Monday, May 11, 2009

Rizal: Si Senor Paano-Kung at ang Pacquiaoismo


May panahon ka pa upang baguhin ang lahat. Pwede mo akong buhayin.


Anong ginagawa mo rito?

Kailangang pasabugin mo ang lampara. Kailangan magwakas na ang daan-daan taong paghahari at pang-aapi ng pamahalaang Kastila!

Hindi ka pwedeng magtagumpay! Dahil personal lang paghihiganting pakay mo!

Kung ganoon ay baguhin mo ako! Ipakita mo sa akin na ang mahalaga ay ang bayan! Hindi si Maria Clara, hindi ang paghihiganti! Huwag mo akong patayin sa paglason... hindi ko gusto ang pagpatay mo sa akin! Pinatay mo ako dahil akala mo'y wala nang pag-asa ang lahat, ha? Dahil iyon din ang nararamdaman mo sa buhay mo! Pero meron pa! Mababago pa natin ang lahat... Magsulat ka uli!

Papaano kung hindi na ako makapagsulat? Paano kung wala na akong masabi? Paano kung wala nang natira, inubos na ng Dapitan? Paano kung sinira na ng kulungan? Paano kung... kasabay mo'y mapatay din ako?

Kung ganoo'y tama nga sila. Nagkasala ka nga! Traydor ka nga! Wala ka ngang inisip kundi ang sarili mo! Dapat ka ngang mamatay!

Buong buhay ko, wala kayong ginawa kundi husgahan ako, basahin ako. Kinuha niyo na ang lahat sa akin. Kung anu-anong hiningi ninyo, pero hindi niyo pa rin makita kung sino ako. Marami na akong ibinigay, bakit pati ang buhay ko? Patahimikin niyo na ako, para makita ko ang sarili ko!

-
Kathang-isip na diyalogo ni Rizal at Simoun, Jose Rizal

Madalas sabihin ni Dr. Ambeth Ocampo na ang isa sa mga trahedya ng buhay ni Jose Protacio Rizal y Mercado ay ang ituring na pambansang bayani ng Pilipinas. Isang parikala, marahil, kung paanong ang siyang itinuturing ni Leon Ma. Guerrero na "Unang Pilipino" ay siyang iwaksi ng kanyang bayan. Madalas ngang banggitin na si Jose Rizal ay hindi pa nga tunay na bayani kundi isang kolaboreytor na nailigtas lamang ng kanyang pagkamartir sa ilalim ng "tatanga-tangang" Gobernador Polavieja. Huwag na nga lamang si Rizal: sino ba, sa aking tanong, sa ating mga kabataan ang kategorikal na masasabing sila ay mga taong may lubos na kamalayan sa kanilang kasaysayan liban sa mga mapait na paglalatag ng mga "kahalagahan" ng kabayanihan, katapatan at pag-ibig sa lupang tinubuan? Paano mo nga ba maituturo, aking tanong, sa isang bata ang katotohanan ng buhay at ng kanyang papel sa isang bansa kung hindi mo man lamang siya ipinakilala sa kanyang bayan?

Marahil marapat kong sisihin ang namamayaning obsesyon ng kasalukuyang kilos ng mundo sa pagpapakamabilis, mahusay at mainam. Kapuna-punang ang ating mundo ay isang mundong pinatatakbo ng ekonomiya, isang mundong ang tanging halaga ng bawa't tao ay nababatay .sa presyo ng kanyang kakayanan. Ang pagpapalaganap ng ideyal na ang tunay na halaga ng isang tao ay nababatay sa kung ano ang kanyang magagawa, habang tahasang pinipili lamang kung sino ang mga marapat sa eksistensyang ito at itinatapon ang mas nakararaming hindi makakuha nito sa kanilang mapait na kalagayan. Isang pagtatapon sa sangkatauhan sa kalagayang bungang-likha ng modernidad at nagtatag ng isang sistemang lumalamon dito. Ang pagsasapubliko ng pribado. Ang pagpapahalaga sa pagkamal kaysa sa pagbabaha-bahagi.

