malalaman mo pagkatapos mo maranasan. Hindi mo na pinag-iisipan, kasi naniniwala ka naman na hindi ka lolokohin, na mabuti ang intensyon nila kaya nila pinagagawa sa iyo ang mga bagay na hindi ka talaga okey sa simula pero sinusubukan mong “matutunang mahalin.” Na hindi sila nagkakamali: di ba nga naman, kung mali itong mga ito, e bakit pa ginagawa ng lahat at ng kapwa mo?

At sa mga huling tanong na iyan, diyan na tayo nagkakatalu-talo.

~O~O~O~O~O~

Paano pala kung mali ang mga ikinuwento sa iyo ng mga kamag-anak mo, ng mga magulang mo, ng mga kaibigan mo? Paano kung yung mga pinanghahawakan mong hindi mababali e makita mo pala biglang sira, hindi mapagkakatiwalaan? Paano kung pakiramdam mo niloko ka lang?

Maraming nang sumagot nito. Nagrebelde. Hindi na nakinig sa awtoridad. Itinapon ang buhay. O, sa mas “malalang paraan”, gaya ng sabi ng mga magulang at nakakatanda mo, at isa sa mga simpleng dahilan kung bakit ayaw ng mga kamag-anak mo o ng mga nakakatanda sa iyo na pumasok sa isang pampublikong paaralan o unibersidad: MAGING AKTIBISTA.

~O~O~O~

Bakit tayo takot na maging aktibista? Ano ba ang depinisyong itinuro nila satin ng aktibista? Mareklamo. Hindi sumusunod sa utos. Hindi nakikinig sa matinong usapan. Nanununog. Sasali sa NPA. Magiging kriminal. Mamamatay. Aaksayahin ang buhay sa pagrereklamong walang katuturan.

Sino nagsabi? Ang mga magulang mo na pinagkatiwalaan mong hindi nagsisinungaling sayo. Ang mga kaibigan mong tinuruan din ng mabubuting magulang. Ang administrasyon na pinagkatiwalaan mong hindi ka ginogoyo. Ang mga nakatataas sayong sinasabihan kang sundin lang ang dati mo nang ginagawa para gumanda at guminhawa ang buhay. Yung mga dati nang parte ng buhay mo. At siyempre, hindi mo iisiping nagkakamali sila. Hindi mo iisiping hindi nila pinag-isipan yun.

Pero sa totoo lang, sabihin man nilang pinag-isipan nila yun, kung wala silang pinag-isipang ihahambing doon, hindi talaga nila pinag-isipan yun. Kung sumunod-sunod na lang, hindi nila pinag-isipan yun. Hindi sa minamata ko sila, pero kailangan nila aminin yun: hindi nila pwede angkinin ang di nila alam. Kaya nga consuelo de bobo di ba: consuelo – pampanatag, panigurado. Bobo – hindi alam. Panigurado ng hindi alam. Kasi hindi mo nga pinag-isipan. At natatakot ka na pag pinag-isipan mo na, hindi ka na matatahimik sa buhay mo.

~O~O~O~

PERO BAKIT NGA BA MAY NAGIGING AKTIBISTA? May pinaglalaban, ito sasabihin nila. Madali sa kanilang bigkasin ang mga teoryang panlipunan, ang paniniwala sa di-pagkakapantay-pantay, ang eksploytasyon ng mga manggagawa’t mahihirap ng sistemang piyudal-kapitalista-burukr
ata-pasista (at iba pang label). Ang manawagan para sa pagbabago ng mga istrukturang panlipunan. Ang manawagan para sa isang himagsikan, isang digmang bayan. Basahin mo lang ang Philippine Society and Revolution (PSR/LRP o Lipunan at Rebolusyong Pilipino) ni Amado Guerrero (huwag na itangging si Jose Ma. Sison ito). Dahil ang rebolusyon ang tungo ng daigdig ngayon. Dahil ang tunay na lipunang para sa Pilipinas ay isang komunistang lipunan na pinagtatanggol ng Bagong Hukbong Bayan, na pinagtitipon ng Prente ng Pambansang Demokrasya, at pinangangasiwaan ng Partido Komunista ng Pilipinas. Daling i-label di ba? (Siyempre, hindi ko naman pangangasahan, mga kaibigang Kaliwa, mapa-RA o RJ, na ito lang yun; kinakalaban ko nga ang pagge-generalize.)

Pero hindi pa rin nasasagot ang tanong di ba: BAKIT? Kasi may kawalang-katarungan. Kasi iyong iniisip mo dati para sa sarili mo, naisip mo: bakit ako lang ang dapat makinabang sa mga biyaya ng mabuti’t maayos na buhay? Bakit parang hindi ko inisip kahit kailan na may kapwa ako na dapat ko paglingkuran. Bakit kailangan ko mabuhay at magkamal kung pwede namang simple lang ang buhay? Bakit kailangan ko sundin ang dikta ng merkado na bilhin ang ganito at ganyang bagay na hindi ko naman talaga kailangan? Bakit ko pagsusumakitan ang mangalap ng labis-labis sa kailangan ko e hindi ko na nga maisaayos at ma-enjoy ang mga bagay na mayroon na ako dati? Bakit ko aagawan ang iba na hindi na nga makakain ng perang gagamitin ko lang naman dahil natripan ko lang bumili ng isang kape sa Starbucks na umaabot ng P200+ pesos? Tangina mehn, kape, 200? E isang linggong hapunan na yun ng iba! Hindi ka ba nahihiya sa balat mo?

