Sunday, June 1, 2008

Sa Dapithapon, Nabubulok ang Pulang Watawat

PAUNA: Nakakatawa siguro, pero kung minsan hindi ko rin talaga maunawaan sa sarili ko kung bakit kinakailangan ko pang gawin itong mga paunang ito sa tuwinang may gagawin akong ganitong post. Marahil masyado pa akong alangan sa pagpapanatili ng isang blog na pulos seryosong sulatin ang nakalagay. Ito nga naman ang silbi niya e; sabagay, hindi rin ako makakatiyak na mabibisita ko pa ito araw-araw pag nagsimula na ang mga klase kaya lulubusin ko na ang panahon at lalagyan ito ng laman. Pero siguro, para mailagay ito sa konteksto...

Ito ay nilayon ko bilang salin sa Filipino ng isang sanaysay na inasahan ko sanang lumabas sa The Citizen, opisyal na pahayagan ng The Assembly, ang organisasyon ng mga mag-aaral ng Agham Pulitikal sa Pamantasang Ateneo de Manila. Dahil nga naman medyo naging notorious ang organisasyon namin sa kawalan ng visibility sa Pamantasan, nakikita kong medyo malabong malimbag pa iyon. Kaya tutal meron na din akong sariling paskilan ng sulatin at medyo wala rin talaga akong bagong ideya ngayon (marahil naubos nung huling post), narito ang mga isipin ko't nalalaman sa kasaysayan at konsepto ng Komunismo dito sa Pilipinas. Marami rin akong idadagdag dito lalo't sa kasalukuyan ay pinag-aaralan ko itong masinsinan. Kung titignan ang orihinal ay tunog na tunog "petiburgis"; halatang kulang na kulang ang impormasyon at laban sa Kaliwa. Nguni't hindi ko naman ito babaguhin upang magtunog "tibak" o "Kaliwa", kundi lamang "mapanuri."

~o~o~o~

Sa Dapithapon, Nabubulok ang Pulang Watawat
Isang pahapyaw na pagtingin kung bakit lumaganap at lumalamlam ang Komunismo sa Pilipinas

May kaliwa’t may kanan sa ating lipunan
Patuloy ang pagtutunggali, patuloy ang paglalaban;
Pumanig ka, pumanig ka, huwag nang ipagpaliban pa
Ang di makapagpasya ay maiiipit sa gitna…
- Joey Ayala, “Magkabilaan”

Una akong nagkaroon ng ideya sa nagaganap na pagbabaka sa political spectrum noong ako'y isa pa lamang mag-aaral sa Ikalawang Baitang na may pagkamapanuri, kung di man kalikutan, ng bawa't batang kaedad ko. Noong minsang ako'y nabisita sa National Bookstore kasama ng aking mga magulang pagka't kami'y mamimili ng gamit sa paaralan, tumakas ako sa kanila't tumungo sa lalagyan ng mga aklat pangkasaysayan ng Pilipinas.

Nang pinulot ko ang isang dilaw na aklat na akda ni Abeleda, nabuklat ko ang bahagi tungkol sa pagpapahayag ni Marcos ng Batas Militar at ang mga Rebolusyong Komunista at ng Paghihiwalay. Napatingin ako sa isang talababa (footnote) ukol sa mga ginamit na salitang "makakaliwa" at "makakanan." Sinasabing ang mga "makakaliwa" ay "mga taong nagtutulak sa pagsasagawa ng repormang panlipunan" habang ang mga "makakanan" ang siyang "pumipigil o umuusig sa pagsasagawa ng pagbabago sa lipunan." Bagaman daw, ani Abeleda, na ang karamihan sa mga makakaliwa ay "Komunista," hindi naman lahat ay kabilang sa huli. Idinagdag pa niya na ang mga mamamayan noong panahong iyon ay nahihikayat sumapi sa mga kilusang Komunista dahil "sa pag-asa para sa isang mas mabuting buhay."

