Saturday, May 31, 2008

Kultura ng Karasahan sa Kanayunan

PAUNA: Hindi isinulat ang sanaysay na ito (kung maituturing man talaga siyang sanaysay) bilang isang propaganda ng anumang ideolohiya. Bunga lamang talaga ito ng isang pagkaramdam ng kabagutan sa pagnanais na makapagsulat ng isang matino't mapangmulat na blog. Bunga lang siguro ito ng aking trabaho o naranasan sa CEGP, mga nababasa, nararanasan at naiisip. Alam niyo naman, iba talaga ang takbo ng utak ko.

~o~o~o~

Para sa isang katulad ko na anak ng mga magulang na propesyunal at nakatira sa lungsod, masasabi kong hindi pa talaga ako ganoon kalubog sa kulturang magsasaka ng ating bansa. Kakatuwa kung di man nakakahiya para sa akin ito, dahil ang angkang aking pinagmulan sa Bulacan ay pamilya ng magsasaka't obrero.

Mula sa pagiging kutsero ng aking nuno, unti-unting lumawig ang mga larangang tinahak ng aming mga kamag-anak. Nariyang maggerilya ng Hukbalahap ang aking lolo noong taong 1943 at nang matapos ang digmaa'y mahirang na opisyal sa adwana o customs. Hindi naman talaga kalakihan ang kita doon sa adwana, pero nagkaroon siya ng reputasyon bilang "mayaman." Paano, maski naman noong "pistaym" pa lamang at noong pamamahala ng mga Pangulong Roxas, Quirino at Magsaysay (na itinuturo sating mga paaralan bilang mga mararangal na Pangulo nguni't ipinapakita ng kasaysayang pangkolehiyo bilang mga tuta ng Estados Unidos), matagal nang uso ang pag-aangkat na ilegal o smuggling. Paano ba nabuo ang isteryotipo ng opisyal ng adwanang kurakot di ba? Pero hindi daw kahit kelan nag-uwi kahit isang kusing mula sa mga pumapasok sa adwana ang lolo ko. Marangal daw siya.

Pero para sa kaalaman ng nagbabasa ng blog na ito, hindi talaga iyan ang tatalakayin ko.

~o~o~

Nabanggit ko sa pamagat ko na ang tatalakayin natin dapat ay ang "kultura ng karahasan sa kanayunan." Kaya minarapat kong ibahagi ang background ng pamilya ko para itatag na kung tutuusin ay pahat pa talaga ang nalalaman ko dito. Ang nalalaman ko lang talaga sa mga usapin ng panggigipit sa mga magsasaka ay nababasa ko sa mga aklat, diyaryo at mga nakausap ko. Halimbawa, namulat na ako noon pang Mataas na Paaralan ukol sa paglapastangan sa mga kasama sa maikling kwentong "Tata Selo" ni Rogelio Sicat.

Masdan ang ilang talata.

~o~

“... Binawi po niya ang aking saka, Presidente,” wika ni Tata Selo. “Ayaw ko pong umalis doon. Dati pong amin ang lupang iyon, amin, po, Naisangla lamang po at naembargo—“

"Alam ko na
iyan,” kumukupas at umiiling na putol ng nabubugnot na alkalde.

Lumunok si Tata Selo. Nang muli siyang tumingin sa presidente, may nakasungaw nang luha sa kanyang malalabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata.

“Ako po naman, Presidente, ay malakas pa,” wika ni Tata Selo. “Kaya ko pa pong magsaka. Makatuwiran po bang paalisin ako? Malakas pa po naman ako, Presidente, malakas pa po.”

“Saan mo tinaga ang Kabesa?” Matagal bago nakasagot si Tata Selo.

“Nasa may sangka po ako nang dumating ang Kabesa. Nagtatapal po ako ng pitas na pilapil. Alam ko pong pinanonood ako ng kabesa, kung kaya po naman pinagbuti ko ang paggawa, para malaman niyang ako po’y talagang malakas pa, kaya ko pa pong magsaka. Walang anu-ano po, tinawag niya ako at nang ako po’y lumapit, sinabi niyang makakaalis na ako sa aking saka sapagkat iba na ang magsasaka.

‘Bakit po naman, ‘Besa?’ tanong ko po. Ang wika’y umalis na lang daw po ako. ‘Bakit po naman, ‘Besa?’ Tanong ko po uli, ‘malakas pa po naman ako, a’ Nilapitan po niya ako. Nakiusap pa po ako sa kanya, ngunit ako po’y… Ay! Tinungkod po niya ako ng tinungkod nang tinungkod.”


“Tinaga mo na no’n,” anag nakamatyag na hepe...


~o~

Kinabog kagabi,” wika ng isang magbubukid. Binalutan ng basang sako, hindi nga halata.”

“Ang anak, dumating daw?”


Naki-mayor.”

