Monday, November 2, 2009

TUNGO SA PAGSASATINIG NG IBA

Si Vilma Santos Bilang Madre, Ang Babae Bilang Lunan at Katauhan, at ang Talaban sa Pagitan ng Postmodernismo at Postkolonyalismo

(Abstrakto: Ito ang huling anyo ng aking ipinasang papel sa Fil 108.2 - A nitong nakaraang unang semestre ng taong 2009-2010, sa ilalim ni G. Gary Devilles. Batay sa mga natanggap na puna sa burador na mababasa dito, pinagbuti ang pagsusuri sa pamamagitan ng pagdadagdag ng ilan pang pagbasa't sangguni. Nawa'y mabigyan nito kayo ng ilang kritikal na isipin [kung meron nga ba].)

Matatandaan natin kung papaanong sa pelikulang “Sister Stella L” na idinirihe ni Mike De Leon at pinagbidahan ni Vilma Santos mababanaag ang sala-salabid na mga usaping madalas maisantabi tuwing lumulutang ang tunggalian ng mga liping “mayroon” at “wala.” Lumalabas din ang katanungan kung paanong magagawang mapagsama-sama sila sa iisang laban upang makamit ang kanilang parehong mga layunin. At sa pagsusumikap nating kilalanin ang pagbabanyuhay ng katauhan at papel ng babae sa kanyang lipunan, mapagkikita natin na ang karakter ni Sister Stella L ay maituturing na isang babaeng postkolonyal, kabahagi ng isang mamamayang postkolonyal, at nagsisikap magkaroon ng identidad sa isang postmodernong kalagayan ng lipunan.

Ito ang suliraning sinisikap bigyang-linaw ni Simon During sa kanyang pagtatangkang pagtalabin ang nagbabanggaang mga paniniwalang pinanghahawakan ng mga teorista ng postmodernismo at postkolonyalismo. Kung papaanong sa pagwawakas ng modernisasyon at paggigiit ng identidad ng nasakop ay nagagawa pa rin silang hawakan sa leeg ng kanilang mga panginoong kolonyal, makikita nating narito rin sa ugnayang ito ang paraan upang “salisihan” ang manunupil at makamit ang kalayaan: isang wikang hindi kilala at kulturang babalikan. (1) Ganito natin titignan ang kaayusan ng lipunang Pilipino sa ilalim ng rehimen ng Pangulong diktador na si Ferdinand E. Marcos, at kung ano ang makikita sa salaysay ng isang madreng namulat sa namumuong sigwa na kinasasangkutan ng liping manggagawa habang kanyang sinisikap kilalanin ang kanyang sarili bilang alagad ng Simbahan, bilang isang babae, at bilang isang mamamayan.

Mga Tinig Sa Ilang

Sa tuwinang napag-uusapan ang suliranin ukol sa emansipasyon, hindi maiiwasang mabanggit ang pakikibaka ng mga kabilang sa mga uring nakabababa sa isang kalagayan kung saan pinipigilang labis ang kanilang karapatan. Sa tuwing mababanggit ang kanilang pagka-api, nagiging pangunang palagay na kailangang itanghal ang kanilang sarili bilang mga taong mayroon ding karapatan sa pagkilala at paggigiit. Sa ganitong layon, nagpupumilit silang itatag ang sarili bilang lehitimong identidad na siyang magbibigay sa kanila ng karapatan na makibahagi sa kalakaran ng daigdig kung saan itinuturing sila bilang isang “abnormalidad,” isang sakit na tila baga kailangang alisin.

Mapupuna na sa halos lahat ng retorika ng mga uring manggagawaat sa iba pang mga kilusan sa emansipasyon, namamayani ang tinig ng pagnanais na makilala at mabigyan ng tinig upang maihantad ang kanilang mga hinaing. Gayunman, hindi rin maiiwasan na maalala sa ganitong usapin ng emansipasyon ang minsan nang tinuran ni Gayatri Chakravorty Spivak ukol sa namamayaning suliranin na hinaharap ng lahat ng usapin ukol sa pagbibigay ng tinig sa mga hindi dinirinig:

For the ‘true’ subaltern group, whose identity is its difference, there is no unrepresentable subaltern subject that can know and speak itself; the intellectual's solution is not to abstain from representation. The problem is that the subject's itinerary has not been traced so as to offer an object of seduction to the representing intellectual.

Para sa isang tunay na pangkating subaltern, na ang pagkakakilanlan ay ang kanilang ka-Ibahan, walang di-makakatawang suhetong subaltern na makikilala’t makakapagsalita para sa kanyang sarili; ang solusyon ng intelektwal ay di ang magpigil sa pagkatawan. May suliranin pagka’t ang layon ng suheto ay di matagpuan upang maganyak ang kakatawang intelektwal. (2)

Kung susundin ang argumento ni Spivak, tila baga namamayani ang pagnanais na marinig gayong hindi naman talaga nilikha ang kalagayan at kaayusan sa pagitan ng mga api at namamayani upang marinig ang una ng huli. Mahalagang tandaan na sa postmodernong kalagayan, “ang pagiging rasyonal… na nagtatakda sa pagsusulat na pinalaki at pinarahas ay hindi na nagbubuhat mula sa isang logos. Dagdag pa rito, itinatatag nito ang pagkawasak, hindi ang pagsira kundi ang pagkalusaw, ang pagkakalas, ng lahat ng pagpapahalaga na nagbubuhat mula sa logos.” (3)

Lumalabas na tila baga napawawalang-saysay ang pagkilos ng mga api para sa emansipasyon na kanilang nilalayon. Kung susundin pa ang argumeto ni Spivak, maling-mali ang tinuran ni Karl Marx na “[ang proletaryo] ay sa gayon hindi maigigiit ang kanilang interés pang-uri sa kanilang sariling pangalan, maging sa parliyamento o isang pagpupulong. Hindi nila maisasakatawan ang kanilang mga sarili, kailangan silang katawanin.” (4) Subali’t, kung walang halaga ang kaayusan, batay sa pagbasang postmoderno, at naisasaproblema lamang, papaano pa maitatag ang identidad para sa mga api? Paano mabibigyan ng tinig ang mga hindi dinirinig kung hindi sila maririnig ni makakapagsalita? Dito ngayon papasok ang isang mahalagang konsepto na mag-uugnay sa postmodernismo at postkolonyalismo para sa emansipasyon: ang pagpapahalaga sa mga ugnayan at sa pagbabanyuhay ng mga kabahagi nito.