Maagang Pagpasok sa Spectrum

Sapagka't napakamusmos pa ng isipan ko para lubos na maunawaan kung ano ba ang tinuran ni Marx na "pagbabangga ng mga uri," nanatili sa isipan ko ang mga ganitong kaisipan maski nang tumuntong na ako sa Unang Taon sa mataas na paaralan. Ang aking guro sa Kasaysayan, na sa unang tingin ay malayung-malayong maging isang isteryotipikal na "aktibista" (yung ipinapakita sa mga telebisyon o balita) tulad ng kanyang ipinagmamalaki, ay minsang idiniin sa aming pagtalakay sa diktaduryang Marcos na "sa puntong ito naging larangan ng mga ideolohiya ang Pilipinas: isang paglalaban sa pagitan ng pasismo't komunismo."


Dulot ng pagkaalala ko ng aking mga napagbabasang palagay ko'y hindi ko pa dapat nababasa noon, itinaas ko ang aking kamay at nagtanong: "Ano nga ba ang Komunismo? Sa kabataan ko sinasabi saming ang mga komunista ay masasamang taong dumarakip at pumapatay sa mayayaman dulot ng paghihiganti't iba pang dahilan. Nguni't nabasa ko dati na ang mga tao'y yumayakap dito 'para sa isang mas mabuting buhay.' Ano ang ibig sabihin ng presensya ng Komunismo sa ating lipunan?" Hindi siya nakatugon sa paraang mapapaisip ako. O kung anuman ang nasabi niya sa akin ay hindi ko talaga magagap noon.

Sa pagkadismaya ko sa klaseng iyon, bumaling ako sa panitikan nang ako’y makarating na sa Ikaapat na Taon bilang lunas sa kakulangang hindi ko naunawaan. Hindi ko alam kung natadhana ba iyon o anuman, nguni’t unti-unti akong nahatak sa pagbabasa ng mga nobelang sosyo-politikal nina Ka Amado Hernandez (“Mga Ibong Mandaragit”) at ni Lualhati Bautista (“Dekada ‘70”). Magkatulad silang nagpapahiwatig ng tila pagkiling sa kaliwang panig ng mga ideolohiya.

Ipinagdiinan ni Hernandez nang mabuti ang mga merito ng kilusang sosyalista. Inilarawan niya ang mga makakamtan nating kabutihan sa pagpapatupad nito, bagaman alinlangan din siya kung magiging epektibo nga ba ito sa lipunang Pilipino. Hindi naman natin ito maiaalis sa kanya, lalo’t ibinabandila nito ang pagkakapantay-pantay at karampatang ganti sa manggagawa, mga bagay na maalab niyang ipinakipagbaka.

Sa kabilang banda, pinukaw ni Bautista sa kanyang salaysay na naganap sa pagsisimula, pagdaloy at pagwawakas ng paghahari ng Batas Militar mula taong 1972 ang mga paniniwala’t sitwasyon ng dekadang nagbigay ng pangalan sa kanyang nobela. Binigyan niya tayo ng isang malapita’t masinsing pagbabahagi kung paanong ang aktibismo ng kabataan noong dekada ’60 ay nagbagong-anyo upang maging isang Rebolusyong Komunista sa panahong ito.

Pangako ng Isang Bagong Lipunan

Sa isang pagbabasa sa lebel ng panitikan, hindi sila talaga yaong mga ituturing mong kamangha-mangha, nguni’t matagumpay nilang naipahayag ang kanilang punto. Ang pakikibakang nakukulayan ng Pulaha’t makakaliwang paniniwalang itinatakwil ng lipunan ay bunga ng mga kasalanan mismo ng lipunan. Ang pamahalaan, ang mga pamayanan, at maging ang Simbahan sa kalahatan ay nabigong itanghal ang kabutihang-asal at ang dignidad ng isang tao, na makikita sa kasuklam-suklam na hindi pagkakapantay-pantay ng uri, pag-usig sa mga nagsusulong ng mabuting pagbabago at angpiyudal-elitistang pagwawalang-bahala ng mga nagmamay-aring uri sa kanilang pamayanan.

