Maraming dumaan sa eskwelahan na ganyan ang tinakbo ng utak mula pagkabata hanggang mamatay. Hindi na bago tong kwentong to. Nag-aaral kasi gusto nilang umangat ang buhay. Nag-aaral kasi iyon ang tradisyon: nasa pamilya na na nasa eskwelahang ito sila nagsimula at magtatapos kaya dapat huwag sirain ang tradisyon ng pamilya. Nag-aaral ka kasi, gusto mong may patunguhan ang buhay mo, at sinasabi kong “may patutunguhan” sa imahen ng “may magandang trabaho, malaki ang kita, hindi nagugutom, may kaya.” Para maipagmalaki ng magulang, mag-anak at pamilya. Para respetuhin ng lipunan. Para maayos ang takbo ng buhay, may kasiguraduhan. Halos lahat naman yata tayo sa puntong ito takot sumugal kaya laging “play on the safe side.” Sumunod sa utos. Ang sumunod, may biyaya. Ang pasaway, may parusa. Simple di ba?
Pero sa dinami-dami ng sagot na yun, siguradong-sigurado ko, kahit hindi mo sabihin, maiisip mo rin yun: “pero hindi lang yun e.” Sa dami ng rason na ibinigay sa iyo ng ilang taon mong pamumuhay, hindi mo pa rin sasabihing iyon lang ang takbo ng buhay mo. Iyon lang ang tanging rason mo kung bakit mo ginagawa to. Kung mangyari man na yun nga lang ang sagot mo, iniisip mo: “maski hindi ok, matututunan ko namang mahalin to.” Tignan natin yun. Bakit mo gustong “matutunan mahalin” ang isang bagay? Kasi pakiramdam mo, andito ka na e. Ganyan talaga; sulitin mo na lang. Hindi mo man pinili, at kahit baliktarin mo ang panahon siguradong hindi mo mapipiling hindi piliin ito, ganito ang takbo. Kumbaga kinwento nga sa akin ng isang guro: “may pagka-tinapon ka sa lagay mo.” Nandyan ka sa pamilyang yan na pinahahalagahan ang edukasyon nang hindi mo pinili. Nandyan ka sa isang pamilyang wasak-wasak at hindi ka tinuruan kahit minsan ng kahit ano nang hindi mo pinili. Pero may nais kang gawin. May nais kang maabot. At ayaw mong papigil sa kung ano ang meron ngayon upang makuha mo ang nais mo bukas. Kaya kahit pakiramdam mo hindi mo talaga nais gawin ito, kailangan mo gawin, kasi may rason ka. Pinanghawakan mo na.
Kaya naman iisipin mo: “Nag-aaral ako dahil gusto ko, at gusto kong may marating.” Ipagpalagay natin: nais mong mag-aral dahil nais mong magkatrabaho nang matino. Nais mong maging maayos ang buhay mo. Nais mong yumaman, o kaya maging sapat ang hawak sa araw-araw. Kaya kailangan mo ng maganda, matino at maayos ang sweldong trabaho.
~O~O~O~
BAKIT AKO NAGTATRABAHO? Nasabi na natin kanina ang mga rason mo kung bakit ka nag-aaral, para makarating ka sa puntong nais mo magtrabaho. Nagtatrabaho ka dahil ika nga, kailangan mo mabuhay. Kailangan ng pantustos. Kailangan mo para mabayaran mo ang magulang mong gumastos sa iyo ng ilang taon sa araw-araw; consuelo de bobo ika nga (tignan mo mamaya uli yung sinabi ko ha; “consuelo de bobo). Nais mong magkaroon ng maayos na trabaho kasi kailangan mo iyon kung magtatayo ka na ng sariling pamilya, at nais mo na pag nagtayo ka ng sariling pamilya, matutustusan mo sila kagaya ng pagtustos sa iyo ng magulang mo. Simple di ba? Halos pareho ng nasa itaas.