“Hindi Puwedeng Dahil Lang...”

Marapat tandaang naipalabas ang pelikulang “Sister Stella L” noong taong 1984, mga ilang buwan matapos sumambulat sa buong daigdig ang walang-habas na pagpaslang kay Senador Benigno “Ninoy” S. Aquino Jr. Hindi maitatatwa na sa panahong ito ay muling nasasaalanganin ang lipunang Pilipino na sumambulat sa isang pag-aaklas bunga ng matinding galit na binunga ng krimeng ito. Kaya marahil hindi nakapagtataka na ituring sa pasimula na isang mapangahas na kilos ang likhain ang isang pelikulang tumatalakay sa mga suliraning mismong ipinaglalaban ng mga sektor na malaon nang kinondena ng rehimeng Marcos bilang “makakaliwa.” (5) Sa isang pananaw, maaari nating kunin ang pagbasa ni Simon During, sa kanyang sanaysay na Postmodernism or Postcolonialism Today, sa akdang Imagined Communities ni Benedict Anderson kung saan tila baga ang isang pagkilos para sa paghahanap ng sariling identidad ay hindi magaganap kung hindi magpapasailalim sa diskurso ng namamayaning (at malamang sa malamang ay mapaniil) kaayusan. (6) Bunga nito, kinakailangan ang pagtatatag ng isang identidad na hayagang taliwas sa nais na makita ng kaayusan nguni’t kinikilala ang ugnayan niya dito.

Natutuon ang salaysay sa unti-unting pagkamulat ni Sister Stella Legaspi, isang madreng nangangalaga sa mga nagugulumihanang dalagitang ina sa Caritas, sa mga isyung sosyo-politikal na nagaganap sa labas ng kumbento. Sa simula, nakakaramdam siya ng tila pananabang at kayamutan sa kanyang tungkulin ng pagbabantay sa dalagitang si Gigi (ginampanan ni Gina Alajar) na lubhang nahihirapan, pisikal at sikolohikal, sa kanyang pagdadalang-tao at kawalan ng suporta ng lalaking nakabuntis sa kanya. Nang siya’y dalawin ng kapwa madreng si Sister Stella Bautista (sanhi ng tawagang “tukayo”) at makumbinsing panandaliang lumabas sa kumbento, unti-unti siya nitong ipinakilala sa mga gawain niyang noo’y itinuturing na “radikal” ng kumbentong kinabibilangan nila. Mga ilang ulit na ring napilitan si Sister Stella B (binigyang-buhay ni Laurice Guillen) na piliing lisanin ang orden upang magawang tulungan ang mga nagwewelgang manggagawa ng Republic Oil Company sa kanilang mga hinaing ukol sa mas mataas na pasahod at makatwirang ugnayan sa pagitan nila at ng may-ari. Madalas ipagkibit-balikat lamang ng matapang na madre ang mga babala’t pagpupumilit ng Mother Superior ng kanilang orden na ang kanyang gawai’y taliwas sa tindig ng Simbahan na huwag makihalubilo sa politika, habang sinasabing “hindi lang nila masabayan ang mga malalaking pagbabago sa Simbahan ngayon; nilalakad na ng Simbahan ang pagtatanggol sa karapatan ng mga naaapi’t dukha.” (7)

Maipapalagay sa unang tingin na ibang-iba ang kalagayan nina Sister Stella L at Sister Stella B: ang una bilang isang batang madre na nag-aalinlangang tulad ni Hamlet kung marapat ba o hindi ang kanyang sinusuong na pagsuway, at ang huli bilang matatag na babaeng handang ipaglaban ang makatarungan kahit taliwas ito sa mga kautusan. Ganito ang pagtatambis na ginawa ng peryodistang si Nick Fajardo (ginampanan ni Jay Ilagan) na ginawan ng artikulo ang buhay ni Sister Stella B, na may halong panunuya kay Sister Stella L bunga na rin ng sama ng loob niya dito bilang kanyang dating kasintahan. Madaling sabihin, katulad ng pagpapagalit ng kanyang patnugot (sa pagganap ni Liza Lorena) sa kanya, na isa lamang itong usapin ng kanyang nainsultong pagkalalake. Gayunman, makikita nating mayroon pang mas mabigat na dahilan kung bakit magiging mahirap sa mga nabanggit na karakter ang ituring kaagad ang kaayusang ito bilang marapat para sa mga babae.

Nguni’t maaaring ituring bilang isang masamang panguna ang mga naunang pagbasa na pinagtitibay ang tinawag ng peministang manunulat na si Adrienne Rich na compulsory heterosexuality o “sapilitang heterosekswalidad,” isang kaayusan kung saan nakakahon ang pagkababae ng babae sa kung ano ang sasabihin ng namamayaning sistemang patriyarkal, isang sekswalidad na inihahain sa mga pagnanasa ng mga lalake. Sa konteksto ng pakikibaka ng mga madre para sa pagkakapantay-pantay ng uri, hindi rin maiwasan na maisantabi ang usapin ng mga babaeng manggagawang katulad ng asawa ng lider ng unyon na si Ka Dencio, si Nanay Auring, at si Soledad. Aniya, “ang pagawaan, sa mga institusyong panlipunan, ay isang lunan kung saan ang babae ay natuto nang tanggapin ang panggagahasa ng lalaki sa ating mga hangganang pang-isip at pangkatawan kapalit ng pag-iral; kung saan ang babae ay tinuruan ... na tignan ang sarili bilang biktimang sekswal.” (8)

Gayunman, nagawa itong kalasin ni Sister Stella L sa pamamagitan ng paggigiit mismo sa kanyang katauhan bilang babae at madre sa sitwasyon at lunan na, sa panahong iyon, ay itinuturing pa rin bilang isang anomalya, isang di-inaasahang salik. Sa nakilalang imahen ng Simbahan bilang sandigan ng paniniil ng estado, tila baga isang rebolusyonaryong kilos na dumamay ang isang kawani ng Simbahan sa mga inaapi. Nguni’t marapat nating tandaaan ang ating prekolonyal na kasaysayan at ang halaga ng relihiyon sa pamumuhay ng pamayanan sa halos lahat ng mga mito. Kung paniniwalaan ang mga nagsulat ng mga dokumento, ang higit na iginagalang na kasarian ay hindi ang kalalakihan, kundi ang pananaw ng kababaihan. Na ang mga ito ang kanilang kinikilala maging sa usapin ng sekswalidad (9), na kaaramihan sa mga makapangyarihang bathala ng ating mga ninuno ay babae, at na malaki ang halaga ng pamumuno ng kababaihan, partikular na ang babaylan, ay nagsasabing hindi marahil masamang ipalagay na nasa ating tradisyon, kahit bilang mga watak-watak na barangay, ang pagtingin sa kababaihan bilang kapantay, kundi man higit pa, sa kalalakihan.