Sa
isang sulok ng istaked iniupo ng dalawang pulis si Tata Selo. Napasubsob si Tata Selo pagkaraang siya’y maiupo. Ngunit nang marinig niyang muling ipinanakaw ang pintong bakal ng istaked, humihilahod na ginapang niya ang rehas. Mahigpit na humawak doon at habang nakadapa’y ilang sandali ring iyo’y tila huhutukin. Tinawag siya ng mga pulis ngunit paos siya at malayo na ang mga pulis. Nakalabas ang kanang kamay sa rehas, bumagsak ang kanyang mukha sa sementadong lapag. Matagal siyang nakadapa bago niya narinig na may tila gumigising sa kanya.

“Tata Selo…Tata Selo…”

Umangat ang mukha
ni Tata Selo. Inaninaw ng mga luha niyang mata ang tumatawag sa kanya. Iyon ang batang dumalaw sa kanya kahapon.

Hinawakan ng bata ang kamay
ni Tata Selo na umabot sa kanya.

Nando’n amang si Saling sa Presidente,” wika ni Tata Selo. Yayain mo nang umuwi, umuwi na kayo.” Muling bumagsak ang kanyang mukha sa lapag. Ang bata’y saglit na nag-paulik-ulik, pagkaraa’y takot at bantulot nang sumunod…

Mag-iikaapat na ng hapon. Padahilig na ang sikat ng araw, ngunit mainit pa rin iyon. May kapiraso nang lihin sa istaked, sa may dingding na steel matting, ngunit si Tata Selo’y wala roon. Nasa init siya, nakakapit sa rehas sa dakong harapan ng istaked. Nakatingin siya sa labas, sa kanyang malalabo at tila lagi nang nag-aaninaw na mata’y tumatama ang mapulang sikat ng araw. Sa labas ng istaked, nakasandig sa rehas ang batang Inutusan niya kanina. Sinabi ng bata na ayaw siyang papasukin sa tanggapan ng alkalde ngunit hindi siya pinakinggan ni Tata Selo, na ngayo’y hindi pagbawi ng saka ang sinasabi.

Habang nakakapit sa rehas at nakatingin sa labas, sinasabi niyang lahat ay kinuha na sa kanila, lahat, ay! Ang lahat ay kinuha na sa kanila…

~o~o~

Sa balik-tanaw, ang nakaraang salaysay ay inilunan ng may-akda sa panahon ni Magsaysay, panahong kung saan mahal na mahal ng taumbayan ang pamahalaan, igingalang ang opisina ng Pangulo at diumano'y naipatupad ang isang matatag na programang agraryo. Natutunghayan natin sa pagsasalaysay na ito ni Sicat na sa kabila ng pagsusumikap ni Magsaysay, hindi lubusang nawaksi ang sistemang pyudal sa loob ng mga lalawiga't kanayunan. Hindi rin natin marahil masisisi ang mga nakaraang salinlahi. Sariwa pa sa alaala noon ng mga Pilipino ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, matagumpay at mahigpit pa ang hawak ng kolonyal na pamamahala ng Estados Unidos sa ating kamalayan lalo na sa mga nakatira sa kalunsuran, kaya hindi natin naririnig ang tungkol sa mga ganitong paniniil sa uring magsasaka. At ano nga ba ang magagawa nila? Hawak ng mga kabilang sa matataas na lipunan ang pamahalaang rural. At gaya ng binanggit ni Rolando Tolentino sa kanyang mapanuring sanaysay na "It's a Crazy Planets" ay naibagsak na ng Sandatahang Lakas ang Hukbong Mapagpalaya ng Bayan (HMB), ang bisig-panlaban ng Partido Komunista ng Pilipinas - 1930; wala nang paraan para makaganti o makapagsagawa ng pakikipaglaban ang magsasaka't obrero.

Kaya naman tunay ngang sumabulat ang aktibismong may kiling sa mahirap, obrero't magsasaka at muling pagkabuhay ng Komunismo sa pag-upo ni Ferdinand Marcos sa ikalawa niyang terminong 1969-1972: ang pagbubukas ng Dekada '70 na naghudyat ng pagsilang ng isang pasistang estado sa kanyang kamay na bakal at mga galamay sa Sandatahang Lakas. At ano pa nga ba ang sasapitin ng kawawang tagabungkal ng lupa kundi dagdag pang pasanin katulad ng ibinahagi ni Bautista sa kanyang nobelang kinuha ang pamagat sa dekadang ito, sa bibig ng manunulat mag-aaral na si Em:

... tungkol sa isang baryo na kung tawagin ay San Vicente:

"Sabi nila, mass base daw yun ng mga rebelde. Kaya inorderan ang mga tao na umalis sa baryo, pinalipat sila sa mga barrio centers na tinalaga ng military. Pinagiba nila sa mga tao 'yong mga bahay nila para do'n itayo sa barrio center. Pag wala na nga namang bahay do'n, wala nang tao do'n, wala nang titirhan ang mga NPA.

"Kaso, 'yong barrio center, masyadong malayo sa bukid ng mga tao. Six, ten kilometers away. Walang dyip do'n, nilalakad lang nila yon. Gano'n ang lalakarin mo araw-araw? Tapos, alas-singko pa lang ng hapon, curfew na? S'yempre, matatakot kang magpagabi sa bukid mo! Mabuti kung mapapagalitan ka lang. Hindi, Dad... free fire zone yung area na dadaanan mo! At pag nabaril ka ng militar, wala silang pananagutan sa 'yo!"

