Showing posts with label simoun. Show all posts
Showing posts with label simoun. Show all posts

Monday, May 11, 2009

Rizal: Si Senor Paano-Kung at ang Pacquiaoismo


May panahon ka pa upang baguhin ang lahat. Pwede mo akong buhayin.


Anong ginagawa mo rito?

Kailangang pasabugin mo ang lampara. Kailangan magwakas na ang daan-daan taong paghahari at pang-aapi ng pamahalaang Kastila!

Hindi ka pwedeng magtagumpay! Dahil personal lang paghihiganting pakay mo!

Kung ganoon ay baguhin mo ako! Ipakita mo sa akin na ang mahalaga ay ang bayan! Hindi si Maria Clara, hindi ang paghihiganti! Huwag mo akong patayin sa paglason... hindi ko gusto ang pagpatay mo sa akin! Pinatay mo ako dahil akala mo'y wala nang pag-asa ang lahat, ha? Dahil iyon din ang nararamdaman mo sa buhay mo! Pero meron pa! Mababago pa natin ang lahat... Magsulat ka uli!

Papaano kung hindi na ako makapagsulat? Paano kung wala na akong masabi? Paano kung wala nang natira, inubos na ng Dapitan? Paano kung sinira na ng kulungan? Paano kung... kasabay mo'y mapatay din ako?

Kung ganoo'y tama nga sila. Nagkasala ka nga! Traydor ka nga! Wala ka ngang inisip kundi ang sarili mo! Dapat ka ngang mamatay!

Buong buhay ko, wala kayong ginawa kundi husgahan ako, basahin ako. Kinuha niyo na ang lahat sa akin. Kung anu-anong hiningi ninyo, pero hindi niyo pa rin makita kung sino ako. Marami na akong ibinigay, bakit pati ang buhay ko? Patahimikin niyo na ako, para makita ko ang sarili ko!

-
Kathang-isip na diyalogo ni Rizal at Simoun, Jose Rizal

Madalas sabihin ni Dr. Ambeth Ocampo na ang isa sa mga trahedya ng buhay ni Jose Protacio Rizal y Mercado ay ang ituring na pambansang bayani ng Pilipinas. Isang parikala, marahil, kung paanong ang siyang itinuturing ni Leon Ma. Guerrero na "Unang Pilipino" ay siyang iwaksi ng kanyang bayan. Madalas ngang banggitin na si Jose Rizal ay hindi pa nga tunay na bayani kundi isang kolaboreytor na nailigtas lamang ng kanyang pagkamartir sa ilalim ng "tatanga-tangang" Gobernador Polavieja. Huwag na nga lamang si Rizal: sino ba, sa aking tanong, sa ating mga kabataan ang kategorikal na masasabing sila ay mga taong may lubos na kamalayan sa kanilang kasaysayan liban sa mga mapait na paglalatag ng mga "kahalagahan" ng kabayanihan, katapatan at pag-ibig sa lupang tinubuan? Paano mo nga ba maituturo, aking tanong, sa isang bata ang katotohanan ng buhay at ng kanyang papel sa isang bansa kung hindi mo man lamang siya ipinakilala sa kanyang bayan?

Marahil marapat kong sisihin ang namamayaning obsesyon ng kasalukuyang kilos ng mundo sa pagpapakamabilis, mahusay at mainam. Kapuna-punang ang ating mundo ay isang mundong pinatatakbo ng ekonomiya, isang mundong ang tanging halaga ng bawa't tao ay nababatay .sa presyo ng kanyang kakayanan. Ang pagpapalaganap ng ideyal na ang tunay na halaga ng isang tao ay nababatay sa kung ano ang kanyang magagawa, habang tahasang pinipili lamang kung sino ang mga marapat sa eksistensyang ito at itinatapon ang mas nakararaming hindi makakuha nito sa kanilang mapait na kalagayan. Isang pagtatapon sa sangkatauhan sa kalagayang bungang-likha ng modernidad at nagtatag ng isang sistemang lumalamon dito. Ang pagsasapubliko ng pribado. Ang pagpapahalaga sa pagkamal kaysa sa pagbabaha-bahagi.

