Showing posts with label komunismo. Show all posts
Showing posts with label komunismo. Show all posts

Sunday, June 1, 2008

Sa Dapithapon, Nabubulok ang Pulang Watawat

PAUNA: Nakakatawa siguro, pero kung minsan hindi ko rin talaga maunawaan sa sarili ko kung bakit kinakailangan ko pang gawin itong mga paunang ito sa tuwinang may gagawin akong ganitong post. Marahil masyado pa akong alangan sa pagpapanatili ng isang blog na pulos seryosong sulatin ang nakalagay. Ito nga naman ang silbi niya e; sabagay, hindi rin ako makakatiyak na mabibisita ko pa ito araw-araw pag nagsimula na ang mga klase kaya lulubusin ko na ang panahon at lalagyan ito ng laman. Pero siguro, para mailagay ito sa konteksto...

Ito ay nilayon ko bilang salin sa Filipino ng isang sanaysay na inasahan ko sanang lumabas sa The Citizen, opisyal na pahayagan ng The Assembly, ang organisasyon ng mga mag-aaral ng Agham Pulitikal sa Pamantasang Ateneo de Manila. Dahil nga naman medyo naging notorious ang organisasyon namin sa kawalan ng visibility sa Pamantasan, nakikita kong medyo malabong malimbag pa iyon. Kaya tutal meron na din akong sariling paskilan ng sulatin at medyo wala rin talaga akong bagong ideya ngayon (marahil naubos nung huling post), narito ang mga isipin ko't nalalaman sa kasaysayan at konsepto ng Komunismo dito sa Pilipinas. Marami rin akong idadagdag dito lalo't sa kasalukuyan ay pinag-aaralan ko itong masinsinan. Kung titignan ang orihinal ay tunog na tunog "petiburgis"; halatang kulang na kulang ang impormasyon at laban sa Kaliwa. Nguni't hindi ko naman ito babaguhin upang magtunog "tibak" o "Kaliwa", kundi lamang "mapanuri."

~o~o~o~

Sa Dapithapon, Nabubulok ang Pulang Watawat
Isang pahapyaw na pagtingin kung bakit lumaganap at lumalamlam ang Komunismo sa Pilipinas

May kaliwa’t may kanan sa ating lipunan
Patuloy ang pagtutunggali, patuloy ang paglalaban;
Pumanig ka, pumanig ka, huwag nang ipagpaliban pa
Ang di makapagpasya ay maiiipit sa gitna…
- Joey Ayala, “Magkabilaan”

Una akong nagkaroon ng ideya sa nagaganap na pagbabaka sa political spectrum noong ako'y isa pa lamang mag-aaral sa Ikalawang Baitang na may pagkamapanuri, kung di man kalikutan, ng bawa't batang kaedad ko. Noong minsang ako'y nabisita sa National Bookstore kasama ng aking mga magulang pagka't kami'y mamimili ng gamit sa paaralan, tumakas ako sa kanila't tumungo sa lalagyan ng mga aklat pangkasaysayan ng Pilipinas.

Nang pinulot ko ang isang dilaw na aklat na akda ni Abeleda, nabuklat ko ang bahagi tungkol sa pagpapahayag ni Marcos ng Batas Militar at ang mga Rebolusyong Komunista at ng Paghihiwalay. Napatingin ako sa isang talababa (footnote) ukol sa mga ginamit na salitang "makakaliwa" at "makakanan." Sinasabing ang mga "makakaliwa" ay "mga taong nagtutulak sa pagsasagawa ng repormang panlipunan" habang ang mga "makakanan" ang siyang "pumipigil o umuusig sa pagsasagawa ng pagbabago sa lipunan." Bagaman daw, ani Abeleda, na ang karamihan sa mga makakaliwa ay "Komunista," hindi naman lahat ay kabilang sa huli. Idinagdag pa niya na ang mga mamamayan noong panahong iyon ay nahihikayat sumapi sa mga kilusang Komunista dahil "sa pag-asa para sa isang mas mabuting buhay."