Madalas sabihin sa akin ng aking mga magulang kung gaano ako kaseryoso para sa isang bata. Hindi nila mawatasan, anila, kung bakit kailangan kong iwaksi ang pakikipag-ugnayan sa ibang batang kaedad ko (na ipinapalagay kong nag-aaksaya lamang ng oras para sa pagtunton sa mga bagay-bagay na wala namang kabuluhan), isang bagay na minsang ding pinagdiinan ni Dr. Ocampo sa aming klase sa Hi 165. Kung paanong imposibleng maging politiko o taong-gobyero si Rizal dahil sa kanyang pagiging lubhang seryoso, lubhang matigas at di pababaliko sa mga usapin ng prinsipyo. Ito marahil, aniya, ang isa sa mga dahilan kung bakit ang daming hindi nakaintindi sa kanya at kung bakit siya binaril. Kung paanong sasabihin ni Heneral Emilio Aguinaldo, sa kanyang katandaan, na inspirasyon ng Himagsikang 1896 ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo gayong hindi naman niya ito binasa kahit na kailan. Kung paanong dahil nga nasulat ito sa wikang Kastila'y hindi man mababasa ng inaaping indio. Kung paanong siya mismo ang nagsabi kina Marcelo del Pilar na ang La Solidaridad "ay mas makakatulong sana kung sa Pilipinas nababasa." Maraming parikala sa buhay ni Rizal na, kung titignan nga natin, ay mapapatanong nga tayo: "Tao nga ba talaga siya? Maitituring ba talaga natin siyang 'atin' at imahen natin?" Tila hindi, at sa totoo'y mas pipiliin niyang gayon.

Ano nga ba ang sinabi niyang habilin, sa isang sulat na malamang ay nalikha sa bisperas ng kanyang pagpanaw:

Bury me in the ground. Place a stone and a cross over it. My name, the date of my birth and of my death. Nothing more. If later you wish to surround my grave with a fence, you can do it. No anniversaries. I prefer Paang Bundok. (Ilibing ninyo ako sa lupa. Tayuan ninyo ng isang lapida't krus sa taas nito. Ang pangalan ko, araw ng kapanganakan at kamatayan. Wala nang iba. Kung pagkatapos ay nais ninyong palibutan ng bakod ang libingan ko, maaari ninyong gawin. Wala nang pag-alalang taunan. Mas pipiliin ko sana sa Paang Bundok.)
Walang nasunod sa mga habiling ito. Mga ilang ulit na tayong tinuturuan kung paano ba ang gawing libangan ang pagbabasa. Kung tutuusin ay hindi ko naman masasabing hindi natin libangan ang pagbabasa: literato ang marami sa atin. Kaya nga lamang, bakit nga ba ang namamayaning babasahin natin ay yaong hindi nakakatulong sa paghubog ng ating identidad bilang mamamayan at kapwa-tao. O baka naman isa lamang itong pag-aaklas sa naging klasikal na paniniwala ng akademya ukol sa pangangailangang maging "intelektwal" ng pagbabasa, na ang pagkakahon sa intelektwal na pagbabasa ay isang limitasyong nararapat igpawan ng lumpenproletariat at ng uring masa upang mapagwagian ang tunggalian ng mga uri? Ito marahil ang trahedya ng ating pagkalulong sa opyong dulot ng Marxismo. Hindi nito inunawa kung paanong ang rebolusyonaryo ay winawasak ang institusyon, siya naman ang naging bagong institusyon. Hindi na ito bago. Naging Paghahari ng Lagim ang Himagsikang Pranses. Naging hegemon at mang-aalipin ang Estados Unidos ng Amerika. At ito nga, ang ating mga bayani ang siya ngayong simbolo ng paniniil ng uring kapitalista't kasike. Huwag pa: MAGING SI HESUS AY NAGING BIKTIMA NG PAGKALIKOT NG MGA NAGHAHARING-URI? Si Rizal mismo ang nagwika: "Paanong nangyari na ang Kristiyanismong lumaganap upang bigyang-tulong ang mga dukha't api ay siya ngayong kasangkapan sa pang-aalipin?"