Madalas sabihin sa akin ng aking mga magulang kung gaano ako kaseryoso para sa isang bata. Hindi nila mawatasan, anila, kung bakit kailangan kong iwaksi ang pakikipag-ugnayan sa ibang batang kaedad ko (na ipinapalagay kong nag-aaksaya lamang ng oras para sa pagtunton sa mga bagay-bagay na wala namang kabuluhan), isang bagay na minsang ding pinagdiinan ni Dr. Ocampo sa aming klase sa Hi 165. Kung paanong imposibleng maging politiko o taong-gobyero si Rizal dahil sa kanyang pagiging lubhang seryoso, lubhang matigas at di pababaliko sa mga usapin ng prinsipyo. Ito marahil, aniya, ang isa sa mga dahilan kung bakit ang daming hindi nakaintindi sa kanya at kung bakit siya binaril. Kung paanong sasabihin ni Heneral Emilio Aguinaldo, sa kanyang katandaan, na inspirasyon ng Himagsikang 1896 ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo gayong hindi naman niya ito binasa kahit na kailan. Kung paanong dahil nga nasulat ito sa wikang Kastila'y hindi man mababasa ng inaaping indio. Kung paanong siya mismo ang nagsabi kina Marcelo del Pilar na ang La Solidaridad "ay mas makakatulong sana kung sa Pilipinas nababasa." Maraming parikala sa buhay ni Rizal na, kung titignan nga natin, ay mapapatanong nga tayo: "Tao nga ba talaga siya? Maitituring ba talaga natin siyang 'atin' at imahen natin?" Tila hindi, at sa totoo'y mas pipiliin niyang gayon.

Ano nga ba ang sinabi niyang habilin, sa isang sulat na malamang ay nalikha sa bisperas ng kanyang pagpanaw:

Bury me in the ground. Place a stone and a cross over it. My name, the date of my birth and of my death. Nothing more. If later you wish to surround my grave with a fence, you can do it. No anniversaries. I prefer Paang Bundok. (Ilibing ninyo ako sa lupa. Tayuan ninyo ng isang lapida't krus sa taas nito. Ang pangalan ko, araw ng kapanganakan at kamatayan. Wala nang iba. Kung pagkatapos ay nais ninyong palibutan ng bakod ang libingan ko, maaari ninyong gawin. Wala nang pag-alalang taunan. Mas pipiliin ko sana sa Paang Bundok.)
Walang nasunod sa mga habiling ito. Mga ilang ulit na tayong tinuturuan kung paano ba ang gawing libangan ang pagbabasa. Kung tutuusin ay hindi ko naman masasabing hindi natin libangan ang pagbabasa: literato ang marami sa atin. Kaya nga lamang, bakit nga ba ang namamayaning babasahin natin ay yaong hindi nakakatulong sa paghubog ng ating identidad bilang mamamayan at kapwa-tao. O baka naman isa lamang itong pag-aaklas sa naging klasikal na paniniwala ng akademya ukol sa pangangailangang maging "intelektwal" ng pagbabasa, na ang pagkakahon sa intelektwal na pagbabasa ay isang limitasyong nararapat igpawan ng lumpenproletariat at ng uring masa upang mapagwagian ang tunggalian ng mga uri? Ito marahil ang trahedya ng ating pagkalulong sa opyong dulot ng Marxismo. Hindi nito inunawa kung paanong ang rebolusyonaryo ay winawasak ang institusyon, siya naman ang naging bagong institusyon. Hindi na ito bago. Naging Paghahari ng Lagim ang Himagsikang Pranses. Naging hegemon at mang-aalipin ang Estados Unidos ng Amerika. At ito nga, ang ating mga bayani ang siya ngayong simbolo ng paniniil ng uring kapitalista't kasike. Huwag pa: MAGING SI HESUS AY NAGING BIKTIMA NG PAGKALIKOT NG MGA NAGHAHARING-URI? Si Rizal mismo ang nagwika: "Paanong nangyari na ang Kristiyanismong lumaganap upang bigyang-tulong ang mga dukha't api ay siya ngayong kasangkapan sa pang-aalipin?"