Ang ganitong penomenon ng militarisasyon sa kanayunan ay kung tutuusin isang bagay na magpasahanggang ngayon ay hindi pa din nawawala, dulot rin ng hindi pagsuko o kahirapang masupil ng kasalukuyang Sandatahang Lakas ang mga pangkat rebelde katulad ng New People's Army (NPA) at ang mga labi ng separatistang pangkat ng Muslim tulad ng teroristang Abu Sayyaf. Bagaman tunay nga na ang layunin ng militar sa kanayunan ay ang itatag ang awtoridad ng estado, tila bigo silang gawin ito dulot na rin ng kasalukuyang nitong kalagayang pultikado't nababahiran ng mga inosenteng dugo, katulad ng diumano'y pamamaslang o pagkawala ng mga mamamahayag, mainstream man o pangmag-aaral sa mga kolehiyo't pamantasan katulad ni Beng Hernandez. Sa isang pagsasaliksik na isinagawa ng istoryador na si Alfred McCoy sa kasaysayan ng Philippine Military Academy, nauugat ang paglaganap ng ganitong brutalisasyon sa militar sa pangunguna ng Class '71 na kinabibilangan ng maraming tenyenteng sa paglaon ay nahirang pang mga matataas na opisyal. Sa kasalukuyan, dalawa sa kanila'y nakaupo sa Senado.

~o~o~

Hindi pa din nagbabago ang katotohanang ang magsasaka sa kasalukuyan ay walang natatamong matinong repormang agraryo't suporta para sa kanilang pamumuhay, sa kabila ng paglalatag na rin ni dating Pangulong Corazon Aquino ng batas ukol dito na napakaraming butas kaya napakakaunti lamang talaga sa mga magsasaka ang mayroon nang sariling lupa. Isa nang klasikong halimbawa ukol dito ang mga napatunayan sa kaso ng magsasaka ng San Vicente, Sumilao, Bukidnon. Sa isang panahon ng mahabang pakikibaka para mabawi ang kanilang lupang mana sa mga ninuno na nagsimula noon pa mang pananakop ng Amerika, kamakailan lamang ito nagkaroon ng mabuting kasunduan, pagkatapos ng napakaraming taon ng pagiging kasama at pag-usig ng militar nang sila'y humingi ng sariling sakahin. Nguni't ang gayon ay hindi pa rin maituturing na isang tagumpay pagka't sa halip na ang orihinal na 144 ektaryang lupa ng mga Higaonon na nakamkam ng mga Quisumbing at San Miguel ang ibalik ay 50 lamang ang pinakawalan. At hindi lang naman sila ang nakararanas nito: maski ang mga magsasaka sa Hacienda Luisita na pagmamay-ari ng mga Cojuangco (na kinabibilangan ni dating Pangulong Aquino) at mga magsasaka sa Laguna.

Tunay, ideyal at romantiko ang ating pananaw sa mga kanayunan na siyang pinagmulan ng halos lahat sating nanirahan dito sa kalunsuran. Nguni't ang ganitong mga katotohanan ay ipinapakita sa atin na higit sa lahat, maraming dapat resolbahing isyu, maraming utang na dapat bayaran, maraming buhay na dapat bigyan ng pagbabago, na kung mabibigo tayong gawi'y hindi magwawakas ang kuwento ng paniniil at paniningil ng bayad-puri ng karaniwang taganayon, na siyang napagsasamantalahan ng mga tagapagpalaganap ng kaguluhang sibil.


Creative Commons License
Kultura ng Karasahan sa Kanayunan by Hansley Juliano is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Philippines License.
Based on a work at kalisnglawin.blogspot.com.

Friday, May 30, 2008

I'm simply trying out to restart and get into this seriously...

Now, seriously.

I am, technically, not new to this phenomenon we call blogging. After all, having been a writer almost all my adolescent life, I am not alien to thinking about a lot of things we would not usually think about in our normal day-to-day activities.

However, it was only in my first year in college that I was able to enter a glimpse into the world of blogging. I did start blogging myself in my Multiply account which was formerly so drab like those blank accounts which no one loves. What a year could do to a person and a website right? Now, http://blacksunrider.multiply.com which is also known as "A Momentary Sarcophagus" is now simply my beloved "firstborn on the net," so much that I have neglected my Friendster account, which came first after all.

But, then again, things do change.

I thought that since I am beginning to get deeper into the world of politics, social issues, writers and anything that would involve letters, I thought it's time I get into blogging seriously.

Hmm... siguro hindi pa din ganoon kaseryosong mga isyu, kagaya ngayon: dalisay na ranting pa rin lang talaga. At isipin ninyong Filipino pa mandin ang pangalan at pamagat niya. But I suppose my most intellectual/thought-about mind creations would appear here first from now on. Maybe some of the intellectual/reflective shots I did at Multiply would appear here someday, when I get the time to organize.

Till then, welcome to the new networld space being wasted by an inhabitant of weird proportions and unpredictable ideas/beliefs known to the outside world as Hansley Adriano Juliano, and known to himself as the " ".


Plurk