~O~O~O~
BAKIT NAIS KO MAGKAPAMILYA? Nais mo ituloy ang lahi, gaya ng naituro sayo ng magulang mo. Nais mo rin maranasan ang maging magulang para makapagbayad-utang ka sa pagtitiis sayo ng magulang mo noong ikaw naman ang pinapalaki nila: consuelo de bobo uli. Dahil nais mo lumagay sa tahimik. Nais mong may uuwian ka, may nagmamahal sayo at mamahalin mo, na magbibigay kahulugan sa buhay mo.
Hindi mo ninais magkapamilya “bago” mag-aral at magkatrabaho dahil alam mong komplikado to, pangmatanda lang. At hindi ka pa naman matanda. (Pansin mo yun, maraming nagsasabi ngayon na ayaw nila tumanda?) Siyempre, takot sila sa responsibilidad, nais muna nila maging malaya. Nais nila maging handa sa tamang panahon.
~O~O~O~
At sa huli, ipapasa mo ang mga kaalamang ito, ang mga rasong ito, ang mga pagpapahalagang ito, sa magiging anak mo. Kung itatanong niya sa iyo kung bakit ganun, sasabihin mo: ganoon talaga e. Sumunod na lang. Huwag na maraming tanong. May silbi naman lahat iyan, malalaman mo pagkatapos mo maranasan. Hindi mo na pinag-iisipan, kasi naniniwala ka naman na hindi ka lolokohin, na mabuti ang intensyon nila kaya nila pinagagawa sa iyo ang mga bagay na hindi ka talaga okey sa simula pero sinusubukan mong “matutunang mahalin.” Na hindi sila nagkakamali: di ba nga naman, kung mali itong mga ito, e bakit pa ginagawa ng lahat at ng kapwa mo?
At sa mga huling tanong na iyan, diyan na tayo nagkakatalu-talo.
~O~O~O~O~O~
Paano pala kung mali ang mga ikinuwento sa iyo ng mga kamag-anak mo, ng mga magulang mo, ng mga kaibigan mo? Paano kung yung mga pinanghahawakan mong hindi mababali e makita mo pala biglang sira, hindi mapagkakatiwalaan? Paano kung pakiramdam mo niloko ka lang?
Maraming nang sumagot nito. Nagrebelde. Hindi na nakinig sa awtoridad. Itinapon ang buhay. O, sa mas “malalang paraan”, gaya ng sabi ng mga magulang at nakakatanda mo, at isa sa mga simpleng dahilan kung bakit ayaw ng mga kamag-anak mo o ng mga nakakatanda sa iyo na pumasok sa isang pampublikong paaralan o unibersidad: MAGING AKTIBISTA.
~O~O~O~
Bakit tayo takot na maging aktibista? Ano ba ang depinisyong itinuro nila satin ng aktibista? Mareklamo. Hindi sumusunod sa utos. Hindi nakikinig sa matinong usapan. Nanununog. Sasali sa NPA. Magiging kriminal. Mamamatay. Aaksayahin ang buhay sa pagrereklamong walang katuturan.
Sino nagsabi? Ang mga magulang mo na pinagkatiwalaan mong hindi nagsisinungaling sayo. Ang mga kaibigan mong tinuruan din ng mabubuting magulang. Ang administrasyon na pinagkatiwalaan mong hindi ka ginogoyo. Ang mga nakatataas sayong sinasabihan kang sundin lang ang dati mo nang ginagawa para gumanda at guminhawa ang buhay. Yung mga dati nang parte ng buhay mo. At siyempre, hindi mo iisiping nagkakamali sila. Hindi mo iisiping hindi nila pinag-isipan yun.
Pero sa totoo lang, sabihin man nilang pinag-isipan nila yun, kung wala silang pinag-isipang ihahambing doon, hindi talaga nila pinag-isipan yun. Kung sumunod-sunod na lang, hindi nila pinag-isipan yun. Hindi sa minamata ko sila, pero kailangan nila aminin yun: hindi nila pwede angkinin ang di nila alam. Kaya nga consuelo de bobo di ba: consuelo – pampanatag, panigurado. Bobo – hindi alam. Panigurado ng hindi alam. Kasi hindi mo nga pinag-isipan. At natatakot ka na pag pinag-isipan mo na, hindi ka na matatahimik sa buhay mo.