Ito marahil ang diyalektikong pinag-uugatan natin kung bakit tayo humaling na humaling kay Manny Pacquiao sa kabila ng kanyang mga kapalpakang personal at propesyunal. Nakikita natin sa kanya ang isang imahen ng ating mga sarili: buhat sa hirap, bigo, nguni't nagtatagumpay sa kabila ng di-mawatasang pagsubok. Imahen siya ng ating sama-samang kabiguan na nagagawang magtagumpay muli kahit sunod-sunod ang kabiguan. Marami ang nagsasabi, maging sa mga sirkulo intelektwal, na kung hindi nga lamang siya sana isang tagasunod ng mapaniil at lipos-parikalang pamamahala ni Gloria Macapagal-Arroyo, maihahambing na siya kay Muhammad Ali na isang ikong kultural ng pagwasak sa isteryotipo ng kasike't nakatataas: edukado, magandang mukha't pangangatawan, madaling makakuha ng trabaho't siyang kasama sa mga ginagalang at may karapatang umapi sa kapwa. Hindi kataka-taka, marahil, na umusbong ang isang portal na pinag-uugatan ng "kulturang wasak," na siyang silbi ng kuwestiyonableng satirikal-patawang blog na Hay!Men! Ang Blog ng mga Tunay Na Lalake.

At hindi nga ba ang mga ganitong kaganapan nga lamang ang nagpapatunay kung gaanong katotoo, kung gaanong kakontemporanyo ang isipin ni Rizal sa ating panahon? Hindi baga nagkalat pa ring sandamukal ang mga Senor Pasta sa ating panahon? Ang mga Hermana Rufa na ipokritong nagbabanal-banalan upang lugamiin ang iba? Ang mga dalaginding na inilarawan ni Ninotchka Rosca sa "State of War" na naniniwala pa ring ang "pinakamalamang mga hita ay sa kura?" O kung hindi man, mga Saling na walang magawa kundi isuko ang sarili sa mga Presidente ng bayan at mga panginoong maylupa? Ano ngayon ang sasabihin nating si Rizal ay hindi kabahagi ng ating kamalayan? Ano ang sasabihin nating ang Noli at Fili ay mga likhang sobra na ang pagbabasa kaya hindi na nararapat pag-aksayahan pa ng panahon? Maraming mga bagay pa ang hindi natin nagagawang basahin, at maraming kabulaanan pa ang hindi naiwawaksi.

Sa isang lunang liberal-demokratiko katulad ng ating bayan, walang maaasahang pagbabago sa kabila ng pagpupumilit sa reporma. Ilang ulit na tayong nabalaho sa usapin ng Repormang Agraryo. Ilang ulit na tayong pinagtangkaang pasayawin ng Cha-Cha ng mga payasong hunghang sa ating Lehislatura. Nasasabalag tayo ng alanganing pumili sa isang kahila-hilakbot na nunong may nunal at sa mga galamay ng isang pugitang mas matakaw pa sa buwaya at may bigote. At ang karamihan sa atin ay walang magawa kundi ang magmukmok at mawalan ng pag-asa. "Hindi malalabanan ang sistema." "Walang magagawa; pare-pareho lang sila." "ANG NAKATAKDANG MAGPUTA, MAGPUPUTA." "HINDI NA NANGYAYARI ANG HIMALA."

Pero sa totoo lang, nasa harap natin lagi ang kasagutan. Nakasulat sa isang binubukbok, malutong at inaalikabok na aklat.

Those who cannot learn from history are doomed to repeat it.
- George Santayana.

...[W]ithout weighing the consequences that our frankness may bring upon us, we shall in the present article treat of [the Philipppines'] future. In order to read the destiny of a people, it is necessary to open the book of its past... (...Nang walang pagtimbang sa kahihinatnan ng ating pagkamatapat ay ating pag-usapan sa sulating ito ang hinaharap ng Pilipinas. Upang mabasang mawatasan ang kapalaran ng isang bayan, kinakailangang buksan ang kalatas ng kanyang nakaraan...)