Dito nalulubos ang layon ni Michel Foucault, sa kahulihang bahagi ng kanyang buhay-akademiko, sa muling pagkilala sa tradisyon ng panlipunang pakikisangkot bilang siyang pinakamahalaga. Bilang isa sa mga kinikilalang intelektwal ng postmodernong kaisipan, tila baga nabigyan ng “tulay” ang dalawang teoryang itinuturing ni During na “magkasalungat,” sapagka’t napagtibay dito ang “pag-aaral ng kasaysayan sa katuwiran ng lunang kanilang kinalalagyan at mga sangguniang pinagbubuhatan nila... ang mga ito’y tala ng isang mahaba’t di tiyak na pagkilos na kailangang ayusin at itama muli’t muli. Isa itong pilosopikong pagkilos.” (10) Sa ganitong paraan ng pagtatakda ng sarili bilang kabahagi ng isang tradisyon ng paggigiit, nagagawa niyang itanghal ang kakayanan ng kababaihang makitalad sa mga larangang sila’y pinagbawalang lumahok. Kahit pinagdudahan pa ni Nick ang kahandaan ni Sister Stella L na sumama hanggang kawakasan sa pagkilos ng mga obrero, ang paghawak niya sa mapagpalayang katauhan ang nagbibigay sa kanya ng karapatang sabihing “kung ayaw mong tumulong, huwag mo siraan yung gustong tumulong.”

Ang Emansipasyon at Ang Babae: Saan Patungo

Nguni’t ano nga ba ang kasalukuyang kalagayan ng babaeng Pilipino sa postmodernong lunan? Tinatanong tayo kung papaanong sa kabila ng ating ipinagmamalaking demokrasyang nakamit pagkatapos ng Unang Himagsikan sa EDSA, tila nanumbalik din ang mga malapyudal na sistemang kaakibat ng liberal-demokratikong institusyon na binuo noong panahon ng Komonwelt. Kapuna-puna kung papaanong nakatatag pa rin, kadalasan, ang etika ng vigilantismo na una nating nasilayan sa katauhan ni Kabesang Tales: “ang posibilidad ng pag-aklas ay nakaugnay lamang sa indibidwal na kapasidad ng taong walang kapangyarihan na nagsadlak sa kanya sa higit pang pang-aabuso sa piitan.” (11) Masasabing ipinagmamalaki ng babae sa kasalukuyan ang kanyang kalayaang makapamili, ang liberated generation ng kababaihang humaling sa mga tank top, Havaianas, micro-mini at sa mga magagaslaw at mapang-akit na manipestasyon ng kanilang sekswalidad. Ang ikon ng pagkababae ay hindi na ang Madonna kundi si Madonna, na sinundan ni Mariah Carey, ni Britney Spears, ni Christina Aguilera, at ngayon ni Lady Gaga. Natutuon ang kanilang emansipasyon sa pagpapayaman ng sarili, sa pagkakamit ng mga luho, nguni’t hindi baga ito rin ang mismong ibinabala nina Rich at Bartky bilang pagkalihis sa aktwalisasyon ng pagkababae? Isa rin itong tandisang partisipasyon sa sistema kung saan ang simpleng screen name kagaya ng “Pepsi Paloma” ay “may angking seduksyon sa manonood – lalo na sa kalalakihan – at kung gayon, sa patriyarka... mismong sa kanyang katawan ay estranged na” sa punto ng feminisasyon (na tiyak nating hindi mapagpalaya) “ng post-industriyalisadong produksyon – at maging ng post-mortem na produksyon.” (12) Isa itong kulungan ng pantasya na ating nilikha para sa ating sarili at hindi ito matitibag habang lubog tayo dito.

Taliwas sa karaniwang paniniwala ng karamihan na ang Simbahan bilang isang solidong institusyon ang sumisikil sa kababaihan, sa katotohana’y nabigyan nito ng lunan ang babae na igiit ang kanyang awtoridad at kakayanang magsarili mula sa mga konstrukto ng patriyarka. Makikita natin sa kasaysayan ng mga beata ng Beaterio de Santa Catalina (ang unang pamayanang relihiyoso sa Pilipinas) kung papaanong makakalikha ng isang “bulsa ng kapangyarihan” na mapagtitipunan ng mga babaeng nakikita ang kanilang sarili bilang mga taong may mas higit na maibabahagi sa lipunan. Nabuo ang ating persepsyon ng mga “manang ng simbahan” bilang mga mapagpaimbabaw, mayayabang at haling sa indulgencia habang hindi isinasabuhay ang utos ni Jesus sa mga nobela ni Rizal, nguni’t sila ang latak ng maituturing na pinakaradikal na kilusan ng kababaihan sa isang panahon ng ating bansang di-naiiba sa Edad Media. May pagkamanghang inilarawan ni Nick Joaquin kung papaanong

Contrary to popular idea, the religious life is not hebetude; and the early history of the Philippine beaterio was as turbulent as, say, the career of St. Teresa of Avila, who likewise had to battle both Church and State, not to mention public opinion, which she never feared to scandalize... The beatas chose to humor this male cynicism, which held women to be so frail of nature that, if they will not just stay at home under the authority of father or husband, then they must be strictly cloistered behind bars in a convent, to keep them from straying... In other words, the beatas of Sta. Catalina had waged a feminist battle for equal rights, especially the right of women to be deemed responsible as any man.