Maagang Pagpasok sa Spectrum

Sapagka't napakamusmos pa ng isipan ko para lubos na maunawaan kung ano ba ang tinuran ni Marx na "pagbabangga ng mga uri," nanatili sa isipan ko ang mga ganitong kaisipan maski nang tumuntong na ako sa Unang Taon sa mataas na paaralan. Ang aking guro sa Kasaysayan, na sa unang tingin ay malayung-malayong maging isang isteryotipikal na "aktibista" (yung ipinapakita sa mga telebisyon o balita) tulad ng kanyang ipinagmamalaki, ay minsang idiniin sa aming pagtalakay sa diktaduryang Marcos na "sa puntong ito naging larangan ng mga ideolohiya ang Pilipinas: isang paglalaban sa pagitan ng pasismo't komunismo."


Dulot ng pagkaalala ko ng aking mga napagbabasang palagay ko'y hindi ko pa dapat nababasa noon, itinaas ko ang aking kamay at nagtanong: "Ano nga ba ang Komunismo? Sa kabataan ko sinasabi saming ang mga komunista ay masasamang taong dumarakip at pumapatay sa mayayaman dulot ng paghihiganti't iba pang dahilan. Nguni't nabasa ko dati na ang mga tao'y yumayakap dito 'para sa isang mas mabuting buhay.' Ano ang ibig sabihin ng presensya ng Komunismo sa ating lipunan?" Hindi siya nakatugon sa paraang mapapaisip ako. O kung anuman ang nasabi niya sa akin ay hindi ko talaga magagap noon.

Sa pagkadismaya ko sa klaseng iyon, bumaling ako sa panitikan nang ako’y makarating na sa Ikaapat na Taon bilang lunas sa kakulangang hindi ko naunawaan. Hindi ko alam kung natadhana ba iyon o anuman, nguni’t unti-unti akong nahatak sa pagbabasa ng mga nobelang sosyo-politikal nina Ka Amado Hernandez (“Mga Ibong Mandaragit”) at ni Lualhati Bautista (“Dekada ‘70”). Magkatulad silang nagpapahiwatig ng tila pagkiling sa kaliwang panig ng mga ideolohiya.

Ipinagdiinan ni Hernandez nang mabuti ang mga merito ng kilusang sosyalista. Inilarawan niya ang mga makakamtan nating kabutihan sa pagpapatupad nito, bagaman alinlangan din siya kung magiging epektibo nga ba ito sa lipunang Pilipino. Hindi naman natin ito maiaalis sa kanya, lalo’t ibinabandila nito ang pagkakapantay-pantay at karampatang ganti sa manggagawa, mga bagay na maalab niyang ipinakipagbaka.

Sa kabilang banda, pinukaw ni Bautista sa kanyang salaysay na naganap sa pagsisimula, pagdaloy at pagwawakas ng paghahari ng Batas Militar mula taong 1972 ang mga paniniwala’t sitwasyon ng dekadang nagbigay ng pangalan sa kanyang nobela. Binigyan niya tayo ng isang malapita’t masinsing pagbabahagi kung paanong ang aktibismo ng kabataan noong dekada ’60 ay nagbagong-anyo upang maging isang Rebolusyong Komunista sa panahong ito.

Pangako ng Isang Bagong Lipunan

Sa isang pagbabasa sa lebel ng panitikan, hindi sila talaga yaong mga ituturing mong kamangha-mangha, nguni’t matagumpay nilang naipahayag ang kanilang punto. Ang pakikibakang nakukulayan ng Pulaha’t makakaliwang paniniwalang itinatakwil ng lipunan ay bunga ng mga kasalanan mismo ng lipunan. Ang pamahalaan, ang mga pamayanan, at maging ang Simbahan sa kalahatan ay nabigong itanghal ang kabutihang-asal at ang dignidad ng isang tao, na makikita sa kasuklam-suklam na hindi pagkakapantay-pantay ng uri, pag-usig sa mga nagsusulong ng mabuting pagbabago at angpiyudal-elitistang pagwawalang-bahala ng mga nagmamay-aring uri sa kanilang pamayanan.

Kaya hindi nga maiiwasan, sa kalagayang iyon ng pamayanan, na magbangon at sumumpa ng katapatan sa isang pakikihamok para sa pagkakapantay-pantay ang mga api, lalo na ang mga manggagawa, magsasaka, pesante at ang panggitnang-uri. Ang sumpang ito’y tutuloy sa isang paghaharap na hindi mapipigilan at malulubos ng kaguluhan. Bumaba sa kasaysayan natin ang pagtatalamitam na ito biglang “Unang Sigwa” o “First Quarter Storm.”

