Showing posts with label jose rizal. Show all posts
Showing posts with label jose rizal. Show all posts

Thursday, December 31, 2009

Pagsalitain Natin si Rizal

Isang nahuling paggunita hindi sa pagkatao ni Jose Rizal kundi sa kung ano ang nais sabihin at iparating ni Jose Rizal

Buong buhay ko, wala kayong ginawa kundi husgahan ako, basahin ako. Kinuha niyo na ang lahat sa akin. Kung anu-anong hiningi ninyo, pero hindi niyo pa rin makita kung sino ako. Marami na akong ibinigay, bakit pati ang buhay ko? Patahimikin niyo na ako, para makita ko ang sarili ko!

- Jose Rizal, sa pagganap ni Cesar Montano

Sa pagkakataong ito, hindi ang aking mga opinyon o ang aking paniniwala, kundi kung ano ang paniniwala ng isang mamamayang itinuring nating propeta na magpasahanggan ngayon ay hindi binibigyang-halaga, ang bibigyan ko ng puwang.

Siguro isa sa mga unang matutuwa sa pagiging napakaligamgam (kundi mas malamig pa sa Snow World ng Star City) na pagtanggap ng ating mga mamamayan sa pag-alala natin sa araw ng kamatayan ni Rizal ay, kakatuwa, SI RIZAL MISMO. Marahil kung nangyari lamang na may sariling buhay ang mga namayapa na at uso ang internet doon, ganito rin ang iniisip ni "Lolo Pepe" ngayon (pasasalamat kay Bb. Pauline Oyco):



At oo nga naman, ano nga ba ang sinabi ni Rizal sa isa sa kanyang mga huling liham bago siya mamatay kahapon ng 7:03 ng umaga:

Ilibing niyo ako sa lupa. Lagyan ninyo ng panandang bato at krus. Ang aking pangalan, araw ng kapanganakan at ng kamatayan. Wala nang iba. Kung pagkatapos ay nais niyong bakuran ang aking puntod, maaari niyong gawin. WALA NANG ANIBERSARYO. Mas mabuti kung sa Paang Bundok. Kaawaan ninyo si Josephine.

- Jose Rizal, Sa aking pamilya, Isang liham na walang petsa.

Samakatuwid, bakit nga ba natin pa pinananatili ang pag-alala kay Rizal? Hindi na yata makatuwiran, kung tutuusin, ang tandisan pa nating suwayin ang habilin ng isang mamamatay kung tunay natin siyang pinahahalagahan. At marahil, siguro nga, iyon ang trahedya ng pagiging pambansang bayani ni Rizal. Sapagka't siya'y nakahabi sa pagbuo ng bansang-estadong Pilipinas, at sa kanyang kataliwas ding mukha bilang subersibo, filibustero sa halos lahat ng nibel, si Rizal ay hindi mangyayaring maging katulad nina Mahatma Gandhi at ni Jesucristo (kahit ito na ang paniniwala ng nauubos nang mga Rizalista). Si Rizal, hindi katulad nina Washington at kung sino pang mga kinikilalang bantayog ng kabayanihan ng ibang bansa, ay hindi tila isang dios, kundi isang taong katulad natin na maaari nating kilatisin, pulaan at, siyang tunay, di pakikinggan.


Unang Emo, Unang Pilipino

Si Rizal mismo ay umaaming marami siyang suliranin at paniniwalang tunay na humahadlang sa kanyang kakayanang kumilos bilang kabahagi ng isang pamayanang Pilipino. Makikita ito sa kanyang liham kay Ferdinand Blumentritt sa kung bakit pinili niyang kumalas na sa Kilusang Propaganda:

You would like me to write an article for Soli, but I must confess to you that my intention is not to work on any further article for that periodical. I could have told you this earlier, but I wanted to hid from you the disagreeable attacks against me. We have been through a lot together. You already write [for it], and I compeltely agree with what you can write. What Blumentritt and Rizal can do , Blumentritt can do on his own. I have suggested many projects, but they carried on a secret war against me; they call me "Idol," says I am a despot, etc., when I wished to get the Filipinos to work. They wrote about all this to Manila, twisting the facts, saying that I want this and that - which was hardly the truth. From various people I have learned that even before my Filibusterismo went to press, they were already saying that it was worthless and far inferior to the Noli. Many secret pettinesses are going on, as though they wished to destroy the little reputation that I have. I am withdrwing in order to forestall a schism: let others take the political lead. They said that Rizal is too difficult a personality; good then, Rizal goes his own way; obstacles ought not to come from me.

- Jose Rizal, Letter to Ferdinand Blumentritt: 4 bis Rue Châteaudun, Paris, October 9, 1891

At marahil ganoon din ang inasahan ni Rizal, na siyang makatwirang paliwanag kung tatanggapin din nating si Rizal ang unang emo. At bakit nga ba hindi mo ito iisipin: tandaang siya mismo ang nagsulat sa mga katagang ito sa pagpapalagay niya kung papaanong hindi naman talaga siya magbubungang malaki nang pagbabago:

Kung ang libingan ko'y limot na ng lahat
at wala ng kurus at batang mabakas,
bayaang linangin ng taong masipag,
lupa'y asarolin at kauyang ikalat.

At mga buto ko ay bago matunaw
mauwi sa wala at kusang maparam,
alabok ng iyong latag ay bayaang

siya ang babalang doo'y makipisan.


Kung magka gayon na'y aalintanahin

na ako sa limot iyong ihabilin
pagka't himpapawid at ang panganorin

mga lansangan mo'y aking lilibutin.


- Jose Rizal, Mi Ultimo Adios, sa salin ni Andres Bonifacio

Ganoon katindi ang kaemohan ni Rizal, kung tutuusin, na maski si G. Rolando Tolentino sa kanyang aklat na Sipat Kultura ay hindi napigilang mapa-"Chinkee mae!" sa pagiging desperado nguni't narcisistiko ng mga linyang ito. Sabagay, may kasabihan nga naman pala na halos lahat nga naman pala ng mga pilosopo ay emo, kaya pwedeng given na yun. Pero hindi yun ang punto natin. Natatandaan natin kung papaanong si Jesucristo mismo ay nagsabing hindi kulang sa pagdangal ang isang propeta liban sa kanyang sinilangang bayan (Lucas 4:24) at paanong pwede rin nating sabihin ito ukol sa ating mga bayani.

Nguni't marahil, ang mas matindi dito, ay ang balikuin ang kanyang mga sinasabi. At hindi baga ganito rin ang ginawa sa mga propeta't bayani kahit ganoon sila dinarakila: pinipilipit at inaabuso ang mga salita para gawing palusot sa mga kawalang-katarungang kanila mismong ipinaglaban? Ito mismo ang sanhi kaya hindi na natin maintindihan si Rizal, kung bakit ang pananaw natin kay Rizal ay isang malayong bituing hindi maaabot sapagka't siya mismo ay ginawang imahen ng mapanupil na estadong hindi niya sasang-ayunan. Hindi nga sang-ayon si Rizal sa pagsasarili ng mga Pilipino sapagka't "bakit ang kalayaan kung ang mga alipin ng kasalukuyan ay magiging mang-aalipin kinabukasan?" At hindi nga siya nagkamali. Kung papaanong binaliko ng Rebolusyong Pranses ang kaisipan ni Rousseau (liban na lamang kung naniniwala kang baliko na mag-isip si Rousseau sa simula pa lamang) at kung papaano binaliko ng Partidong Nazi ang pananaw ni Nietzsche, ganoon din nating inabuso si Rizal. At huwag na nating pag-usapan ang pagbaliko ng mga simbahan sa lahat ng mga kautusan ni Jesucristo.


Isang Pagtataksil

Mas masaklap dito marahil na ang gumagawa nito sa kanya ay ang mga mismong institusyong kanyang pinagtiwalaang magdadala sa kanyang paniniwala. Matatandaan sa isang talumpati ni Padre Bienvenido Nebres, S.J., Pangulo ng Pamantasang Ateneo de Manila, nang siya'y gawaran ng Orden ng mga Kawal ni Rizal ng Knight Grand Cross of Rizal noong Disyembre 30, 2006 ay kanyang sambitin kung papaanong:

Sometimes you might think that Dr. Rizal would have been like many of our political leaders today, maraming salita, kaunting gawa. Because he wrote and spoke so well. But in his four years in Dapitan, he was puro gawa, kaunting salita. He provided health care. He provided education. He built water systems. He taught technology in agriculture and fishing. He did many things -- with his own hands -- to create a better life for people...

Dr. Rizal understood that in Dapitan. In Spain and Manila, he wrote and preached against injustices. In Dapitan, he simply worked to create the foundations for a better life for the people. He may well have launched Gawad Kalinga a century ago.

Marahil may katwiran naman sa mga winikang ito, nguni't ang nagiging mensahe ay hindi ang pagbubuo ng komunidad, kundi ang pagtatayo ng isang pamumuhay na walang politika, walang pag-uusap. Sa pagnanais nating kalasan ang pangangailangan sa kultura ng aktibismo at pagiging mapanuri, itinanghal natin ang pangangailangang panlipunan higit sa lahat, na taliwas sa ating pagkilos sa demokratikong pamamaraan. Hindi ito ang sinasabi ni Rizal kahit kailan, at ito ang tinindigan ni G. Lisandro Elias "Leloy" Claudio, balediktoryan ng Ateneo de Manila noong taong 2007 at ngayo'y guro sa Kagawaran ng Pamamahayag sa sulating "Eagles without talons?":

This Rizal may well be the solution to our country’s problems for, as Nebres argues, today “there is so much talk and so little done.” Indeed, although a lot of Gawad Kalinga’s development approaches have been questioned, it is undeniable that it has contributed to the reduction of slums. Ateneo’s education programs in depressed areas likewise contribute to long-term national development.

But what are the implications of de-emphasizing political criticism in favor of immediate concrete action? Historian Floro Quibuyen argues that the image of an apolitical Rizal was used by the American colonial government to encourage Filipinos to cooperate with them even as they subjugated the country. Reminding Filipinos of the anti-colonial and revolutionary Rizal would have been unwise given their mission of pacification.

Similarly, in the context of the Ateneo, this Rizal and the framework of nation-building that it’s associated with has been used to question and erase the university’s long history of social and political activism. ...

This anti-politics atmosphere has made it difficult to forward issues of national concern in the university. I was witness to the lethargy of many students and teachers during the time when mobilizations were being made to protest the NBN-ZTE scandal. I saw how this withdrawal from issues of national concern influenced the moderate stance taken by the Ateneo regarding the issue of whether Arroyo deserved to stay in power. While basketball nemesis La Salle called for resignation, Ateneo called for reflection. An administrator personally rebuked me when I said the university should join the lobby for the Freedom of Information Act since it would allow the public to scrutinize shady deals like the NBN-ZTE. Won’t work, I was told; let’s just lobby for another disaster relief bill. It doesn’t surprise me, then, that in her final State of the Nation Address this country’s most despised president claimed the university and its president as partners in her goal of building a strong republic.

There is one major flaw in the university’s anti-politics framework: the claim that activism with its attendant criticism of national politics does not work. It does. In the 1970s, the “talk” of student activists (many of them Ateneans like Edgard Jopson) conscienticized an entire generation, exposing them to the ills of authoritarianism. It was a slow process - educating and opening people’s eyes takes time – but it worked. When the crowd in EDSA overthrew the dictator, it was a victory for those who fomented dissent. It was the legacy of the makibaka activism that is currently derided in the Ateneo. And lest we think that nothing was gained from EDSA, one should consider that we currently have a free press, participate in regular elections, and have a growing civil society. Political scientist Nathan Quimpo, for instance, claims that grassroots NGOs who engage in legal activities like aiding farmers in land reform cases were few and far between before EDSA. It was the revolution that opened this democratic space. Our system isn’t perfect, but it’s significantly better.

