Saturday, July 17, 2010

Punong-Puno na Sa Pamumuno?

Isang pananaw sa mga unang araw ng pagtakbo at retorika ng pamahalaan ni Pangulong Benigno Aquino III

Sa katotohanan, kinatatakutan ng burgesya ang kamangmangan ng masa kapag sila’y nananahimik, at ang kanilang pananaw kung sila’y naghihimagsik.
- Karl Marx, Ika-18 Brumaire ni Luis Bonaparte

Nakakadalawang linggo na mula nang ating tanghalin si Benigno Simeon “Noynoy” Cojuangco Aquino III bilang ikalabinlimang Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Bilang isang mamamayang nahubog ang pananaw-politikal sa maliligalig na panahon ng pamamahala nina Joseph Ejercito “Erap” Estrada at ni Gloria Macapagal-Arroyo, nauunawaan ko ang malawakang pananabik at matatayog na pangarap ng ating mga kababayan sa kanyang maaaring maibigay para sa pagpapayabong ng pamumuhay ng mamamayang Pilipino. Napakadaling makisali sa mga mapagdiwang na pahayag na ibinabandila ng mass media at ng mga kasapi sa mga kilusang repormista ng panggitnang-uri na siyang nanguna upang ipahayag ang mensahe ng pagbabago sa pagtungo sa “daang matuwid,” isang daan kung saan ang katiwalian ay walang puwang upang sirain ang tiwala’t ugnayan ng pamahalaan at sambayanan. Kung saan ang pamahalaan ay maituturing na lingkod ng sambayanan at ang mamamayan ay siyang magiging kaakibat upang makamit ang mga layuning pangkalahatan ng ating bansa’t bayan. Isang “bagong simula,” ika nga nila.


Takot Na Kami Masaktan

Sa kabila nito, marami rin sa mga nagmamasid ang nag-aagam-agam: masyadong masaya’t nananabik tayo na tila baga ang pagpanaog ni Aquino sa MalacaƱang ang siyang susi sa malawaka’t malakihang pagbabanyuhay ng politika’t ekonomiya ng Pilipinas sa ngayon. Na para bagang siya, sa kanyang pagkatao bilang tagapagmana ng mito ng tanod ng demokrasya mula sa kanyang mga magulang na sina dating Pangulong Corazon at Senador Benigno “Ninoy” Jr., ay nakatali at nakatadhanang “iligtas” ang Inang Pilipinas mula sa mga kuhilang Kinatawan sa kamara na walang ginawa kundi ang magpataba at ibulsa ang kuwartang ibinubuwis ng mamamayan pagkatapos ng suson-susong paghihirap. Na tila baga ang kanyang kamuntiang pagkakamali ay ating ipag-aalsa’t siyang wawasak nang lubusan sa pag-asa ng mamamayan sa mga demokratikong institusyon. Na para bagang masyado yata tayong ambisyoso, baka pag pumalpak, e malilintikan rin lang pala tayong lahat.

Kauna-unawa ang mga agam-agam na ito, sapagka’t naipit at nabaon sa isang mapagsisi’t walang-tiwala sa sariling kalagayan (self-hating and reproachful state) ang ating mga mamamayan sa ilalim ng siyam na taon ni Gloria Arroyo, na tandisang sumira sa mga institusyong panlipunan at nagwalang-bahala sa interes ng mamamayan sa kabila ng kanyang pagkakalagay sa puwesto noong 2001 sa pamamagitan ng ikalawang himagsikang-bayan (“people power”) sa EDSA. May takot sa atin na magtiwala ulit sa institusyon sa agam-agam na tayo na naman ang maituturong maysala kung magkaloko-loko na naman ang mga bagay-bagay. Nguni’t hindi ito makatarungan para sa ating mga sarili, kung nais natin talagang panatilihing demokratiko, maka-Diyos, makatao at makabayan ang ating lipunan. Tungkulin natin na manatiling mulat, may paninindigan at manatiling nakamatyag upang tiyakin na ang ating mga narinig na gagawin ay tunay na maisagawa ng kasalukuyang administrasyon. Na sana nga ang telos (patutunguhan) ay nakikita sa lakad ng bayan ngayon. Minsan ngang ibinahagi ng kapwa natin mga Atenista, ang SpongeCola: “dehado kung dehado, para saan pa ang mga galos mo kung titiklop ka lang?”


Samantalahin, Huwag Pagsamantalahan

Marami sa ating nagitla at lumundag sa tuwa nang marinig natin si Pangulong Aquino na ipahayag sa Quirino Grandstand noong ika-30 ng Hunyo na “kayo ang boss ko.” Ngayon lamang tayo, kung tutuusin, nakarinig ng isang pinuno ng bansa na kinilala ang kanyang utang na loob hindi sa mga kauri niyang nakaririwasa na nangampanya at gumastos para sa kanyang kampanya, hindi sa mga may-kapangyarihan sa lokal na nibel, at hindi sa mga institusyonal na padron kundi sa mamamayang humalal sa kanya sa unang automated na halalan sa kasaysayan ng bansa. Totoo, hindi madaling paniwalaang naging malinis ang halalan, hindi madaling paniwalaang hindi nakibahagi si Aquino sa mga tradisyunal na paraan ng pagkalap ng boto (na kung pagbabasehan ang mga nakatakdang batas ngayon ay itinuturing nang krimeng ikabibilanggo), kalokohang sabihing walang bahid-dungis ang halalang ito na hindi binago ang mga dinamiko, nguni’t hindi makatarungang sabihing nanalo lamang si Aquino dahil ibinoto siya ng ignoranteng masa na namanipula ng mga institusyon ng burgesya at ng kleriko-pasistang Simbahan (na natitiyak kong narinig niyo na sa mga tagasuporta nina Manny Villar, Richard Gordon at Gilbert Teodoro: huwag niyo sila pakinggan, pikon lang ang mga yan).