Hawak ang mga ganitong prinsipyo’t paniniwala, tayo’y napapaniwala na ang Komunismo ay isang paraan upang itanghal ang kaluluwa, dignidad at kapangyarihan ng uring manggagawa. Nilalayon nitong baguhin ang lipunan patungo sa isang pamayanang ang lahat ng tao’y pantay-pantay; ang lahat ng pag-aari sa loob ng estado’y hawak ng pamahalaan; lahat ng mamamaya’y kumikita sa kabuuang produksyon; at, higit sa lahat, nababatay ang sweldo sa kung magkano ba ang iyong kailangan. Sa biglang tingin, isa itong pagsasama ng Utopia ni Santo Tomas Mora (St. Thomas More) at ng disiplinadong pamumuhay ng mga taga-Sparta. “Isang sakdal at nararapat tularang estado,” maaari nating sabihin. Ito ang “bagong lipunang” tunay na hinahanap ng mga maralita’t nagdarahop noong mga panahon ng pagkamatay ng demokrasya, at hindi ang haling na pangako ni Marcos kung saan “ibinagsak niya ang lumang oligarkiya” nguni’t ang katotohana’y nagtatag siya ng isang pasistang estadong pinamumunuan ng sarili niya ring gawang oligarkiya.

Kung gayon, ano nga ba ang nagpipigil sa taumbayan na abutin ito? Nakalagak ang sagot sa kung papaano ba makakamit ang ganitong lipunan. Tulad ng kinatatakutan ng mga pinakamatapang na repormista noong dekada ’70 sa pamumuno ni Edgar Jopson (isang Atenistang naging Pangulo ng National Union of Students of the Philippines) gayon ang siyang nakita natin sa karanasan ng Tsina, Kuba, Rusya at Cambodia. Makakamit lamang ang ganap na Komunismo gamit ang malawakang pagbabagong panlipunang magpapakawala ng kaguluhan, pagkatakot at pagtatagas ng napakaraming dugo. Nabuo lamang ang isang malakas na Unyong Sobyet matapos ang panghihimagsik ng mga Bolshevik na nagwakas sa pagbagsak at paglipol sa mga Romanov. Ang Nasyonalistang Tsinang pinaghirapang itaguyod ni Sun Yat-Sen at ang tradisyon ng Confucianismo ay kinailangang ilugmok bago naitatag ni Mao ang kanyang pamahalaang totalitaryan. Nagtiis at namuno pa ng napakatagal si Fidel Castro ng isang digmaang gerilya bago niya naitindig ang isang Komunistang republika. At napakaraming tao ang nilipol ng Khmer Rouge na pinamumunuan ng diktador na si Pol Pot sa paghawak ng kanyang partido ng kapangyarihan.

Ang lahat ng halimbawang ito’y sumasalamin sa kung paano nga ba ninais ni Simoun na durugin ang pamahalaang kolonyal ng Espanya sa El Filibusterismo ni Rizal. Inilantad ng kasaysayan kung paanong ang gayon ang mismong wawasak sataumbayan, sapagka’t ang pinanghahawakan nito’y armas ng anarkismo. Ipinapalaganap ng anarkismo ang pagwasak sa konsepto ng batas, na napakalayo sa unang nilalayon ng Komunismo at, sa isang mas sibil nguni’t mapanghamok pa ding paniniwala, ang Sosyalismo: ang pagpapalaya’t humanisasyon ng proletaryo at ng lipunan sa kabuuan. Dadaan tayong tunay sa isang uri ng rebolusyon, nguni’t kagyat itong dapat maging naaayon sa itinatadhana ng batas ng bayan.

Bakit Tayo Naiipit Ngayon sa Gitna?