Ano talaga ang sinasabi ni Rizal sa atin? Ano siya talaga bilang ating pambansang bayani. Minsang sinabi ni Howie Severino sa kanyang dokumentaryo ukol sa buhay ni Rizal sa Europa na "Little Bad Boy": kung tunay ngang si Rizal ang ating pamantayan sa pagiging mamamayan, disin sana'y malaon nang maunlad ang Pilipinas. Magaling tayong mga Pilipino sa pagyayabang ukol sa ating mga bayani, nguni't ang isabuhay ang kanilang nais na layunin ay lagi tayong kapos. Hindi baga lalo tayong kahiya-hiya sa ating mga karatig bansang gaya ng Singapore, Malaysia (kung saan ang demokratikong dating diputadong punong ministrong si Anwar Ibrahim ay tagahanga ni Rizal at mag-aaral sa ilalim ng iskolar ukol kay Rizal na si Cesar Adib Majul) at Indonesia at maging ang Hapon at Alemanya, na ating tinutuya sa ating pangangayupapa sa Amerika, na kinilala si Rizal bilang mabuting halimbawa ng Ubermensch ni Nietzsche kahit hindi sila nagkita kahit kailan?

Hamon ng Pagbabalik-Tanaw

Muli't muli, nanatiling isang anino si Rizal sapagka't hindi tayo ipinapakilala sa kung sino talaga siya. Siguro, sa ating "nilinis" na paglalahad ng kasaysayan, hindi natin siya makikilalang kahit kailan liban na lamang kung tayo mismo ang kakalas sa ating mga muhon, at walang-sawang magkakalas sa mga karaniwan nang pinaniniwalaan. Minsang sinabi ni Michel Foucault na sa mga gawaang tagahubog (disciplinary structures) kumikilos ang tao at siyang nagbibigay sa kanya ng kakayanan, nguni't magiging tunay lamang siyang malaya kung kaya niya itong lusutan ang pasikut-sikot at siya mismo ang humawak sa kanyang pagsuong sa buhay, nguni't di nakakalimot sa gabay ng mga nauna sa kanya.

Si Rizal, bilang ating "Lolo Pepe" ay naglatag na ng daan sa ating harapan. Nasa atin ang hamon na balikan ang kanyang pinanggalingan, pag-aralan ang kanyang mga tagumpay at pagkakamali, at ituloy ang kanyang pagbubuo ng isang pamayanan. Nakakilos siya sa Dapitan sapagka't doo'y nagkakaisa at nagnanais ng pagbabago ang mamamayan. Sa isang panahong tayo'y pinipilit na isipin lamang ang sarili at ang pagpapanatili sa mga ito, walang magiging bunga kundi ang pagkawasak ng isang bansang ating ninanais buuin. Ang lahat ng ito'y ating pinagbabayaran sa katangahan ng ating mga magulang at ang atin ding kahinaan.

MARAPAT NATING SABIHIN, KUNG TUTUUSIN, BILANG SINUWAY NI RIZAL ANG KAUTUSAN NI DONYA TEODORA ALONZO BATAY SA KUWENTO NG GAMU-GAMO, NA TANGING ANG MGA BATANG PASAWAY LAMANG ANG MAAARING MAGDALA NG PAGBABAGO SA ATING BAYAN. ANG LUBOS NA PAGDAKILA SA PAMILYA ANG SANHI KUNG BAKIT TAYO HAWAK SA LEEG NG ESPANYA NOON. GANOON DIN NGAYON: SA SOBRANG PAGNANASANG PANATILIHIN ANG ATING MGA MAG-ANAK, NAWALA NA ANG ATING TUNGKULING PAGLINGKURAN ANG BAYAN. Hindi na nga bago, kung tutuusin, ang tula galing sa Ang Propeta ni Khalil Gibran na ginamit ni Lualhati Bautista para sa kanyang Dekada '70 (at siyang tula ng mga pasaway na batang aktibistang gaya ko):

Ang inyong anak ay hindi n'yo anak,
Sila'y mga anak na lalaki't babae ng buhay!
Nagdaan sila sa inyo ngunit hindi inyo,
At bagama't pinalaki n'yo, sila'y walang pananagutan sa inyo…

Tumigil na tayo sa pagsunod sa modernong panahon: winawasak lamang tayo nito. Panahon na upang balikan ang nakaraan, hanapin ang sagot sa mga katanungang nakalibing sa gitna ng mga alikabuki't nadudurog nang mga pahina, at muling kilalanin kung sino at ano si Jose Rizal: isang taong mahina, isang taong marunong magsalita't kumilos nguni't hindi marunong sa negosasyon, at ating sikaping higitan pa ito. May lakas ang Pilipino, may kakayanan at, katulad ni Andres Bonifacio na disipulo ni Rizal, MAYPAGASA.

At sa ganitong paraan lamang natin maiiwan ang isang ritwal ng pag-alalang hindi naman makatwiran at lalo lamang naglalayo sa atin sa kanyang diwa.

Anong gagawin mo kapag malaman mong sa lahat ng mga naisulat mo, kapag ika'y namatay na, ay wala ni isang makaalala?

Para mo na rin akong sinintensyahan ng kamatayan.

- Kathang-isip na pag-uusap ni Jose Rizal at ni Tenyente Luis Taviel de Andrade,
Jose Rizal, GMA Films


Creative Commons License
Pagsalitain Natin si Rizal by Hansley A. Juliano is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Philippines License.
Based on a work at kalisnglawin.blogspot.com.

Monday, November 2, 2009

TUNGO SA PAGSASATINIG NG IBA

Si Vilma Santos Bilang Madre, Ang Babae Bilang Lunan at Katauhan, at ang Talaban sa Pagitan ng Postmodernismo at Postkolonyalismo

(Abstrakto: Ito ang huling anyo ng aking ipinasang papel sa Fil 108.2 - A nitong nakaraang unang semestre ng taong 2009-2010, sa ilalim ni G. Gary Devilles. Batay sa mga natanggap na puna sa burador na mababasa dito, pinagbuti ang pagsusuri sa pamamagitan ng pagdadagdag ng ilan pang pagbasa't sangguni. Nawa'y mabigyan nito kayo ng ilang kritikal na isipin [kung meron nga ba].)

Matatandaan natin kung papaanong sa pelikulang “Sister Stella L” na idinirihe ni Mike De Leon at pinagbidahan ni Vilma Santos mababanaag ang sala-salabid na mga usaping madalas maisantabi tuwing lumulutang ang tunggalian ng mga liping “mayroon” at “wala.” Lumalabas din ang katanungan kung paanong magagawang mapagsama-sama sila sa iisang laban upang makamit ang kanilang parehong mga layunin. At sa pagsusumikap nating kilalanin ang pagbabanyuhay ng katauhan at papel ng babae sa kanyang lipunan, mapagkikita natin na ang karakter ni Sister Stella L ay maituturing na isang babaeng postkolonyal, kabahagi ng isang mamamayang postkolonyal, at nagsisikap magkaroon ng identidad sa isang postmodernong kalagayan ng lipunan.

Ito ang suliraning sinisikap bigyang-linaw ni Simon During sa kanyang pagtatangkang pagtalabin ang nagbabanggaang mga paniniwalang pinanghahawakan ng mga teorista ng postmodernismo at postkolonyalismo. Kung papaanong sa pagwawakas ng modernisasyon at paggigiit ng identidad ng nasakop ay nagagawa pa rin silang hawakan sa leeg ng kanilang mga panginoong kolonyal, makikita nating narito rin sa ugnayang ito ang paraan upang “salisihan” ang manunupil at makamit ang kalayaan: isang wikang hindi kilala at kulturang babalikan. (1) Ganito natin titignan ang kaayusan ng lipunang Pilipino sa ilalim ng rehimen ng Pangulong diktador na si Ferdinand E. Marcos, at kung ano ang makikita sa salaysay ng isang madreng namulat sa namumuong sigwa na kinasasangkutan ng liping manggagawa habang kanyang sinisikap kilalanin ang kanyang sarili bilang alagad ng Simbahan, bilang isang babae, at bilang isang mamamayan.

Mga Tinig Sa Ilang

Sa tuwinang napag-uusapan ang suliranin ukol sa emansipasyon, hindi maiiwasang mabanggit ang pakikibaka ng mga kabilang sa mga uring nakabababa sa isang kalagayan kung saan pinipigilang labis ang kanilang karapatan. Sa tuwing mababanggit ang kanilang pagka-api, nagiging pangunang palagay na kailangang itanghal ang kanilang sarili bilang mga taong mayroon ding karapatan sa pagkilala at paggigiit. Sa ganitong layon, nagpupumilit silang itatag ang sarili bilang lehitimong identidad na siyang magbibigay sa kanila ng karapatan na makibahagi sa kalakaran ng daigdig kung saan itinuturing sila bilang isang “abnormalidad,” isang sakit na tila baga kailangang alisin.

Mapupuna na sa halos lahat ng retorika ng mga uring manggagawaat sa iba pang mga kilusan sa emansipasyon, namamayani ang tinig ng pagnanais na makilala at mabigyan ng tinig upang maihantad ang kanilang mga hinaing. Gayunman, hindi rin maiiwasan na maalala sa ganitong usapin ng emansipasyon ang minsan nang tinuran ni Gayatri Chakravorty Spivak ukol sa namamayaning suliranin na hinaharap ng lahat ng usapin ukol sa pagbibigay ng tinig sa mga hindi dinirinig:

For the ‘true’ subaltern group, whose identity is its difference, there is no unrepresentable subaltern subject that can know and speak itself; the intellectual's solution is not to abstain from representation. The problem is that the subject's itinerary has not been traced so as to offer an object of seduction to the representing intellectual.

Para sa isang tunay na pangkating subaltern, na ang pagkakakilanlan ay ang kanilang ka-Ibahan, walang di-makakatawang suhetong subaltern na makikilala’t makakapagsalita para sa kanyang sarili; ang solusyon ng intelektwal ay di ang magpigil sa pagkatawan. May suliranin pagka’t ang layon ng suheto ay di matagpuan upang maganyak ang kakatawang intelektwal. (2)

Kung susundin ang argumento ni Spivak, tila baga namamayani ang pagnanais na marinig gayong hindi naman talaga nilikha ang kalagayan at kaayusan sa pagitan ng mga api at namamayani upang marinig ang una ng huli. Mahalagang tandaan na sa postmodernong kalagayan, “ang pagiging rasyonal… na nagtatakda sa pagsusulat na pinalaki at pinarahas ay hindi na nagbubuhat mula sa isang logos. Dagdag pa rito, itinatatag nito ang pagkawasak, hindi ang pagsira kundi ang pagkalusaw, ang pagkakalas, ng lahat ng pagpapahalaga na nagbubuhat mula sa logos.” (3)

Lumalabas na tila baga napawawalang-saysay ang pagkilos ng mga api para sa emansipasyon na kanilang nilalayon. Kung susundin pa ang argumeto ni Spivak, maling-mali ang tinuran ni Karl Marx na “[ang proletaryo] ay sa gayon hindi maigigiit ang kanilang interés pang-uri sa kanilang sariling pangalan, maging sa parliyamento o isang pagpupulong. Hindi nila maisasakatawan ang kanilang mga sarili, kailangan silang katawanin.” (4) Subali’t, kung walang halaga ang kaayusan, batay sa pagbasang postmoderno, at naisasaproblema lamang, papaano pa maitatag ang identidad para sa mga api? Paano mabibigyan ng tinig ang mga hindi dinirinig kung hindi sila maririnig ni makakapagsalita? Dito ngayon papasok ang isang mahalagang konsepto na mag-uugnay sa postmodernismo at postkolonyalismo para sa emansipasyon: ang pagpapahalaga sa mga ugnayan at sa pagbabanyuhay ng mga kabahagi nito.