Kaya hindi nga maiiwasan, sa kalagayang iyon ng pamayanan, na magbangon at sumumpa ng katapatan sa isang pakikihamok para sa pagkakapantay-pantay ang mga api, lalo na ang mga manggagawa, magsasaka, pesante at ang panggitnang-uri. Ang sumpang ito’y tutuloy sa isang paghaharap na hindi mapipigilan at malulubos ng kaguluhan. Bumaba sa kasaysayan natin ang pagtatalamitam na ito biglang “Unang Sigwa” o “First Quarter Storm.”

Hawak ang mga ganitong prinsipyo’t paniniwala, tayo’y napapaniwala na ang Komunismo ay isang paraan upang itanghal ang kaluluwa, dignidad at kapangyarihan ng uring manggagawa. Nilalayon nitong baguhin ang lipunan patungo sa isang pamayanang ang lahat ng tao’y pantay-pantay; ang lahat ng pag-aari sa loob ng estado’y hawak ng pamahalaan; lahat ng mamamaya’y kumikita sa kabuuang produksyon; at, higit sa lahat, nababatay ang sweldo sa kung magkano ba ang iyong kailangan. Sa biglang tingin, isa itong pagsasama ng Utopia ni Santo Tomas Mora (St. Thomas More) at ng disiplinadong pamumuhay ng mga taga-Sparta. “Isang sakdal at nararapat tularang estado,” maaari nating sabihin. Ito ang “bagong lipunang” tunay na hinahanap ng mga maralita’t nagdarahop noong mga panahon ng pagkamatay ng demokrasya, at hindi ang haling na pangako ni Marcos kung saan “ibinagsak niya ang lumang oligarkiya” nguni’t ang katotohana’y nagtatag siya ng isang pasistang estadong pinamumunuan ng sarili niya ring gawang oligarkiya.

Kung gayon, ano nga ba ang nagpipigil sa taumbayan na abutin ito? Nakalagak ang sagot sa kung papaano ba makakamit ang ganitong lipunan. Tulad ng kinatatakutan ng mga pinakamatapang na repormista noong dekada ’70 sa pamumuno ni Edgar Jopson (isang Atenistang naging Pangulo ng National Union of Students of the Philippines) gayon ang siyang nakita natin sa karanasan ng Tsina, Kuba, Rusya at Cambodia. Makakamit lamang ang ganap na Komunismo gamit ang malawakang pagbabagong panlipunang magpapakawala ng kaguluhan, pagkatakot at pagtatagas ng napakaraming dugo. Nabuo lamang ang isang malakas na Unyong Sobyet matapos ang panghihimagsik ng mga Bolshevik na nagwakas sa pagbagsak at paglipol sa mga Romanov. Ang Nasyonalistang Tsinang pinaghirapang itaguyod ni Sun Yat-Sen at ang tradisyon ng Confucianismo ay kinailangang ilugmok bago naitatag ni Mao ang kanyang pamahalaang totalitaryan. Nagtiis at namuno pa ng napakatagal si Fidel Castro ng isang digmaang gerilya bago niya naitindig ang isang Komunistang republika. At napakaraming tao ang nilipol ng Khmer Rouge na pinamumunuan ng diktador na si Pol Pot sa paghawak ng kanyang partido ng kapangyarihan.

Ang lahat ng halimbawang ito’y sumasalamin sa kung paano nga ba ninais ni Simoun na durugin ang pamahalaang kolonyal ng Espanya sa El Filibusterismo ni Rizal. Inilantad ng kasaysayan kung paanong ang gayon ang mismong wawasak sataumbayan, sapagka’t ang pinanghahawakan nito’y armas ng anarkismo. Ipinapalaganap ng anarkismo ang pagwasak sa konsepto ng batas, na napakalayo sa unang nilalayon ng Komunismo at, sa isang mas sibil nguni’t mapanghamok pa ding paniniwala, ang Sosyalismo: ang pagpapalaya’t humanisasyon ng proletaryo at ng lipunan sa kabuuan. Dadaan tayong tunay sa isang uri ng rebolusyon, nguni’t kagyat itong dapat maging naaayon sa itinatadhana ng batas ng bayan.