Madali na ngayon marahil tignan kung bakit ang Komunismo’y nagtagumpay noong una sa paghikayat sa mga mabababa’t panggitnang uri upang itaguyod ang kanilang layunin, at kung bakit humihina ang suporta dito ngayon ng mamamayan. Tunay, ipinalaganap nito ang mga paniniwala’t pangarap ng nasyonalismong Pilipino na sinasagisag ng mga propagandista, ng Katipunan at ng Rebolusyong Pangkalayaan ng 1896-1901. Nguni’t ang pamamaraan ng pagbuo sa mga kasapi ang nagtindig ng mga balakid sa ikatatagumpay nito. Ang tinatawag na “kultura ng kayabangan” o bulag na paniniwala sa pagiging tama’t nakatuon lagi sa “prestihiyo ng Partido” ay dinadaig ang pangangailangan sa pag-iisip upang mas maging katanggap-tanggap sa bayan ang ipinakikipaglaban nito.

Ang naging labis na pagtuon ng mga kasapi sa pagpapanatiling buhay ng Partido Komunista ng Pilipinas na tatag ni Jose Maria Sison, kahit naging kuwestiyonable na ang mga kilos nito upang makamit ang layunin, ay nakapagpapaalaala sa winika ng dating Pangulong Manuel Luis Quezon (na itinuturing na “tuta” ng Imperyalistang Amerika): “Ang paniniwala ng mga Unipersonalista ay dapat iligtas ang partido sa lahat ng oras, kahit isakripisyo natin ang mga batayang prinsipyo. Kaming mga Kolektibista’y naniniwalang dapat pahalagahan higit sa lahat ang mga batayang prinsipyo , kahit ibig sabihin nito’y mawawasak ang Partido.” Totoong magkalaban sa political spectrum ang usapin ng Komunismo at ang pananaw pederal ni Quezon ukol sa pulitika, nguni’t makikita nating ang mga mekanismo ng pagkilos nila’y hindi naglalayo.

Bagaman kulang pa sa isang sanaysay ang pagtalakay sa mga batayang etika ng Komunismo, nararapat nating pansinin na ang kalikasan ng kilusan noong panahon ng Batas Militar at sa kasalukuyang panahon sa usaping moral at etikal ay magkaibang-magkaiba.

Sa kapanahunang ng Batas Militar kung saan pinalalaganap na ang mga reporma ng Vaticano II, tuwiran pa ring iwinawaksi ng mga Papa ng Simbahang Katoliko ang Marxismo nguni’t hayag na maraming kleriko, mga madre’t laykong deboto sa Simbahan ang nakiisa’t sumapi pa nga sa Partido dahil sa pagkakatulad nilang ipinagbabaka ang dignidad at karapatang pantao. Naniniwala din si P. Edicio dela Torre, SVD, batay sa kanyang naging sagot sa isang naguguluhang Edgar Jopson (na mula sa pagiging repormista’y naging isa pang tagapangulo ng Partido at napatay sa kainitan ng pang-uusig ni Marcos) na ang “pananatiling mananampalataya ay isang personal na katanungan. Hindi tinanong ng Partido kung sila ba’y naniniwala sa Diyos o hindi. Ang naniniwala’y nagpatuloy; ang hindi naniniwala’y walang ginawang hakbang upang ipilit ang gayon.”

Napakalaki ng kaibahan dito diumano sa kasalukuyan. Sa paglalarawan ni Gng. Gloria “Joy” Jopson-Kintanar, “hindi na ito yung kilusang pinasok mo’t pinag-alayan mo ng buhay mo… Ito pa mismo ang kikitil sa buhay mo.” Sa panahon ng kaguluhan sa loob ng Partido na bunga ng pagbabalik ng “demokrasya” sa ilalim ni Corazon Aquino, napatay ang isa sa mga pangunahing pinuno nitong si Romulo Kintanar, pangalawang asawa ni Joy matapos si Jopson.

Si Kintanar diumano’y pinarusahan ng New People’s Army dulot ng kanyang katiwalian at paglalakad na magkawatak-watak ang kilusan. Ayon kay Joy, dulot ito ng pagpapalabas ni Kintanar sa isyu na nagtuturo kay Jose Maria Sison bilang pasimuno ng pambobomba sa Plaza Miranda noong 1971 na naging “dahilan” diumano ni Marcos upang ideklara ang Batas Militar. Isa itong kasiraan hindi lang kay Sison kundi mismo sa integridad ng Partido, kaya nakikita itong anggulo sa kung bakit siya pinatahimik. Sa kanyang pananaw, ang pamunuan ng Partido ngayon ay wala na ring pinagkaiba kay Marcos o sa kasalukuyang pamahalaang itinuturing pa ring pasista’t diumano’y maraming utang na inosenteng dugo: “lahat sila’y nagpipilit maging Diyos na nagsasabi kung anong tama’t mali, kung sino ang dapat mabuhay o mamatay.” Bagaman buhay pa rin ang NPA sa pakikibaka upang itatag ang Komunismo sa kanayunan, unti-unti na rin itong diumano’y nagiging samahan ng mga tulisang kalaban ng kapayapaang orihinal nilang hinahangad.