“Hindi Puwedeng Dahil Lang...”

Marapat tandaang naipalabas ang pelikulang “Sister Stella L” noong taong 1984, mga ilang buwan matapos sumambulat sa buong daigdig ang walang-habas na pagpaslang kay Senador Benigno “Ninoy” S. Aquino Jr. Hindi maitatatwa na sa panahong ito ay muling nasasaalanganin ang lipunang Pilipino na sumambulat sa isang pag-aaklas bunga ng matinding galit na binunga ng krimeng ito. Kaya marahil hindi nakapagtataka na ituring sa pasimula na isang mapangahas na kilos ang likhain ang isang pelikulang tumatalakay sa mga suliraning mismong ipinaglalaban ng mga sektor na malaon nang kinondena ng rehimeng Marcos bilang “makakaliwa.” (5) Sa isang pananaw, maaari nating kunin ang pagbasa ni Simon During, sa kanyang sanaysay na Postmodernism or Postcolonialism Today, sa akdang Imagined Communities ni Benedict Anderson kung saan tila baga ang isang pagkilos para sa paghahanap ng sariling identidad ay hindi magaganap kung hindi magpapasailalim sa diskurso ng namamayaning (at malamang sa malamang ay mapaniil) kaayusan. (6) Bunga nito, kinakailangan ang pagtatatag ng isang identidad na hayagang taliwas sa nais na makita ng kaayusan nguni’t kinikilala ang ugnayan niya dito.

Natutuon ang salaysay sa unti-unting pagkamulat ni Sister Stella Legaspi, isang madreng nangangalaga sa mga nagugulumihanang dalagitang ina sa Caritas, sa mga isyung sosyo-politikal na nagaganap sa labas ng kumbento. Sa simula, nakakaramdam siya ng tila pananabang at kayamutan sa kanyang tungkulin ng pagbabantay sa dalagitang si Gigi (ginampanan ni Gina Alajar) na lubhang nahihirapan, pisikal at sikolohikal, sa kanyang pagdadalang-tao at kawalan ng suporta ng lalaking nakabuntis sa kanya. Nang siya’y dalawin ng kapwa madreng si Sister Stella Bautista (sanhi ng tawagang “tukayo”) at makumbinsing panandaliang lumabas sa kumbento, unti-unti siya nitong ipinakilala sa mga gawain niyang noo’y itinuturing na “radikal” ng kumbentong kinabibilangan nila. Mga ilang ulit na ring napilitan si Sister Stella B (binigyang-buhay ni Laurice Guillen) na piliing lisanin ang orden upang magawang tulungan ang mga nagwewelgang manggagawa ng Republic Oil Company sa kanilang mga hinaing ukol sa mas mataas na pasahod at makatwirang ugnayan sa pagitan nila at ng may-ari. Madalas ipagkibit-balikat lamang ng matapang na madre ang mga babala’t pagpupumilit ng Mother Superior ng kanilang orden na ang kanyang gawai’y taliwas sa tindig ng Simbahan na huwag makihalubilo sa politika, habang sinasabing “hindi lang nila masabayan ang mga malalaking pagbabago sa Simbahan ngayon; nilalakad na ng Simbahan ang pagtatanggol sa karapatan ng mga naaapi’t dukha.” (7)

Maipapalagay sa unang tingin na ibang-iba ang kalagayan nina Sister Stella L at Sister Stella B: ang una bilang isang batang madre na nag-aalinlangang tulad ni Hamlet kung marapat ba o hindi ang kanyang sinusuong na pagsuway, at ang huli bilang matatag na babaeng handang ipaglaban ang makatarungan kahit taliwas ito sa mga kautusan. Ganito ang pagtatambis na ginawa ng peryodistang si Nick Fajardo (ginampanan ni Jay Ilagan) na ginawan ng artikulo ang buhay ni Sister Stella B, na may halong panunuya kay Sister Stella L bunga na rin ng sama ng loob niya dito bilang kanyang dating kasintahan. Madaling sabihin, katulad ng pagpapagalit ng kanyang patnugot (sa pagganap ni Liza Lorena) sa kanya, na isa lamang itong usapin ng kanyang nainsultong pagkalalake. Gayunman, makikita nating mayroon pang mas mabigat na dahilan kung bakit magiging mahirap sa mga nabanggit na karakter ang ituring kaagad ang kaayusang ito bilang marapat para sa mga babae.

Nguni’t maaaring ituring bilang isang masamang panguna ang mga naunang pagbasa na pinagtitibay ang tinawag ng peministang manunulat na si Adrienne Rich na compulsory heterosexuality o “sapilitang heterosekswalidad,” isang kaayusan kung saan nakakahon ang pagkababae ng babae sa kung ano ang sasabihin ng namamayaning sistemang patriyarkal, isang sekswalidad na inihahain sa mga pagnanasa ng mga lalake. Sa konteksto ng pakikibaka ng mga madre para sa pagkakapantay-pantay ng uri, hindi rin maiwasan na maisantabi ang usapin ng mga babaeng manggagawang katulad ng asawa ng lider ng unyon na si Ka Dencio, si Nanay Auring, at si Soledad. Aniya, “ang pagawaan, sa mga institusyong panlipunan, ay isang lunan kung saan ang babae ay natuto nang tanggapin ang panggagahasa ng lalaki sa ating mga hangganang pang-isip at pangkatawan kapalit ng pag-iral; kung saan ang babae ay tinuruan ... na tignan ang sarili bilang biktimang sekswal.” (8)

Gayunman, nagawa itong kalasin ni Sister Stella L sa pamamagitan ng paggigiit mismo sa kanyang katauhan bilang babae at madre sa sitwasyon at lunan na, sa panahong iyon, ay itinuturing pa rin bilang isang anomalya, isang di-inaasahang salik. Sa nakilalang imahen ng Simbahan bilang sandigan ng paniniil ng estado, tila baga isang rebolusyonaryong kilos na dumamay ang isang kawani ng Simbahan sa mga inaapi. Nguni’t marapat nating tandaaan ang ating prekolonyal na kasaysayan at ang halaga ng relihiyon sa pamumuhay ng pamayanan sa halos lahat ng mga mito. Kung paniniwalaan ang mga nagsulat ng mga dokumento, ang higit na iginagalang na kasarian ay hindi ang kalalakihan, kundi ang pananaw ng kababaihan. Na ang mga ito ang kanilang kinikilala maging sa usapin ng sekswalidad (9), na kaaramihan sa mga makapangyarihang bathala ng ating mga ninuno ay babae, at na malaki ang halaga ng pamumuno ng kababaihan, partikular na ang babaylan, ay nagsasabing hindi marahil masamang ipalagay na nasa ating tradisyon, kahit bilang mga watak-watak na barangay, ang pagtingin sa kababaihan bilang kapantay, kundi man higit pa, sa kalalakihan.

Dito nalulubos ang layon ni Michel Foucault, sa kahulihang bahagi ng kanyang buhay-akademiko, sa muling pagkilala sa tradisyon ng panlipunang pakikisangkot bilang siyang pinakamahalaga. Bilang isa sa mga kinikilalang intelektwal ng postmodernong kaisipan, tila baga nabigyan ng “tulay” ang dalawang teoryang itinuturing ni During na “magkasalungat,” sapagka’t napagtibay dito ang “pag-aaral ng kasaysayan sa katuwiran ng lunang kanilang kinalalagyan at mga sangguniang pinagbubuhatan nila... ang mga ito’y tala ng isang mahaba’t di tiyak na pagkilos na kailangang ayusin at itama muli’t muli. Isa itong pilosopikong pagkilos.” (10) Sa ganitong paraan ng pagtatakda ng sarili bilang kabahagi ng isang tradisyon ng paggigiit, nagagawa niyang itanghal ang kakayanan ng kababaihang makitalad sa mga larangang sila’y pinagbawalang lumahok. Kahit pinagdudahan pa ni Nick ang kahandaan ni Sister Stella L na sumama hanggang kawakasan sa pagkilos ng mga obrero, ang paghawak niya sa mapagpalayang katauhan ang nagbibigay sa kanya ng karapatang sabihing “kung ayaw mong tumulong, huwag mo siraan yung gustong tumulong.”

Ang Emansipasyon at Ang Babae: Saan Patungo

Nguni’t ano nga ba ang kasalukuyang kalagayan ng babaeng Pilipino sa postmodernong lunan? Tinatanong tayo kung papaanong sa kabila ng ating ipinagmamalaking demokrasyang nakamit pagkatapos ng Unang Himagsikan sa EDSA, tila nanumbalik din ang mga malapyudal na sistemang kaakibat ng liberal-demokratikong institusyon na binuo noong panahon ng Komonwelt. Kapuna-puna kung papaanong nakatatag pa rin, kadalasan, ang etika ng vigilantismo na una nating nasilayan sa katauhan ni Kabesang Tales: “ang posibilidad ng pag-aklas ay nakaugnay lamang sa indibidwal na kapasidad ng taong walang kapangyarihan na nagsadlak sa kanya sa higit pang pang-aabuso sa piitan.” (11) Masasabing ipinagmamalaki ng babae sa kasalukuyan ang kanyang kalayaang makapamili, ang liberated generation ng kababaihang humaling sa mga tank top, Havaianas, micro-mini at sa mga magagaslaw at mapang-akit na manipestasyon ng kanilang sekswalidad. Ang ikon ng pagkababae ay hindi na ang Madonna kundi si Madonna, na sinundan ni Mariah Carey, ni Britney Spears, ni Christina Aguilera, at ngayon ni Lady Gaga. Natutuon ang kanilang emansipasyon sa pagpapayaman ng sarili, sa pagkakamit ng mga luho, nguni’t hindi baga ito rin ang mismong ibinabala nina Rich at Bartky bilang pagkalihis sa aktwalisasyon ng pagkababae? Isa rin itong tandisang partisipasyon sa sistema kung saan ang simpleng screen name kagaya ng “Pepsi Paloma” ay “may angking seduksyon sa manonood – lalo na sa kalalakihan – at kung gayon, sa patriyarka... mismong sa kanyang katawan ay estranged na” sa punto ng feminisasyon (na tiyak nating hindi mapagpalaya) “ng post-industriyalisadong produksyon – at maging ng post-mortem na produksyon.” (12) Isa itong kulungan ng pantasya na ating nilikha para sa ating sarili at hindi ito matitibag habang lubog tayo dito.