- Jose Rizal, Ang Pilipinas Sa Loob ng Sandaang Taon

Sunday, June 1, 2008

Sa Dapithapon, Nabubulok ang Pulang Watawat

PAUNA: Nakakatawa siguro, pero kung minsan hindi ko rin talaga maunawaan sa sarili ko kung bakit kinakailangan ko pang gawin itong mga paunang ito sa tuwinang may gagawin akong ganitong post. Marahil masyado pa akong alangan sa pagpapanatili ng isang blog na pulos seryosong sulatin ang nakalagay. Ito nga naman ang silbi niya e; sabagay, hindi rin ako makakatiyak na mabibisita ko pa ito araw-araw pag nagsimula na ang mga klase kaya lulubusin ko na ang panahon at lalagyan ito ng laman. Pero siguro, para mailagay ito sa konteksto...

Ito ay nilayon ko bilang salin sa Filipino ng isang sanaysay na inasahan ko sanang lumabas sa The Citizen, opisyal na pahayagan ng The Assembly, ang organisasyon ng mga mag-aaral ng Agham Pulitikal sa Pamantasang Ateneo de Manila. Dahil nga naman medyo naging notorious ang organisasyon namin sa kawalan ng visibility sa Pamantasan, nakikita kong medyo malabong malimbag pa iyon. Kaya tutal meron na din akong sariling paskilan ng sulatin at medyo wala rin talaga akong bagong ideya ngayon (marahil naubos nung huling post), narito ang mga isipin ko't nalalaman sa kasaysayan at konsepto ng Komunismo dito sa Pilipinas. Marami rin akong idadagdag dito lalo't sa kasalukuyan ay pinag-aaralan ko itong masinsinan. Kung titignan ang orihinal ay tunog na tunog "petiburgis"; halatang kulang na kulang ang impormasyon at laban sa Kaliwa. Nguni't hindi ko naman ito babaguhin upang magtunog "tibak" o "Kaliwa", kundi lamang "mapanuri."

~o~o~o~

Sa Dapithapon, Nabubulok ang Pulang Watawat
Isang pahapyaw na pagtingin kung bakit lumaganap at lumalamlam ang Komunismo sa Pilipinas

May kaliwa’t may kanan sa ating lipunan
Patuloy ang pagtutunggali, patuloy ang paglalaban;
Pumanig ka, pumanig ka, huwag nang ipagpaliban pa
Ang di makapagpasya ay maiiipit sa gitna…
- Joey Ayala, “Magkabilaan”

Una akong nagkaroon ng ideya sa nagaganap na pagbabaka sa political spectrum noong ako'y isa pa lamang mag-aaral sa Ikalawang Baitang na may pagkamapanuri, kung di man kalikutan, ng bawa't batang kaedad ko. Noong minsang ako'y nabisita sa National Bookstore kasama ng aking mga magulang pagka't kami'y mamimili ng gamit sa paaralan, tumakas ako sa kanila't tumungo sa lalagyan ng mga aklat pangkasaysayan ng Pilipinas.

Nang pinulot ko ang isang dilaw na aklat na akda ni Abeleda, nabuklat ko ang bahagi tungkol sa pagpapahayag ni Marcos ng Batas Militar at ang mga Rebolusyong Komunista at ng Paghihiwalay. Napatingin ako sa isang talababa (footnote) ukol sa mga ginamit na salitang "makakaliwa" at "makakanan." Sinasabing ang mga "makakaliwa" ay "mga taong nagtutulak sa pagsasagawa ng repormang panlipunan" habang ang mga "makakanan" ang siyang "pumipigil o umuusig sa pagsasagawa ng pagbabago sa lipunan." Bagaman daw, ani Abeleda, na ang karamihan sa mga makakaliwa ay "Komunista," hindi naman lahat ay kabilang sa huli. Idinagdag pa niya na ang mga mamamayan noong panahong iyon ay nahihikayat sumapi sa mga kilusang Komunista dahil "sa pag-asa para sa isang mas mabuting buhay."