Ang katotohanan ukol sa Komunismo, sa kabila ng naging mahabang pagtalakay ng sanaysay na ito, ay hindi talaga mahuhusgahan nang wakas sapagka’t lahat tayo’y may sariling paniniwala’t pagkiling. Ako, sa aking sarili, ay naniniwala sa kahalagahang ibagsak ang namamayaning sistemang nababahiran ng pyudalismo’t pasismong umutang na sa napakaraming dugo ng mga repormistang nagnais lamang ng pagbabago sa mapayapang paraan. Nguni't katulad ng naging desisyon ni Rizal, hindi lamang ako kundi marami pa sa ating hindi naniniwalang panahon nang tayo naman ang magbubo ng maruming dugo. Batambata pa rin tayo sa konsepto ng pagiging malaya't ang isipan nati'y hindi pa rin malayo sa isang alipin, na hindi kataka-taka pagkatapos ang mahigit 400 na taon ng kolonisasyon. Kung gaano pa katagal ang bubunuin nati'y hindi nation tiyak, nguni't malayo pa ang lalakbayin natin bago makamit ang "tunay na paglaya't pagsasarili." Tunay, unti-unting nabubuo ang konsepto ng "Kristiyanong Komunismo" batay sa konsepto ng pagkakapantay-pantay at kabutihang-loob, nguni't hindi ito nasasaklaw dito.

Hinihingi ng ating pagkamakabayan na tayo’y kumilos nang mabilis, marahas at may katiyakan, nguni’t ang ating mga batayang paniniwala ang nagpapaisip, kundi man pumipigil sa karamihan, na lakarin ang pulahang landas. Ang mga katanungang iyan ay ang sarili lamang natin ang makasasagot. Maaaring ang pag-iisip natin ay magdala ulit sa atin pabalik sa isang panahon ng pagbabaka katulad ng Unang Sigwa, o magpatuloy tayong mapasailalim sa lipunan kung saan ANG YAMAN ANG SISTEMA, na ilang hakbang na lamang tungo sa dalisay na pasismo. Nguni't kinakailangang tayo mismo'y mag-isip na habang may panahon at kalayaan pa tayong natitira.

~o~o~o~

Ang siguro'y haharapin kong suliranin ukol sa blog na ito ay kung papaano gaganyakin ang mga kakilala kong magbasa nito...


Creative Commons License
Sa Dapithapon, Nabubulok ang Pulang Watawat by Hansley A. Juliano is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Philippines License.

Saturday, May 31, 2008

Kultura ng Karasahan sa Kanayunan

PAUNA: Hindi isinulat ang sanaysay na ito (kung maituturing man talaga siyang sanaysay) bilang isang propaganda ng anumang ideolohiya. Bunga lamang talaga ito ng isang pagkaramdam ng kabagutan sa pagnanais na makapagsulat ng isang matino't mapangmulat na blog. Bunga lang siguro ito ng aking trabaho o naranasan sa CEGP, mga nababasa, nararanasan at naiisip. Alam niyo naman, iba talaga ang takbo ng utak ko.

~o~o~o~

Para sa isang katulad ko na anak ng mga magulang na propesyunal at nakatira sa lungsod, masasabi kong hindi pa talaga ako ganoon kalubog sa kulturang magsasaka ng ating bansa. Kakatuwa kung di man nakakahiya para sa akin ito, dahil ang angkang aking pinagmulan sa Bulacan ay pamilya ng magsasaka't obrero.