Taliwas sa karaniwang paniniwala ng karamihan na ang Simbahan bilang isang solidong institusyon ang sumisikil sa kababaihan, sa katotohana’y nabigyan nito ng lunan ang babae na igiit ang kanyang awtoridad at kakayanang magsarili mula sa mga konstrukto ng patriyarka. Makikita natin sa kasaysayan ng mga beata ng Beaterio de Santa Catalina (ang unang pamayanang relihiyoso sa Pilipinas) kung papaanong makakalikha ng isang “bulsa ng kapangyarihan” na mapagtitipunan ng mga babaeng nakikita ang kanilang sarili bilang mga taong may mas higit na maibabahagi sa lipunan. Nabuo ang ating persepsyon ng mga “manang ng simbahan” bilang mga mapagpaimbabaw, mayayabang at haling sa indulgencia habang hindi isinasabuhay ang utos ni Jesus sa mga nobela ni Rizal, nguni’t sila ang latak ng maituturing na pinakaradikal na kilusan ng kababaihan sa isang panahon ng ating bansang di-naiiba sa Edad Media. May pagkamanghang inilarawan ni Nick Joaquin kung papaanong

Contrary to popular idea, the religious life is not hebetude; and the early history of the Philippine beaterio was as turbulent as, say, the career of St. Teresa of Avila, who likewise had to battle both Church and State, not to mention public opinion, which she never feared to scandalize... The beatas chose to humor this male cynicism, which held women to be so frail of nature that, if they will not just stay at home under the authority of father or husband, then they must be strictly cloistered behind bars in a convent, to keep them from straying... In other words, the beatas of Sta. Catalina had waged a feminist battle for equal rights, especially the right of women to be deemed responsible as any man.

Taliwas sa paniwala ng marami, ang buhay-relihiyoso ay hindi kawalan ng ginagawa; at ang mga unang araw ng beateriong Pilipino ay singgulo ng buhay ni Sta. Teresa de Avila, na kinailangan ding labanan ang Simbahan at Estado, hindi pa kasali ang pananaw ng marami na hindi niya pinangimiang bulabugin...
Pinili ng mga beata na pagbigyan ang kawalang-tiwala ng mga lalaki, na itinuturing ang babae na napakarupok na, kung hindi mananatili sa bahay sa ilalim ng ama o asawa, ay marapat na ipiit sa kumbento upang huwag maligaw... Sa madaling salita, lumaban ng isang peministang pakikibaka ang mga beata ng Sta. Catalina para sa pantay na karapatan, lalo pa ang karapatan ng babae na ituring na responsable katulad ng kahit sinong lalaki. (13)

Subali’t sa pagsibol ng sekular na lunan bilang siyang larangan ng mga pagbabago at lunan ng mga pagkilos ng mga tao, unti-unting nawalan ang Simbahan ng awtoridad na magtakda sa pamayanan. Sa pagnanais ng estadong kolonyal na isaayos nang naaayon sa namamayaning kapangyarihan ang pamumuhay ng Pilipino, hindi maiiwasan na makulayan din ng persepsyong Kanluranin ang estetika at etika ng kasarian. Mababanaag natin sa proyekto ni Manuel Luis M. Quezon (sa kanyang pagtutuon sa tanggulang pambansa sa mga huling taon bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig) kung papaanong nililikha ang identidad ng lalaki bilang nakapangyayari sa lipunan sa pamamagitan ng pagdakila sa serbisyo militar bilang pangunahing tungkulin ng mamamayan. Batay sa pagsusuri ni Alfred McCoy sa kasaysayan ng Philippine Military Academy, hindi ito isang aksidente lamang, kundi tahasang pagsasailalim ng babae para sa produksyon ng pambansang imahinasyon. Halos wala itong pinagkaiba sa kulungan, isang mekanismong lubha nang nakabaon sa ating pambansang sistema:

To build popular support for a citizens’ army, the neophyte Philippine state deployed a gendered propaganda with men strong, women weak; men the defenders, women the defenseless... From its foundation in 1935, the Philippine Commonwealth, through military mobilization, intensified this process of gender reconstruction – encouraging a complementary array of national symbols, militarized masculinity, and domestic roles. Just as the new nation was personified as the feminine “Filipinas” in currency and propaganda, so young men were conscripted to defend her and her defenseless womankind.

Upang suportahan ng bayan ang isang hukbong mamamayan, nagsagawa ang bagong estadong Pilipino ng propaganda na nagsasabing lalaki’y malakas, babae’y mahina; lalaki ang tagapagtanggol, babae ang ipinagtatanggol... Mula sa pagkatatag nito noong 1935, pinatindi ng Komonwelt ng Pilipinas ang rekonstruksyon ng kasarian gamit ang mobilisasyong militar – paggantak sa mga pamabansang sagisag, militarisadong pagkalalaki, at papel sa tahanan. Kung papaanong isinababae ang bansang “Filipinas” sa salapi at propaganda, gayon tinawag ang mga binata upang ipagtanggol siya at ang kanyang marurupok na kababaihan. (14)

Babae Bilang Bihag at Berdugo

Makabubuting itanong din natin kung papaano nga ba nalikha ang isang kalagayan ng paniniiil sa kababaihang Pilipina, isang penomenon na kaakibat ng pagkilos ng modernisasyon patungo sa diumano’y pagpapaunlad ng kabuhayan. Alam nating ang mga ito’y makakamit kapalit ng pagwasak at pagsikil sa buhay ng mga taong nasa uring manggawa, nguni’t lumalabas na tila baga hindi natin ito kayang lagpasan. Nilikha’t pinananatili ang pamayanan sa pamamagitan ng peryodikal at tuluyang pagtatakda at paggigiit ng mga postulado, na sapagka’t sila’y mga postulado ay hindi maaaring tunggaliin. Itong sistema ng pagsasamatematika sa kalagayan ng tao bilang natural na umuusbong at hindi maaaring baguhin ang siyang nagsasadlak sa tao sa isang kalagayan na hindi maaaring kalasan. Inihayag ni Rolando Tolentino kung papaanong

Ang ideolohiya ng liberal na demokrasya ay mitolohisasyon ng kapamaraanan – expolitasyon, dehumanisasyon, alienasyon – ng kapitalismo. Ito ang nag-eestetisa at nagpapaganda ng karanasan ng kapitalismo, nagbibigay hustifikasyon sa kalabisan nito, at maging ang nagpapatanggap sa mismong inaapi sa kanilang abang kalagayan. (15)

Ito mismo ang inihayag ng karakter ni Nanay Auring (ginampanan ni Anita Linda) na siyang una niyang paniniwala bago siya “namulat” sa katotohanang hindi makatuwiran ang pagsasabing pantay-pantay ang oportunidad sa namamayaning sistema gayong laging talo sa huli ang manggagawa. Ating tanaw ang kawalan ng interes na kilalanin ang pangangailangan ng babae. Di katulad ng sa mga lalake kung papaanong palagian silang kabilang sa mga kilusan sa emansipasyon at siyang nangunguna dito, nananatiling baon, ipit at hindi makapagpahayag ang babae para sa kanyang sarili. Maaaring sabihing ang tradisyunal na domestikasyon ng babae ay isang malaking salik sa kanyang kalagayang ito; at hindi nagkamali si Karl Marx at Friedrich Engels sa kanilang obserbasyon na dahil dito kaya ang babae ay hindi nabibigyan ng kaukulang pagkilala sa kanyang potensyal bilang mamamayan. (16)

Maging si Rich ay sinubukan itong linawin sa paglalarawan kung papaanong kahit anuman ang gawin ng babaeng kilos sa loob ng mga kilusan, nakapatong pa rin sa kanya ang pasanin ng pagsasailalim sa lalaki. Kung sisikapin man niyang takasan ang ugnayang manggawa-kapitalista na tunay namang isang panggagahasa, “kasabay ng kakulangang ekonomiko ay malamang magpakasal bilang uri ng inaasahang proteksyon, gayong wala rin naman siyang dalang kapangyarihang sosyal ni ekonomiko, at sa gayon pumapasok sa isang institusyong siya’y api pa rin.” (17) Bunga ng pananaw ng Kanluran ang arketipo ng babae bilang isang entidad na mahina’t kailangang “iligtas” at “pangalagaan” ng lalaki, isang ring postulado na maituturo natin sa Simbahang Katoliko sa pagdidiin sa pangingibabaw ng lalaki sa babae batay sa Banal na Kasulatan. (18) Ang pagsasaad na ito ang siya ring ginamit upang pigilan ang babae na subuking lagpasan ang kakayanan niyang pakialaman ang sarili niyang katawan at, sa gayon, panatilihin siyang nakailalim sa mapanuring mata ng kaayusang makalalaki. Hindi nga maling pansinin ni Foucault na

Discourse, therefore, had to trace the meeting line of the body and the soul, following all its meanderings: beneath the surface of the sins, it would lay bare the unbroken nervure of the flesh. Under the authority of a language that had been carefully expurgated so that it was no longer directly named, sex was taken charge of, tracked down as it were, by a discourse that aimed to allow no obscurity, no respite.

Samakatuwid, kailangang balangkasin ng diskurso ang tagpuang guhit ng katawan at kaluluwa, kasunod ang lahat nitong pasikut-sikot: sa ilalim ng mga kasalanan, ihahantad nito ang di-nasirang ugat ng laman. Sa ilalim ng awtoridad ng isang wikang maingat na nilinis upang hindi na ito mapangalanan, ang seks ay pinanghawakan at tinutugis ng isang diskursong ipinagbabawal ang kalabuan o kaluwagan.(19)

Ito ang dahilan kung bakit hindi magawang makalabas ni Gigi sa Caritas: ang kanyang pagnanasang panghawakan ang kanyang sarili hinaharap at katawan ay nakakahon sa pagbasang mediko-sikolohikong agam-agam na dala ng kapaguran lamang. Hindi rin niya kayang harapin ang mapangmatang lipunang kanyang ginagalawan na aalipusta sa kanyang pagkakamali at sa kanyang anak sa pagkadalagang lalaking walang ama; ang kawalan ng kakayanang tumindig at mabuhay, kahit taliwas sa lipunan, ang isa sa mga pangunahing balakid sa babae upang itindig ang kanyang identidad.

Nanganganak ang Nasusunod

Kung papaanong binalangkas ni Foucault ang suliranin, binigyan din niya ito ng kaukulang panukala. Sa atin nang nabanggit na pilosopikong pagkilos upang balikan ang mga dating landas ng mga nauna sa atin, matatalunton natin ang mga pagkilos na maaaring tunguhin ng mga babae upang mapanatili nila ang kanilang pagkakakilanlan sa labas ng anino ng lalaki. Kailangan ang pagtanggap sa katotohanan ng potensya ng desorbitation para sa isang suhetong kumikilos sa postkolonyal na pagkakilanlan sa isang kalagayang postmoderno. Binigyan ni Danton Remoto, sa kanyang pagsusuri ng dulang Lysistrata ni Aristophanes, ng fiksyon ng pagkakatulad ang pre-kolonyal na mga Pilipino sa kalagayan ng mga sinaunang Griego: “mahilig sa alak, babae at awit: wala silang nakitang malisya sa sex. Naging malisyoso lamang ang mga Pilipino sa pagdating ng mga Kastila.” (20) Sa paghahantad ng isang identidad na mababalikang bunga ng panitikan, nabibigyan ng katibayan ang tesis ni Caroline Hau na may kakayanan ang panitikan na katawanin ang kasaysayan, at makialam (samakatuwid ay magdulot ng pagbabago) sa daloy ng kasaysayan. Nananatili nga lamang ang panganib ng katotohanang sa pagbubukas ng mga bagong literatura ay hindi malulubos na mawawakasan ang isang kilusan sa emansipasyon. (21) Sa gayon, kailangang kilalanin ng babae na ang kanyang identidad ay isang di-nagwawakas na proyekto, tulad ng pagtatatapat ni Sister Stella L sa pangwakas na monologo ng pelikula:

Marami pa akong hindi alam, marami pa akong dapat malaman tungkol sa kasalukuyang kalagayan, tungkol sa mga dapat gawin. Pero narito na ako ngayon, sa gitna ng mga pangyayari. May kaunting nadadgdag sa kaalaman at pang-unawa, pero patuloy na nag-aaral at natututo. Hindi nanood na lamang, kundi nakikiisa sa pagdurusa ng mga hindi makaimik, nakikiisa sa paglaban ng mga nagdurusa, tumutulong sa abot ng aking makakaya. (22)