~O~O~O~

Madali rin naman sagutin itong rason na to e: hindi ko kasalanan iyon. Pinaghirapan ko to. Binigay to sakin ng magulang ko, ang pinaghirapan nila para sakin: bakit ko aaksayahin sa di ko kilala? Tamad sila kaya sila ganyan. Magsumikap sila! Hindi sila sumunod sa magulang nila e, hindi sila sumunod sa sistema e; dapat lang sa kanila yan!

Pero ang problema, hindi na sila ang may kasalanan, ang sistema mismo. Kung ang sistemang ito ay magpapayaman lamang sa dati nang meron at iiwan sa kangkungan ang milyun-milyong nahihirapan, palagay mo ba patas yun? Di rin ba sila taong kagaya mo? Wala rin ba sila karapatan sa mga bagay na tinatamasa mo na dati pa, sila na hindi nakaranas nito kahit minsan?

~O~O~O~

Iisipin ko nakunsiyensiya ka na sa sinabi ko: kung hindi pa, patapusin mo muna ako tapos saka ka magsulat sa comments section. Pero iisipin mo rin: oo, tama, hindi makatarungan, kailangan baguhin. Pero may mga pinoprotektahan din ako e. Gusto kong maayos ang pamilya ko. Wala akong panahon baguhin ang lipunan dahil may tiyan akong pakakainin. At siyempre, yun namang mga aktibistang kilala na natin, tutuyain ka. Isa kang walang-kwentang petiburgis. Isa kang makasarili. Isinusumpa ka ng bayang nag-aruga sayo, at humanda ka sa paghihiganti ng prente. Kumbaga, dahil hindi ka lang umayon, kalaban ka na nila. (Mga kaibigang Kaliwa na makakabasa nito, huwag niyo itangging hindi niyo inisip to. Baka nag-iba ang panahon: sabihan niyo ako).

Pero nanatili doon ang tensyon ng mamamayan sa politika’t lipunan. Susunod na lang tayo sa takbo ng kasalukuyang sistema dahil komportable, dahil ligtas, dahil kahit papaano may kinikita. Ang sumasalunga, itinatakwil ng lipunan. Hinahabol na parang hayop. Pinapatay ng Estado. Ang aktibista naman, ipangangalandakan sa mundo na siya lang ang nakakaintindi sa lipunan. Na dapat mo siya pakinggan at kapag hindi ka nakinig, pasensyahan na lang, wala na kayo ugnayan. Dahil nakamarkado ka na sa takbo ng isip niya. Tinutuya ka dahil hindi mo kaya magsakripisyo nang higit para sa bayang tinatawag ang tulong mo. Walang pinagkaiba sa sinabi ni John F. Kennedy: “Huwag mo tanungin kung ano ang magagawa ng bayan mo para sa iyo, kundi ano ang magagawa mo para sa bayan.”

Pero hindi ba yun nga ang punto kung bakit may naghimagsik sa simula pa lang: kais nga gutom ang marami? Kung yung gutom na yun e masasabit sa laban sa pagpapalaya, hindi kaya nagkakamali? Kung yung nais bigyan ng kalayaan mula sa mga tali ng buhay niya e hindi makumbinsing nakatali siya kaya siya hindi malaya, hindi kaya may problema din ang nagsasalita? Hindi rin kaya sa sobra namang pagpapahalaga sa pagkilos para sa pagkilos, hindi na swak sa orihinal na layuning magpalaya?

Siyempre, sa mga nanghinawa na sa walang-isip na pagkilos na kinahinatnan ng mga kilusang ito, sinabi na natin: mag-isip muna tayo ng tamang gawin. Huwag muna tayo kumilos. Pabayaan muna natin na ganyan tapos saka tayo lumusong kapag alam na talaga natin ang gagawin. Pero ang tanong: sigurado ka ba talaga na alam mo kung kailan ang tamang araw na darating? Katapusan na ng buhay mo hindi ka pa kumikilos, kahit yung paun ti-unting tinatawag mong “neo-liberal,” “dole-out,” at kung ano pang ek-ek?

~O~O~O~

Nananatili yung tanong. Nananatili ang takbo ng buhay mo. Nananatili ka sa isang kalagayang ang ipinagmamalaking halaga ng lipunang ginagalawan mo ay kung sino ang makakakuha ng pinakamarami. Kung sino ang makakapagkamit ng magandang buhay. Itinuturing niyang tanga at masyadong mabait ang mag-iisip ng kapakanan ng kapwa, kahit ipinagmamalaki niya na sumasampalataya siya sa isang relihiyon na ang tinuturo ay ibigin ang kapwa na gaya ng sa kanyang sarili.

