Wednesday, September 23, 2009

SA PAGSASATINIG NG IBA: Isang Pagsusuri sa Pelikulang “Sister Stella L” sa Konteksto ng Talaban sa Pagitan ng Postmodernismo at Postkolonyalismo

(Panimula: Ang sulating ito ay ang burador ng isang papel na aking sinulat para sa asignaturang Fil 108.2: Critical Studies: Postcolonialism in Philippine Literature. Sapagka't nabigyan na ito ng puna at kailangang baguhin, marahil hihingi na rin ako ng tulong sa iyo, aking mambabasa, kung paano pa ito maisasaayos at mapapabuti, liban sa katotohanang tila nagkulang sa malinaw na tindig ang sulatin.)

Mga Tinig Sa Ilang

Sa tuwinang napag-uusapan ang suliranin ukol sa emansipasyon, hindi maiiwasang mabanggit ang pakikibaka ng mga kabilang sa mga uring nakabababa sa isang kalagayan kung saan pinipigilang labis ang kanilang karapatan. Sa tuwing mababanggit ang kanilang pagka-api, nagiging pangunang palagay na kailangang itanghal ang kanilang sarili bilang mga taong mayroon ding karapatan sa pagkilala at paggigiit. Sa ganitong layon, nagpupumilit silang itatag ang sarili bilang lehitimong identidad na siyang magbibigay sa kanila ng karapatan na makibahagi sa kalakaran ng daigdig kung saan itinuturing sila bilang isang “abnormalidad,” isang sakit na tila baga kailangang alisin.

Mapupuna na sa halos lahat ng retorika ng mga uring manggagawa (1) at sa iba pang mga kilusan sa emansipasyon, namamayani ang tinig ng pagnanais na makilala at mabigyan ng tinig upang maihantad ang kanilang mga hinaing. Gayunman, hindi rin maiiwasan na maalala sa ganitong usapin ng emansipasyon ang minsan nang tinuran ni Gayatri Chakravorty Spivak ukol sa namamayaning suliranin na hinaharap ng lahat ng usapin ukol sa pagbibigay ng tinig sa mga hindi dinirinig:

Para sa isang tunay na pangkating subaltern, na ang pagkakakilanlan ay ang kanilang ka-Ibahan, walang di-makakatawang suhetong subaltern na makikilala’t makakapagsalita para sa kanyang sarili; ang solusyon ng intelektwal ay di ang magpigil sa pagkatawan. May suliranin pagka’t ang layon ng suheto ay di matagpuan upang maganyak ang kakatawang intelektwal. Sa may katandaang wika ng pangkating Indian, ang suliranin ay, Paano masasalat ang kamalayan ng mga tao kahit sinusuri natin ang kanilang politika? Sa anong tinig-kamalayan makapagsasalita ang subaltern? (2)

Kung susundin ang argumento ni Spivak, tila baga namamayani ang pagnanais na marinig gayong hindi naman talaga nilikha ang kalagayan at kaayusan sa pagitan ng mga api at namamayani upang marinig ang una ng huli. Mahalagang tandaan na sa postmodernong kalagayan, “ang pagiging rasyonal… na nagtatakda sa pagsusulat na pinalaki at pinarahas ay hindi na nagbubuhat mula sa isang logos. Dagdag pa rito, itinatatag nito ang pagkawasak, hindi ang pagsira kundi ang pagkalusaw, ang pagkakalas, ng lahat ng pagpapahalaga na nagbubuhat mula sa logos.” (3)

Lumalabas na tila baga napawawalang-saysay ang pagkilos ng mga api para sa emansipasyon na kanilang nilalayon. Kung susundin pa ang argumeto ni Spivak, maling-mali ang tinuran ni Karl Marx na “[ang proletaryo] ay sa gayon hindi maigigiit ang kanilang interés pang-uri sa kanilang sariling pangalan, maging sa parliyamento o isang pagpupulong. Hindi nila maisasakatawan ang kanilang mga sarili, kailangan silang katawanin.” (4) Subali’t, kung walang halaga ang kaayusan, batay sa pagbasang postmoderno, at naisasaproblema lamang, papaano pa maitatag ang identidad para sa mga api? Paano mabibigyan ng tinig ang mga hindi dinirinig kung hindi sila maririnig ni makakapagsalita?

