Tuesday, May 5, 2009

Dahil Wasak Na Ang "Chain of A's"

Ngayong araw na ito ko siguro unang naunawaan ang naturalesa ng tinatawag nilang penomenon ng "hangover." Alam mo yun, yung parang okey sana, masarap ang pakiramdam, lumulutang sa alapaap, pero pang-asar lang talagang tatawagin ka oras-oras patungong banyo para maglabas ng mamasa-masang hindi mo malaman kung mapait o ano ba yun sa lalamunan mo? Kaya ano ang nangyari? Kung kailan may araw na bisperas ng midterms at may midterms, hindi nag-aral. So palakpakan naman. Sa sobrang sakit pa ng dibdib, ulo at utak ko, saktong gising akong lagpas na naman sa oras ng klase. Napapaisip tuloy ako baka masyado na lang mabait ang kaklase ko at pinagtitiyagaan pa niya akong pakopyahin, kahit hindi halata sa mukha niya (speaking, hindi ko pa pala alam ang apelyido niya). Buti na lang nauunawaan ko pa ang takbo ng ideya at kung ano pa ba ang dapat kong memoryahin para sa pagsusulit bukas. At siyempre, dahil mabait pa rin si Sir Greg Orara na hindi nagtatala ng late kundi ng absence lamang (sabi nga niya: pag may di ka naabutan di bahala ka na sa buhay mo [sabay kindat]).

At ngayon, pagkatapos nito ay naranasan ko ang tinatawag nilang "Ambeth Ocampo exam."

Sa totoo lang, masaya ang exam. Tinuruan lang niya ako ng mapait na katotohanang kailangan mong itala uli ang mga petsa nang hindi ka nanghuhula sa tila masyadong malaking bahagi ng pagsusulit. At surprise, surprise! May patutunghan din pala ang aking obsesyon sa pagsusulat ng baybayin (o ang sabi nga niya'y maling terminong alibata) simula noong Grade 6 pa lamang ako. Liban pa doon, hindi pa nga ganoon kasabog ang inaasahan ko batay sa kanyang mga kwentong "Alamat ng Labanan sa Mactan" o "Alamat ng Aso sa Luneta."

At karugtong niyan, mayroon akong mga bagay na natutunan sa aking pagsusulat sa klaseng ito sa Hi 165:

1. Hindi katulad ng iba kong klase sa PoS, hindi yata magandang ideya na sisipi ka sa mga sulatin ng mismong guro mo. Di bale, baka maareglo ito sa "feedback appeal system" niya.

2. Panakot pala ang pangalan ni PJ Avellana (or for that matter, kahit sinong artistang nakilala noong Dekada 80 o 90 pero laos na ngayon) sa mga Martial Law Babies.

3. Makakatulong ang paglalatag ng argumento batay kina Edward Said at Gayatri Spivak sa pag-aaral ng mga kulturang Silanganin, lalo na ang Pilipinas.

4. Bagaman hindi ito kabahagi ng pagsusulat (o baka magiging bahagi pa lamang), napaisip ako nang malupit sa argumento ni Nick Joaquin sa pagiging imposible ng pagwawaksi natin sa pagkalatag ng kulturang Espanyol sa ating kasaysayan. Hindi raw pwedeng tanggalin ang impluwensiya ng Ikon, Friar and Conquistador sa ating kamalayang pagkaPilipino. Siyempre malamang sa malamang galit na naman ang UP History Department, o for that matter ang intellegentsia ng UP na sumasamba pa rin kay Teodoro A. Agoncillo na nagpipilit na "there is no Philippine history before 1872, merely a chronicle of Spain in the Philippines."

5. Kung minsan tuloy hindi ko mapigilang isipin kung sakali na: namumroblema nga kaya ang Pilipinas ngayon sa mga usapin ng debit, credit, puslit, kupit, externalities, global markets, financial crisis, recession, market, imperfect competition, monopoly et al at kung anu-ano pang terminong ekonomiko na, kung hindi ako nagkakamali, ay laging nakaugat sa konsepto at sistema ng kapitalismo kung hindi tayo kahit kailan nakolonisa katulad ng Thailand? Bagaman tunay ngang hindi rin nakaligtas ang Thailand dito, ewan. Hindi kaya... may silbi rin talaga si Jean-Jacques Rousseau?

No comments:

Plurk