Mula sa pagiging kutsero ng aking nuno, unti-unting lumawig ang mga larangang tinahak ng aming mga kamag-anak. Nariyang maggerilya ng Hukbalahap ang aking lolo noong taong 1943 at nang matapos ang digmaa'y mahirang na opisyal sa adwana o customs. Hindi naman talaga kalakihan ang kita doon sa adwana, pero nagkaroon siya ng reputasyon bilang "mayaman." Paano, maski naman noong "pistaym" pa lamang at noong pamamahala ng mga Pangulong Roxas, Quirino at Magsaysay (na itinuturo sating mga paaralan bilang mga mararangal na Pangulo nguni't ipinapakita ng kasaysayang pangkolehiyo bilang mga tuta ng Estados Unidos), matagal nang uso ang pag-aangkat na ilegal o smuggling. Paano ba nabuo ang isteryotipo ng opisyal ng adwanang kurakot di ba? Pero hindi daw kahit kelan nag-uwi kahit isang kusing mula sa mga pumapasok sa adwana ang lolo ko. Marangal daw siya.

Pero para sa kaalaman ng nagbabasa ng blog na ito, hindi talaga iyan ang tatalakayin ko.

~o~o~

Nabanggit ko sa pamagat ko na ang tatalakayin natin dapat ay ang "kultura ng karahasan sa kanayunan." Kaya minarapat kong ibahagi ang background ng pamilya ko para itatag na kung tutuusin ay pahat pa talaga ang nalalaman ko dito. Ang nalalaman ko lang talaga sa mga usapin ng panggigipit sa mga magsasaka ay nababasa ko sa mga aklat, diyaryo at mga nakausap ko. Halimbawa, namulat na ako noon pang Mataas na Paaralan ukol sa paglapastangan sa mga kasama sa maikling kwentong "Tata Selo" ni Rogelio Sicat.

Masdan ang ilang talata.

~o~

“... Binawi po niya ang aking saka, Presidente,” wika ni Tata Selo. “Ayaw ko pong umalis doon. Dati pong amin ang lupang iyon, amin, po, Naisangla lamang po at naembargo—“

"Alam ko na
iyan,” kumukupas at umiiling na putol ng nabubugnot na alkalde.

Lumunok si Tata Selo. Nang muli siyang tumingin sa presidente, may nakasungaw nang luha sa kanyang malalabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata.

“Ako po naman, Presidente, ay malakas pa,” wika ni Tata Selo. “Kaya ko pa pong magsaka. Makatuwiran po bang paalisin ako? Malakas pa po naman ako, Presidente, malakas pa po.”

“Saan mo tinaga ang Kabesa?” Matagal bago nakasagot si Tata Selo.

“Nasa may sangka po ako nang dumating ang Kabesa. Nagtatapal po ako ng pitas na pilapil. Alam ko pong pinanonood ako ng kabesa, kung kaya po naman pinagbuti ko ang paggawa, para malaman niyang ako po’y talagang malakas pa, kaya ko pa pong magsaka. Walang anu-ano po, tinawag niya ako at nang ako po’y lumapit, sinabi niyang makakaalis na ako sa aking saka sapagkat iba na ang magsasaka.

‘Bakit po naman, ‘Besa?’ tanong ko po. Ang wika’y umalis na lang daw po ako. ‘Bakit po naman, ‘Besa?’ Tanong ko po uli, ‘malakas pa po naman ako, a’ Nilapitan po niya ako. Nakiusap pa po ako sa kanya, ngunit ako po’y… Ay! Tinungkod po niya ako ng tinungkod nang tinungkod.”


“Tinaga mo na no’n,” anag nakamatyag na hepe...


~o~

Kinabog kagabi,” wika ng isang magbubukid. Binalutan ng basang sako, hindi nga halata.”

“Ang anak, dumating daw?”


Naki-mayor.”

Sa
isang sulok ng istaked iniupo ng dalawang pulis si Tata Selo. Napasubsob si Tata Selo pagkaraang siya’y maiupo. Ngunit nang marinig niyang muling ipinanakaw ang pintong bakal ng istaked, humihilahod na ginapang niya ang rehas. Mahigpit na humawak doon at habang nakadapa’y ilang sandali ring iyo’y tila huhutukin. Tinawag siya ng mga pulis ngunit paos siya at malayo na ang mga pulis. Nakalabas ang kanang kamay sa rehas, bumagsak ang kanyang mukha sa sementadong lapag. Matagal siyang nakadapa bago niya narinig na may tila gumigising sa kanya.