Ito ang suliraning sinisikap bigyang-linaw ni Simon During sa kanyang pagtatangkang pagtalabin ang nagbabanggaang mga paniniwalang pinanghahawakan ng mga teorista ng postmodernismo at postkolonyalismo. Sa ganitong konteksto natin titignan ang kaayusan ng lipunang Pilipino sa ilalim ng rehimen ng Pangulong diktador na si Ferdinand E. Marcos, batay sa paglalarawan ni Mike de Leon sa salaysay ng isang madreng namulat sa namumuong sigwa na kinasasangkutan ng liping manggagawa habang kanyang sinisikap kilalanin ang kanyang sarili bilang alagad ng Simbahan, bilang isang babae, at bilang isang mamamayan. Sa pelikulang “Sister Stella L” na pinagbidahan ni Vilma Santos mababanaag natin ang sala-salabid na mga usaping madalas maisantabi tuwing lumulutang ang tunggalian ng mga liping “mayroon” at “wala,” at kung paanong magagawang mapagsama-sama sila sa iisang laban upang makamit ang kanilang parehong mga layunin.

“Hindi Puwede Dahil Lang...”

Marapat tandaang naipalabas ang pelikulang “Sister Stella L” noong taong 1984, mga ilang buwan matapos sumambulat sa buong daigdig ang walang-habas na pagpaslang kay Senador Benigno “Ninoy” S. Aquino Jr. Hindi maitatatwa na sa panahong ito ay muling nasasaalanganin ang lipunang Pilipino na sumambulat sa isang pag-aaklas bunga ng matinding galit na binunga ng krimeng ito. Kaya marahil hindi nakapagtataka na ituring sa pasimula na isang mapangahas na kilos ang likhain ang isang pelikulang tumatalakay sa mga suliraning mismong ipinaglalaban ng mga sektor na malaon nang kinondena ng rehimeng Marcos bilang “makakaliwa.” (5) Nagkaroon sa mismong produksyon ng pelikula ng mga suliraning estetikal laban sa hinihingi ng mga may-salaping popondo sa pelikula. (6)

Natutuon ang salaysay sa unti-unting pagkamulat ni Sister Stella Legaspi, isang madreng nangangalaga sa mga nagugulumihanang dalagitang ina sa Caritas, sa mga isyung sosyo-politikal na nagaganap sa labas ng kumbento. Sa simula, nakakaramdam siya ng tila pananabang at kayamutan sa kanyang tungkulin ng pagbabantay sa dalagitang si Gigi (ginampanan ni Gina Alajar) na lubhang nahihirapan, pisikal at sikolohikal, sa kanyang pagdadalang-tao at kawalan ng suporta ng lalaking nakabuntis sa kanya. Nang siya’y dalawin ng kapwa madreng si Sister Stella Bautista (sanhi ng tawagang “tukayo”) at makumbinsing panandaliang lumabas sa kumbento, unti-unti siya nitong ipinakilala sa mga gawain niyang noo’y itinuturing na “radikal” ng kumbentong kinabibilangan nila. Mga ilang ulit na ring napilitan si Sister Stella B (binigyang-buhay ni Laurice Guillen) na piliing lisanin ang orden upang magawang tulungan ang mga nagwewelgang manggagawa ng Republic Oil Company sa kanilang mga hinaing ukol sa mas mataas na pasahod at makatwirang ugnayan sa pagitan nila at ng may-ari. Madalas ipagkibit-balikat lamang ng matapang na madre ang mga babala’t pagpupumilit ng Mother Superior ng kanilang orden na ang kanyang gawai’y taliwas sa tindig ng Simbahan na huwag makihalubilo sa politika, habang sinasabing “hindi lang nila masabayan ang mga malalaking pagbabago sa Simbahan ngayon; nilalakad na ng Simbahan ang pagtatanggol sa karapatan ng mga naaapi’t dukha.”

