Wednesday, December 15, 2010

Makaubos

(Orihinal na naipaskil Biyernes, Disyembre 10, 2010, ng 10:19 n.g.)

Isang tulang naisulat matapos pagmasdan ang ngumingiting silay ng buwan na nagpapanginig sa laman.

Tila ka isang multo.
Nguni't hindi katulad ng mga multong bigla na lamang sumusulpot
Nakatitig sa akin gamit ang mga matang tinatanglaw ang apoy ng poot.
Hindi ka katulad ng mga multo ng aming angkan
Na nagpaparamdam gamit ang mga alaalang iniwan nila noong sila'y nabubuhay.
Hindi ka katulad ng mga multo ng baliw na lungsod
Sumusulpot, nananakot, naghihimagsik, nagpupumilit muling mabuhay
Sa ilalim ng mga ilaw dagitab ng isang mundong mas patay pa sa kanya.

Tila ka isang multo.
Nguni't hindi katulad ng mga multo ng aking kabataan
Na nakikita ko sa pananakot ng aking mga magulang
Ukol sa mga Bumbay, mga pulis, mga security guard, mga Intsik.
Hindi katulad ng isang taong grasang ibinabalala sa aki'y nangangagat
At kakapit nang walang likat
Hanggang hindi ko siya nabibigyan ng barya.
Hindi ka katulad ng mga babaeng multong lumulutang sa karimlan
Na sumisigaw ng dugo't katarungan
Matapos iwan ng mga minamahal at mga gumahasa.
Hindi ka katulad nila.

Ikaw ang multong nabubuhay.
Ang multong hindi nalalaman na siya'y patungo nang walang hanggan
Kahit umiiral pa sa kanyang sariling lunan.
Ikaw ang multong likha ko
Nguni't hindi ko talaga likha
Sapagka't kung akin talagang gawa
Ay magagawa ko ring masira.
Ikaw ang multong patuloy na nananahan sa gunita
Sapagka't ikaw ay hindi ko magawang mayakap
Kahit posible naman ang magkadaupang-palad.
Ikaw ang multong laging bumabalik sa tainga ang bungisngis
Kahit na ang bulong mo'y hangin na ang uminis.
Ikaw ang multong nahihimlay ng payapa
At natitiyak kong anghel ka ngang talaga.

Nguni't sa tuwing maglalakad sa gabing pusikit
Sa gunita'y hindi mapigilang maramdaman ang sakit
Pagka't ang pangangarap sa iyong pagbabalik
Nagbibigay lang sa akin ng kaunting ulik-ulik.

Kaya narito, ang pluma ay muling nananahimik
Dahil ang panginginig sa iyong pagbabalik
Upang ang kaluluwang sawi'y muling mahindik
Ay nagdudulot sa aking mag-ulik-ulik
At mawalang-saysay ang lahat ng aking titik.

Eat! Restaurant
64 E, Calzada Esteban Abada
10:09 ng gabi.

No comments:

Plurk