Taliwas sa paniwala ng marami, ang buhay-relihiyoso ay hindi kawalan ng ginagawa; at ang mga unang araw ng beateriong Pilipino ay singgulo ng buhay ni Sta. Teresa de Avila, na kinailangan ding labanan ang Simbahan at Estado, hindi pa kasali ang pananaw ng marami na hindi niya pinangimiang bulabugin...
Pinili ng mga beata na pagbigyan ang kawalang-tiwala ng mga lalaki, na itinuturing ang babae na napakarupok na, kung hindi mananatili sa bahay sa ilalim ng ama o asawa, ay marapat na ipiit sa kumbento upang huwag maligaw... Sa madaling salita, lumaban ng isang peministang pakikibaka ang mga beata ng Sta. Catalina para sa pantay na karapatan, lalo pa ang karapatan ng babae na ituring na responsable katulad ng kahit sinong lalaki. (13)

Subali’t sa pagsibol ng sekular na lunan bilang siyang larangan ng mga pagbabago at lunan ng mga pagkilos ng mga tao, unti-unting nawalan ang Simbahan ng awtoridad na magtakda sa pamayanan. Sa pagnanais ng estadong kolonyal na isaayos nang naaayon sa namamayaning kapangyarihan ang pamumuhay ng Pilipino, hindi maiiwasan na makulayan din ng persepsyong Kanluranin ang estetika at etika ng kasarian. Mababanaag natin sa proyekto ni Manuel Luis M. Quezon (sa kanyang pagtutuon sa tanggulang pambansa sa mga huling taon bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig) kung papaanong nililikha ang identidad ng lalaki bilang nakapangyayari sa lipunan sa pamamagitan ng pagdakila sa serbisyo militar bilang pangunahing tungkulin ng mamamayan. Batay sa pagsusuri ni Alfred McCoy sa kasaysayan ng Philippine Military Academy, hindi ito isang aksidente lamang, kundi tahasang pagsasailalim ng babae para sa produksyon ng pambansang imahinasyon. Halos wala itong pinagkaiba sa kulungan, isang mekanismong lubha nang nakabaon sa ating pambansang sistema:

To build popular support for a citizens’ army, the neophyte Philippine state deployed a gendered propaganda with men strong, women weak; men the defenders, women the defenseless... From its foundation in 1935, the Philippine Commonwealth, through military mobilization, intensified this process of gender reconstruction – encouraging a complementary array of national symbols, militarized masculinity, and domestic roles. Just as the new nation was personified as the feminine “Filipinas” in currency and propaganda, so young men were conscripted to defend her and her defenseless womankind.

Upang suportahan ng bayan ang isang hukbong mamamayan, nagsagawa ang bagong estadong Pilipino ng propaganda na nagsasabing lalaki’y malakas, babae’y mahina; lalaki ang tagapagtanggol, babae ang ipinagtatanggol... Mula sa pagkatatag nito noong 1935, pinatindi ng Komonwelt ng Pilipinas ang rekonstruksyon ng kasarian gamit ang mobilisasyong militar – paggantak sa mga pamabansang sagisag, militarisadong pagkalalaki, at papel sa tahanan. Kung papaanong isinababae ang bansang “Filipinas” sa salapi at propaganda, gayon tinawag ang mga binata upang ipagtanggol siya at ang kanyang marurupok na kababaihan. (14)

Babae Bilang Bihag at Berdugo

Makabubuting itanong din natin kung papaano nga ba nalikha ang isang kalagayan ng paniniiil sa kababaihang Pilipina, isang penomenon na kaakibat ng pagkilos ng modernisasyon patungo sa diumano’y pagpapaunlad ng kabuhayan. Alam nating ang mga ito’y makakamit kapalit ng pagwasak at pagsikil sa buhay ng mga taong nasa uring manggawa, nguni’t lumalabas na tila baga hindi natin ito kayang lagpasan. Nilikha’t pinananatili ang pamayanan sa pamamagitan ng peryodikal at tuluyang pagtatakda at paggigiit ng mga postulado, na sapagka’t sila’y mga postulado ay hindi maaaring tunggaliin. Itong sistema ng pagsasamatematika sa kalagayan ng tao bilang natural na umuusbong at hindi maaaring baguhin ang siyang nagsasadlak sa tao sa isang kalagayan na hindi maaaring kalasan. Inihayag ni Rolando Tolentino kung papaanong

Ang ideolohiya ng liberal na demokrasya ay mitolohisasyon ng kapamaraanan – expolitasyon, dehumanisasyon, alienasyon – ng kapitalismo. Ito ang nag-eestetisa at nagpapaganda ng karanasan ng kapitalismo, nagbibigay hustifikasyon sa kalabisan nito, at maging ang nagpapatanggap sa mismong inaapi sa kanilang abang kalagayan. (15)

Ito mismo ang inihayag ng karakter ni Nanay Auring (ginampanan ni Anita Linda) na siyang una niyang paniniwala bago siya “namulat” sa katotohanang hindi makatuwiran ang pagsasabing pantay-pantay ang oportunidad sa namamayaning sistema gayong laging talo sa huli ang manggagawa. Ating tanaw ang kawalan ng interes na kilalanin ang pangangailangan ng babae. Di katulad ng sa mga lalake kung papaanong palagian silang kabilang sa mga kilusan sa emansipasyon at siyang nangunguna dito, nananatiling baon, ipit at hindi makapagpahayag ang babae para sa kanyang sarili. Maaaring sabihing ang tradisyunal na domestikasyon ng babae ay isang malaking salik sa kanyang kalagayang ito; at hindi nagkamali si Karl Marx at Friedrich Engels sa kanilang obserbasyon na dahil dito kaya ang babae ay hindi nabibigyan ng kaukulang pagkilala sa kanyang potensyal bilang mamamayan. (16)

Maging si Rich ay sinubukan itong linawin sa paglalarawan kung papaanong kahit anuman ang gawin ng babaeng kilos sa loob ng mga kilusan, nakapatong pa rin sa kanya ang pasanin ng pagsasailalim sa lalaki. Kung sisikapin man niyang takasan ang ugnayang manggawa-kapitalista na tunay namang isang panggagahasa, “kasabay ng kakulangang ekonomiko ay malamang magpakasal bilang uri ng inaasahang proteksyon, gayong wala rin naman siyang dalang kapangyarihang sosyal ni ekonomiko, at sa gayon pumapasok sa isang institusyong siya’y api pa rin.” (17) Bunga ng pananaw ng Kanluran ang arketipo ng babae bilang isang entidad na mahina’t kailangang “iligtas” at “pangalagaan” ng lalaki, isang ring postulado na maituturo natin sa Simbahang Katoliko sa pagdidiin sa pangingibabaw ng lalaki sa babae batay sa Banal na Kasulatan. (18) Ang pagsasaad na ito ang siya ring ginamit upang pigilan ang babae na subuking lagpasan ang kakayanan niyang pakialaman ang sarili niyang katawan at, sa gayon, panatilihin siyang nakailalim sa mapanuring mata ng kaayusang makalalaki. Hindi nga maling pansinin ni Foucault na

Discourse, therefore, had to trace the meeting line of the body and the soul, following all its meanderings: beneath the surface of the sins, it would lay bare the unbroken nervure of the flesh. Under the authority of a language that had been carefully expurgated so that it was no longer directly named, sex was taken charge of, tracked down as it were, by a discourse that aimed to allow no obscurity, no respite.

