Showing posts with label tula. Show all posts
Showing posts with label tula. Show all posts

Wednesday, December 15, 2010

Makaubos

(Orihinal na naipaskil Biyernes, Disyembre 10, 2010, ng 10:19 n.g.)

Isang tulang naisulat matapos pagmasdan ang ngumingiting silay ng buwan na nagpapanginig sa laman.

Tila ka isang multo.
Nguni't hindi katulad ng mga multong bigla na lamang sumusulpot
Nakatitig sa akin gamit ang mga matang tinatanglaw ang apoy ng poot.
Hindi ka katulad ng mga multo ng aming angkan
Na nagpaparamdam gamit ang mga alaalang iniwan nila noong sila'y nabubuhay.
Hindi ka katulad ng mga multo ng baliw na lungsod
Sumusulpot, nananakot, naghihimagsik, nagpupumilit muling mabuhay
Sa ilalim ng mga ilaw dagitab ng isang mundong mas patay pa sa kanya.

Tila ka isang multo.
Nguni't hindi katulad ng mga multo ng aking kabataan
Na nakikita ko sa pananakot ng aking mga magulang
Ukol sa mga Bumbay, mga pulis, mga security guard, mga Intsik.
Hindi katulad ng isang taong grasang ibinabalala sa aki'y nangangagat
At kakapit nang walang likat
Hanggang hindi ko siya nabibigyan ng barya.
Hindi ka katulad ng mga babaeng multong lumulutang sa karimlan
Na sumisigaw ng dugo't katarungan
Matapos iwan ng mga minamahal at mga gumahasa.
Hindi ka katulad nila.

Ikaw ang multong nabubuhay.
Ang multong hindi nalalaman na siya'y patungo nang walang hanggan
Kahit umiiral pa sa kanyang sariling lunan.
Ikaw ang multong likha ko
Nguni't hindi ko talaga likha
Sapagka't kung akin talagang gawa
Ay magagawa ko ring masira.
Ikaw ang multong patuloy na nananahan sa gunita
Sapagka't ikaw ay hindi ko magawang mayakap
Kahit posible naman ang magkadaupang-palad.
Ikaw ang multong laging bumabalik sa tainga ang bungisngis
Kahit na ang bulong mo'y hangin na ang uminis.
Ikaw ang multong nahihimlay ng payapa
At natitiyak kong anghel ka ngang talaga.

Nguni't sa tuwing maglalakad sa gabing pusikit
Sa gunita'y hindi mapigilang maramdaman ang sakit
Pagka't ang pangangarap sa iyong pagbabalik
Nagbibigay lang sa akin ng kaunting ulik-ulik.

Kaya narito, ang pluma ay muling nananahimik
Dahil ang panginginig sa iyong pagbabalik
Upang ang kaluluwang sawi'y muling mahindik
Ay nagdudulot sa aking mag-ulik-ulik
At mawalang-saysay ang lahat ng aking titik.

Eat! Restaurant
64 E, Calzada Esteban Abada
10:09 ng gabi.

Saturday, February 13, 2010

Oda Sa Kape

Naaalala ko lamang sa iyong halimuyak
ang mga alaala ng isang hacienda
Lunan ng mga multo ng encomienda
Na sumisikil at nag-iipit
Sa aming mga amang kuba na sa bukid
Sunog sa init ng araw, utak ay tinunaw
Habang ang salaping aming ninais
Ay hindi sumapat kahit kailan
Kahit pa pinag-usapan
At sa bawa't pagsipsip ng likidong
Nakuha mula sa mga buto ng ani
Ay inyong sinasaid ang aming dugo
Na matagal nang dinilig ang lupang ito
sa oras ng pagsusumikap
Sa panahon ng pagkamkam at paglipol sa amin
Kaya sa tuwing ako'y makakatikim
Ng mapait na nektar na iyan
Ako'y sumusumpa sa bawa't patak
Na ang katarunga'y sasakanila
Kungdi ang mga sugat ay aantak.

Friday, May 22, 2009

Kaibigang Pandong


The Assassination of Governor Bustamante and His Son, Felix Ressurrecion Hidalgo


Ilang ulit ko nang hinanap ang iyong libingan
Nguni't hindi kita matutunang matunton.
Mahirap unawain ang mapait na katotohanang
Sinuklian ang katuwiran ng pagkabuhong.

Mapait isiping kung paanong ang katarungan
Ay napasasailalim sa kasamaan ng kaluluwa,
At paanong ang relihiyon ay ininis at sinisikaran
Ng mga mismong ministrong walang-wawa.

Tunay nga marahil na isang malaking parikala
Na ikaw, Kamahalang Kinatawan ng Hari,
Ay ipagkanulo't paslangin ng iyong mga kauri
At itangis ng mga indiong ni hindi mo kilala.