Dala nito, may mga taong nangahas nang magtakda ng kanilang mga nais at banta sa kasalukuyang administrasyon kung hindi ito magagawa. Pinalaki na natin ang minsanang pagtuya ni Aquino sa “wang-wang” upang siya mismo’y pagbawalan nating mag “wang wang” kahit mahuhuli na siya sa mga pulong dala ng trapik. Isang batikang brodkaster nga ang nangahas magsabing “dapat hindi na rin lumalabas si Noynoy kapag Lunes dahil coding ang plaka niya.”

Hindi lisensya ang pagkilala ng ating Pangulo sa ating halaga upang putaktihin siya na sundin ang ating balang naisin bilang mga kabahagi ng taumbayang “hindi nag-iisip at sumusunod lamang sa galaw ng tiyan.” Nararapat nating tandaan na sa ating paghalal kay Aquino, ating pinili siyang upang gabayan ang kilos ng mga aparato ng estado at lipunan at hindi karapat-dapat na baliin natin ang kaniyang plataporma de gobierno dala ng ating posibleng makitid na isipang iniisip lamang ang kakanin bukas. Bilang kabahagi ng isang pamayanan, tungkulin natin bilang Pilipino (at bilang taong may kinikilalang mabuti) na mabuhay nang may pagpapahalaga sa kapwa. Kailangan nating kilalanin na ang pakikibahaging politikal ay hindi isang paraan upang magkamal para sa sarili, kundi upang tiyakin na nanatili ang ugnayan natin sa ating kapwa sa mahinusay at mapagyabong na paraan.

Ano ang pinagkaiba natin sa mga trapo at mangungurakot sa mga sangay ng pamahalaan na binabaliti ang kanilang kapwa para sa kanilang sarili kung ating gagawin ito? Ano naman ang pinagkaiba ng isang Pangulong iisipin maski ang pinakamaliit na kibot ng kanyang leeg at kung paano ito makakasama sa sensibilidad ng tao sa isang aliping saguiguilid? Hindi ito makatuwirang kilos, at pinapatunayan lamang natin na tayo’y mga utak-alipin pa rin, sapagka’t “sumusukob sa mang-aalipin ang nangingibig na hindi lumaya.”


Higit Sa Lahat, Magpanagot

Sa pagsasabi kong hindi natin dapat samantalahin ang pagkilala ni Pangulong Aquino sa ating tinig, hindi natin isinasama dito ang katotohanang pangunahing karapatan nating humingi ng katarungan sa mga pampublikong institusyon. Hindi dapat kaligtaang si Pangulong Aquino mismo ay hindi pa rin sinasagot nang mahinusay ang mga patayan sa Hacienda Luisita na pagmamay-ari ng kanyang angkan. Hindi natin dapat kalimutan ang katotohanang nangangahas nang maghain ng kaduda-dudang mga pagbabago sa Saligang-Batas si dating Pangulong Arroyo na ngayo’y kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga. Hindi natin dapat kalimutan ang daan-daang mamamahayag, aktibista at mga inosenteng mamamayan na pinaslang ng mga galamay ng rehimen ni Arroyo at hindi pa rin napaparusahan magpasahanggang ngayon. Hindi natin dapat kalimutan na ang ating mga kinatawan sa Mababang Kapulungan ay ang mga dating pangalan pa rin na sumuporta sa mga interes ng tiwaling pamahalaan at pumatay sa mga batas na sana’y nakapagbigay-kapangyarihan sa mamamayan para sa demokratikong pagkilos.

Dito natin marapat ibuhos ang ating pagkilos bilang mga mamamayang nagnanais ng pagbabago. Marapat nating bantayan at palaging paalalahanan ang ating Pangulo’t ang burukrasyang sumusuporta sa kanya na tungkulin nilang linisin at panariwain ang tiwalang ginutay-gutay ng mga rehimen nina Estrada at Arroyo. Karapat-dapat lamang nating panoorin ang mga nagaganap sa ating pampublikong lunan at pagdudahan din ang mga samu’t saring opinyon na dati’y tinatanggap na lang nating basta-basta.

Ibinahagi ng Hudyong manunulat na si Hannah Arendt na “ang pagpapatawad lamang ang tanging kilos na hindi lamang tugon kundi isang bagong kilos na di-inaasahan, di-tinakda ng kilos na nagbunga noon, at pinalalaya sa mga kahihinatnan nito ang nagpatawad at pinatawad.” Nangyayari lamang ang pagpapatawad na nagbubungang mahinusay kung ang katarungan ay naigawad sa maysala, kahit sa anyo ng mabigat na parusa. Kung tunay na ibinabandila ng pamahalaang Aquino na “walang pagpapanumbalik kung walang paggawad ng katarungan,” hinihingi nito na tayo bilang mamamayan ay manindigan na ang mga maysala ay magiging karapat-dapat lamang sa awa ng taumbayan kapag sila’y nalatayan na ng hagupit. Hindi naghihilom ang isang malalim na sugat kung hindi dadaan sa masakit na proseso ng pagtatahi nito.

No comments:

Plurk