Ito marahil ang diyalektikong pinag-uugatan natin kung bakit tayo humaling na humaling kay Manny Pacquiao sa kabila ng kanyang mga kapalpakang personal at propesyunal. Nakikita natin sa kanya ang isang imahen ng ating mga sarili: buhat sa hirap, bigo, nguni't nagtatagumpay sa kabila ng di-mawatasang pagsubok. Imahen siya ng ating sama-samang kabiguan na nagagawang magtagumpay muli kahit sunod-sunod ang kabiguan. Marami ang nagsasabi, maging sa mga sirkulo intelektwal, na kung hindi nga lamang siya sana isang tagasunod ng mapaniil at lipos-parikalang pamamahala ni Gloria Macapagal-Arroyo, maihahambing na siya kay Muhammad Ali na isang ikong kultural ng pagwasak sa isteryotipo ng kasike't nakatataas: edukado, magandang mukha't pangangatawan, madaling makakuha ng trabaho't siyang kasama sa mga ginagalang at may karapatang umapi sa kapwa. Hindi kataka-taka, marahil, na umusbong ang isang portal na pinag-uugatan ng "kulturang wasak," na siyang silbi ng kuwestiyonableng satirikal-patawang blog na Hay!Men! Ang Blog ng mga Tunay Na Lalake.

At hindi nga ba ang mga ganitong kaganapan nga lamang ang nagpapatunay kung gaanong katotoo, kung gaanong kakontemporanyo ang isipin ni Rizal sa ating panahon? Hindi baga nagkalat pa ring sandamukal ang mga Senor Pasta sa ating panahon? Ang mga Hermana Rufa na ipokritong nagbabanal-banalan upang lugamiin ang iba? Ang mga dalaginding na inilarawan ni Ninotchka Rosca sa "State of War" na naniniwala pa ring ang "pinakamalamang mga hita ay sa kura?" O kung hindi man, mga Saling na walang magawa kundi isuko ang sarili sa mga Presidente ng bayan at mga panginoong maylupa? Ano ngayon ang sasabihin nating si Rizal ay hindi kabahagi ng ating kamalayan? Ano ang sasabihin nating ang Noli at Fili ay mga likhang sobra na ang pagbabasa kaya hindi na nararapat pag-aksayahan pa ng panahon? Maraming mga bagay pa ang hindi natin nagagawang basahin, at maraming kabulaanan pa ang hindi naiwawaksi.

Sa isang lunang liberal-demokratiko katulad ng ating bayan, walang maaasahang pagbabago sa kabila ng pagpupumilit sa reporma. Ilang ulit na tayong nabalaho sa usapin ng Repormang Agraryo. Ilang ulit na tayong pinagtangkaang pasayawin ng Cha-Cha ng mga payasong hunghang sa ating Lehislatura. Nasasabalag tayo ng alanganing pumili sa isang kahila-hilakbot na nunong may nunal at sa mga galamay ng isang pugitang mas matakaw pa sa buwaya at may bigote. At ang karamihan sa atin ay walang magawa kundi ang magmukmok at mawalan ng pag-asa. "Hindi malalabanan ang sistema." "Walang magagawa; pare-pareho lang sila." "ANG NAKATAKDANG MAGPUTA, MAGPUPUTA." "HINDI NA NANGYAYARI ANG HIMALA."

Pero sa totoo lang, nasa harap natin lagi ang kasagutan. Nakasulat sa isang binubukbok, malutong at inaalikabok na aklat.

Those who cannot learn from history are doomed to repeat it.
- George Santayana.

...[W]ithout weighing the consequences that our frankness may bring upon us, we shall in the present article treat of [the Philipppines'] future. In order to read the destiny of a people, it is necessary to open the book of its past... (...Nang walang pagtimbang sa kahihinatnan ng ating pagkamatapat ay ating pag-usapan sa sulating ito ang hinaharap ng Pilipinas. Upang mabasang mawatasan ang kapalaran ng isang bayan, kinakailangang buksan ang kalatas ng kanyang nakaraan...)

- Jose Rizal, Ang Pilipinas Sa Loob ng Sandaang Taon

No comments:

Plurk