Maipapalagay sa unang tingin na ibang-iba ang kalagayan nina Sister Stella L at Sister Stella B: ang una bilang isang batang madre na nag-aalinlangang tulad ni Hamlet kung marapat ba o hindi ang kanyang sinusuong na pagsuway, at ang huli bilang matatag na babaeng handang ipaglaban ang makatarungan kahit taliwas ito sa mga kautusan. Ganito ang pagtatambis na ginawa ng peryodistang si Nick Fajardo (ginampanan ni Jay Ilagan) na ginawan ng artikulo ang buhay ni Sister Stella B, na may halong panunuya kay Sister Stella L bunga na rin ng sama ng loob niya dito bilang kanyang dating kasintahan. Madaling sabihin, katulad ng pagpapagalit ng kanyang patnugot (sa pagganap ni Liza Lorena) sa kanya, na isa lamang itong usapin ng kanyang nainsultong pagkalalake. Gayunman, makikita nating mayroon pang mas mabigat na dahilan kung bakit magiging mahirap sa mga nabanggit na karakter ang ituring kaagad ang kaayusang ito bilang marapat para sa mga babae.

Nguni’t maaaring ituring bilang isang masamang panguna ang mga naunang pagbasa na pinagtitibay ang tinawag ng peministang manunulat na si Adrienne Rich na compulsory heterosexuality o “sapilitang heterosekswalidad,” isang kaayusan kung saan nakakahon ang pagkababae ng babae sa kung ano ang sasabihin ng namamayaning sistemang patriyarkal, isang sekswalidad na inihahain sa mga pagnanasa ng mga lalake. Sa konteksto ng pakikibaka ng mga madre para sa pagkakapantay-pantay ng uri, hindi rin maiwasan na maisantabi ang usapin ng mga babaeng manggagawang katulad ng asawa ng lider ng unyon na si Ka Dencio, si Nanay Auring, at si Soledad. Aniya,

Sa katotohanan, ang pagawaan, sa mga institusyong panlipunan, ay isang lunan kung saan ang babae ay natuto nang tanggapin ang panggagahasa ng lalaki sa ating mga hangganang pang-isip at pangkatawan kapalit ng pag-iral; kung saan ang babae ay tinuruan – malamang ng panitikang romantiko o ng pornograpiya – na tignan ang sarili bilang biktimang sekswal. Ang isang babaeng nagtatangkang takasan ang gayong panggagahasa, kasabay ng kakulangang ekonomiko ay malamang magpakasal bilang uri ng inaasahang proteksyon, gayong wala rin naman siyang dalang kapangyarihang sosyal ni ekonomiko, at sa gayon pumapasok sa isang institusyong siya’y api pa rin. (7)

Sa kontekstong inilalarawan ni Simon During sa kanyang sanaysay na Postmodernism or Postcolonialism Today, nagiging tila isa lamang dagdag na pang-aapi rin ang pakikibahagi ng isang api sa isang kilusang nagsisikap pagsama-samahin ang iba-ibang “tinig ng api” upang ipakita ang “iisang mukha ng mga api,” gayong hindi totoo na iisa lamang ang mukha ng api.

Maaari nating tahasang ituring ang isiping postmoderno... bilang ang kaisipang tumatangging ituring ang Iba na Katulad. Sa gayon itinatatag nito ang isang lunang teoretiko para sa itinatanggi ng postmodernismo: ang kaibahan. ... Marahil di-pangkaraniwan, ang post-kolonyalismo ay itinuturing bilang kailangan, sa mga bansa o pangkat na biktima ng imperyalismo, na makapagtatag ng identidad na di-narumihan ng unibersalista o Eurosentrikong konsepto at larawan. Nagiging masalimuot ang argumento, dahil ang post-kolonyalismo ang bumubuo sa isa sa mga Ibang nagnanais umasa at mapapaging wasto ng unang aspeto ng postmodernong pag-iisip, ang pagtanggi nitong ituring ang Iba na Katulad. (8)

Makikita kung papaanong maituturing na nagiging mapaniil, kung susundin natin ang postmodernong pagbasa, ang mga ugnayang kinabibilangan ng mga tauhan sa iba pang kapwa nila tauhan. Nasisiil si Nick bilang peryodista ng kanyang patnugot sa paghahantad ng mga totoong nagaganap sa piket ng mga manggagawa ng Republic Oil, nguni’t ang kanya mismong sariling perspektiba ay maaaring nawawala rin ang tinig ng mga manggagawa sa pagnanais niyang maipasa ito sa imprenta. Kahit sinisikap ni Sister Stella L na mabigyang-tulong ang mga manggagawang pinili niyang ipaglaban, napabayaan din naman niya ang una niyang tungkuling gabayan si Gigi na sa bandang huli’y napilitan ding magpatiwakal, bunga ng maling akalang nagiging “pabigat” na lamang siya sa mga nakapaligid sa kanya. Itong mga ganitong suliranin din ang nagpipilit sa mga tauhan na timbangin kung alin ang mas may maliit na opportunity cost sa kanilang konsiyensiya, kung kailan “hindi maiiwasan ang magdesisyon kung ano ang tama sa iyong palagay.”