~O~O~O~
PERO BAKIT NGA BA MAY NAGIGING AKTIBISTA? May pinaglalaban, ito sasabihin nila. Madali sa kanilang bigkasin ang mga teoryang panlipunan, ang paniniwala sa di-pagkakapantay-pantay, ang eksploytasyon ng mga manggagawa’t mahihirap ng sistemang piyudal-kapitalista-burukr
Pero hindi pa rin nasasagot ang tanong di ba: BAKIT? Kasi may kawalang-katarungan. Kasi iyong iniisip mo dati para sa sarili mo, naisip mo: bakit ako lang ang dapat makinabang sa mga biyaya ng mabuti’t maayos na buhay? Bakit parang hindi ko inisip kahit kailan na may kapwa ako na dapat ko paglingkuran. Bakit kailangan ko mabuhay at magkamal kung pwede namang simple lang ang buhay? Bakit kailangan ko sundin ang dikta ng merkado na bilhin ang ganito at ganyang bagay na hindi ko naman talaga kailangan? Bakit ko pagsusumakitan ang mangalap ng labis-labis sa kailangan ko e hindi ko na nga maisaayos at ma-enjoy ang mga bagay na mayroon na ako dati? Bakit ko aagawan ang iba na hindi na nga makakain ng perang gagamitin ko lang naman dahil natripan ko lang bumili ng isang kape sa Starbucks na umaabot ng P200+ pesos? Tangina mehn, kape, 200? E isang linggong hapunan na yun ng iba! Hindi ka ba nahihiya sa balat mo?
~O~O~O~
Madali rin naman sagutin itong rason na to e: hindi ko kasalanan iyon. Pinaghirapan ko to. Binigay to sakin ng magulang ko, ang pinaghirapan nila para sakin: bakit ko aaksayahin sa di ko kilala? Tamad sila kaya sila ganyan. Magsumikap sila! Hindi sila sumunod sa magulang nila e, hindi sila sumunod sa sistema e; dapat lang sa kanila yan!
Pero ang problema, hindi na sila ang may kasalanan, ang sistema mismo. Kung ang sistemang ito ay magpapayaman lamang sa dati nang meron at iiwan sa kangkungan ang milyun-milyong nahihirapan, palagay mo ba patas yun? Di rin ba sila taong kagaya mo? Wala rin ba sila karapatan sa mga bagay na tinatamasa mo na dati pa, sila na hindi nakaranas nito kahit minsan?
~O~O~O~
Iisipin ko nakunsiyensiya ka na sa sinabi ko: kung hindi pa, patapusin mo muna ako tapos saka ka magsulat sa comments section. Pero iisipin mo rin: oo, tama, hindi makatarungan, kailangan baguhin. Pero may mga pinoprotektahan din ako e. Gusto kong maayos ang pamilya ko. Wala akong panahon baguhin ang lipunan dahil may tiyan akong pakakainin. At siyempre, yun namang mga aktibistang kilala na natin, tutuyain ka. Isa kang walang-kwentang petiburgis. Isa kang makasarili. Isinusumpa ka ng bayang nag-aruga sayo, at humanda ka sa paghihiganti ng prente. Kumbaga, dahil hindi ka lang umayon, kalaban ka na nila. (Mga kaibigang Kaliwa na makakabasa nito, huwag niyo itangging hindi niyo inisip to. Baka nag-iba ang panahon: sabihan niyo ako).