Babangon ka sa umaga, mag-aayos ng gamit, tutungo sa kung ano man ang gawaing ipinagpapalagay mong siyang tunay na dapat takbuhin ng buhay mo.

Kung nananatili kang nasa “safe-side,” nabubuhay ka para sa iyong sarili, at kahit pumupunta ka sa simbahan at kinakanta mo na “walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang,” sinong niloko mo?

Kung nananatili kang kumikilos para sa pagbabago ng lipunan nguni’t nananatili ka sa iisang pananaw at perspektiba, na wala kang paggalang sa pananaw ng iba at ipagpapalagay mong lagi kang mas may alam ka sa kanila, sinong makukumbinsi mo?

Anuman ang ginagawa mo iniisip mo nakakatulong ka sa pagtakbo ng makina ng lipunang ito. O kaya nakakatulong ka sa paglikha ng bagong makina ng lipunang ito. Pero ang tanong: kelangan ba talaga natin ng makinang nagpapatakbo sa lahat na lang ng aspeto ng buhay natin? Kailan ka titigil saglit at iisipin mo naman: hindi lang ako ang narito. Hindi lang ang mga nakikita ko ang kasama ko sa mundo. May kasama ako. At hindi lang yung iniisip ko o itinuturing kong kasama ko ang tunay na kasama ko.

Kailan mo iisiping magpahinga kahit minsan? Yung pahingang nagbibigay ng linaw sa lahat ng ginawa mo dati, ginagawa mo ngayon, at posibleng makatulong sayo sa paggawa mo bukas? Yung masasabi mong “kahit hindi sigurado, alam ko may katuwiran ang ginagawa ko. Lundagin mo beybeh!”

Saturday, July 17, 2010

Punong-Puno na Sa Pamumuno?

Isang pananaw sa mga unang araw ng pagtakbo at retorika ng pamahalaan ni Pangulong Benigno Aquino III

Sa katotohanan, kinatatakutan ng burgesya ang kamangmangan ng masa kapag sila’y nananahimik, at ang kanilang pananaw kung sila’y naghihimagsik.
- Karl Marx, Ika-18 Brumaire ni Luis Bonaparte

Nakakadalawang linggo na mula nang ating tanghalin si Benigno Simeon “Noynoy” Cojuangco Aquino III bilang ikalabinlimang Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Bilang isang mamamayang nahubog ang pananaw-politikal sa maliligalig na panahon ng pamamahala nina Joseph Ejercito “Erap” Estrada at ni Gloria Macapagal-Arroyo, nauunawaan ko ang malawakang pananabik at matatayog na pangarap ng ating mga kababayan sa kanyang maaaring maibigay para sa pagpapayabong ng pamumuhay ng mamamayang Pilipino. Napakadaling makisali sa mga mapagdiwang na pahayag na ibinabandila ng mass media at ng mga kasapi sa mga kilusang repormista ng panggitnang-uri na siyang nanguna upang ipahayag ang mensahe ng pagbabago sa pagtungo sa “daang matuwid,” isang daan kung saan ang katiwalian ay walang puwang upang sirain ang tiwala’t ugnayan ng pamahalaan at sambayanan. Kung saan ang pamahalaan ay maituturing na lingkod ng sambayanan at ang mamamayan ay siyang magiging kaakibat upang makamit ang mga layuning pangkalahatan ng ating bansa’t bayan. Isang “bagong simula,” ika nga nila.


Takot Na Kami Masaktan

Sa kabila nito, marami rin sa mga nagmamasid ang nag-aagam-agam: masyadong masaya’t nananabik tayo na tila baga ang pagpanaog ni Aquino sa Malacañang ang siyang susi sa malawaka’t malakihang pagbabanyuhay ng politika’t ekonomiya ng Pilipinas sa ngayon. Na para bagang siya, sa kanyang pagkatao bilang tagapagmana ng mito ng tanod ng demokrasya mula sa kanyang mga magulang na sina dating Pangulong Corazon at Senador Benigno “Ninoy” Jr., ay nakatali at nakatadhanang “iligtas” ang Inang Pilipinas mula sa mga kuhilang Kinatawan sa kamara na walang ginawa kundi ang magpataba at ibulsa ang kuwartang ibinubuwis ng mamamayan pagkatapos ng suson-susong paghihirap. Na tila baga ang kanyang kamuntiang pagkakamali ay ating ipag-aalsa’t siyang wawasak nang lubusan sa pag-asa ng mamamayan sa mga demokratikong institusyon. Na para bagang masyado yata tayong ambisyoso, baka pag pumalpak, e malilintikan rin lang pala tayong lahat.