Si Foucalt Laban Kay Rand

Nang malubos ang pagtataya ni Sister Stella L sa laban ng mga manggagawa nang piliin niyang lisanin nang tuluyan ang kumbento sa Caritas matapos mailibing si Gigi, nasaksihan niya ang tahasang panggigipit at pandarahas ng mga “eskirol” o tauhan ng may-ari ng Republic Oil. Sapilitan silang itinali ni Nick (na pinili na ring umalis sa pinagtatrabahuhang pahayagan nang hindi na nito pinayagang ilabas ang kahit anong artikulo ukol sa welga) habang pinapanood ang pagpapahirap kay Ka Dencio, na masikap nilang hinahanap nang mga nakaraang araw. Bagaman pinakawalan din sila pagkatapos ng pambubugbog kay Nick at ilang tangkang pagsasamantala kay Sister Stella L, patago nilang pinagbabaril si Ka Dencio habang bumabagyo at natagpuan lamang ang bangkay pagkatapos ng ilang araw. Gayunman, sa halip na makamit nito ang layuning takutin ang mga nagwewelga na sumuko o “sumunod” kay Ka Dencio, lalo lamang nitong napag-alab ang paninindigan ng mga welgista na, sa pangunguna na rin mismo ni Sister Stella L at ng mga kapwa niya madre na kinilala ang katuwiran ng kanyang pakikisangkot, ay sama-sama nang pinuno ang piket.

Liban pa sa tradisyunal na paniniwalang ang pagkakaroon ng isang martir bilang simbolo ng pakikibaka ay lalo lamang magpapaalab sa mga tumututol sa paniniil (9), paano pa natin ito makikita sa perspektibang ating tinatalakay? Maaari nating hugutin ang sinabi ni During ukol sa kapangyarihan ng wika upang pagbuklurin ang mga mamamayan sa kanilang pagbabahagi ng mga katulad na pangyayari sa buhay, na kanya namang kinuha mula kay Benedict Anderson. (10) Sa pagkakabuklod ng mga manggagawa sa isang kalagayan ng pang-aapi at di-makatarungang ugnayan, nakabahagi si Sister Stella L at si Nick nang sila mismo ang gipitin ng mga “eskirol.” Itong maituturing na “wika” ng sama-samang pagdurusa at sama-samang pagtatanghal ng kanilang karapatan ang siyang kultura nilang tinatawag na kanila, na kung bibigyan ng analogo sa kasaysayan, “ang kulturang winasak ng imperyalismo at ng wika nito; ang mga post-kolonisador, kung hindi makikilala bilang imperyalista, ay hindi magagawang ipilit ang kultura at wika ng mga imperyalistang bansa.” (11)

Ang pampamayanang pagdaranas ang nagpapatibay sa layunin ng isang pakikibakang naniniwalang makatarungan ang kanilang ipinaglalaban. Binibigyang-katuwiran nito ang mga pagkilos tungo sa pagkamit ng mga hinaing na malaong hindi dinirinig. Ipinapaliwanag nito kung papaanong “kahit hindi nauunawaan ang mga islogan ng Tahimik na Nakararami... alam nilang dahil sa kanila lumalaban ang mga mag-aaral, na ang karapatan nila ang itinataguyod ng mag-aaral; at kung makita nila na, para sa kanila, handa ang mga mag-aaral na harapin ang batuta at bala, kahit papaano’y nabibigyan sila ng pag-asa, at di maglalao’y sasama na rin sila sa laban.” (12) Dito nalulubos ang layon ni Michel Foucault, sa kahulihang bahagi ng kanyang buhay-akademiko, sa muling pagkilala sa tradisyon ng panlipunang pakikisangkot bilang siyang pinakamahalaga. Bilang isa sa mga kinikilalang intelektwal ng postmodernong kaisipan, tila baga nabigyan ng “tulay” ang dalawang teoryang itinuturing ni During na “magkasalungat,” sapagka’t napagtibay dito ang “pag-aaral ng kasaysayan sa katuwiran ng lunang kanilang kinalalagyan at mga sangguniang pinagbubuhatan nila... ang mga ito’y tala ng isang mahaba’t di tiyak na pagkilos na kailangang ayusin at itama muli’t muli. Isa itong pilosopikong pagkilos.” (13)