Samakatuwid, kailangang balangkasin ng diskurso ang tagpuang guhit ng katawan at kaluluwa, kasunod ang lahat nitong pasikut-sikot: sa ilalim ng mga kasalanan, ihahantad nito ang di-nasirang ugat ng laman. Sa ilalim ng awtoridad ng isang wikang maingat na nilinis upang hindi na ito mapangalanan, ang seks ay pinanghawakan at tinutugis ng isang diskursong ipinagbabawal ang kalabuan o kaluwagan.(19)

Ito ang dahilan kung bakit hindi magawang makalabas ni Gigi sa Caritas: ang kanyang pagnanasang panghawakan ang kanyang sarili hinaharap at katawan ay nakakahon sa pagbasang mediko-sikolohikong agam-agam na dala ng kapaguran lamang. Hindi rin niya kayang harapin ang mapangmatang lipunang kanyang ginagalawan na aalipusta sa kanyang pagkakamali at sa kanyang anak sa pagkadalagang lalaking walang ama; ang kawalan ng kakayanang tumindig at mabuhay, kahit taliwas sa lipunan, ang isa sa mga pangunahing balakid sa babae upang itindig ang kanyang identidad.

Nanganganak ang Nasusunod

Kung papaanong binalangkas ni Foucault ang suliranin, binigyan din niya ito ng kaukulang panukala. Sa atin nang nabanggit na pilosopikong pagkilos upang balikan ang mga dating landas ng mga nauna sa atin, matatalunton natin ang mga pagkilos na maaaring tunguhin ng mga babae upang mapanatili nila ang kanilang pagkakakilanlan sa labas ng anino ng lalaki. Kailangan ang pagtanggap sa katotohanan ng potensya ng desorbitation para sa isang suhetong kumikilos sa postkolonyal na pagkakilanlan sa isang kalagayang postmoderno. Binigyan ni Danton Remoto, sa kanyang pagsusuri ng dulang Lysistrata ni Aristophanes, ng fiksyon ng pagkakatulad ang pre-kolonyal na mga Pilipino sa kalagayan ng mga sinaunang Griego: “mahilig sa alak, babae at awit: wala silang nakitang malisya sa sex. Naging malisyoso lamang ang mga Pilipino sa pagdating ng mga Kastila.” (20) Sa paghahantad ng isang identidad na mababalikang bunga ng panitikan, nabibigyan ng katibayan ang tesis ni Caroline Hau na may kakayanan ang panitikan na katawanin ang kasaysayan, at makialam (samakatuwid ay magdulot ng pagbabago) sa daloy ng kasaysayan. Nananatili nga lamang ang panganib ng katotohanang sa pagbubukas ng mga bagong literatura ay hindi malulubos na mawawakasan ang isang kilusan sa emansipasyon. (21) Sa gayon, kailangang kilalanin ng babae na ang kanyang identidad ay isang di-nagwawakas na proyekto, tulad ng pagtatatapat ni Sister Stella L sa pangwakas na monologo ng pelikula:

Marami pa akong hindi alam, marami pa akong dapat malaman tungkol sa kasalukuyang kalagayan, tungkol sa mga dapat gawin. Pero narito na ako ngayon, sa gitna ng mga pangyayari. May kaunting nadadgdag sa kaalaman at pang-unawa, pero patuloy na nag-aaral at natututo. Hindi nanood na lamang, kundi nakikiisa sa pagdurusa ng mga hindi makaimik, nakikiisa sa paglaban ng mga nagdurusa, tumutulong sa abot ng aking makakaya. (22)

Ang mga sensibilidad ding ito marahil ang nagtakda kay José Rizal na tandaang magpaalala sa kababaihan ng kanyang panahon kung papaano ang marapat na ikilos at isipin ng isang babaeng nagnanais lumagpas sa pagkasailalim bilang suhetong kolonyal. Malinaw ang kanyang pagsusumikap wasakin ang isteryotipo ng Pilipina na ang tanging alam ay “magbubulong ng dasal, walang karunungan kundi awit, nobena at milagrong pang-ulol sa tao, walang ibang libangan kundi magpanggingge o kumpisal kaya ng muli’t muling kasalanan,” (23) isang nilikha ng mekanismong disiplinaryo ng kolonyal na estado. May obsesyon din si Rizal sa paggamit sa panitikan bilang haliging-bato ng kanyang proyekto sa paglikha ng pagkakakilanlang makabansa, kaya naman hindi kataka-taka na ituro niyang halimbawa ang klasikong pamumuhay ng mga taga-Sparta bilang karampatang pamumuhay ng isang babaeng nalalaan hindi lamang sa paglilingkod sa kanyang mag-anak kundi maging sa bayan. Pansinin kung papaanong may maituturing itong ugnayan sa ating kasalukuyang paniniwala ukol sa halaga ng babae sa panahong pre-kolonyal at sa pangunguna ng mga babaylanes bilang tagapayong moral ng bayan:

Sa lahat ng mga babae, ang pula ng isa, ay kayo lamang sa taga-Esparta ang nakapangayari sa lalaki. Mangyari pa, ang sagot ng taga-Esparta, sa lahat ng babae ay kami lamang ang nag-aanak ng lalaki. Ang tao, ang wika ng mga taga-Esparta, ay hindi inianak para mabuhay sa sarili, kundi para sa kanyang bayan. (24)

Subali’t kaakibat nito, hindi rin maaaring kaligtaan ang katotohanan na may panganib ng pagkawala sa alangaang ang pakikibahagi sa mga sistemang disiplinaryo habang nagsisikap itindig ang identidad. Kahit sikapin man ng mga kilusang peminista na lumikha ng bagong estetiko ng pagkababae, ipinapaalala ni Sandra Lee Bartky na kailangang nilang “basahin ang mga mensaheng kultural na itinatakda sa kanila araw-araw, at hanggang makita nila na kahit matagumpay sila sa pagtalima sa disiplina ng pagkababae, nananatili silang babae lamang.” (25) Kahit mayroon nang facet ang babae ng isang rebelde laban sa namamayaning patriyarkal na sistema, muli’t muli’y kailangan niyang makibagay sa namamayaning sistema upang mailatag ang mga ugnayan ng kapangyarihan na makakatulong sa kanyang proyekto. May utilisasyon ng mga isteryotipong nilalayon mismong wasakin, at makikita natin ito sa mismong rason ni Sister Stella B na “hindi nagkakagulo kapag may madre sa piket.” (26) Ang proyekto ng pagkatawan ay nabibigyan ng balidasyon, nguni’t ang pagkalikha ng “sub-sub-altern” ay naroon pa rin.