Kauna-unawa ang mga agam-agam na ito, sapagka’t naipit at nabaon sa isang mapagsisi’t walang-tiwala sa sariling kalagayan (self-hating and reproachful state) ang ating mga mamamayan sa ilalim ng siyam na taon ni Gloria Arroyo, na tandisang sumira sa mga institusyong panlipunan at nagwalang-bahala sa interes ng mamamayan sa kabila ng kanyang pagkakalagay sa puwesto noong 2001 sa pamamagitan ng ikalawang himagsikang-bayan (“people power”) sa EDSA. May takot sa atin na magtiwala ulit sa institusyon sa agam-agam na tayo na naman ang maituturong maysala kung magkaloko-loko na naman ang mga bagay-bagay. Nguni’t hindi ito makatarungan para sa ating mga sarili, kung nais natin talagang panatilihing demokratiko, maka-Diyos, makatao at makabayan ang ating lipunan. Tungkulin natin na manatiling mulat, may paninindigan at manatiling nakamatyag upang tiyakin na ang ating mga narinig na gagawin ay tunay na maisagawa ng kasalukuyang administrasyon. Na sana nga ang telos (patutunguhan) ay nakikita sa lakad ng bayan ngayon. Minsan ngang ibinahagi ng kapwa natin mga Atenista, ang SpongeCola: “dehado kung dehado, para saan pa ang mga galos mo kung titiklop ka lang?”


Samantalahin, Huwag Pagsamantalahan

Marami sa ating nagitla at lumundag sa tuwa nang marinig natin si Pangulong Aquino na ipahayag sa Quirino Grandstand noong ika-30 ng Hunyo na “kayo ang boss ko.” Ngayon lamang tayo, kung tutuusin, nakarinig ng isang pinuno ng bansa na kinilala ang kanyang utang na loob hindi sa mga kauri niyang nakaririwasa na nangampanya at gumastos para sa kanyang kampanya, hindi sa mga may-kapangyarihan sa lokal na nibel, at hindi sa mga institusyonal na padron kundi sa mamamayang humalal sa kanya sa unang automated na halalan sa kasaysayan ng bansa. Totoo, hindi madaling paniwalaang naging malinis ang halalan, hindi madaling paniwalaang hindi nakibahagi si Aquino sa mga tradisyunal na paraan ng pagkalap ng boto (na kung pagbabasehan ang mga nakatakdang batas ngayon ay itinuturing nang krimeng ikabibilanggo), kalokohang sabihing walang bahid-dungis ang halalang ito na hindi binago ang mga dinamiko, nguni’t hindi makatarungang sabihing nanalo lamang si Aquino dahil ibinoto siya ng ignoranteng masa na namanipula ng mga institusyon ng burgesya at ng kleriko-pasistang Simbahan (na natitiyak kong narinig niyo na sa mga tagasuporta nina Manny Villar, Richard Gordon at Gilbert Teodoro: huwag niyo sila pakinggan, pikon lang ang mga yan).

Dala nito, may mga taong nangahas nang magtakda ng kanilang mga nais at banta sa kasalukuyang administrasyon kung hindi ito magagawa. Pinalaki na natin ang minsanang pagtuya ni Aquino sa “wang-wang” upang siya mismo’y pagbawalan nating mag “wang wang” kahit mahuhuli na siya sa mga pulong dala ng trapik. Isang batikang brodkaster nga ang nangahas magsabing “dapat hindi na rin lumalabas si Noynoy kapag Lunes dahil coding ang plaka niya.”

Hindi lisensya ang pagkilala ng ating Pangulo sa ating halaga upang putaktihin siya na sundin ang ating balang naisin bilang mga kabahagi ng taumbayang “hindi nag-iisip at sumusunod lamang sa galaw ng tiyan.” Nararapat nating tandaan na sa ating paghalal kay Aquino, ating pinili siyang upang gabayan ang kilos ng mga aparato ng estado at lipunan at hindi karapat-dapat na baliin natin ang kaniyang plataporma de gobierno dala ng ating posibleng makitid na isipang iniisip lamang ang kakanin bukas. Bilang kabahagi ng isang pamayanan, tungkulin natin bilang Pilipino (at bilang taong may kinikilalang mabuti) na mabuhay nang may pagpapahalaga sa kapwa. Kailangan nating kilalanin na ang pakikibahaging politikal ay hindi isang paraan upang magkamal para sa sarili, kundi upang tiyakin na nanatili ang ugnayan natin sa ating kapwa sa mahinusay at mapagyabong na paraan.

Ano ang pinagkaiba natin sa mga trapo at mangungurakot sa mga sangay ng pamahalaan na binabaliti ang kanilang kapwa para sa kanilang sarili kung ating gagawin ito? Ano naman ang pinagkaiba ng isang Pangulong iisipin maski ang pinakamaliit na kibot ng kanyang leeg at kung paano ito makakasama sa sensibilidad ng tao sa isang aliping saguiguilid? Hindi ito makatuwirang kilos, at pinapatunayan lamang natin na tayo’y mga utak-alipin pa rin, sapagka’t “sumusukob sa mang-aalipin ang nangingibig na hindi lumaya.”