Gayunman, hindi rin natin maiwasang tignan ang taliwas na perspektiba na siyang marahil ay dahilan ng Mother Superior ni Sister Stella L, si Sister Juaning, kung bakit hangga’t maaari’y pinipigilan niya itong lubusang makisangkot sa usapin ng mga manggagawa nang di mapahamak. Matapos ang kanilang sinapit sa mga “eskirol,” dinapuan ng malubhang karamdaman si Sister Stella L at napilitan si Nick na pagpahingahin muna itong muli sa kumbento. Naitanong ng mapag-alalang madre kay Nick: “Kailangan bang isakripisyo ang kapakanan ng isa para lamang magampanan ninyo ang inyong tungkulin?” Makailang ulit nang inilarawan ng mga manunulat kung papaanong “kinakain ng isang himagsikan ang mga anak nito.” (14) Dulot nito, hindi rin marahil kataka-taka kung sa ilang pagkakataon ay usigin din ng mga tao kung bakit minsa’y isinasawalang-bahala na ng ilang mga kilusan ang kapakanan ng kanilang mga kasapi. Lumilitaw tuloy sa kasalukuyan ang isang pagkilos kung saan binibigyang-katuwiran lamang na ang pangunahing pagtuunan dapat ng pansin ng isang tao ay ang pagpapabuti ng kanyang sarili at ang paggagawad ng kalayaang sa indibidwal na nibel, habang ipinagbabawal ang sapilitang pagpapabahagi sa tao sa mga kilusang panlipunan. (15)

“Taktikal Nga Opensiba”

Magpasahanggang ngayon itinuturing pa rin ang Sister Stella L bilang isang matibay at maningning na pagtatanghal ng suliraning kinakaharap ng mga uring nakabababa sa lipunan. Magpasahanggang ngayon, sa kabila ng dalawang Himagsikang Bayan sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) na nagpalayas sa diktadurya at sa isang tiwaling Pangulo, tila lalo lamang lumalala ang sitwasyon. Sa kabila ng pagsusumakit ng mga kadre at iilang martir para sa pagpapanatili ng demokrasya, tila bumabalik tayo sa isang kalagayan sa ilalim ng kasalukuyang pamahalaan na di kaiba sa taong 1972.

Ito marahil ang sanhi kung bakit maraming mga mamamayan ang sawang-sawa na sa pakikisangkot, na siyang mismong tema ng himig ng pelikula, ang awiting Sangandaan ni Gary Granada kung saan ang dalawang kabahagi sa pakikibaka ay pinagtatalunan ang tunay na halaga ng Himagsikang EDSA:

EDWARD : Ang sinasabi ko lang, ang ayoko lang naman, Tayo’y maiwan ng kasaysayan
NOLI : Ang sinasabi ko lang, ang ayoko lang naman, Tayo’y malansi at malinlang ...

EDWARD : Huwag kang maging bingi, huwag kang maging bulag
Nagkakaisa ang masang Pilipino
NOLI : Huwag kang maging bingi, huwag kang maging bulag
Sino ba’ng may pakana nito ...

EDWARD: Ang masa ang lumilikha ng kasaysayan
NOLI : Ang masa rito’y ginagamit lang …

EDWARD
Ang sinasabi ko lang
BOTH
Ang ayoko lang naman, Sa huli tayo pa ang maglabanan

Nananatiling isang suliranin kung papaanong mapagiging makatwiran ang pagkilos ng post-kolonisado tungo sa pagkakaroon ng isang identidad sa isang postmodernong kaayusan. Kung, katulad ng iginigiit ni During, nawawalan ng lunan sa pagtatagpo ang post-kolonisado at post-kolonisador upang magtalaban, hindi nga maiiwasang muli at muling mapagtibay ang hegemonya ng mga namamayaning uri habang muli’t muling sinisiil ang post-kolonisado. Hangga’t hindi “lubusang nakakalayo mula sa pagkamalawak at kakalatan ng imahen-kapitalismo, marahil ito ay dahil hindi ito nakapakinig nang maigi sa mga tinig na pinag-uusapan ang differend sa kanilanang hangganan.” (16)


Mga Sanggunian:

Anderson, Benedict. Imagined Communities: Reflections on the Origin and Spread of Nationalism. Pasig City: Anvil Publishing, 2003.