Ang mga sensibilidad ding ito marahil ang nagtakda kay José Rizal na tandaang magpaalala sa kababaihan ng kanyang panahon kung papaano ang marapat na ikilos at isipin ng isang babaeng nagnanais lumagpas sa pagkasailalim bilang suhetong kolonyal. Malinaw ang kanyang pagsusumikap wasakin ang isteryotipo ng Pilipina na ang tanging alam ay “magbubulong ng dasal, walang karunungan kundi awit, nobena at milagrong pang-ulol sa tao, walang ibang libangan kundi magpanggingge o kumpisal kaya ng muli’t muling kasalanan,” (23) isang nilikha ng mekanismong disiplinaryo ng kolonyal na estado. May obsesyon din si Rizal sa paggamit sa panitikan bilang haliging-bato ng kanyang proyekto sa paglikha ng pagkakakilanlang makabansa, kaya naman hindi kataka-taka na ituro niyang halimbawa ang klasikong pamumuhay ng mga taga-Sparta bilang karampatang pamumuhay ng isang babaeng nalalaan hindi lamang sa paglilingkod sa kanyang mag-anak kundi maging sa bayan. Pansinin kung papaanong may maituturing itong ugnayan sa ating kasalukuyang paniniwala ukol sa halaga ng babae sa panahong pre-kolonyal at sa pangunguna ng mga babaylanes bilang tagapayong moral ng bayan:

Sa lahat ng mga babae, ang pula ng isa, ay kayo lamang sa taga-Esparta ang nakapangayari sa lalaki. Mangyari pa, ang sagot ng taga-Esparta, sa lahat ng babae ay kami lamang ang nag-aanak ng lalaki. Ang tao, ang wika ng mga taga-Esparta, ay hindi inianak para mabuhay sa sarili, kundi para sa kanyang bayan. (24)

Subali’t kaakibat nito, hindi rin maaaring kaligtaan ang katotohanan na may panganib ng pagkawala sa alangaang ang pakikibahagi sa mga sistemang disiplinaryo habang nagsisikap itindig ang identidad. Kahit sikapin man ng mga kilusang peminista na lumikha ng bagong estetiko ng pagkababae, ipinapaalala ni Sandra Lee Bartky na kailangang nilang “basahin ang mga mensaheng kultural na itinatakda sa kanila araw-araw, at hanggang makita nila na kahit matagumpay sila sa pagtalima sa disiplina ng pagkababae, nananatili silang babae lamang.” (25) Kahit mayroon nang facet ang babae ng isang rebelde laban sa namamayaning patriyarkal na sistema, muli’t muli’y kailangan niyang makibagay sa namamayaning sistema upang mailatag ang mga ugnayan ng kapangyarihan na makakatulong sa kanyang proyekto. May utilisasyon ng mga isteryotipong nilalayon mismong wasakin, at makikita natin ito sa mismong rason ni Sister Stella B na “hindi nagkakagulo kapag may madre sa piket.” (26) Ang proyekto ng pagkatawan ay nabibigyan ng balidasyon, nguni’t ang pagkalikha ng “sub-sub-altern” ay naroon pa rin.

Pakikibahagi Bilang Pagbabanyuhay

Sa kontekstong inilalarawan ni Simon During sa kanyang sanaysay na Postmodernism or Postcolonialism Today, nagiging tila isa lamang dagdag na pang-aapi rin ang pakikibahagi ng isang api sa isang kilusang nagsisikap pagsama-samahin ang iba-ibang “tinig ng api” upang ipakita ang “iisang mukha ng mga api,” gayong hindi totoo na iisa lamang ang mukha ng api.

We can, rather, brutally characterize postmodern thought... as that thought which refuses to turn the Other into the Same. Thus it provides a theoretical space for what postmodernism denies: otherness. ... [P]erhaps eccentrically, post-colonialism is regarded as the need, in nations or groups which have been victims of imperialism, to achieve an identity uncontaminated by universalist or Eurocentric concepts and images. Here the argument becomes complex, since post-colonialism constitutes one of those Others which might derive hope and legitimation from the first aspect of postmodern thought, its refusal to turn the Other into the Same.

Maaari nating tahasang ituring ang isiping postmoderno... bilang ang kaisipang tumatangging ituring ang Iba na Katulad. Sa gayon itinatatag nito ang isang lunang teoretiko para sa itinatanggi ng postmodernismo: ang kaibahan. ... Marahil di-pangkaraniwan, ang post-kolonyalismo ay itinuturing bilang kailangan, sa mga bansa o pangkat na biktima ng imperyalismo, na makapagtatag ng identidad na di-narumihan ng unibersalista o Eurosentrikong konsepto at larawan. Nagiging masalimuot ang argumento, dahil ang post-kolonyalismo ang bumubuo sa isa sa mga Ibang nagnanais umasa at mapapaging wasto ng unang aspeto ng postmodernong pag-iisip, ang pagtanggi nitong ituring ang Iba na Katulad. (27)

Nagiging mapaniil rin sa ilang aspeto, kung susundin natin ang postmodernong pagbasa, ang mga ugnayang kinabibilangan ng mga tauhan sa iba pang kapwa nila tauhan. Nasisiil si Nick bilang peryodista ng kanyang patnugot sa paghahantad ng totoong nagaganap sa piket ng mga manggagawa ng Republic Oil, nguni’t sa kanya mismong sariling perspektiba ay maaaring nawawala rin ang tinig ng mga manggagawa sa pagnanais na maimprenta ito. Kahit sinisikap ni Sister Stella L na mabigyang-tulong ang mga manggagawang pinili niyang ipaglaban, napabayaan din naman niya ang una niyang tungkuling gabayan si Gigi na sa bandang huli’y napilitan ding magpatiwakal, bunga ng maling akalang nagiging “pabigat” na lamang siya sa mga nakapaligid sa kanya. Itong mga ganitong suliranin din ang nagpipilit sa mga tauhan na timbangin kung alin ang mas may maliit na opportunity cost sa kanilang konsiyensiya, kung kailan “dumarating sa buhay ng tao na kailangan niyang magpasya... para sa kanyang sarili.”

Subali’t nang malubos ang pagtataya ni Sister Stella L sa laban ng mga manggagawa nang piliin niyang lisanin nang tuluyan ang kumbento sa Caritas matapos mailibing si Gigi, nasaksihan niya ang tahasang panggigipit at pandarahas ng mga “eskirol” o tauhan ng may-ari ng Republic Oil. Sapilitan silang itinali ni Nick (na pinili na ring umalis sa pinagtatrabahuhang pahayagan nang hindi na nito pinayagang ilabas ang kahit anong artikulo ukol sa welga) habang pinapanood ang pagpapahirap kay Ka Dencio, na masikap nilang hinahanap nang mga nakaraang araw. Bagaman pinakawalan din sila pagkatapos ng pambubugbog kay Nick at ilang tangkang pagsasamantala kay Sister Stella L, patago nilang pinagbabaril si Ka Dencio habang bumabagyo at natagpuan lamang ang bangkay pagkatapos ng ilang araw. Gayunman, sa halip na matakot ang mga nagwewelga na sumuko, lalo lamang nitong napag-alab ang paninindigan ng mga welgista na, sa pangunguna na rin mismo ni Sister Stella L at ng mga kapwa niya madre na kinilala ang katuwiran ng kanyang pakikisangkot, ay sama-sama nang pinuno ang piket. Manipestasyon ito ng sumibol na kamalayan sa iba-ibang sektor pagkatapos ng ilang ulit na paglubog: isang metaporikal na pagkawala ng pagkainosente at pagsilang ng isang bayang lumalaban.

Sa ganito ring tono nagwakas ang nobelang Dekada ’70 ni Lualhati Bautista (na nang isapelikula ay si Vilma Santos rin ang gumanap sa papel ni Amanda Bartolome) kung saan ang isang babaeng kabilang sa panggitinang uri ay unti-unting kumalas sa kanyang mga lumang tanikala bilang inang mapag-iwi at luha lamang ang maibibigay sa napariwarang anak, bilang maybahay na utus-utusan lamang ng kanyang propesyonal at makamundong asawa, at bilang babaeng bahay na hindi lumalabas ng bahay upang kilalanin ang kanyang kapaligiran. “Hindi ang mamatay,” pahayag ni Amanda Bartolome, “ang pumatay! Sapagka’t ang sambayanan ay di na martir kundi rebelde! Lalakas pa ang tinig ng paghihimagsik, iigting pa ang tapang ng masang Pilipino... hanggang sa makamit ng sambayanan ang tunay at ganap na kalayaan!” (28)

Liban pa sa tradisyunal na paniniwalang ang pagkakaroon ng isang martir bilang simbolo ng pakikibaka ay lalo lamang magpapaalab sa mga tumututol sa paniniil (29), paano pa natin ito makikita sa perspektibang ating tinatalakay? Ating balikan ang sinuri ni During ukol sa kapangyarihan ng wika upang pagbuklurin ang mga mamamayan sa kanilang pagbabahagi ng mga katulad na pangyayari sa buhay, na kanya namang kinuha mula kay Benedict Anderson. (30) Sa pagkakabuklod ng mga manggagawa sa di-makatarungang ugnayan, nakabahagi si Sister Stella L at si Nick nang sila mismo ang gipitin ng mga “eskirol.” Ang “wika” ng sama-samang pagdurusa at sama-samang pagtatanghal ng kanilang karapatan ang siyang kultura nilang tinatawag na kanila, na kung bibigyan ng analogo sa kasaysayan, “ang kulturang winasak ng imperyalismo at ng wika nito; ang mga post-kolonisador ... ay hindi magagawang ipilit ang kultura at wika ng mga imperyalistang bansa.” (31) Dahil kumikilos ang mga nagnanais ng emansipasyon sa pare-parehong nibel at isyu, alam nilang kailangan pa rin nilang umagapay sa postmodernong sitwasyon nguni’t hindi binibitawan ang kanilang identidad. Sa ganitong paraan, napananatili ni Sister Stella L ang kanyang katauhan bilang madre, babae at mamamayan sa iba-ibang mukha, sa iba’t-ibang lunan; isang postkolonyal na babae na nagsisikap kontrolin ang posibleng kawalang maaaring tunguhin ng postmodernong pag-iisip.