Pakikibahagi Bilang Pagbabanyuhay

Sa kontekstong inilalarawan ni Simon During sa kanyang sanaysay na Postmodernism or Postcolonialism Today, nagiging tila isa lamang dagdag na pang-aapi rin ang pakikibahagi ng isang api sa isang kilusang nagsisikap pagsama-samahin ang iba-ibang “tinig ng api” upang ipakita ang “iisang mukha ng mga api,” gayong hindi totoo na iisa lamang ang mukha ng api.

We can, rather, brutally characterize postmodern thought... as that thought which refuses to turn the Other into the Same. Thus it provides a theoretical space for what postmodernism denies: otherness. ... [P]erhaps eccentrically, post-colonialism is regarded as the need, in nations or groups which have been victims of imperialism, to achieve an identity uncontaminated by universalist or Eurocentric concepts and images. Here the argument becomes complex, since post-colonialism constitutes one of those Others which might derive hope and legitimation from the first aspect of postmodern thought, its refusal to turn the Other into the Same.

Maaari nating tahasang ituring ang isiping postmoderno... bilang ang kaisipang tumatangging ituring ang Iba na Katulad. Sa gayon itinatatag nito ang isang lunang teoretiko para sa itinatanggi ng postmodernismo: ang kaibahan. ... Marahil di-pangkaraniwan, ang post-kolonyalismo ay itinuturing bilang kailangan, sa mga bansa o pangkat na biktima ng imperyalismo, na makapagtatag ng identidad na di-narumihan ng unibersalista o Eurosentrikong konsepto at larawan. Nagiging masalimuot ang argumento, dahil ang post-kolonyalismo ang bumubuo sa isa sa mga Ibang nagnanais umasa at mapapaging wasto ng unang aspeto ng postmodernong pag-iisip, ang pagtanggi nitong ituring ang Iba na Katulad. (27)

Nagiging mapaniil rin sa ilang aspeto, kung susundin natin ang postmodernong pagbasa, ang mga ugnayang kinabibilangan ng mga tauhan sa iba pang kapwa nila tauhan. Nasisiil si Nick bilang peryodista ng kanyang patnugot sa paghahantad ng totoong nagaganap sa piket ng mga manggagawa ng Republic Oil, nguni’t sa kanya mismong sariling perspektiba ay maaaring nawawala rin ang tinig ng mga manggagawa sa pagnanais na maimprenta ito. Kahit sinisikap ni Sister Stella L na mabigyang-tulong ang mga manggagawang pinili niyang ipaglaban, napabayaan din naman niya ang una niyang tungkuling gabayan si Gigi na sa bandang huli’y napilitan ding magpatiwakal, bunga ng maling akalang nagiging “pabigat” na lamang siya sa mga nakapaligid sa kanya. Itong mga ganitong suliranin din ang nagpipilit sa mga tauhan na timbangin kung alin ang mas may maliit na opportunity cost sa kanilang konsiyensiya, kung kailan “dumarating sa buhay ng tao na kailangan niyang magpasya... para sa kanyang sarili.”

Subali’t nang malubos ang pagtataya ni Sister Stella L sa laban ng mga manggagawa nang piliin niyang lisanin nang tuluyan ang kumbento sa Caritas matapos mailibing si Gigi, nasaksihan niya ang tahasang panggigipit at pandarahas ng mga “eskirol” o tauhan ng may-ari ng Republic Oil. Sapilitan silang itinali ni Nick (na pinili na ring umalis sa pinagtatrabahuhang pahayagan nang hindi na nito pinayagang ilabas ang kahit anong artikulo ukol sa welga) habang pinapanood ang pagpapahirap kay Ka Dencio, na masikap nilang hinahanap nang mga nakaraang araw. Bagaman pinakawalan din sila pagkatapos ng pambubugbog kay Nick at ilang tangkang pagsasamantala kay Sister Stella L, patago nilang pinagbabaril si Ka Dencio habang bumabagyo at natagpuan lamang ang bangkay pagkatapos ng ilang araw. Gayunman, sa halip na matakot ang mga nagwewelga na sumuko, lalo lamang nitong napag-alab ang paninindigan ng mga welgista na, sa pangunguna na rin mismo ni Sister Stella L at ng mga kapwa niya madre na kinilala ang katuwiran ng kanyang pakikisangkot, ay sama-sama nang pinuno ang piket. Manipestasyon ito ng sumibol na kamalayan sa iba-ibang sektor pagkatapos ng ilang ulit na paglubog: isang metaporikal na pagkawala ng pagkainosente at pagsilang ng isang bayang lumalaban.

Sa ganito ring tono nagwakas ang nobelang Dekada ’70 ni Lualhati Bautista (na nang isapelikula ay si Vilma Santos rin ang gumanap sa papel ni Amanda Bartolome) kung saan ang isang babaeng kabilang sa panggitinang uri ay unti-unting kumalas sa kanyang mga lumang tanikala bilang inang mapag-iwi at luha lamang ang maibibigay sa napariwarang anak, bilang maybahay na utus-utusan lamang ng kanyang propesyonal at makamundong asawa, at bilang babaeng bahay na hindi lumalabas ng bahay upang kilalanin ang kanyang kapaligiran. “Hindi ang mamatay,” pahayag ni Amanda Bartolome, “ang pumatay! Sapagka’t ang sambayanan ay di na martir kundi rebelde! Lalakas pa ang tinig ng paghihimagsik, iigting pa ang tapang ng masang Pilipino... hanggang sa makamit ng sambayanan ang tunay at ganap na kalayaan!” (28)