Higit Sa Lahat, Magpanagot

Sa pagsasabi kong hindi natin dapat samantalahin ang pagkilala ni Pangulong Aquino sa ating tinig, hindi natin isinasama dito ang katotohanang pangunahing karapatan nating humingi ng katarungan sa mga pampublikong institusyon. Hindi dapat kaligtaang si Pangulong Aquino mismo ay hindi pa rin sinasagot nang mahinusay ang mga patayan sa Hacienda Luisita na pagmamay-ari ng kanyang angkan. Hindi natin dapat kalimutan ang katotohanang nangangahas nang maghain ng kaduda-dudang mga pagbabago sa Saligang-Batas si dating Pangulong Arroyo na ngayo’y kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga. Hindi natin dapat kalimutan ang daan-daang mamamahayag, aktibista at mga inosenteng mamamayan na pinaslang ng mga galamay ng rehimen ni Arroyo at hindi pa rin napaparusahan magpasahanggang ngayon. Hindi natin dapat kalimutan na ang ating mga kinatawan sa Mababang Kapulungan ay ang mga dating pangalan pa rin na sumuporta sa mga interes ng tiwaling pamahalaan at pumatay sa mga batas na sana’y nakapagbigay-kapangyarihan sa mamamayan para sa demokratikong pagkilos.

Dito natin marapat ibuhos ang ating pagkilos bilang mga mamamayang nagnanais ng pagbabago. Marapat nating bantayan at palaging paalalahanan ang ating Pangulo’t ang burukrasyang sumusuporta sa kanya na tungkulin nilang linisin at panariwain ang tiwalang ginutay-gutay ng mga rehimen nina Estrada at Arroyo. Karapat-dapat lamang nating panoorin ang mga nagaganap sa ating pampublikong lunan at pagdudahan din ang mga samu’t saring opinyon na dati’y tinatanggap na lang nating basta-basta.

Ibinahagi ng Hudyong manunulat na si Hannah Arendt na “ang pagpapatawad lamang ang tanging kilos na hindi lamang tugon kundi isang bagong kilos na di-inaasahan, di-tinakda ng kilos na nagbunga noon, at pinalalaya sa mga kahihinatnan nito ang nagpatawad at pinatawad.” Nangyayari lamang ang pagpapatawad na nagbubungang mahinusay kung ang katarungan ay naigawad sa maysala, kahit sa anyo ng mabigat na parusa. Kung tunay na ibinabandila ng pamahalaang Aquino na “walang pagpapanumbalik kung walang paggawad ng katarungan,” hinihingi nito na tayo bilang mamamayan ay manindigan na ang mga maysala ay magiging karapat-dapat lamang sa awa ng taumbayan kapag sila’y nalatayan na ng hagupit. Hindi naghihilom ang isang malalim na sugat kung hindi dadaan sa masakit na proseso ng pagtatahi nito.

Friday, July 2, 2010

Tama Na Party: Maraming Tiyanak Baby

(Prologue: At sa wakas, nagtinta na ang utak ko.

Nitong mga nakakaraang buwan para bang napakahirap magsulat [o, kung magsusulat ka man, parang walang taga sa damdamin, walang pagpapahalaga talaga, walang pagtataya]. Parang napakahirap pigain at/o ilabas ang mga bagay na ang akala mo dati mo nang alam, dati mo nang naiintindihan, dati mo namang kayang sabihin nang walang alinlangan. Kung tutuusin, ang mga dating mahahabang rant at/o pagpapahayag ng ideya, damdamin, etc. ay nauwi sa bigla-biglang bugso ng damdamin sa Plurk, pagsipi sa mga binabasa kong kung sinu-sino nang patay na tao sa Facebook, at tandisang pagkabagoong ng aking isiping kritikal. Para bang naka-life support ang utak ko nitong nakaraang tatlong buwan at ang nakapagpanatili lamang sa aking paki sa mga nangyayari sa aking paligid ay ang mga nakatatanda’t mga tagapaggabay sa Kagawaran ng Agham Politikal, ang mga kapatnugutan sa Matanglawin at ang mga kakilalang paminsan-minsa’y pinararaket ako sa Paaralan ng Pamamahala.

Siguro special thanks sa aking mga itinuring nang mga political parents na sina Ma’am Joy Aceron at Sir Kiko Isaac (peminista ako, bakit?), sa revolutionary counsel nina Sir RR Rañeses, Sir Arjan Aguirre, Sir Gino Trinidad, Boss Rosselle Tugade at Master Biboy Alimangohan (mga kainuman, tagapayo, tagahubog ng pagtanaw sa politika at tsismis, steady supply ng second-hand smoke, at palaging tinatanong sakin ang normative question na “nakakain ba yan?”), sa mag-anak ni Karen Mae Cruz at Phillip Recentes (na pinaglalabasan ko ng mga singaw sa utak at hinihingan ng payo), ang Block I1 at I na nagpapakita saking may pag-asa pa rin pala ang isang nabulok na utak na gaya ng sa akin, ang Block II na lagi’t lagi akong binibigyan ng hamon na sumabay at/o umigpaw, ang Matanglawin na nagtitiwala pa rin sa aking kakayanang ayusin ang sirang cabinet (matatapos na po!), ang Ateneo College Ministry Group na may tiwala pa rin sa aking kakayanang maglingkod sa harap ng dambana, kay Padre Luis David at G. Patrick Momah para sa isang taon ng pagsigang sa aking utak kay Michel Foucault at Hannah Arendt, kay Dr. Benjamin Tolosa na hindi na kailangan ng pagpapaliwanag, sa Legal Network for Truthful Elections na alam kong binigyan ako ng marmaing bigay sa kabila ng aking mga walang-wawang pagkukulang, sa mga manong guard ng aking tinutuluyan na walang-sawang bumabati sa akin sa pag-alis at pag-uwi na para ko nang mga tatay, at sa aking suking binibilhan ng mangga. May utang pa akong dalawang kilo sa kanya.)