Gayunman, hindi dapat kalimutan ang taliwas na perspektiba na siyang marahil ay dahilan ng Mother Superior ni Sister Stella L, si Sister Juaning, kung bakit hangga’t maaari’y pinipigilan niya itong lubusang makisangkot sa usapin ng mga manggagawa nang di mapahamak. Matapos ang kanilang sinapit sa mga “eskirol,” dinapuan ng malubhang karamdaman si Sister Stella L at napilitan si Nick na pagpahingahin muna itong muli sa kumbento. Naitanong ng mapag-alalang madre kay Nick: “Kailangan bang isakripisyo ang kapakanan ng iba para lamang magampanan mo ang iyong tungkulin?” Makailang ulit nang inilarawan ng mga manunulat kung papaanong “kinakain ng isang himagsikan ang mga anak nito.” Dulot nito, hindi rin marahil kataka-taka kung sa ilang pagkakataon ay usigin din ng mga tao kung bakit minsa’y isinasawalang-bahala na ng ilang mga kilusan ang kapakanan ng kanilang mga kasapi. (32)

Kumikilos si Sister Stella L, sa pagpapasyang tangnan ang pakikibaka ng mga manggagawa, hindi na dahil sa utos ng orden o dahil hinihingi ng pagkakataon, kundi dahil ito ang hinahawakan niyang makatuwiran. Alam niyang nananatiling isang suliranin kung papaanong mapagiging makatwiran ang pagkilos ng post-kolonisado tungo sa pagkakaroon ng isang identidad sa isang postmodernong kaayusan. Kung, katulad ng iginigiit ni During, nawawalan ng lunan sa pagtatagpo ang post-kolonisado at post-kolonisador upang magtalaban, hindi nga maiiwasang muli at muling mapagtibay ang hegemonya ng mga namamayaning uri habang muli’t muling sinisiil ang post-kolonisado. Hangga’t hindi “lubusang nakakalayo mula sa pagkamalawak at kakalatan ng imahen-kapitalismo, marahil ito ay dahil hindi ito nakapakinig nang maigi sa mga tinig na pinag-uusapan ang differend sa kanilanang hangganan.” (33) Sa kabila nito, pinaaalalahanan tayo ni Caroline Hau na ang manlilikha ng teksto ay siyang magiging saligan ng pagtanaw sa mga bagay-bagay, at kung papaano kikilos upang makamit ang kaalaman, (34) na kaalinsabay sa pagtatakda ni Foucault sa kaalaman bilang kapangyarihan sa mga ugnayang mapagpalaya. Kahit posibleng hindi rin sila dinggin sa kanilang pakikibaka, magagawa ng isang babae, isang madre at isang mamamayan, tatlong ulit na sinisiil ng hegemonya ng pagkalalaki, ng relihiyon at ng estado, ang maitatag ang pagiging malaya sa kanyang mismong pamumuhay, sa kanya mismong sarili, bagaman ang sariling ito ay kailangan pa ring nakatatag sa kamalayan at mga kaganapan ng kanyang lipunan.

MGA SANGGUNIAN:

Anderson, Benedict. Imagined Communities: Reflections on the Origin and Spread of Nationalism. Pasig City: Anvil Publishing, 2003.

Ang Biblia (Tagalog). Manila: Philippine Bible Society, 1982.

Bartky, Sandra Lee. “Foucault, Femininity and the Modernization of Patriarchal Power,” sa Feminism and Foucault. Irene Diamond at Lee Duinby, eds. Northeastern University Press: 1988.

Bautista, Lualhati. Dekada ’70. Mandaluyong: Cacho Publishing, 1991.

Derrida, Jacques. Of Grammatology. Salin ni G. C. Spivak. Baltimore at London: John Hopkins University Press, 1978.

During, Simon. “Postmodernism or Postcolonialism Today,” sa The Postcolonial Studies Reader, eds. Bill Ashcroft, Gareth Griffiths at Helen Tiffin. London: Routledge, 1995.

Foucault, Michel. The History of Sexuality Volume 1: An Introduction. Salin sa Pranses ni Robert Hurley. New York: Random House, 1978.

______________. The History of Sexuality Volume 2: The Care of the Self. Salin sa Pranses ni Robert Hurley. New York: Random House, 1985

Hau, Caroline. Necessary Fictions: Philippne Literature and the Nation, 1946-1980. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2000.

Ileto, Reynaldo C. Pasyon and Revolution: Popular Movements in the Philippines, 1840-1910. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1979.

Joaquin, Nick. “The Beatas of 17th Century Manila,” sa Culture and History. Pasig City: Anvil Publishing, 2004.

Lacaba, Jose F., Jose Almojuela at Mike de Leon, Sister Stella L. Dir. ni Mike de Leon. Tampok sina Vilma Santos, Jay Ilagan. VCD. Regal Films, 1984.

Marx, Karl. The 18th Brumaire of Louis Bonaparte, 1852. http://www.marxists.org/archive/marx/works/1852/18th brumaire/index.htm, tinungo Setyembre 12, 2009.

________ at Friedrich Engels. The Communist Manifesto. Panimula ni Francis B. Randall, salin ni Samuel Moore, ed. Joseph Katz. Simon and Schuster: New York, 1964.

McCoy, Alfred W. Closer than Brothers: Manhood at the Philippine Military Academy. Pasig City: Anvil Publishing, 1999.

Pigafetta, Antonio “Pigafetta’s Account, 1521” sa The Philippines at the Spanish Contact. F. Landa Jocano, ed. Quezon City: R.P. Garcia, 1975.

Remoto, Danton. “Sex, Hindi Gera” sa Rampa: Mga Sanaysay. Pasig City: Anvil Publishing, 2008.

Rich, Adrienne. “Compulsory Heterosexuality and Lesbian Existence,” sa Blood Bread and Poetry. New York: Norton Paperback, 1994.

Rizal, José. “Sa Mga Kabataang Dalaga ng Malolos: London, Pebrero 22, 1889,” kay Gregorio F. Zaide at Sonia M. Zaide. Jose Rizal: Buhay, Mga Ginawa at Mga Sinulat ng isang Henyo, Manunulat, Siyentipiko, at Pambansang Bayani. Quezon City, All-Nations Publishing, 1997.

Spivak, Gayatri Chakravorty. “Can the Subaltern Speak?”, sa Marxism and the Interpretation of Culture, eds. C. Nelson at L. Grossberg. Macmillan Education: Basingstoke, 1988.

Tolentino, Rolando. “It’s A Crazy Planets: Modernidad, Panitikan at Siyudad” sa Sipat Kultura: Tungo sa Mapagpalayang Pagbabasa, Pag-aaral at Pagtuturo ng Panitikan. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2007. 223-239.

________________. “Take Up the White Man’s Burden: Kapitalismo, Liberalismo at Sanaysay” sa Sipat Kultura: Tungo sa Mapagpalayang Pagbabasa, Pag-aaral at Pagtuturo ng Panitikan. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2007. 143-165.

Trambulo, Alan. “Sister Stella L: Behind the Scene,” V Magazine, Issue No. 7, April 2005. http://starforallseasons.blogspot.com/2008/02/sister-stella-l-behind-scene.html, tinungo Setyembre 15, 2009.

MGA DULONG TALA:

(1) Simon During, “Postmodernism or Postcolonialism Today,” sa The Postcolonial Studies Reader, eds. Bill Ashcroft, Gareth Griffiths and Helen Tiffin (London: Routledge, 1995), 126-127. Inilarawan ni During kung paano nakita ng nobelistang Kenyan na si Ngugi ang parikala at paraan upang panghawakan ang kanilang identidad upang maging mapagpalaya: “living under multinational capitalism …he sees [the soil] as a means of production, and means of production do not articulate identities; indeed, where they can be owned, they are often owned by foreigners. This leaves him language and, within language, culture.”

(2) Gayatri Chakravorty Spivak, “Can the Subaltern Speak?”, sa Marxism and the Interpretation of Culture, eds. C. Nelson and L. Grossberg (Basingstoke: Macmillan Education, 1988), 80.

(3) Jacques Derrida, Of Grammatology. Salin ni G. C. Spivak (Baltimore and London: John Hopkins University Press, 1978), 10. Sinabing: “The ‘rationality’… which governs a writing thus enlarged and radicalized, no longer issues from a logos. Further, it inaugurates the destruction, not the demolition but the de-sedimentation, the de-construction, of all the significations that have their source in that of the logos.”

(4) Karl Marx, The 18th Brumaire of Louis Bonaparte, 1852. , tinungo Setyembre 12, 2009. Binanggit na “[The proletariat] are therefore incapable of asserting their class interest in their own name, whether through a parliament or a convention. They cannot represent themselves, they must be represented.”

(5) Alan Trambulo, “Sister Stella L: Behind the Scene,” V Magazine, Issue No. 7, April 2005 , tinungo Setyembre 15, 2009. Nang unang naipalabas ang pelikula, diumano’y tinawag ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan itong “negatibo” at may posibleng “masamang bunga sa masa,” sanhi upang ilakad sa mga sensura na huwag payagang mailabas ang pelikula. Nguni’t si Pangulong Marcos pa raw ang nagsabing bayaan itong maipalabas.

(6) During, “Postmodernism or Postcolonialism Today,” 126. Binanggit kung papaanong: “an identity granted in terms of the signifier (which I use, as it is often used, as a figure for form as such) is an identity that necessarily cannot be communicated. It would seem to be written into the fate of nationalism as print-capitalism; that national identity is conferred in the form of its own death warrant.”

(7) Jose F. Lacaba, Jose Almojuela at Mike de Leon, Sister Stella L. Dir. ni Mike de Leon. Tampok sina Vilma Santos, Jay Ilagan. VCD. Regal Films, 1984.

(8) Adrienne Rich, “Compulsory Heterosexuality and Lesbian Existence,” sa Blood Bread and Poetry (New York: Norton Paperback, 1994), 187. Sa orihinal na teksto: “... in the workplace, among other social institutions, is a place where women have learned to accept male violation of our psychic and physical boundaries as the price of survival; where women have been educated ... to perceive ourselves as sexual prey.”

(9) Antonio Pigafetta, “Pigafetta’s Account, 1521” sa The Philippines at the Spanish Contact. F. Landa Jocano, ed. (Quezon City, R.P. Garcia, 1975), 66-67. Ipinapakita ng isang pahayag kung papaanong ang mga babae ang nagtatakda sa mga lalaki kung papaano makikipagtalik: “The males, large and small, have their penis pierced from one side to the other near the head, with a gold or tin bolt as large as a goose quill. In both ends of the same bolt, some have what resembles a spur, which points upon the ends; others are like the end of a cart nail… The bolt and the spurs always hold firm. They say that their women wish it so, and that if they did otherwise they would not have communication with them.”

(10) Michel Foucault, The History of Sexuality Volume 2: The Care of the Self, (Salin sa Pranses ni Robert Hurley, New York, Random House, 1985), 9. Nagbubuhat siya hindi sa pag-aaral ng kasaysayan kundi sa mga usaping pragmatiko: “studies of history by reason of the domain they deal with and the references they appeal to... they are the record of a long and tentative exercise that needed to be revised and corrected again and again. It was a philosophical exercise.”

(11) Rolando Tolentino, “It’s A Crazy Planets: Modernidad, Panitikan at Siyudad” sa Sipat Kultura: Tungo sa Mapagpalayang Pagbabasa, Pag-aaral at Pagtuturo ng Panitikan, (Quezon City, Ateneo de Manila University Press, 2007), 233.

(12) Ibid., 224.

(13) Nick Joaquin, “The Beatas of 17th Century Manila,” sa Culture and History (Pasig City, Anvil Publishing, 2004), 177, 180-181.

(14) Alfred W. McCoy. Closer than Brothers: Manhood at the Philippine Military Academy (Pasig City: Anvil, 1999), 44.

(15) Rolando Tolentino, “Take Up the White Man’s Burden: Kapitalismo, Liberalismo at Sanaysay” sa Sipat Kultura: Tungo sa Mapagpalayang Pagbabasa, Pag-aaral at Pagtuturo ng Panitikan, (Quezon City, Ateneo de Manila University Press, 2007), 147.

(16) Karl Marx at Friedrich Engels, sa The Communist Manifesto (Panimula ni Francis B Randall, salin ni Samuel Moore, ed. Joseph Katz; Simon and Schuster, New York, 1964) 89. Sa orihinal: The bourgeois sees in his wife a mere instrument of production. He hears that the instruments of production are to be exploited in common, and, naturally, can come to no other conclusion than that the lot of being common to all will likewise fall to the women. He has not even a suspicion that the real point is to do away with the status of women as mere instruments of production.

(17) Rich, “Compulsory Heterosexuality and Lesbian Existence,” 187. Nakasaad ang orihinal na pangungusap nang ganito: A woman seeking to escape such casual violations along with economic disadvantage may well turn to marriage as a form of hoped-for protection, while bringing into marriage neither social nor economic power, thus entering that institution also from a disadvantaged position.