Maagang Pagpasok sa Spectrum

Sapagka't napakamusmos pa ng isipan ko para lubos na maunawaan kung ano ba ang tinuran ni Marx na "pagbabangga ng mga uri," nanatili sa isipan ko ang mga ganitong kaisipan maski nang tumuntong na ako sa Unang Taon sa mataas na paaralan. Ang aking guro sa Kasaysayan, na sa unang tingin ay malayung-malayong maging isang isteryotipikal na "aktibista" (yung ipinapakita sa mga telebisyon o balita) tulad ng kanyang ipinagmamalaki, ay minsang idiniin sa aming pagtalakay sa diktaduryang Marcos na "sa puntong ito naging larangan ng mga ideolohiya ang Pilipinas: isang paglalaban sa pagitan ng pasismo't komunismo."


Dulot ng pagkaalala ko ng aking mga napagbabasang palagay ko'y hindi ko pa dapat nababasa noon, itinaas ko ang aking kamay at nagtanong: "Ano nga ba ang Komunismo? Sa kabataan ko sinasabi saming ang mga komunista ay masasamang taong dumarakip at pumapatay sa mayayaman dulot ng paghihiganti't iba pang dahilan. Nguni't nabasa ko dati na ang mga tao'y yumayakap dito 'para sa isang mas mabuting buhay.' Ano ang ibig sabihin ng presensya ng Komunismo sa ating lipunan?" Hindi siya nakatugon sa paraang mapapaisip ako. O kung anuman ang nasabi niya sa akin ay hindi ko talaga magagap noon.

Sa pagkadismaya ko sa klaseng iyon, bumaling ako sa panitikan nang ako’y makarating na sa Ikaapat na Taon bilang lunas sa kakulangang hindi ko naunawaan. Hindi ko alam kung natadhana ba iyon o anuman, nguni’t unti-unti akong nahatak sa pagbabasa ng mga nobelang sosyo-politikal nina Ka Amado Hernandez (“Mga Ibong Mandaragit”) at ni Lualhati Bautista (“Dekada ‘70”). Magkatulad silang nagpapahiwatig ng tila pagkiling sa kaliwang panig ng mga ideolohiya.

Ipinagdiinan ni Hernandez nang mabuti ang mga merito ng kilusang sosyalista. Inilarawan niya ang mga makakamtan nating kabutihan sa pagpapatupad nito, bagaman alinlangan din siya kung magiging epektibo nga ba ito sa lipunang Pilipino. Hindi naman natin ito maiaalis sa kanya, lalo’t ibinabandila nito ang pagkakapantay-pantay at karampatang ganti sa manggagawa, mga bagay na maalab niyang ipinakipagbaka.

Sa kabilang banda, pinukaw ni Bautista sa kanyang salaysay na naganap sa pagsisimula, pagdaloy at pagwawakas ng paghahari ng Batas Militar mula taong 1972 ang mga paniniwala’t sitwasyon ng dekadang nagbigay ng pangalan sa kanyang nobela. Binigyan niya tayo ng isang malapita’t masinsing pagbabahagi kung paanong ang aktibismo ng kabataan noong dekada ’60 ay nagbagong-anyo upang maging isang Rebolusyong Komunista sa panahong ito.

Pangako ng Isang Bagong Lipunan

Sa isang pagbabasa sa lebel ng panitikan, hindi sila talaga yaong mga ituturing mong kamangha-mangha, nguni’t matagumpay nilang naipahayag ang kanilang punto. Ang pakikibakang nakukulayan ng Pulaha’t makakaliwang paniniwalang itinatakwil ng lipunan ay bunga ng mga kasalanan mismo ng lipunan. Ang pamahalaan, ang mga pamayanan, at maging ang Simbahan sa kalahatan ay nabigong itanghal ang kabutihang-asal at ang dignidad ng isang tao, na makikita sa kasuklam-suklam na hindi pagkakapantay-pantay ng uri, pag-usig sa mga nagsusulong ng mabuting pagbabago at angpiyudal-elitistang pagwawalang-bahala ng mga nagmamay-aring uri sa kanilang pamayanan.