Pero nanatili doon ang tensyon ng mamamayan sa politika’t lipunan. Susunod na lang tayo sa takbo ng kasalukuyang sistema dahil komportable, dahil ligtas, dahil kahit papaano may kinikita. Ang sumasalunga, itinatakwil ng lipunan. Hinahabol na parang hayop. Pinapatay ng Estado. Ang aktibista naman, ipangangalandakan sa mundo na siya lang ang nakakaintindi sa lipunan. Na dapat mo siya pakinggan at kapag hindi ka nakinig, pasensyahan na lang, wala na kayo ugnayan. Dahil nakamarkado ka na sa takbo ng isip niya. Tinutuya ka dahil hindi mo kaya magsakripisyo nang higit para sa bayang tinatawag ang tulong mo. Walang pinagkaiba sa sinabi ni John F. Kennedy: “Huwag mo tanungin kung ano ang magagawa ng bayan mo para sa iyo, kundi ano ang magagawa mo para sa bayan.”
Pero hindi ba yun nga ang punto kung bakit may naghimagsik sa simula pa lang: kais nga gutom ang marami? Kung yung gutom na yun e masasabit sa laban sa pagpapalaya, hindi kaya nagkakamali? Kung yung nais bigyan ng kalayaan mula sa mga tali ng buhay niya e hindi makumbinsing nakatali siya kaya siya hindi malaya, hindi kaya may problema din ang nagsasalita? Hindi rin kaya sa sobra namang pagpapahalaga sa pagkilos para sa pagkilos, hindi na swak sa orihinal na layuning magpalaya?
Siyempre, sa mga nanghinawa na sa walang-isip na pagkilos na kinahinatnan ng mga kilusang ito, sinabi na natin: mag-isip muna tayo ng tamang gawin. Huwag muna tayo kumilos. Pabayaan muna natin na ganyan tapos saka tayo lumusong kapag alam na talaga natin ang gagawin. Pero ang tanong: sigurado ka ba talaga na alam mo kung kailan ang tamang araw na darating? Katapusan na ng buhay mo hindi ka pa kumikilos, kahit yung paun ti-unting tinatawag mong “neo-liberal,” “dole-out,” at kung ano pang ek-ek?
~O~O~O~
Nananatili yung tanong. Nananatili ang takbo ng buhay mo. Nananatili ka sa isang kalagayang ang ipinagmamalaking halaga ng lipunang ginagalawan mo ay kung sino ang makakakuha ng pinakamarami. Kung sino ang makakapagkamit ng magandang buhay. Itinuturing niyang tanga at masyadong mabait ang mag-iisip ng kapakanan ng kapwa, kahit ipinagmamalaki niya na sumasampalataya siya sa isang relihiyon na ang tinuturo ay ibigin ang kapwa na gaya ng sa kanyang sarili.
Babangon ka sa umaga, mag-aayos ng gamit, tutungo sa kung ano man ang gawaing ipinagpapalagay mong siyang tunay na dapat takbuhin ng buhay mo.
Kung nananatili kang nasa “safe-side,” nabubuhay ka para sa iyong sarili, at kahit pumupunta ka sa simbahan at kinakanta mo na “walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang,” sinong niloko mo?
Kung nananatili kang kumikilos para sa pagbabago ng lipunan nguni’t nananatili ka sa iisang pananaw at perspektiba, na wala kang paggalang sa pananaw ng iba at ipagpapalagay mong lagi kang mas may alam ka sa kanila, sinong makukumbinsi mo?
Anuman ang ginagawa mo iniisip mo nakakatulong ka sa pagtakbo ng makina ng lipunang ito. O kaya nakakatulong ka sa paglikha ng bagong makina ng lipunang ito. Pero ang tanong: kelangan ba talaga natin ng makinang nagpapatakbo sa lahat na lang ng aspeto ng buhay natin? Kailan ka titigil saglit at iisipin mo naman: hindi lang ako ang narito. Hindi lang ang mga nakikita ko ang kasama ko sa mundo. May kasama ako. At hindi lang yung iniisip ko o itinuturing kong kasama ko ang tunay na kasama ko.
Kailan mo iisiping magpahinga kahit minsan? Yung pahingang nagbibigay ng linaw sa lahat ng ginawa mo dati, ginagawa mo ngayon, at posibleng makatulong sayo sa paggawa mo bukas? Yung masasabi mong “kahit hindi sigurado, alam ko may katuwiran ang ginagawa ko. Lundagin mo beybeh!”
No comments:
Post a Comment