(18) 1 Pedro 3:1, 5-6: “Gayon din naman, kayong mga asawang babae, pasakop kayo sa inyog sari-sariling asawa; upang, kung ang ilan ay hindi tumalima sa salita, ay mangahikayat ng walang salita sa pamamagitan ng ugali ng kani-kaniyang asawang babae; Sapagka’t nang unang panahon ay ganito naman nagsigayak ang mga babaing banal na nagsiasa sa Dios, na pasakop sa kani-kaniyang asawa; Na gaya ni Sara na tumalima kay Abraham, na kanyang tinawag na panginoon…”

(19) Michel Foucault, The History of Sexuality Volume 1: An Introduction, (Salin sa Pranses ni Robert Hurley, New York, Random House, 1978), 20.

(20) Danton Remoto, “Sex, Hindi Gera” sa Rampa: Mga Sanaysay (Pasig City, Anvil Publishing, 2008), 6.

(21) Caroline Hau, Necessary Fictions: Philippine Literature and the Nation, 1946-1980 (Quezon City, Ateneo de Manila University Press, 2000), 7.

(22) Lacaba et al., Sister Stella L.

(23) José Rizal, “Sa Mga Kabataang Dalaga ng Malolos: London, Pebrero 22, 1889,” kay Gregorio F. Zaide at Sonia M. Zaide, Jose Rizal: Buhay, Mga Ginawa at Mga Sinulat ng isang Henyo, Manunulat, Siyentipiko, at Pambansang Bayani (Quezon City, All-Nations Publishing, 1997), 399.

(24) Ibid., 405.

(25) Sandra Lee Bartky, “Foucault, Femininity and the Modernization of Patriarchal Power,” sa Feminism and Foucault (Irene Diamond at Lee Duinby, eds., Northeastern University Press, 1988), 83. Nasusulat ang orihinal na pangungusap nang ganito: "We women cannot begin the re-vision of our own bodies until we learn to read the cultural messages we inscribe upon them daily and until we come to see that even when the mastery of the disciplines of femininity produces a triumphant result, we are still only women.”

(26) Lacaba et al., Sister Stella L.

(27) During, “Postmodernism or Postcolonialism Today,” 125.

(28) Lualhati Bautista, Dekada ’70 (Mandaluyong: Cacho Publishing, 1991), 220.

(29) Laganap sa kulturang manghihimagsik ng Pilipino ang imahen ng martir, sa puntong tila baga hindi na ito maihihiwalay sa kanyang pagkilos tungo sa emansipasyon. Sa panulat ni Reynaldo Ileto: “In its narration of Christ’s suffering, death and resurrection, and of the Day of Judgment [the Pasyon] provides powerful images of transition from one state or era to another, e.g., darkness to light, despair to hope, misery to salvation, death to life, ignorance to knowledge, dishonour to purity and so forth. During the Spanish and American colonial eras, these images nurtured an undercurrent of millennial beliefs which, in times of economic and political crisis, enabled to peasantry to take action under the leadership of individuals or groups promising deliverance from oppression.” Pasyon and Revolution: Popular Movements in the Philippines, 1840-1910 (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1979), 14.

(30) Bilang pagpapaliwanag, isinulong ni Benedict Anderson ang kakayanan na likhain ang isang bansa sa sandaling mapanghawakan ng mga mamamayan ang mga paraan ng pagpapahayag na itinatanggi sa kanila dati ng mga panginoong dayuhan. Kanyang wika: “Essentially, I have been arguing that the very possibility of imagining the nation almost historically when, and where, three fundamental cultural conceptions, all of great antiquity, lost their axiomatic groups on men’s minds. The first of these was the idea that a particular script language offered privileged access to ontological truth, precisely because it was an inseparable part of that truth.” Imagined Communities: Reflections on the Origin and Spread of Nationalism (Pasig City: Anvil Publishing, 2003), 36.

(31) During, “Postmodernism or Postcolonialism Today,” 127. Sa orihinal: “the culture destroyed by imperialism and its tongue; the post-colonizers,.. at least cannot jettison the culture and tongues of the imperialist nations.”

(32) Hindi iba sa mga naging salaysay ng kasaysayan ang mga ganitong pagwiwika. Madalas banggitin ang Rebolusyong Pranses ng 1789 at ang Rebolusyong Bolshevik sa Russia bilang halimbawa kung papaanong nagtapos lamang ang mga ito sa ilalim ng mga diktador (sina Napoleon I at Josef Stalin) at pumapatay lamang ito ng higit pang mga tao. Maging ang Partido Komunista ng Pilipinas na pinamumunuan ni Jose Ma. Sison ay binabato rin ng mga ganitong pag-uusig ukol sa diumano’y pagpatay nila sa sarili nilang mga kadreng pinaghihinalaang “mga taksil.”

(33) During, “Postmodernism or Postcolonialism Today,” 128. Makikita sa Ingles kung papaanong “If [one] cannot fully distance himself from the sublimity and internationalism of what we can call image-capitalism, then that is perhaps because he has not listened carefully enough to those voices which talk of the différend on its borders.”

(34) Hau, Necessary Fictions, 182. Tinakdaan nito ang tungkulin ng manunulat: “the author is also ‘principle’ allowing us to codify and contextualize texts in circulation, through a systematic process of attribution that is central, in a methodological way, to the institution of literary scholarship as a viable academic discipline. Moreover, the author… is a discursive figure organizing the production of statements in and about literature.”


Creative Commons License
TUNGO SA PAGSASATINIG NG IBA by Hansley A. Juliano is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Philippines License.

Thursday, October 1, 2009

Ekonomiko Pa Rin Ang Tanong

(o kung bakit sa kabila ng aking pakikibahagi magiging walang-kwentang "footnote to history" lamang na naman ang mga mobilisasyon para sa nasalanta ng Bagyong Ondoy)

Marahil may mga bagay na kailangan akong alalahanin sa pag-alis ni Ondoy at maaaring pagsaglit ni Pepeng. Hindi naman siguro masamang sabihin na naging kabahagi ako ng sanrekwang mag-aaral ng Pamantasan na lumubog sa baha, gumawa ng iilang patawang patama sa ibang lugar na binabaha, at nakaranas ng existential crisis sa kung bakit inabot din ang Katipunan ng ganitong kalaking sakuna. Gaya ng naikwento ko na, naramdaman ko ang pagdating ng bagyo noon pa lamang naglalakad ako patungong Alingal Hall, kung saan pinagtulungan ako ng hanging habagat at ng mga luha ni Tungkung Langit na bigyan ng baradong ilong pagkatapos. Alam na natin ang nangyari. Napanood na sa YouTube. Naipost na ang lahat ng retrato at na-tag na tayo ng mga kaibigan sa ganoon kalaking problema. Seryoso: wala na tayong masasabi pa. Walang pinagkaiba sa isang malupit, nakapanunugat at matalim na pagtatanghal ng isang trahedya. Dalawa lamang ang posibleng ating magawa kapag hinarap ka ng ganitong sakuna, at least sa pananaw ng iba: ang magitla't umiyak nang mapait sa libu-libong namatay, o ang umiyak habang nagbabalot ng mga tulong, kundi ang makasama mismo sa pag-aabot ng tulong sa mga buhay pa nguni't lubhang nasalanta. Dito lang sa pagkakataon ko ito siguro masasang-ayunan, bahagya lamang, si Ninoy Aquino nang noong Abril 6, 1975, sinabi niya sa kapwa niyang senador na si Francisco "Soc" Rodrigo:

If we want our people to follow, I propose, we must cease arguing and start acting, doing what a freeman must do to assert his rights and defend his freedoms. Actions, not words. Selfless examples, not ideas. The time for talking is past!

Pero, siyempre, hindi yun ganoon kadali.

~O~O~O~

Oo, nakita ko ang buhos ng mga tulong sa loob ng Covered Courts para sa mga nasalanta. Nakita't nakasama ko ang sari-saring tao, Pilipino man o hindi, Atenista mang lubusan o hindi, bagong salta man o ilang araw nang puyat, para lamang makibahagi sa pagbabalot, pagsasaayos, pagbubuhat o pagpapasa-pasa. Ngayon ko lang ito nakita nang harapan, at sa totoo lang, hindi ko pa rin ito maipaliwanag. Yung kaluluwa ng batang ideyalistiko't mapangarapin ay laging sinasabihan akong "wow, ang galing, may kabaitan pa talaga sa puso ng mga tao. May pag-asa pa ang bayang ito." Pero sa sandaling lumitaw na ang retorika at dekonstruksyon sa isip ko, eto na naman ako sa pagbutas ng optimismo. Oo, sinisira ng katotohanan ng buhay ang pagkainosente ng bata; pero kung papaano at kung mabuti ba iyon o masama, sa ibang sulatin na natin talakayan. Sabi nga ni Nick Joaquin: "if you not change, you are a cretin, and who wants to be called a cretin?"

Malaon ko na ring pinagsusumikapang unawain kung paano ba pagbabanyuhayin ang kulturang Atenista bilang isang kilusang hindi pampribado't para sa kita kundi, alinsunod sa Vaticano II, para sa isang simbahang itinatanghal ang kapakanan ng mga dukha. Totoo bang kinalasan na ng Atenista ang minsang inilarawan at tinuligsa ng nakakatandang manunulat ng Matanglawin na si Juan Danilo Jurado (mula sa Matanglawin, Tomo XXVIII, Blg. 4: Marso-Mayo 2003):

Oo, inaamin ko na alam ng Atenista na karamihan ng mga tao sa ating mundo ay mahirap at walang salapi, ngunit bakit kung umasta ang Atenista ay parang nakapiring na batang naghahanap ng palayok na mapapalo? Kaya sila mahirap dahil tamad sila... Kasalanan na ng tao kung siya’y mamatay ng mahirap pa rin... Mahirap na nga sila, maram pai sa kanila ang magnanakaw at kriminal... Ay, kawawa naman the poor. Ilan lamang ito sa madalas nating marinig sa ating mga kapwa Atenista. Hindi ko maintindihan kung kanila itong mga sinasabi nang dahil sa katangahan o marahil dahil sa pag-aakalang lahat ng bagay ay nakukuha sa sipag na sang-ayon lamang sa burgesyang kapaligiran na iniikutan ng mga Atenista. Hindi ba’t ang kahirapan ay kasiguraduhan din ng ‘di pagtatapos ng pag-aaral at pagkasumpa sa habambuhay na paggawa? Hindi ba’t ang isang manggagawa o magsasaka ay tinitingnan lamang na parang mga makinang bayaran o dili kaya’y mga sakang tagatanim na kayang palitan at alisin “for a more efficient and lower cost of production”? Paano nga ba makakaalpas ang mahihirap sa kahirapan kung ang kakarampot nilang kinikita ay hindi man lamang sapat para sa pang-araw-araw na gastusin, lalo na kaya sa pag-ipon ng kaunti man lamang na kapital? Kung maraming kriminal sa mahihirap, mas maraming kriminal sa mayayaman... hindi nga lamang nahuhuli.

