Thursday, April 1, 2010

Bien Viernes

Mga alaala ng mga mahal na pumanaw
Habang nakapikit ay aking natatanaw
Tumatawid sa isang ilog na mababaw
Lumululan sa isang mahabang salambaw
Marami silang roong nangakalulan
Bangka sa sandaling iyo'y siksikan
Habang ang piloto'y tahimik sumagwan
Minamataa'y pampang ni Kamatayan
Sa tuwing ako'y nababagot sa kaiisip
Aking tinatawid, takot walang-kahulilip
Mga gawa ng taong hindi malirip
Na pipigil sa tuksong humiga't umidlip
Inaalam ang bitukang halang ng tao
Kung ilang bungong winasak ng kamao
Ilang angkan at bayan ang iginupo
At itinapon sa impiyerno't pinapaging-abo.
Itong mga kabuhungan ang sinasamyo
Habang papalapit ang oras ng pagtungo
Ng dakilang kordero sa tuktok ng Calvario
Nang doo'y mapako't itigis ang kanyang dugo.
Ilang ulit na ring inalala ang mga kaibigang
Pinagkaitan ng ilang pang taong kaligayahan
Na makapiling ang mga kasintahan, magulang
Dulot ng di-inasahang tawag ng kapalaran,
Narito ako't inaaksaya ang mga sandali
Na dapat sana'y nalaan sa pagkakandili
Pagninilay, pagtawag sa mga ginigiliw
Pag-alala sa mga huling sandali ng aliw
Na sinisikap huwag mabahirang-agiw
Habang malungkot na awit ang kasaliw.
Sapagka't ang pusong hindi nasusugatan
Ang siyang higit sa kanila'y kahinaan
At ang damdaming hindi nababahiran
Ay siyang punlaan ng lipos kapaitan.
Habang nakikita ang bata sa lansangan
Aking naaalala ang isang kabataang
Lumipas sa banyangang kalupaan
At umuwi sa kanyang sariling bayan
Mabuhay at mamatay sa kalungkutan
Na marahil, sa akin ring kamangmangan
Hindi ko tunay at lubusang mauunawaan
Hanggang ako'y di mangahas lumulan
Sa paglalakbay patungong kamatayan.

No comments:

Plurk