Kaya hindi nga maiiwasan, sa kalagayang iyon ng pamayanan, na magbangon at sumumpa ng katapatan sa isang pakikihamok para sa pagkakapantay-pantay ang mga api, lalo na ang mga manggagawa, magsasaka, pesante at ang panggitnang-uri. Ang sumpang ito’y tutuloy sa isang paghaharap na hindi mapipigilan at malulubos ng kaguluhan. Bumaba sa kasaysayan natin ang pagtatalamitam na ito biglang “Unang Sigwa” o “First Quarter Storm.”

Hawak ang mga ganitong prinsipyo’t paniniwala, tayo’y napapaniwala na ang Komunismo ay isang paraan upang itanghal ang kaluluwa, dignidad at kapangyarihan ng uring manggagawa. Nilalayon nitong baguhin ang lipunan patungo sa isang pamayanang ang lahat ng tao’y pantay-pantay; ang lahat ng pag-aari sa loob ng estado’y hawak ng pamahalaan; lahat ng mamamaya’y kumikita sa kabuuang produksyon; at, higit sa lahat, nababatay ang sweldo sa kung magkano ba ang iyong kailangan. Sa biglang tingin, isa itong pagsasama ng Utopia ni Santo Tomas Mora (St. Thomas More) at ng disiplinadong pamumuhay ng mga taga-Sparta. “Isang sakdal at nararapat tularang estado,” maaari nating sabihin. Ito ang “bagong lipunang” tunay na hinahanap ng mga maralita’t nagdarahop noong mga panahon ng pagkamatay ng demokrasya, at hindi ang haling na pangako ni Marcos kung saan “ibinagsak niya ang lumang oligarkiya” nguni’t ang katotohana’y nagtatag siya ng isang pasistang estadong pinamumunuan ng sarili niya ring gawang oligarkiya.

Kung gayon, ano nga ba ang nagpipigil sa taumbayan na abutin ito? Nakalagak ang sagot sa kung papaano ba makakamit ang ganitong lipunan. Tulad ng kinatatakutan ng mga pinakamatapang na repormista noong dekada ’70 sa pamumuno ni Edgar Jopson (isang Atenistang naging Pangulo ng National Union of Students of the Philippines) gayon ang siyang nakita natin sa karanasan ng Tsina, Kuba, Rusya at Cambodia. Makakamit lamang ang ganap na Komunismo gamit ang malawakang pagbabagong panlipunang magpapakawala ng kaguluhan, pagkatakot at pagtatagas ng napakaraming dugo. Nabuo lamang ang isang malakas na Unyong Sobyet matapos ang panghihimagsik ng mga Bolshevik na nagwakas sa pagbagsak at paglipol sa mga Romanov. Ang Nasyonalistang Tsinang pinaghirapang itaguyod ni Sun Yat-Sen at ang tradisyon ng Confucianismo ay kinailangang ilugmok bago naitatag ni Mao ang kanyang pamahalaang totalitaryan. Nagtiis at namuno pa ng napakatagal si Fidel Castro ng isang digmaang gerilya bago niya naitindig ang isang Komunistang republika. At napakaraming tao ang nilipol ng Khmer Rouge na pinamumunuan ng diktador na si Pol Pot sa paghawak ng kanyang partido ng kapangyarihan.

Ang lahat ng halimbawang ito’y sumasalamin sa kung paano nga ba ninais ni Simoun na durugin ang pamahalaang kolonyal ng Espanya sa El Filibusterismo ni Rizal. Inilantad ng kasaysayan kung paanong ang gayon ang mismong wawasak sataumbayan, sapagka’t ang pinanghahawakan nito’y armas ng anarkismo. Ipinapalaganap ng anarkismo ang pagwasak sa konsepto ng batas, na napakalayo sa unang nilalayon ng Komunismo at, sa isang mas sibil nguni’t mapanghamok pa ding paniniwala, ang Sosyalismo: ang pagpapalaya’t humanisasyon ng proletaryo at ng lipunan sa kabuuan. Dadaan tayong tunay sa isang uri ng rebolusyon, nguni’t kagyat itong dapat maging naaayon sa itinatadhana ng batas ng bayan.