Kahimanawaring mabuti nga na ang aming nuno
Napagalaw ng mga musa ang mabunying kamay,
Upang ipaalala sa lahat sa aming mga nabubuhay
Na martir ka ng Simbahang kubkob ng diyablo.

Hindi mo man kami dinulutan ng ilaw ng paglaya,
Kami nama'y tinuruan mo ng sinag ng reporma;
Sa iyo ay magsimula ang sanrekwang pagdurusa
Na idinulot sa amin ng mga prayleng walang-hiya.

Na sa katapusan ay pagbuhatan ng isang pagbalikwas,
Na sa mapait na kinsapitan ng Espanya'y magwakas,
At sa bayang ito'y hindi na muling pasasailalim pa
Sa mapait na lason ng isang balintunang Iglesia.


The Franciscans, Dominicans and Augustinians came out from their convents, each as a body, carrying in their hands crucifixes and shouting, ‘Long Live the Church! Long Live King Felipe V!’… they were joined by people of all classes and proceeded to the Church of San Agustin…

The governor who was roused from his sleep and informed of the arrival of the mob sprang up and ordered the guards to keep back the crowd… He dispatched an order to the fort to discharge artillery at the crowd; but he was so little obeyed that, although they applied a match to two cannons, these where aimed so low that the balls were buried in the middle of the esplanade of the fort.

Without opposition, this multitude arrived at the doors of the palace… As for the soldiers of the guard, some retreated in fear, and others in terror laid down their arms. The mob climbed up by ladders and entered the first hall, the halberdiers not firing the swivel-guns that had been provided, although the governor had commanded them to do so…

{tThe governor} attempted to discharge his gun at a citizen standing near and it missed fore; then the governor drew his saber and wounded the citizen; the latter, and with him all the rest at once attacked the governor. They broke him right arm, and a blow on his head from a saber caused him to fall like one dead.

- Volume 44, The Philippine Islands: Emma Blair and James Robertson

Friday, June 13, 2008

Balik-Tanaw: Hindi makapag-aantay ang tren

Eto, dahil, nga naman hindi talaga ako makagawa ng isang seryosong blog nitong nakakaraang mga araw, napagpasyahan kong unti-untiing ilipat dito sa aking Blogspot ang mga magagandang piyesa (para sa akin) na nagawa ko sa nakakaraang taon. Siyempre, yung mga nasa Filipino lang.

Orihinal itong naipost noong Hunyo 4, 2008:

~o~o~o~

Hindi makapag-aantay ang tren

para sa lahat ng naglakbay at tumawid at nawalan ng buhay

tumatakbo sa isip mo
ang treng iyong ninanais sakyan
nguni't hinihila ka mula sa istasyon
ng pagpupumilit ng nanay
na manatili sa isang tabi't
piliin ang buhay na walang iniisip

kundi ang sumakay sa Mercedes
tawaging "sir" ng mga SG sa Forbes
malaking paycheck na iaabot
sa iyo ng pinagtatrabahuhan
at huwag subukang sakyan ang tren
na dapat mapigil sa pagtakbo

sa isang treng tiyanak ang nagpapatakbo
binabantayan ng mga kapreng hindi
tabako kundi baril ang umuusok
na ngayo'y pinagsisikapang samahan
upang maglingkod sa pasahero
na sa totoo'y pumipigil sa kanilang umupo

at dahil diya'y lalo kang nagugulumihanan
sa hindi mo pa masabing katotohanan
na natatakot kang kanyang malaman
na ang layon mong biyaheng kayo'y magkaniig
pag pinagtambis sa nais mong pagbaklas sa riles
daranas lang siya ng pagtitiis at pagluhang labis

na dahil sa "makasisira sa imahe ng tren"
maski tumayo sa kinauupua'y di magawa
dahil krimen na ipaalam na natamnan ng bomba
ang tren, na pipigiling ipaalam sa pasahero
ng mga matapa't na kapreng gamit ay M-16
BENG! BENG! BENG! panga mo'y babasagin

kaunting segundo lamang ang sa iyo'y natitira
sasakay ka ba't sisigaw na "may bomba! bumaba!
hanapin iyo't panagutin ang tiyanak na drayber nito!"
kahit puwedeng makapareho si Kuya Jonas
na kaibigan mong sumakay din sa treng may bomba
at dahil sumigaw, ni anino hindi makita, hindi malutas

nguni't kahit magalit pa ang lahat ng nanay
kaysa pabayaang ang mga pasahero'y mamatay
sa bombang naitanim dahil pabaya ang drayber
na mas katakot ang mukha kaysa kay Nora
kung hindi ka sasakay, hindi ka mamamatay
hindi dapat ituring na Pilipinong marangal nabuhay

Plurk