“Tata Selo…Tata Selo…”

Umangat ang mukha
ni Tata Selo. Inaninaw ng mga luha niyang mata ang tumatawag sa kanya. Iyon ang batang dumalaw sa kanya kahapon.

Hinawakan ng bata ang kamay
ni Tata Selo na umabot sa kanya.

Nando’n amang si Saling sa Presidente,” wika ni Tata Selo. Yayain mo nang umuwi, umuwi na kayo.” Muling bumagsak ang kanyang mukha sa lapag. Ang bata’y saglit na nag-paulik-ulik, pagkaraa’y takot at bantulot nang sumunod…

Mag-iikaapat na ng hapon. Padahilig na ang sikat ng araw, ngunit mainit pa rin iyon. May kapiraso nang lihin sa istaked, sa may dingding na steel matting, ngunit si Tata Selo’y wala roon. Nasa init siya, nakakapit sa rehas sa dakong harapan ng istaked. Nakatingin siya sa labas, sa kanyang malalabo at tila lagi nang nag-aaninaw na mata’y tumatama ang mapulang sikat ng araw. Sa labas ng istaked, nakasandig sa rehas ang batang Inutusan niya kanina. Sinabi ng bata na ayaw siyang papasukin sa tanggapan ng alkalde ngunit hindi siya pinakinggan ni Tata Selo, na ngayo’y hindi pagbawi ng saka ang sinasabi.

Habang nakakapit sa rehas at nakatingin sa labas, sinasabi niyang lahat ay kinuha na sa kanila, lahat, ay! Ang lahat ay kinuha na sa kanila…

~o~o~

Sa balik-tanaw, ang nakaraang salaysay ay inilunan ng may-akda sa panahon ni Magsaysay, panahong kung saan mahal na mahal ng taumbayan ang pamahalaan, igingalang ang opisina ng Pangulo at diumano'y naipatupad ang isang matatag na programang agraryo. Natutunghayan natin sa pagsasalaysay na ito ni Sicat na sa kabila ng pagsusumikap ni Magsaysay, hindi lubusang nawaksi ang sistemang pyudal sa loob ng mga lalawiga't kanayunan. Hindi rin natin marahil masisisi ang mga nakaraang salinlahi. Sariwa pa sa alaala noon ng mga Pilipino ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, matagumpay at mahigpit pa ang hawak ng kolonyal na pamamahala ng Estados Unidos sa ating kamalayan lalo na sa mga nakatira sa kalunsuran, kaya hindi natin naririnig ang tungkol sa mga ganitong paniniil sa uring magsasaka. At ano nga ba ang magagawa nila? Hawak ng mga kabilang sa matataas na lipunan ang pamahalaang rural. At gaya ng binanggit ni Rolando Tolentino sa kanyang mapanuring sanaysay na "It's a Crazy Planets" ay naibagsak na ng Sandatahang Lakas ang Hukbong Mapagpalaya ng Bayan (HMB), ang bisig-panlaban ng Partido Komunista ng Pilipinas - 1930; wala nang paraan para makaganti o makapagsagawa ng pakikipaglaban ang magsasaka't obrero.

Kaya naman tunay ngang sumabulat ang aktibismong may kiling sa mahirap, obrero't magsasaka at muling pagkabuhay ng Komunismo sa pag-upo ni Ferdinand Marcos sa ikalawa niyang terminong 1969-1972: ang pagbubukas ng Dekada '70 na naghudyat ng pagsilang ng isang pasistang estado sa kanyang kamay na bakal at mga galamay sa Sandatahang Lakas. At ano pa nga ba ang sasapitin ng kawawang tagabungkal ng lupa kundi dagdag pang pasanin katulad ng ibinahagi ni Bautista sa kanyang nobelang kinuha ang pamagat sa dekadang ito, sa bibig ng manunulat mag-aaral na si Em:

... tungkol sa isang baryo na kung tawagin ay San Vicente:

"Sabi nila, mass base daw yun ng mga rebelde. Kaya inorderan ang mga tao na umalis sa baryo, pinalipat sila sa mga barrio centers na tinalaga ng military. Pinagiba nila sa mga tao 'yong mga bahay nila para do'n itayo sa barrio center. Pag wala na nga namang bahay do'n, wala nang tao do'n, wala nang titirhan ang mga NPA.