Bakit Tayo Naiipit Ngayon sa Gitna?

Madali na ngayon marahil tignan kung bakit ang Komunismo’y nagtagumpay noong una sa paghikayat sa mga mabababa’t panggitnang uri upang itaguyod ang kanilang layunin, at kung bakit humihina ang suporta dito ngayon ng mamamayan. Tunay, ipinalaganap nito ang mga paniniwala’t pangarap ng nasyonalismong Pilipino na sinasagisag ng mga propagandista, ng Katipunan at ng Rebolusyong Pangkalayaan ng 1896-1901. Nguni’t ang pamamaraan ng pagbuo sa mga kasapi ang nagtindig ng mga balakid sa ikatatagumpay nito. Ang tinatawag na “kultura ng kayabangan” o bulag na paniniwala sa pagiging tama’t nakatuon lagi sa “prestihiyo ng Partido” ay dinadaig ang pangangailangan sa pag-iisip upang mas maging katanggap-tanggap sa bayan ang ipinakikipaglaban nito.

Ang naging labis na pagtuon ng mga kasapi sa pagpapanatiling buhay ng Partido Komunista ng Pilipinas na tatag ni Jose Maria Sison, kahit naging kuwestiyonable na ang mga kilos nito upang makamit ang layunin, ay nakapagpapaalaala sa winika ng dating Pangulong Manuel Luis Quezon (na itinuturing na “tuta” ng Imperyalistang Amerika): “Ang paniniwala ng mga Unipersonalista ay dapat iligtas ang partido sa lahat ng oras, kahit isakripisyo natin ang mga batayang prinsipyo. Kaming mga Kolektibista’y naniniwalang dapat pahalagahan higit sa lahat ang mga batayang prinsipyo , kahit ibig sabihin nito’y mawawasak ang Partido.” Totoong magkalaban sa political spectrum ang usapin ng Komunismo at ang pananaw pederal ni Quezon ukol sa pulitika, nguni’t makikita nating ang mga mekanismo ng pagkilos nila’y hindi naglalayo.

Bagaman kulang pa sa isang sanaysay ang pagtalakay sa mga batayang etika ng Komunismo, nararapat nating pansinin na ang kalikasan ng kilusan noong panahon ng Batas Militar at sa kasalukuyang panahon sa usaping moral at etikal ay magkaibang-magkaiba.

Sa kapanahunang ng Batas Militar kung saan pinalalaganap na ang mga reporma ng Vaticano II, tuwiran pa ring iwinawaksi ng mga Papa ng Simbahang Katoliko ang Marxismo nguni’t hayag na maraming kleriko, mga madre’t laykong deboto sa Simbahan ang nakiisa’t sumapi pa nga sa Partido dahil sa pagkakatulad nilang ipinagbabaka ang dignidad at karapatang pantao. Naniniwala din si P. Edicio dela Torre, SVD, batay sa kanyang naging sagot sa isang naguguluhang Edgar Jopson (na mula sa pagiging repormista’y naging isa pang tagapangulo ng Partido at napatay sa kainitan ng pang-uusig ni Marcos) na ang “pananatiling mananampalataya ay isang personal na katanungan. Hindi tinanong ng Partido kung sila ba’y naniniwala sa Diyos o hindi. Ang naniniwala’y nagpatuloy; ang hindi naniniwala’y walang ginawang hakbang upang ipilit ang gayon.”

Napakalaki ng kaibahan dito diumano sa kasalukuyan. Sa paglalarawan ni Gng. Gloria “Joy” Jopson-Kintanar, “hindi na ito yung kilusang pinasok mo’t pinag-alayan mo ng buhay mo… Ito pa mismo ang kikitil sa buhay mo.” Sa panahon ng kaguluhan sa loob ng Partido na bunga ng pagbabalik ng “demokrasya” sa ilalim ni Corazon Aquino, napatay ang isa sa mga pangunahing pinuno nitong si Romulo Kintanar, pangalawang asawa ni Joy matapos si Jopson.