Derrida, Jacques. Of Grammatology. Salin ni G. C. Spivak. Baltimore and London: John Hopkins University Press, 1978.

During, Simon. “Postmodernism or Postcolonialism Today,” sa The Postcolonial Studies Reader, eds. Bill Ashcroft, Gareth Griffiths and Helen Tiffin. London: Routledge, 1995. 125-129.

Foucault, Michel. The History of Sexuality Volume 2: The Care of the Self. New York: Random House, 1985.

Ileto, Reynaldo Clemeña. Pasyon and Revolution: Popular Movements in the Philippines, 1840-1910. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1979.

Lacaba, Jose F. “The People’s March,” sa Days of Disquiet, Nights of Rage (Pasig City, Anvil Publishing, 2003) 113-128.

Marx, Karl. The 18th Brumaire of Louis Bonaparte, 1852. , tinungo Setyembre 12, 2009.

Olalia, Felixberto Sr. “Mensahe sa Limang-araw na Pag-aayuno Para sa Pagpapalaya ng Lahat ng Detenidong Lider-manggagawa at iba pang Bilanggong Politikal”, kay Manuel L. Quezon III, sa 20 Speeches that Moved a Nation. Pasig City: Anvil Publishing, 2002.

Rich, Adrienne. “Compulsory Heterosexuality and Lesbian Existence,” sa Blood Bread and Poetry. New York: Norton Paperback, 1994.

Spivak, Gayatri Chakravorty. “Can the Subaltern Speak?”, kay C. Nelson and L. Grossberg (eds.) sa Marxism and the Interpretation of Culture, Basingstoke: Macmillan Education, 1988. 66-111.

Trambulo, Alan. “Sister Stella L: Behind the Scene,” V Magazine, Issue No. 7, April 2005 , tinungo Setyembre 15, 2009.

Mga Tala:

(1) Mabuting halimbawa ang isang tula ni Mano de Verdades Posadas (binigyang-tinig ni Felixberto Olalia Sr. sa kanyang huling talumpati) na likha sa kainitan ng mga demonstrasyon sa mga huling taon ng rehimen ni Ferdinand Marcos:

Ang pagkakapiit/ Sa halos pusikit/ Na karimlan/ Ay di dahilan
Upang tayo’y/ Sa kababaan ng kisame/ Huwag na tayong dumapa/ Sa malamig na sahig;
Sa kaliitan ng silid, / Huwag na tayong sumiksik/ Sa sulok at humalukipkip.
Ang pagkakulong / Sa panahong /Wari’y di matatapos
Ay di dapat makaupos /Sa ating pagkilos
Tungo sa paghulagpos / Upang lalong makakilos.

Felixberto Olalia Sr. “Mensahe sa Limang-araw na Pag-aayuno Para sa Pagpapalaya ng Lahat ng Detenidong Lider-manggagawa at iba pang Bilanggong Politikal”, kay Manuel L. Quezon III, sa 20 Speeches that Moved a Nation. (Pasig City, Anvil Publishing, 2002), 76.

(2) Gayatri Chakravorty Spivak, “Can the Subaltern Speak?”, kay C. Nelson and L. Grossberg (eds.) sa Marxism and the Interpretation of Culture, (Macmillan Education, Basingstoke, 1988), 80. Sa Ingles: “For the ‘true’ subaltern group, whose identity is its difference, there is no unrepresentable subaltern subject that can know and speak itself; the intellectual's solution is not to abstain from representation. The problem is that the subject's itinerary has not been traced so as to offer an object of seduction to the representing intellectual. In the slightly dated language of the Indian group, the question becomes, How can we touch the consciousness of the people, even as we investigate their politics? With what voice-consciousness can the subaltern speak?”

(3) Jacques Derrida, Of Grammatology. Salin ni G. C. Spivak (Baltimore and London: John Hopkins University Press, 1978), 10. Sinabing: “The ‘rationality’… which governs a writing thus enlarged and radicalized, no longer issues from a logos. Further, it inaugurates the destruction, not the demolition but the de-sedimentation, the de-construction, of all the significations that have their source in that of the logos.”