Paano naging ganoon kadali sa Atenista na makibahagi dito, kung papaanong naging madali sa kanyang samahan ang mga magsasaka ng Sumilao at Calatagan? Hindi mo maiiwasang isipin pero doon ka na rin patungo: DAHIL SA MEDIA MILEAGE, O PARA LAMANG SA PAGKALMA SA KANILANG MARURUMI'T NABABAGABAG NA KONSIYENSIYA. Ito pa rin ang lahi ng uring elitista-kapitalista-burukrata na noong panahon ng Unang Kapatang Sigwa (First Quarter Storm) ay tatakbo kaagad mula sa Barrio Forbes Park (ang "barriong mahal ni Marcos") at pupunuin ang Hotel Inter-Continental, takot na singilin ng bayang mang-uusig sa kanilang kakulangan sa pagiging Kristiyano at kalabisan sa pagkakamal. Ito ang uring liberal na ipinagmamayabang ni Ayn Rand; ang bunga ng pagpipilit sa lubusang indibidwalismo, ang sarili bilang pinakamahalaga sa lahat at wala nang iba, kaysa sa sosyalismong ang sarili kasabay ng bayan, ang sarili kasabay ng kapwa, ang sarili kasabay ng Iba.

Sige, narito, nagbigay na tayo, nagpagod na tayo, nagdasal tayo. At yon lamang, at sasabihin na natin kagaya ng mga taong sumama sa libing ni Pangulong Corazon Aquino na: "tangina pare i was at her funeral, I'm damn proud to be Pinoy pare! O kumusta na nga pala yung bagong SUV na winasak mo? Napakilo mo na? Ano na sa 10 mong kotse gagamitin mo?" Para kang nagkwento ng isang krimen na pwedeng-pwedeng gawan ng pelikula ni Carlo J. Caparas o ni Kaka Balagtas (kung di mo sila kilala, pagpalain ka; wag mo nang subukan) tapos mag-aalok ka ng dinuguan sa kinuwentuhan mo. Kumbaga, para masabi lang. Hindi mo tuloy makita lahat nung sinasabing magis, people- and professionals-for-others, sapientia, wala.

Nakikita natin ang ating kultura bilang isang kulturang reaktibo at hindi pro-aktibo. Ibig nating sabihin, kumikilos lamang tayo kapag nagkawasakan na, kapag nasalanta na tayo't lahat ng ating mga pagkakamali at saka magsisisihan, kaysa isipin ang mga posibleng nangyari sa hinaharap at magtatatag na. Kumbaga, lahat ng sinabi ni Machiavelli na dapat gawin ng isang pinuno upang maging mahusay at handa, walang habas nating di pinakinggan, dinuraan, tinapunan ng basura, pinagpuputulan ng puno, at tinaehan. At ngayon magtataka tayo na bumalik ito sa atin? Mga pare, wag niyo naman sabihing ganoon kayo katanga. Ang DepEd ba talaga ang may kasalanan niyan, ang mga magulang ninyong hindi rin alam ang maaaring gawin, o matitigas lang talaga bungo niyo? Huwag nyo naman piliting piliin namin ang preskripsyon ni Aristoteles sa mga taong "intemperate." At gaya ng ating lubusang pagka-atat sa masisisi, pinili nating bagsakan ng galit ng angaw-angaw na demonyo si Jacque Bermejo (na hindi rin natin alam kung siya ba ang nagsulat, nag-"sleep-type" siya, o talagang hindi lang siya nakapag-isip ng mas magandang Facebook status). Di ko tuloy masisi si Lourd De Veyra na magtanong: "KULANG NA BA TAYO SA TALINO?" Naalala ko tuloy si Tracy Isabel Borres; kumusta siya pagkatapos wasakin ni Anonymous?

Mukhang oo e. Kapag nakikinig ka pa sa mga political ad (oo, lahat) na lumabas nitong nakaraang dalawang buwan at may rasyonal ka nang pag-iisip noon, kaawaan ka ng Diyos kapag sinabi mong "lehitimong kampanya ito."

Hindi na ilang ulit ito. Noong ZTE-NBN Deal ay naglagablab tayo at iniangat si Jun Lozada nang binabayo siyang lubusan ng mga alyado ng Pangulo kagaya ni Benjamin Abalos at ng nag-aalangang si Romulo Neri. Noong niratsada sa Bastusang Pambansa ang Con-Ass, nagwala ang mga gising sa internet at magkakasama tayong nag-ingay sa iba-ibang lugar. Ito lamang pagkain ng "mahal" na Pangulo sa Le Cirque e pinaulanan natin ng batikos. At nasaan tayo ngayon? Wala. Tanungin mo ang karaniwang tao di rin nila maalala. Sinasabi nating magsisimula na ang himagsikang magpapabagsak sa pasista-militarista-patronistang pamahalaang ito sa libing ni Pangulong Aquino. At huwag nating kalimutang sampung taon tayong naghahayag ng mga "kontra-SONA." Nasaan tayo patungo? O mas magandang tanong: alam pa ba natin kung bakit natin kailangang may tunguhin?

~O~O~O~

Palagay ko natagpuan ko yung sagot ko noong, habang napilitan akong maglakad mula Barangay Bayanan hanggang Barangay Putatan, lakaran ng mga may 10 kilometro sapagka't naipit sa trapik ang bus na aking sinakyan pauwi ng Muntinlupa. May tambay na nakasuot ng itim na kamisetang sumisigaw ng mensaheng: HINDI PO AKO EMO, NAKIKIUSO LANG PO.

Uso. What's hip and what's happening. Kung ano'ng dumating, yun na. At pagkatapos, matutulog tayong mahimbing at sasabihing: "responsable akong mamamayan."

Anak ng tinapang nabulok pero kinain ni Arroyo.

Nagagalit tayo kapag sinabihang "minsan lang nagkamali, sinumpa na. Nakalimutan na ang lahat ng nagawang mabuti." At bakit nga ba hindi? Matagal nang sinabi ni Aristoteles: "ang taong makatuwiran ay gumagawa ng kabutihan nang paulit-ulit, walang likat." Sapagka't ang halaga ng katarungan ay di natututunan nang paisa-isa, patingi-tingi. Magpapalusot pa tayo na "minsan lang, di na mauulit." At ilang ulit na ba yang nasira, lalo't matagal nang nakita ni Machiavelli na "sadyang mapanlinlang ang tao?" Ilang ulit nangako si Marcos na ito na ang huling utang niya, at tignan ninyo ang naiwan sa atin. Ilang ulit sinabi ni Arroyo na ito na ang huling pagkakataong "makikisawsaw siya sa politika, pero winawasak niya't sinisiil ang karapatang sibil?" Hindi tayo matatapos kung bibilangin ko lahat.

~O~O~O~


Pero gaya ng sinabi na dati ni Pete Lacaba, mas epektibo ang retorika kapag tumatama sa imaheng nakikita mo araw-araw. Hanggang makakakita ka ng mga batang nagsasabing sila'y mga "Badjao" na hindi makauwi (pare, totoo ito. Kahit na may mga napipilitan o gago lang talagang nakikisawsaw sa tanging desperasyon ng mga Badjao, wag mong sabihing nanloloko na silang lahat; basahin mo uli si Jurado sa itaas), hangga't pinupunit ng kanilang inosenteng tinig ng kawalang-pag-asa ang ihip ng hanging amihan sa loob ng pampasaherong bus, at hanggang nakikita mong sa barung-barong sila pinanganak, sa barung-barong sila uuwi, at sa barung-barong sila babagsak nang patay, dilat at gutom, wala kang karapatang sabihing mamamayan ka. Wala kang karapatang sabihing Kristiyano ka. Wala kang karapatang magsabing Pilipino ka.

Habang nababagoong ang resume mo ng paglilingkod at itinatala mo para may maipakita ka sa iba, wala ka sa kalingkingan ng komadronang handang gumising kahit hatinggabi para magpaanak kahit barya-barya lang ang kita. Sabi nga naman ni Reynaldo Cruz Garcia: maraming mandurukot ang nakakurbata,

At liban pa roon, hindi ka tao pag kinagat mo ang mga info ad ni Bayani Fernando. Hindi natin kailangan ang bayaning alipin, kundi ang bayaning mandirigma ng Himagsikan.

Sabi noon ni Ninoy sa kanyang kapwa senador na si Eva Estrada Kalaw sa isang liham ng Pebrero 21, 1983, mga anim na buwan bago siya pataksil na pinusila sa tarmac ng Manila International Airport:

I realize many will criticize us for even thinking of possibly opening a dialogue with Marcos. Some will call this an imperialist plot designed and conceived in Washington. But if we are to prevent a communist takeover, we must help Marcos inspite of himself find a peaceful solution to our crisis.

I am sure the CPP/NPAs will be most unhappy by the holding of a clean and honest election because this will delay their timetable.

Clean and honest elections will provide fresh hope to people almost desperate. If we are to prevent the radicalization of our people to the left, we must present them with a credible hope and that can be accomplished if we can work out a peaceful transition scenario with the top actor: Marcos.

Only a hopeless people will turn to communism. We must therefore exert every effort to convince Marcos that a genuine return to democracy is the only sure path out of the enveloping red tide.

Only more democracy can defeat communism. Increased repression will only hasten the communist victory.

Alam nating ang layon ni Senador Aquino ay iwasang lubha ang pagdanak ng dugo. Isang pagtatatag sa dati nang pinanghawakan ni Rizal na:

"I do not mean to say that our liberty will be secured at the sword's point, for the sword plays but little part in modern affairs, but that we must secure it by making ourselves worthy of it, by exalting the intelligence and the dignity of the individual, by loving justice, right, and greatness, even to the extent of dying for them,--and when a people reaches that height God will provide a weapon, the idols will be shattered, the tyranny will crumble like a house of cards and liberty will shine out like the first dawn.

"Our ills we owe to ourselves alone, so let us blame no one. If Spain should see that we were less complaisant with tyranny and more disposed to struggle and suffer for our rights, Spain would be the first to grant us liberty, because when the fruit of the womb reaches maturity woe unto the mother who would stifle it! So, while the Filipino people has not sufficient energy to proclaim, with head erect and bosom bared, its rights to social life, and to guarantee it with its sacrifices, with its own blood; while we see our countrymen in private life ashamed within themselves, hear the voice of conscience roar in rebellion and protest, yet in public life keep silence or even echo the words of him who abuses them in order to mock the abused; while we see them wrap themselves up in their egotism and with a forced smile praise the most iniquitous actions, begging with their eyes a portion of the booty--why grant them liberty? With Spain or without Spain they would always be the same, and perhaps worse! Why independence, if the slaves of today will be the tyrants of tomorrow? And that they will be such is not to be doubted, for he who submits to tyranny loves it.

"Señor Simoun, when our people is unprepared, when it enters the fight through fraud and force, without a clear understanding of what it is doing, the wisest attempts will fail, and better that they do fail, since why commit the wife to the husband if he does not sufficiently love her, if he is not ready to die for her?"

Nguni't dama pa rin ang liberal-demokratikong pagka-inosente. Kahit hindi nais ni Rizal ang dahas, may pangarap siya sa pagtatatag ng isang bansa. Si Ninoy, sa kabilang banda, ay ipinagtatanggol ang pamumuhay bago si Marcos. Sa kahulihan, kahit sabihin nating si Ninoy ang naglunsad ng himagsikan sa kanyang pagkamatay katulad ni Rizal, si Rizal pa rin ang tunay na rebolusyanaryong ideologo.

Ang masaklap lang, lahat ng imahen ng rebolusyon, coopted pa rin ng kapitalismong salot:


Kahit bagyuhin tayo ng ilang ulit, lindulin pa, paulanan ng apoy, hanggang ang kaluluwa ng Pilipino ay hindi napapalaya, ano ang silbi ng donasyon? Sabi nga ni Isabel Allende sa kanyang nobelisasyon ng Zorro: isa lamang itong malaking panggagago.

(pagtatapos: utang na loob ang sulating ito sa masinop na pagtatala ni Patrick Manalo at sa ilang mabungang talaban ng isip kay Leiron Martija.)

Plurk