"Kaso, 'yong barrio center, masyadong malayo sa bukid ng mga tao. Six, ten kilometers away. Walang dyip do'n, nilalakad lang nila yon. Gano'n ang lalakarin mo araw-araw? Tapos, alas-singko pa lang ng hapon, curfew na? S'yempre, matatakot kang magpagabi sa bukid mo! Mabuti kung mapapagalitan ka lang. Hindi, Dad... free fire zone yung area na dadaanan mo! At pag nabaril ka ng militar, wala silang pananagutan sa 'yo!"

Ang ganitong penomenon ng militarisasyon sa kanayunan ay kung tutuusin isang bagay na magpasahanggang ngayon ay hindi pa din nawawala, dulot rin ng hindi pagsuko o kahirapang masupil ng kasalukuyang Sandatahang Lakas ang mga pangkat rebelde katulad ng New People's Army (NPA) at ang mga labi ng separatistang pangkat ng Muslim tulad ng teroristang Abu Sayyaf. Bagaman tunay nga na ang layunin ng militar sa kanayunan ay ang itatag ang awtoridad ng estado, tila bigo silang gawin ito dulot na rin ng kasalukuyang nitong kalagayang pultikado't nababahiran ng mga inosenteng dugo, katulad ng diumano'y pamamaslang o pagkawala ng mga mamamahayag, mainstream man o pangmag-aaral sa mga kolehiyo't pamantasan katulad ni Beng Hernandez. Sa isang pagsasaliksik na isinagawa ng istoryador na si Alfred McCoy sa kasaysayan ng Philippine Military Academy, nauugat ang paglaganap ng ganitong brutalisasyon sa militar sa pangunguna ng Class '71 na kinabibilangan ng maraming tenyenteng sa paglaon ay nahirang pang mga matataas na opisyal. Sa kasalukuyan, dalawa sa kanila'y nakaupo sa Senado.

~o~o~

Hindi pa din nagbabago ang katotohanang ang magsasaka sa kasalukuyan ay walang natatamong matinong repormang agraryo't suporta para sa kanilang pamumuhay, sa kabila ng paglalatag na rin ni dating Pangulong Corazon Aquino ng batas ukol dito na napakaraming butas kaya napakakaunti lamang talaga sa mga magsasaka ang mayroon nang sariling lupa. Isa nang klasikong halimbawa ukol dito ang mga napatunayan sa kaso ng magsasaka ng San Vicente, Sumilao, Bukidnon. Sa isang panahon ng mahabang pakikibaka para mabawi ang kanilang lupang mana sa mga ninuno na nagsimula noon pa mang pananakop ng Amerika, kamakailan lamang ito nagkaroon ng mabuting kasunduan, pagkatapos ng napakaraming taon ng pagiging kasama at pag-usig ng militar nang sila'y humingi ng sariling sakahin. Nguni't ang gayon ay hindi pa rin maituturing na isang tagumpay pagka't sa halip na ang orihinal na 144 ektaryang lupa ng mga Higaonon na nakamkam ng mga Quisumbing at San Miguel ang ibalik ay 50 lamang ang pinakawalan. At hindi lang naman sila ang nakararanas nito: maski ang mga magsasaka sa Hacienda Luisita na pagmamay-ari ng mga Cojuangco (na kinabibilangan ni dating Pangulong Aquino) at mga magsasaka sa Laguna.

Tunay, ideyal at romantiko ang ating pananaw sa mga kanayunan na siyang pinagmulan ng halos lahat sating nanirahan dito sa kalunsuran. Nguni't ang ganitong mga katotohanan ay ipinapakita sa atin na higit sa lahat, maraming dapat resolbahing isyu, maraming utang na dapat bayaran, maraming buhay na dapat bigyan ng pagbabago, na kung mabibigo tayong gawi'y hindi magwawakas ang kuwento ng paniniil at paniningil ng bayad-puri ng karaniwang taganayon, na siyang napagsasamantalahan ng mga tagapagpalaganap ng kaguluhang sibil.


Creative Commons License
Kultura ng Karasahan sa Kanayunan by Hansley Juliano is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Philippines License.
Based on a work at kalisnglawin.blogspot.com.

Plurk