Bakit Tayo Naiipit Ngayon sa Gitna?

Madali na ngayon marahil tignan kung bakit ang Komunismo’y nagtagumpay noong una sa paghikayat sa mga mabababa’t panggitnang uri upang itaguyod ang kanilang layunin, at kung bakit humihina ang suporta dito ngayon ng mamamayan. Tunay, ipinalaganap nito ang mga paniniwala’t pangarap ng nasyonalismong Pilipino na sinasagisag ng mga propagandista, ng Katipunan at ng Rebolusyong Pangkalayaan ng 1896-1901. Nguni’t ang pamamaraan ng pagbuo sa mga kasapi ang nagtindig ng mga balakid sa ikatatagumpay nito. Ang tinatawag na “kultura ng kayabangan” o bulag na paniniwala sa pagiging tama’t nakatuon lagi sa “prestihiyo ng Partido” ay dinadaig ang pangangailangan sa pag-iisip upang mas maging katanggap-tanggap sa bayan ang ipinakikipaglaban nito.

Ang naging labis na pagtuon ng mga kasapi sa pagpapanatiling buhay ng Partido Komunista ng Pilipinas na tatag ni Jose Maria Sison, kahit naging kuwestiyonable na ang mga kilos nito upang makamit ang layunin, ay nakapagpapaalaala sa winika ng dating Pangulong Manuel Luis Quezon (na itinuturing na “tuta” ng Imperyalistang Amerika): “Ang paniniwala ng mga Unipersonalista ay dapat iligtas ang partido sa lahat ng oras, kahit isakripisyo natin ang mga batayang prinsipyo. Kaming mga Kolektibista’y naniniwalang dapat pahalagahan higit sa lahat ang mga batayang prinsipyo , kahit ibig sabihin nito’y mawawasak ang Partido.” Totoong magkalaban sa political spectrum ang usapin ng Komunismo at ang pananaw pederal ni Quezon ukol sa pulitika, nguni’t makikita nating ang mga mekanismo ng pagkilos nila’y hindi naglalayo.

Bagaman kulang pa sa isang sanaysay ang pagtalakay sa mga batayang etika ng Komunismo, nararapat nating pansinin na ang kalikasan ng kilusan noong panahon ng Batas Militar at sa kasalukuyang panahon sa usaping moral at etikal ay magkaibang-magkaiba.

Sa kapanahunang ng Batas Militar kung saan pinalalaganap na ang mga reporma ng Vaticano II, tuwiran pa ring iwinawaksi ng mga Papa ng Simbahang Katoliko ang Marxismo nguni’t hayag na maraming kleriko, mga madre’t laykong deboto sa Simbahan ang nakiisa’t sumapi pa nga sa Partido dahil sa pagkakatulad nilang ipinagbabaka ang dignidad at karapatang pantao. Naniniwala din si P. Edicio dela Torre, SVD, batay sa kanyang naging sagot sa isang naguguluhang Edgar Jopson (na mula sa pagiging repormista’y naging isa pang tagapangulo ng Partido at napatay sa kainitan ng pang-uusig ni Marcos) na ang “pananatiling mananampalataya ay isang personal na katanungan. Hindi tinanong ng Partido kung sila ba’y naniniwala sa Diyos o hindi. Ang naniniwala’y nagpatuloy; ang hindi naniniwala’y walang ginawang hakbang upang ipilit ang gayon.”

Napakalaki ng kaibahan dito diumano sa kasalukuyan. Sa paglalarawan ni Gng. Gloria “Joy” Jopson-Kintanar, “hindi na ito yung kilusang pinasok mo’t pinag-alayan mo ng buhay mo… Ito pa mismo ang kikitil sa buhay mo.” Sa panahon ng kaguluhan sa loob ng Partido na bunga ng pagbabalik ng “demokrasya” sa ilalim ni Corazon Aquino, napatay ang isa sa mga pangunahing pinuno nitong si Romulo Kintanar, pangalawang asawa ni Joy matapos si Jopson.

