Nakakapagod rin minsan magpaliwanag.
Madalas nating pinag-uusapan kung ano ang sanhi at bunga ng mga bagay-bagay sa paligid natin. Kung bakit hindi puwedeng "basta" na lamang ang katanggap-tanggap na paliwanag; siyempre, alam mo namang pagdating sa "basta," mayroon nang panganib ng pagkatapos ng pag-uusap. Katulad ng pinagmamalaki nating slogan ng Love Radio na "Kailangan pa bang i-memorize yan?", nasa panganib ng pagsasabi ng "basta" ang posibilidad na hindi na natin pag-iisipan ang ginagawa natin dala marahil ng pananabik, pagmamadali, pagnanasang makatapos, karuwagan, pagkatakaw, pagkasakim. Minsan kapag sinasabi na nating "basta", ipinagpapalagay nating hindi na natin kailangang ipaliwanag dahil ang akala natin alam na ng kausap natin. Alam na dahil naranasan na. Alam na dahil kasama natin siya sa dating karanasan. Alam na dahil pareho ng pinagdadaanan. Alam na dahil pareho ang pinag-uusapan at layon.
Alam na.
Marami sa ating nagpapalagay na dapat "alam na natin" ang mga bagay-bagay. Alam mo na dapat kung ano ang ID number mo. Alam mo na dapat na may nanalo ng 741M sa Lotto nitong Lunes. Alam mo na dapat na mayroong masama diumano sa Neozep kaya huwag ka munang magkakasipon (o kung malas ka talaga, mag-Decolgen ka muna). Alam mo na dapat na kapag pupunta ka sa job interview e dapat nakasuot ka ng matino, naligo, nag-ahit, naghanda magsalita at maging pormal kumilos. Alam mo na dapat na kung papasok ka sa klase ay dapat nakapagbasa ka ng mga babasahin, at kund hindi e yayariin ka ng guro. Alam mo na dapat na hindi ka dapat nagkakalat sa harap ng maraming kaibigan ng sinisikap mong ligawan (unless natitiyak mong mas may kiling sila sa iyo) kung ayaw mo malaglag at makasira ng pagkakaibigan. Alam mo na dapat na kapag boring na ang guro at hindi ka na dapat nakikinig... DOTA NA!!! sa ever-convenient na laptop habang kunyari ay nagtatala ng mga nota. Alam mo na dapat na hindi ka dapat mamalahiyo (plagiarism para sa mga hindi nakakaunawa; abangan ang Ikatlong Isyu ng Matanglawin! *shameless plugging*) sa isang pamantasang kayang sirain ang self-respect ng isang pangulo ng Board of Trustees na nagkasala ng ganoon. Marami nang dapat ay inakala nang "masyadong obvious" na ang isipin na may hindi nakakaunawa nito ay "baliw" o "iresponsable."
Baliw. Iresponsable.
Tuwing magkakaroon ng labasan ng iskandalo o mga sablay na nagawa, mabilis kaagad tayong mambato at manisi. Mabilis tayong makibahagi sa paglibak sa mga itinuturong maysala kahit hindi natin alam kung makatarungan nga bang gawin yaon o hindi. Yung ibang-iba sa atin ay hindi natin magawang mayakap, hindi natin magawang harapin nang maayos at ituring na kapwa natin. Higit pa rito, hindi tayo bukas sa posibilidad na tayo ay posibleng kaakibat sa mga kalagayan at ugnayang nagkakahon (kung di man nagkakadena) sa kanila sa ganitong masamang lagay. Hindi natin matanggap na ang mga ilang "iba" sa ating paligid ay posibleng likha din natin. Hindi natin kayang harapin ang ginawa ng mga nauna sa atin, at natatakot tayo sa mga ito at kung ano ang posibleng harapin ng mga susunod sa atin. Ikakahon natin ang ating mga sarili sa mga komportableng bagay, pati ang ating mga anak, kahit ikamatay ng kanilang pagnanasang lumaki, maging maalam, lumipad. Tandaan: hindi mo mapipigil ang isang isipang nais lumaya. Masaya na ang prinsipeng si Siddharta at mayroon nang pamilya, nguni't pinili niyang maglakbay, mag-aral at magpakasakit upang maging Buddha. Lilitaw ang liwanag sa sinumang nagnanais, mag-isa man o mayroon siyang mga kasama.
Pakikisama.