(4) Karl Marx, The 18th Brumaire of Louis Bonaparte, 1852. , tinungo Setyembre 12, 2009. Binanggit na “[The proletariat] are therefore incapable of asserting their class interest in their own name, whether through a parliament or a convention. They cannot represent themselves, they must be represented.”

(5) Alan Trambulo, “Sister Stella L: Behind the Scene,” V Magazine, Issue No. 7, April 2005 , tinungo Setyembre 15, 2009. Nang una pa lamang naipalabas ang pelikula, diumano’y isang mataas na opisyal ng pamahalaan ang tinawag itong “negatibo” at may posibleng “masamang bunga sa masa,” sanhi upang ilakad nito sa mga sensura na huwag pahintulutang mailabas ang pelikula. Sa kabila nito, si Pangulong Marcos pa raw mismo ang nagsabing bayaan itong maipalabas.

(6) Ibid. Hindi rin iilan ang naging mga kompromisong hinarap ni Mike de Leon at ng manunulat niyang si Jose “Pete” F. Lacaba upang mailabas lamang ang pelikula sa tulong ni Lily Monteverde. Sa kabila nito, hindi rin kaagad kinilala ng mga manonood ang pelikula at nadaig pa ito sa takilya ng pelikula ni Sharon Cuneta na Bukas, Luluhod ang Mga Tala. Kaya marahil, hindi na rin bago na ito ang mga suliraning hinaharap ng mga tinatawag na indie film sa kasalukuyan, sa kabila ng kanilang pangalan at implikasyon nito na “hiwalay” sa mga usaping pinansiyal, katulad na rin ng mga temang nakakahon ito na talakayin tulad ng kabaklaan at buhay ng mga “yagit” sa mga eskinitang “di-sibilisado.” Sa isang banda, maituturing itong pagsasatinig; nguni’t nabibigyang tinig nga ba talaga sila?

(7) Adrienne Rich, “Compulsory Heterosexuality and Lesbian Existence,” sa Blood Bread and Poetry (New York, Norton Paperback, 1994), 187. Sa orihinal na teksto: “The fact is that in the workplace, among other social institutions, is a place where women have learned to accept male violation of our psychic and physical boundaries as the price of survival; where women have been educated – no less than by romantic literature or by pornography – to perceive ourselves as sexual prey. A woman seeking to escape such casual violations along with economic disadvantage may well turn to marriage as a form of hoped-for protection, while bringing into marriage neither social nor economic power, thus entering that institution also from a disadvantaged position.”

(8) Simon During, “Postmodernism or Postcolonialism Today,” sa The Postcolonial Studies Reader, eds. Bill Ashcroft, Gareth Griffiths and Helen Tiffin (London, Routledge, 1995), 125. Sa orihinal na teksto: “We can, rather, brutally characterize postmodern thought... as that thought which refuses to turn the Other into the Same. Thus it provides a theoretical space for what postmodernism denies: otherness. ... [P]erhaps eccentrically, post-colonialism is regarded as the need, in nations or groups which have been victims of imperialism, to achieve an identity uncontaminated by universalist or Eurocentric concepts and images. Here the argument becomes complex, since post-colonialism constitutes one of those Others which might derive hope and legitimation from the first aspect of postmodern thought, its refusal to turn the Other into the Same.”

(9) Laganap sa kulturang manghihimagsik ng Pilipino ang imahen ng martir, sa puntong tila baga hindi na ito maihihiwalay sa kanyang pagkilos tungo sa emansipasyon. Sa panulat ni Reynaldo Ileto: “In its narration of Christ’s suffering, death and resurrection, and of the Day of Judgment [the Pasyon] provides powerful images of transition from one state or era to another, e.g., darkness to light, despair to hope, misery to salvation, death to life, ignorance to knowledge, dishonour to purity and so forth. During the Spanish and American colonial eras, these images nurtured an undercurrent of millennial beliefs which, in times of economic and political crisis, enabled to peasantry to take action under the leadership of individuals or groups promising deliverance from oppression.” Pasyon and Revolution: Popular Movements in the Philippines, 1840-1910 (Quezon City, Ateneo de Manila University Press, 1979), 14.