~O~O~O~

Alam kong maraming tuwang-tuwa sa atin nang masaksiha’t marinig natin ang isang bagong administrasyon at ang pangako ng isang bagong pagtalad tungo sa daang matuwid na ibinandila ng ating bagong Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III. Maraming kabataan siguro ang ngayon pa lang nakarinig ng isang Pangulong nagsasalita na tunay na pinalakpakan at pinagtitiwalaan ng sambayanang nakakapagsalita, na malamang ay naikukwento lamang sa inyo ng inyong mga guro sa HeKaSi tuwing pinag-uusapan si Ramon Magsaysay o maski ang kanyang inang si Corazon Cojuangco-Aquino. Sabi nga ng marami, isang bagong kabanata, isang bagong pagkakataon, isang bagong Pilipinas.

At siyempre, ang sinasabi ng pinakamarami ang siyang pinaka-hindi dapat pagtiwalaan. Oo, tunog elitista yun, pero patapusin niyo ako.

Marami sa atin ang may tendensiyang magpakasaya tuwing tayo’y makakakamit ng maliliit na tagumpay. Sa totoo nga lang, sinabi na dati pa ni Nick Joaquin na ang ating kasaysaya’y isang kasaysayan kung saan napakalaki ng papel ng mga piging. Na siyang supposedly ay pinag-uugatan ng ating fixation sa mga pista sa puntong ipag-uutang pa natin ang siyang ipampipista kahit malubog sa utang at hindi na mabayad-bayaran. Na kung tutuusin ang ating mga dinadakilang rebolusyon ng 1986 at 2001 ay sobrang parang katuwaan lang, na iilan lang ang namatay, kaya parang chipipay sa ilan ang napanalunan nating “demokrasya,” at dahil doon ay parang binabale-wala na ng kasalukuyang henerasyon (at ng ating mga kaibigang taxi driver) na mas ok pa yata ang mamuhay sa ilalim ng isang diktadurya. Siyempre, insulto naman ang sinabi kong iyon sa libu-libong pinatay ng rehimeng Marcos, pero sa totoo lang, minsan may appeal yung sinabi ng RAM na walang value ang iyong kinakamit na panlipunang pagbabago kung wala kang itinaya. Preferably, dugo. O sa panitik ni Simoun:

Ano ang kamatayan? Kawalan, o isang panaginip? Maihahambing ba ang mga katatakutan nito sa mga paghihirap ng isang isinumpang salinlahi? Kailangang wasakin ang kasamaan, patayin ang dragon at paliguin ang bagong bayan sa dugo nito upang sila’y lumakas at di-magugupo. Ano pa ba ang batas ng kalikasan, ang batas ng pag-aalit kung saan ang mahihina’y dapat malipol upang ang mga walang-silbing lipi’y di magtagal at nang di bumalik ang takbo ng mga nilikha? Tama na ang mga pambinabaeng pagdidili-dili! Sundin ang mga batas na ito, payabungin sila, at tataba ang lupa habang lalong nadidiligan ng dugo, at ang mga trono’y lalong titibay habang sila’y nakasandig sa mga krimen at bangkay! Huwag nang magduda, huwag mag-alinlangan! Ano ang sakit ng kamatayan? Isang saglit na damdamin, marahil nakakalito, marahil kasiya-siya, tulad ng paggising mula sa paghimbing. Ano ang winawasak? Kasamaan, pagdurusa – mga mahihinang damo, upang palitan sila ng magagandang tanim. Tinatawag mo ba iyang pagwasak? Dapat ito tawaging paglikha, paggawa, pagkandili, pagbuhay!

Pero ewan. Supposedly pinanghahawakan ko ang paninindigan ng sosyalistang demokrasya (hindi sosyalera¸ putek, alisin mo ang fluffy-shit na napupulot mo sa Starbucks, Rockwell o Emba). Na ang pakikibaka’t pagsusulong ng pagbabago ay sa pamamagitan ngpagsasalita, diyalogo, diskurso at pakikibahagi sa parlamentaryo ng lansangan. Na lahat ay madadaan sa salitaan at diskurso. Na ang tanging paraan ng dahas na puwede nating paghugutan ng lakas para lumaban ay ang ay dahas ng mga salita. Dahil sabi nga ni Napoleon, mas nakakatakot harapin ang isang diyaryo kesa sandaang kanyon.