Siyempre nga naman, tayo nga naman pala uli ay mga "sosyo-politikal na hayop." Emphasis on hayop (paumanhin sa mga hayop). Hayop. Animal. Mula sa salitang Latin na "anima." Kumikilos. May nagpapakilos satin, at ang nagpapakilos satin ang matatawag nating "pagnanasa." Dahil tayo ay mga nilalang na nagnanasa (dala na rin ng pagkakilalang tayo ay kulang), hindi tayo nangingiming gawin ang lahat ng posibleng kailangang gawin para makamit natin ang inaakala nating nais natin at kailangan natin. Minsan napaghahalo natin ang kailangan natin at nais natin, kahit hindi tama iyon. Siyempre, kasi minsan ang nais natin ay kung ano yung makinang, yung nakakasilaw, yung iniisip nating makakatulong para masilaw natin ang iba't hangaan nila tayo. Nakakalimutan natin yung sinabi ni Emilio Jacinto na ang ningning, dahil ito ay nakakasilaw, ay hindi tunay na liwanag. Ang tunay na liwanag, sa kanyang dalisay na pag-iral, ang nakapagbubukas ng mata, ang nakakapagbigay ng kakayahan sa isang tao na makakitang maayos. Siyempre, hindi nagsalubong si Platon at Emilio Jacinto (lalo't ang pananaw ni Platon sa dalisay na liwanag ay nakakasilaw, "white ecstasy" sabi nga ng iba), pero alam mo ang patunguhan. "Great minds think alike," ika nga.
Dakilang pag-iisip.
Marami sa ating takot mag-isip nang higit sa ating kasalukuyang kalagayan. Takot na tayong mangarap. Takot na tayong madapa at masugatan, gayong ang anumang sugat at galos ay nagsisilbing tanda ng isang pusong nagtaya, handang muling magtaya kahit nabigo't nabitin. Hindi kailangang malaki; sabi nga ng aking hinahangaang si Joey Ayala: "ang mga dakilang gawa'y nagmumula sa guni-guni." Hindi nagsisimulang malaki ang mga dakila; nagiging dakila lamang ang mga dakila sapagka't nangahas silang sumampa sa mga bagay na kaya nilang tuntungan nguni't maaari lamang masampahan pagkatapos ng mahabang pakikipagbuno. Nagawa lamang tuntungan ni David ang bangkay ni Goliat pagkatapos makipagbuno't mangahas gumamit ng isang hamak na tirador. Mas okey gamitin ang armas na datihan mo nang ginagamit at alam mong hindi ka bibiguin, hindi ba? Para ring pag-akyat ng bundok: mahirap, puno ng hamon at patibong, pero pagdating sa tuktok, anong ganda ng vista (hindi yung sablay na Windows OS).
Pakikipagbuno.
Huwag tayo matakot makipagbuno. Tiyakin lamang natin kung papaano natin titindigan ang ating pinagtatanggol sa ating pakikipaglaban. Lumalaban tayo dahil mayroon tayong pinapahalagahan. Dahil mayroon tayong ninanasa. Mayroon tayong minamahal na handa nating pag-ubusan ng kahuli-hulihang patak ng dugo. Natandaan ko, kahapon lang sa klase ng isang kagalang-galang na gabay, na delikado gamitin ang pagmamahal bilang kategorya ng pagkilos tungo sa pagbabago. Dahil ang pag-ibig ay pribadong bagay, hindi ito madaling bigyan ng pananagutan. Kapag inilabas mo at pinagwagwagan sa harap ng marami, pag-aagawan iyan. Babasahin. Kikilatisin. Hihimayin. Pipira-pirasuhin. Sira ang kabanalan ng pag-uugnayan ng nagmamahalan. Mula dito, parang hindi katanggap-tanggap ang pag-ibig bilang tunguhin ng ating mga kilos. Kumikilos tayo dahil nagmamahal tayo't nais nating mahalin. Parang hindi dalisay na pag-asa, dahil may inaasahan pa rin tayo. Kung ang tunay na pag-asa ay dalisay at walang bahid pagkamakasarili, posible kayang maging pag-ibig ang pinagmumulan ng ating mga kilos at hindi na ang ating hinahanap? Kumbaga, "if love cannot be the object of our efforts and longings, can it be our driving force/impetus towards greater heights?" Alam ko, parang tinatalo natin si Hannah Arendt sa pinagsasabi kong ito, pero imposible kaya?
Baka naman hindi. Baka naman may silbi ang pag-asa ni Michael Hardt:
"Everyone always talks about them in terms of their hatred, which is of course true too, but I don’t think there’s really a contradiction between love and hate. What I think is really fundamental to them is there’s a kind of “love of the same,” “love of the race,” and that’s what leads so horribly wrong in them. ... One thing that prohibits us from loving the stranger—from enacting the kind of politics that is based on love in a much more general expansive way—is precisely the regimes of violence in the world and those proscriptions for division that prohibit us, that not only make it dangerous, but make it impossible for us to form a politics constructed through love in this way." (A Conversation on the Politics of Love, with Leonard Schwartz).
Siyempre, tinapos ko talaga ang lahat ng sinabi ko sa pagsasalita ukol sa pag-ibig (then again, hindi naman politikal na sulatin ito). Dahil sabi nga ng pamagat ng libro ni Dr. Agustin Martin Rodriguez, PAG-IBIG ANG KATUWIRAN NG KASAYSAYAN.
No comments:
Post a Comment