Liban pa sa tradisyunal na paniniwalang ang pagkakaroon ng isang martir bilang simbolo ng pakikibaka ay lalo lamang magpapaalab sa mga tumututol sa paniniil (29), paano pa natin ito makikita sa perspektibang ating tinatalakay? Ating balikan ang sinuri ni During ukol sa kapangyarihan ng wika upang pagbuklurin ang mga mamamayan sa kanilang pagbabahagi ng mga katulad na pangyayari sa buhay, na kanya namang kinuha mula kay Benedict Anderson. (30) Sa pagkakabuklod ng mga manggagawa sa di-makatarungang ugnayan, nakabahagi si Sister Stella L at si Nick nang sila mismo ang gipitin ng mga “eskirol.” Ang “wika” ng sama-samang pagdurusa at sama-samang pagtatanghal ng kanilang karapatan ang siyang kultura nilang tinatawag na kanila, na kung bibigyan ng analogo sa kasaysayan, “ang kulturang winasak ng imperyalismo at ng wika nito; ang mga post-kolonisador ... ay hindi magagawang ipilit ang kultura at wika ng mga imperyalistang bansa.” (31) Dahil kumikilos ang mga nagnanais ng emansipasyon sa pare-parehong nibel at isyu, alam nilang kailangan pa rin nilang umagapay sa postmodernong sitwasyon nguni’t hindi binibitawan ang kanilang identidad. Sa ganitong paraan, napananatili ni Sister Stella L ang kanyang katauhan bilang madre, babae at mamamayan sa iba-ibang mukha, sa iba’t-ibang lunan; isang postkolonyal na babae na nagsisikap kontrolin ang posibleng kawalang maaaring tunguhin ng postmodernong pag-iisip.

Gayunman, hindi dapat kalimutan ang taliwas na perspektiba na siyang marahil ay dahilan ng Mother Superior ni Sister Stella L, si Sister Juaning, kung bakit hangga’t maaari’y pinipigilan niya itong lubusang makisangkot sa usapin ng mga manggagawa nang di mapahamak. Matapos ang kanilang sinapit sa mga “eskirol,” dinapuan ng malubhang karamdaman si Sister Stella L at napilitan si Nick na pagpahingahin muna itong muli sa kumbento. Naitanong ng mapag-alalang madre kay Nick: “Kailangan bang isakripisyo ang kapakanan ng iba para lamang magampanan mo ang iyong tungkulin?” Makailang ulit nang inilarawan ng mga manunulat kung papaanong “kinakain ng isang himagsikan ang mga anak nito.” Dulot nito, hindi rin marahil kataka-taka kung sa ilang pagkakataon ay usigin din ng mga tao kung bakit minsa’y isinasawalang-bahala na ng ilang mga kilusan ang kapakanan ng kanilang mga kasapi. (32)

Kumikilos si Sister Stella L, sa pagpapasyang tangnan ang pakikibaka ng mga manggagawa, hindi na dahil sa utos ng orden o dahil hinihingi ng pagkakataon, kundi dahil ito ang hinahawakan niyang makatuwiran. Alam niyang nananatiling isang suliranin kung papaanong mapagiging makatwiran ang pagkilos ng post-kolonisado tungo sa pagkakaroon ng isang identidad sa isang postmodernong kaayusan. Kung, katulad ng iginigiit ni During, nawawalan ng lunan sa pagtatagpo ang post-kolonisado at post-kolonisador upang magtalaban, hindi nga maiiwasang muli at muling mapagtibay ang hegemonya ng mga namamayaning uri habang muli’t muling sinisiil ang post-kolonisado. Hangga’t hindi “lubusang nakakalayo mula sa pagkamalawak at kakalatan ng imahen-kapitalismo, marahil ito ay dahil hindi ito nakapakinig nang maigi sa mga tinig na pinag-uusapan ang differend sa kanilanang hangganan.” (33) Sa kabila nito, pinaaalalahanan tayo ni Caroline Hau na ang manlilikha ng teksto ay siyang magiging saligan ng pagtanaw sa mga bagay-bagay, at kung papaano kikilos upang makamit ang kaalaman, (34) na kaalinsabay sa pagtatakda ni Foucault sa kaalaman bilang kapangyarihan sa mga ugnayang mapagpalaya. Kahit posibleng hindi rin sila dinggin sa kanilang pakikibaka, magagawa ng isang babae, isang madre at isang mamamayan, tatlong ulit na sinisiil ng hegemonya ng pagkalalaki, ng relihiyon at ng estado, ang maitatag ang pagiging malaya sa kanyang mismong pamumuhay, sa kanya mismong sarili, bagaman ang sariling ito ay kailangan pa ring nakatatag sa kamalayan at mga kaganapan ng kanyang lipunan.

MGA SANGGUNIAN:

Anderson, Benedict. Imagined Communities: Reflections on the Origin and Spread of Nationalism. Pasig City: Anvil Publishing, 2003.

Ang Biblia (Tagalog). Manila: Philippine Bible Society, 1982.

Bartky, Sandra Lee. “Foucault, Femininity and the Modernization of Patriarchal Power,” sa Feminism and Foucault. Irene Diamond at Lee Duinby, eds. Northeastern University Press: 1988.

Bautista, Lualhati. Dekada ’70. Mandaluyong: Cacho Publishing, 1991.

Derrida, Jacques. Of Grammatology. Salin ni G. C. Spivak. Baltimore at London: John Hopkins University Press, 1978.

During, Simon. “Postmodernism or Postcolonialism Today,” sa The Postcolonial Studies Reader, eds. Bill Ashcroft, Gareth Griffiths at Helen Tiffin. London: Routledge, 1995.

Foucault, Michel. The History of Sexuality Volume 1: An Introduction. Salin sa Pranses ni Robert Hurley. New York: Random House, 1978.

______________. The History of Sexuality Volume 2: The Care of the Self. Salin sa Pranses ni Robert Hurley. New York: Random House, 1985

Hau, Caroline. Necessary Fictions: Philippne Literature and the Nation, 1946-1980. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2000.

Ileto, Reynaldo C. Pasyon and Revolution: Popular Movements in the Philippines, 1840-1910. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1979.

Joaquin, Nick. “The Beatas of 17th Century Manila,” sa Culture and History. Pasig City: Anvil Publishing, 2004.

Lacaba, Jose F., Jose Almojuela at Mike de Leon, Sister Stella L. Dir. ni Mike de Leon. Tampok sina Vilma Santos, Jay Ilagan. VCD. Regal Films, 1984.