Pero parang kulang e. Parang may mga tao talagang hindi dapat patawarin. Kumbaga sabi nga na “may mga hindi mapapatawad ang Espiritu Santo,” mayroon ding mga bagay na hindi tayo dapat patawarin kung tunay tayong Kristiyano at naniniwala sa katarungan.

Kagaya ni Gloria Macapagal Arroyo. Kagaya ng lahat ng mga kupal na trapong tinutularan ngayon ni Manny Pacquiao (siyempre, pwedeng-pwede natin idaan sa dirkurso ang pangangailangan sa mga trapo o etikong trapo sa pagpapanatili ng demokratikong espasyo). Ewan. Para bang may pakiramdam ka na sa mga ganitong panahon “hindi na sapat ang mga reporma at mga paki.” Kumbaga, sa etika ng MAGIS na sa malaking hamon ay higit na malaking tugon, ang isang malaki’t tandisang pambabalahura ay dapat gantihin ng higit pang pambabalahura sa mga maysalang kalaban ng bayan.

Kasi, isipin mo naman, ang sarap pakinggan nitong mga salitang to nung Miyerkules di ba?

Kayo ba ay minsan ring nalimutan ng pamahalaang inyong iniluklok sa puwesto? Ako rin. Kayo ba ay nagtiis na sa trapiko para lamang masingitan ng isang naghahari-hariang de-wangwang sa kalsada? Ako rin. Kayo ba ay sawang-sawa na sa pamahalaang sa halip na magsilbi sa taumbayan ay kailangan pa nila itong pagpasensiyahan at tiisin? Ako rin.



Kami ay narito para magsilbi at hindi para maghari. Ang mandato ninyo sa amin ay pagbabago – isang malinaw na utos para ayusin ang gobyerno at lipunan mula sa pamahalaang iilan lamang ang nakikinabang tungo sa isang pamahalaang kabutihan ng mamamayan ang pinangangalagaan.

Ang mandatong ito ay isa kung saan kayo at ang inyong pangulo ay nagkasundo para sa pagbabago – isang paninindigan na ipinangako ko noong kampanya at tinanggap ninyo noong araw ng halalan.

Sigaw natin noong kampanya: “Kung walang corrupt, walang mahirap.” Hindi lamang ito pang slogan o pang poster – ito ang mga prinsipyong tinatayuan at nagsisilbing batayan ng ating administrasyon.



Binuhay natin ang diwa ng people power noong kampanya. Ipagpatuloy natin ito tungo sa tuwid at tapat na pamamahala. Ang naniniwala sa people power ay nakatuon sa kapwa at hindi sa sarili.

Sa mga nang-api sa akin, kaya ko kayong patawarin, at pinapatawad ko na kayo. Sa mga nang-api sa sambayanan, wala akong karapatan na limutin ang inyong mga kasalanan.

To those who are talking about reconciliation, if they mean that they would like us to simply forget about the wrongs that they have committed in the past, we have this to say: there can be no reconciliation without justice. Sa paglimot ng pagkakasala, sinisigurado mong mauulit muli ang mga pagkakasalang ito.

Mga ilang ulit na rin naibahagi ni Prof. Ambeth Ocampo: “History does not repeat itself: we repeat history.” (Hindi inuulit ng kasaysayan ang kanyang sarili; tayo ang umuulit sa kasaysayan.) Medyo hindi ko magawang maging kampante na magagawa natin ang mga pagbabagong ito habang nakaamba ang punyetang balitang ito:

The former President and her son, Camarines Sur Rep. Diosdado Arroyo, filed House Resolution No. 8 calling for a constitutional convention (Concon) to propose amendments to the 1987 Constitution.



“We are aware that her heart has always been to amend the Constitution. That is not a surprise, that is something we will deal with together with our partners in the House,” presidential spokesperson Edwin Lacierda told reporters. “It is something that we are not bothered with, it is something we expected from the start.”

Lacierda said that Cha-cha was a “matter of numbers in Congress” and that if the Aquino administration succeeded in convincing members of the House that amending the Constitution would be untimely, “then that will be dead in the water.”

“Gloria is trying to test the waters,” said Ramon Casiple, executive director of the Institute for Political and Electoral Reforms. “It’s one way of polling members of the House and find out whether she still has the numbers.”

“Her proposal to change the Constitution could be a rallying point for congressmen who will not get positions under the Liberal Party-led House leadership,” Casiple said.

Other analysts said that while the Arroyo resolution posed no direct threat to the presidency of Benigno Aquino III, an early debate on Cha-cha could tie down Aquino’s legislative agenda at a time when he needs his reform program to take off.



House Resolution No. 8 states that the various proposals put forward to change the Constitution are vital to addressing the people’s needs and to making the country globally competitive.
It says the changes are best achieved through the least controversial method—the constitutional convention. The other prescribed modes for revising the Charter are through a constituent assembly and through a people’s initiative.

“Calling for a constitutional convention to propose amendments or revisions of the Constitution is the least divisive and the most transparent, exhaustive and democratic means of implementing constitutional reforms,” the resolution states.

“The ... Constitution contains certain provisions which have outlived their purpose and need to be revisited to institute much-needed socioeconomic and political reforms,” it adds.