Si Kintanar diumano’y pinarusahan ng New People’s Army dulot ng kanyang katiwalian at paglalakad na magkawatak-watak ang kilusan. Ayon kay Joy, dulot ito ng pagpapalabas ni Kintanar sa isyu na nagtuturo kay Jose Maria Sison bilang pasimuno ng pambobomba sa Plaza Miranda noong 1971 na naging “dahilan” diumano ni Marcos upang ideklara ang Batas Militar. Isa itong kasiraan hindi lang kay Sison kundi mismo sa integridad ng Partido, kaya nakikita itong anggulo sa kung bakit siya pinatahimik. Sa kanyang pananaw, ang pamunuan ng Partido ngayon ay wala na ring pinagkaiba kay Marcos o sa kasalukuyang pamahalaang itinuturing pa ring pasista’t diumano’y maraming utang na inosenteng dugo: “lahat sila’y nagpipilit maging Diyos na nagsasabi kung anong tama’t mali, kung sino ang dapat mabuhay o mamatay.” Bagaman buhay pa rin ang NPA sa pakikibaka upang itatag ang Komunismo sa kanayunan, unti-unti na rin itong diumano’y nagiging samahan ng mga tulisang kalaban ng kapayapaang orihinal nilang hinahangad.

Ang katotohanan ukol sa Komunismo, sa kabila ng naging mahabang pagtalakay ng sanaysay na ito, ay hindi talaga mahuhusgahan nang wakas sapagka’t lahat tayo’y may sariling paniniwala’t pagkiling. Ako, sa aking sarili, ay naniniwala sa kahalagahang ibagsak ang namamayaning sistemang nababahiran ng pyudalismo’t pasismong umutang na sa napakaraming dugo ng mga repormistang nagnais lamang ng pagbabago sa mapayapang paraan. Nguni't katulad ng naging desisyon ni Rizal, hindi lamang ako kundi marami pa sa ating hindi naniniwalang panahon nang tayo naman ang magbubo ng maruming dugo. Batambata pa rin tayo sa konsepto ng pagiging malaya't ang isipan nati'y hindi pa rin malayo sa isang alipin, na hindi kataka-taka pagkatapos ang mahigit 400 na taon ng kolonisasyon. Kung gaano pa katagal ang bubunuin nati'y hindi nation tiyak, nguni't malayo pa ang lalakbayin natin bago makamit ang "tunay na paglaya't pagsasarili." Tunay, unti-unting nabubuo ang konsepto ng "Kristiyanong Komunismo" batay sa konsepto ng pagkakapantay-pantay at kabutihang-loob, nguni't hindi ito nasasaklaw dito.

Hinihingi ng ating pagkamakabayan na tayo’y kumilos nang mabilis, marahas at may katiyakan, nguni’t ang ating mga batayang paniniwala ang nagpapaisip, kundi man pumipigil sa karamihan, na lakarin ang pulahang landas. Ang mga katanungang iyan ay ang sarili lamang natin ang makasasagot. Maaaring ang pag-iisip natin ay magdala ulit sa atin pabalik sa isang panahon ng pagbabaka katulad ng Unang Sigwa, o magpatuloy tayong mapasailalim sa lipunan kung saan ANG YAMAN ANG SISTEMA, na ilang hakbang na lamang tungo sa dalisay na pasismo. Nguni't kinakailangang tayo mismo'y mag-isip na habang may panahon at kalayaan pa tayong natitira.

~o~o~o~

Ang siguro'y haharapin kong suliranin ukol sa blog na ito ay kung papaano gaganyakin ang mga kakilala kong magbasa nito...


Creative Commons License
Sa Dapithapon, Nabubulok ang Pulang Watawat by Hansley A. Juliano is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Philippines License.

No comments:

Plurk