Si Kintanar diumano’y pinarusahan ng New People’s Army dulot ng kanyang katiwalian at paglalakad na magkawatak-watak ang kilusan. Ayon kay Joy, dulot ito ng pagpapalabas ni Kintanar sa isyu na nagtuturo kay Jose Maria Sison bilang pasimuno ng pambobomba sa Plaza Miranda noong 1971 na naging “dahilan” diumano ni Marcos upang ideklara ang Batas Militar. Isa itong kasiraan hindi lang kay Sison kundi mismo sa integridad ng Partido, kaya nakikita itong anggulo sa kung bakit siya pinatahimik. Sa kanyang pananaw, ang pamunuan ng Partido ngayon ay wala na ring pinagkaiba kay Marcos o sa kasalukuyang pamahalaang itinuturing pa ring pasista’t diumano’y maraming utang na inosenteng dugo: “lahat sila’y nagpipilit maging Diyos na nagsasabi kung anong tama’t mali, kung sino ang dapat mabuhay o mamatay.” Bagaman buhay pa rin ang NPA sa pakikibaka upang itatag ang Komunismo sa kanayunan, unti-unti na rin itong diumano’y nagiging samahan ng mga tulisang kalaban ng kapayapaang orihinal nilang hinahangad.

Ang katotohanan ukol sa Komunismo, sa kabila ng naging mahabang pagtalakay ng sanaysay na ito, ay hindi talaga mahuhusgahan nang wakas sapagka’t lahat tayo’y may sariling paniniwala’t pagkiling. Ako, sa aking sarili, ay naniniwala sa kahalagahang ibagsak ang namamayaning sistemang nababahiran ng pyudalismo’t pasismong umutang na sa napakaraming dugo ng mga repormistang nagnais lamang ng pagbabago sa mapayapang paraan. Nguni't katulad ng naging desisyon ni Rizal, hindi lamang ako kundi marami pa sa ating hindi naniniwalang panahon nang tayo naman ang magbubo ng maruming dugo. Batambata pa rin tayo sa konsepto ng pagiging malaya't ang isipan nati'y hindi pa rin malayo sa isang alipin, na hindi kataka-taka pagkatapos ang mahigit 400 na taon ng kolonisasyon. Kung gaano pa katagal ang bubunuin nati'y hindi nation tiyak, nguni't malayo pa ang lalakbayin natin bago makamit ang "tunay na paglaya't pagsasarili." Tunay, unti-unting nabubuo ang konsepto ng "Kristiyanong Komunismo" batay sa konsepto ng pagkakapantay-pantay at kabutihang-loob, nguni't hindi ito nasasaklaw dito.

Hinihingi ng ating pagkamakabayan na tayo’y kumilos nang mabilis, marahas at may katiyakan, nguni’t ang ating mga batayang paniniwala ang nagpapaisip, kundi man pumipigil sa karamihan, na lakarin ang pulahang landas. Ang mga katanungang iyan ay ang sarili lamang natin ang makasasagot. Maaaring ang pag-iisip natin ay magdala ulit sa atin pabalik sa isang panahon ng pagbabaka katulad ng Unang Sigwa, o magpatuloy tayong mapasailalim sa lipunan kung saan ANG YAMAN ANG SISTEMA, na ilang hakbang na lamang tungo sa dalisay na pasismo. Nguni't kinakailangang tayo mismo'y mag-isip na habang may panahon at kalayaan pa tayong natitira.

~o~o~o~

Ang siguro'y haharapin kong suliranin ukol sa blog na ito ay kung papaano gaganyakin ang mga kakilala kong magbasa nito...


Creative Commons License
Sa Dapithapon, Nabubulok ang Pulang Watawat by Hansley A. Juliano is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Philippines License.

Plurk