Electing delegates to the Concon would also allay concerns that sitting officials would just want to take advantage of the constitutional changes.

“To dispel fears of promoting any vested interests among the incumbent elected officials, the election of delegates to the constitutional convention is necessary and desirable,” the resolution says.



Bayan Muna party-list Rep. Teodoro Casiño said that Arroyo’s move was cause for alarm, adding the threat of her eventually becoming a prime minister remained because lawmakers might just back her resolution to gain more power for themselves.

“That’s precisely one of the reasons she ran for Congress. The cat is out of the bag,” Casiño said.

“Remember, most congressmen want Cha-cha in order to abolish the Senate and make Congress more powerful.”

Another Liberal Party stalwart, Mandaluyong Rep. Neptali Gonzales, is proposing that the question of whether there should be a constitutional convention in the first place should be thrown to the people in a referendum.

“Let’s relieve Congress of this issue,” Gonzales said. “If the people say they don’t want (a constitutional convention), let’s stop it. If they say yes, we push for it with a new measure.”

Sige, given, kinatawan na lamang ng Pampanga si Arroyo. Malaki ang dipirensya ng kapangyarihan niya noon bilang Pangulo at ngayong nasa Kongreso lamang siya. Pero kailangan pa ba nating harapin ito? Gusto ba talaga natin ang ganitong proposisyon? Tinanong ba talaga ang Pampanga ukol dito? Siyempre, gaya ng Ilocos na “hindi bibitiw ang loyalty” kay Apo, ganoon nga siguro ang takbo ng sikmura ng mga tao doon ngayon. Kahit ba sabihin ni Frederic Schaffer na ang paglalatag ng repormismo at “clean and honest election” ay kadalasan nakakainsulto sa sensibilidad ng mga mahihirap (na naniniwala sa politika ng pakikipag-ugnayan at palitan ng mga kagamitan sa pagkakaibigan, na swak naman sa sinabi ni Aristoteles), ito ba talaga ang gusto ng mamamayan? Gusto ba talaga nila ang baguhin ang porma ng konstitusyon na inilalatag ng isang partidong matagal na nilang gustong paalisin sa poder? Paano natin matutulungan ang ating Pangulong makapagsimula tayong lahat sa landas na matuwid kung ang mga “kinatawan” natin ay ang mga datihang ungas pa rin?

Minsan, marami talagang interesanteng bagay sa proposisyon ng “good governance,” pero hangga’t hindi nito nagagawang mailatag ang mga talagang nais at kailangan ng mamamayan, anti-demokratiko pa ring paraan ng pagpapatakbo ito. At dapat lang sigurong isuka na natin ang pagkukumpara natin sa Singapore sa ating mga sarili: lungsod lang yan! Mas malaki pa nga ang Makati diyan e (isa pa siguro sa mga dahilan kung bakit nga nanalo si Binay).

Hindi madali ang baguhin ang isang lipunan: sure, Rome wasn’t built in a day. Pero parang hindi rin yata ayos na lumaban tayo na ang dala lang natin ay salita at mga reporma. May natitira pa rin sa aking damdamin na ang isang sambayanang handang manglipol at magbubo ng dugo ng mang-aapi (maski kababayan pa niya ito) lamang ang may kakayanang magtagal bilang demokrasya. Yung sinabi ni Padre Florentino sa panulat ni Rizal: “kapag ang sambayanan ay di handa, kapag lumaban ito sa pamamagitan ng panlilinlang at dahas, nang walang malinaw na pag-unawa sa kanyang ginagawa, mabibigo ang mga pinakamatatalinong panukala. At mabuti na ngang mabigo, dahil bakit mo ipapakasal ang babae sa lalake kung hindi niya ito lubusang mahal, kung hindi siya handang mamatay para sa kanya?”

Pero baka mainit lang ang ulo ko. Takot ako dahil mayroon ngayong posibleng makapagpadala ng pagbabago na haharangan na naman ng mga anti-politikal na elemento. Takot ako dahil pagod na pagod na ang mamamayan at ayoko nang mabigo sila sa kanilang mga pangarap. Dahil sa mga ganitong pagkakataon, kapag nabigo pa ang anumang layon sa reporma, dalawa ang puwede nating hantungan: ang mapilitang lisanin ang bansang ito at ang identidad na Pilipino, o ang tumungo sa larangan na may dalang tabak, rebolber, sumpak, tirador, boga, pillbox at molotob.

Molotob. Kaunting kibot lang ng kabiguan, baka magtapon na ako nito. At ang mga taong pagod na na pipiliin ang mamatay na lumalaban.

~O~O~O~

(Postscript: Ewan ko lang: antagal ko rin hindi nakapagsulat dahil hindi ko alam kung ano talaga ang dapat sabihin. Actually humaba lang ito dahil sa mga news clippings, pero nakita niyo naman na sa puntong ito ng buhay ko hindi ko talaga alam kung papaano haharapin ang mga posibleng panganib na haharapin nating mga lumalaban para sa tunay na pagpapatatag ng demokrasya. Baka senior syndrome lang din ito.)

Plurk