(10) Bilang pagpapaliwanag, isinulong ni Benedict Anderson ang kakayanan na likhain ang isang bansa sa sandaling mapanghawakan ng mga mamamayan ang mga paraan ng pagpapahayag na itinatanggi sa kanila dati ng mga panginoong dayuhan. Kanyang wika: “Essentially, I have been arguing that the very possibility of imagining the nation almost historically when, and where, three fundamental cultural conceptions, all of great antiquity, lost their axiomatic groups on men’s minds. The first of these was the idea that a particular script language offered privileged access to ontological truth, precisely because it was an inseparable part of that truth.” Imagined Communities: Reflections on the Origin and Spread of Nationalism (Pasig City, Anvil Publishing, 2003), 36.

(11) Simon During, “Postmodernism or Postcolonialism Today,” 127. Sa orihinal: “the culture destroyed by imperialism and its tongue; the post-colonizers, if they do not identify with imperialism, at least cannot jettison the culture and tongues of the imperialist nations.”

(12) Jose F. Lacaba, “The People’s March,” sa Days of Disquiet, Nights of Rage (Pasig City, Anvil Publishing, 2003) 116. Mula sa tekstong Ingles: "The members of the Silent Majority may not understand the high-sounding slogans... but... they know it is for them the students are fighting, it is their rights that the students are upholding; and when they see that, in fighting for them, in upholding their rights, the students are willing to face bludgeons and bullets, somehow they are filled with hope, and it will not be long before they too go out in the streets to join in the fight.”

(13) Michel Foucault, The History of Sexuality Volume 2: The Care of the Self, (New York, Random House, 1985), 9. Nagbubuhat siya hindi sa pag-aaral ng kasaysayan kundi sa mga usaping pragmatiko, na siyang pinatutungkulan ng saling ito: “studies of history by reason of the domain they deal with and the references they appeal to... they are the record of a long and tentative exercise that needed to be revised and corrected again and again. It was a philosophical exercise.”

(14) Hindi iba sa mga naging salaysay ng kasaysayan ang mga ganitong pagwiwika. Madalas banggitin ang Rebolusyong Pranses ng 1789 at ang Rebolusyong Bolshevik sa Russia bilang halimbawa kung papaanong nagtapos lamang ang mga ito sa ilalim ng mga diktador (sina Napoleon I at Josef Stalin) at pumapatay lamang ito ng higit pang mga tao.

(15) Sa kaisipang tinatawag na Obhetibismo na pinangunahan ng manunulat na si Ayn Rand, iginigiit na “ang wasto at katanggap-tanggap na silbi ng buhay ay ang pagkakamit ng pansariling kaligayahan; na ang tanging sistemang panlipunang sang-ayon dito ay ang paggalang sa pansariling karapatan, na kinakatawan ng laissez-faire capitalism; at ang silbi ng sining bilang pagsasabuhay ng realidad.” Bagaman mabuti itong pagtingin para sa pangangalaga ng sarili bilang bahagi ng isang kabuuan, ang tahasang pagkataliwas nito sa maka-panlipunang pananaw ay nagbibigay-suliranin sa kung papaano ito tunay na maisasagawa nang hindi nakakasama sa iba. Para sa isang maikling pagtingin sa mga inilalatag ng kaisipang ito, makabubuting tunguhin ang Ayn Rand Institute .

(16) Simon During, “Postmodernism or Postcolonialism Today,” 128. Makikita sa Ingles kung papaanong “If [one] cannot fully distance himself from the sublimity and internationalism of what we can call image-capitalism, then that is perhaps because he has not listened carefully enough to those voices which talk of the différend on its borders.”

Creative Commons License
SA PAGSASATINIG NG IBA: Isang Pagsusuri sa Pelikulang “Sister Stella L” sa Konteksto ng Talaban sa Pagitan ng Postmodernismo at Postkolonyalismo by Hansley A. Juliano is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Philippines License.
Based on a work at kalisnglawin.blogspot.com.

1 comment:

Anonymous said...

I'm Sonja McDonell, lesbian, 23, Swiss Airlines Stewardess with 13 oversea towns, very tender & with much fantasies in emergency cases in my wonderful job. Oh yes, lesbian relations are an established part in the worldwide society since the early 1900. We've some cells in our brains in a young age, wich so called normal girls don't have. These cells become active during the early puberty, mostly with 10-12 years old. They can never be erased & it's important to keep them active. There're many natural products, which activate our sensibles body parts. Can we discuss our desires & experiences?
Regards
Sonja in sonjamcdonell@yahoo.com

Plurk