Marx, Karl. The 18th Brumaire of Louis Bonaparte, 1852. http://www.marxists.org/archive/marx/works/1852/18th brumaire/index.htm, tinungo Setyembre 12, 2009.

________ at Friedrich Engels. The Communist Manifesto. Panimula ni Francis B. Randall, salin ni Samuel Moore, ed. Joseph Katz. Simon and Schuster: New York, 1964.

McCoy, Alfred W. Closer than Brothers: Manhood at the Philippine Military Academy. Pasig City: Anvil Publishing, 1999.

Pigafetta, Antonio “Pigafetta’s Account, 1521” sa The Philippines at the Spanish Contact. F. Landa Jocano, ed. Quezon City: R.P. Garcia, 1975.

Remoto, Danton. “Sex, Hindi Gera” sa Rampa: Mga Sanaysay. Pasig City: Anvil Publishing, 2008.

Rich, Adrienne. “Compulsory Heterosexuality and Lesbian Existence,” sa Blood Bread and Poetry. New York: Norton Paperback, 1994.

Rizal, José. “Sa Mga Kabataang Dalaga ng Malolos: London, Pebrero 22, 1889,” kay Gregorio F. Zaide at Sonia M. Zaide. Jose Rizal: Buhay, Mga Ginawa at Mga Sinulat ng isang Henyo, Manunulat, Siyentipiko, at Pambansang Bayani. Quezon City, All-Nations Publishing, 1997.

Spivak, Gayatri Chakravorty. “Can the Subaltern Speak?”, sa Marxism and the Interpretation of Culture, eds. C. Nelson at L. Grossberg. Macmillan Education: Basingstoke, 1988.

Tolentino, Rolando. “It’s A Crazy Planets: Modernidad, Panitikan at Siyudad” sa Sipat Kultura: Tungo sa Mapagpalayang Pagbabasa, Pag-aaral at Pagtuturo ng Panitikan. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2007. 223-239.

________________. “Take Up the White Man’s Burden: Kapitalismo, Liberalismo at Sanaysay” sa Sipat Kultura: Tungo sa Mapagpalayang Pagbabasa, Pag-aaral at Pagtuturo ng Panitikan. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2007. 143-165.

Trambulo, Alan. “Sister Stella L: Behind the Scene,” V Magazine, Issue No. 7, April 2005. http://starforallseasons.blogspot.com/2008/02/sister-stella-l-behind-scene.html, tinungo Setyembre 15, 2009.

MGA DULONG TALA:

(1) Simon During, “Postmodernism or Postcolonialism Today,” sa The Postcolonial Studies Reader, eds. Bill Ashcroft, Gareth Griffiths and Helen Tiffin (London: Routledge, 1995), 126-127. Inilarawan ni During kung paano nakita ng nobelistang Kenyan na si Ngugi ang parikala at paraan upang panghawakan ang kanilang identidad upang maging mapagpalaya: “living under multinational capitalism …he sees [the soil] as a means of production, and means of production do not articulate identities; indeed, where they can be owned, they are often owned by foreigners. This leaves him language and, within language, culture.”

(2) Gayatri Chakravorty Spivak, “Can the Subaltern Speak?”, sa Marxism and the Interpretation of Culture, eds. C. Nelson and L. Grossberg (Basingstoke: Macmillan Education, 1988), 80.

(3) Jacques Derrida, Of Grammatology. Salin ni G. C. Spivak (Baltimore and London: John Hopkins University Press, 1978), 10. Sinabing: “The ‘rationality’… which governs a writing thus enlarged and radicalized, no longer issues from a logos. Further, it inaugurates the destruction, not the demolition but the de-sedimentation, the de-construction, of all the significations that have their source in that of the logos.”

(4) Karl Marx, The 18th Brumaire of Louis Bonaparte, 1852. , tinungo Setyembre 12, 2009. Binanggit na “[The proletariat] are therefore incapable of asserting their class interest in their own name, whether through a parliament or a convention. They cannot represent themselves, they must be represented.”

(5) Alan Trambulo, “Sister Stella L: Behind the Scene,” V Magazine, Issue No. 7, April 2005 , tinungo Setyembre 15, 2009. Nang unang naipalabas ang pelikula, diumano’y tinawag ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan itong “negatibo” at may posibleng “masamang bunga sa masa,” sanhi upang ilakad sa mga sensura na huwag payagang mailabas ang pelikula. Nguni’t si Pangulong Marcos pa raw ang nagsabing bayaan itong maipalabas.

(6) During, “Postmodernism or Postcolonialism Today,” 126. Binanggit kung papaanong: “an identity granted in terms of the signifier (which I use, as it is often used, as a figure for form as such) is an identity that necessarily cannot be communicated. It would seem to be written into the fate of nationalism as print-capitalism; that national identity is conferred in the form of its own death warrant.”

(7) Jose F. Lacaba, Jose Almojuela at Mike de Leon, Sister Stella L. Dir. ni Mike de Leon. Tampok sina Vilma Santos, Jay Ilagan. VCD. Regal Films, 1984.

(8) Adrienne Rich, “Compulsory Heterosexuality and Lesbian Existence,” sa Blood Bread and Poetry (New York: Norton Paperback, 1994), 187. Sa orihinal na teksto: “... in the workplace, among other social institutions, is a place where women have learned to accept male violation of our psychic and physical boundaries as the price of survival; where women have been educated ... to perceive ourselves as sexual prey.”

(9) Antonio Pigafetta, “Pigafetta’s Account, 1521” sa The Philippines at the Spanish Contact. F. Landa Jocano, ed. (Quezon City, R.P. Garcia, 1975), 66-67. Ipinapakita ng isang pahayag kung papaanong ang mga babae ang nagtatakda sa mga lalaki kung papaano makikipagtalik: “The males, large and small, have their penis pierced from one side to the other near the head, with a gold or tin bolt as large as a goose quill. In both ends of the same bolt, some have what resembles a spur, which points upon the ends; others are like the end of a cart nail… The bolt and the spurs always hold firm. They say that their women wish it so, and that if they did otherwise they would not have communication with them.”

(10) Michel Foucault, The History of Sexuality Volume 2: The Care of the Self, (Salin sa Pranses ni Robert Hurley, New York, Random House, 1985), 9. Nagbubuhat siya hindi sa pag-aaral ng kasaysayan kundi sa mga usaping pragmatiko: “studies of history by reason of the domain they deal with and the references they appeal to... they are the record of a long and tentative exercise that needed to be revised and corrected again and again. It was a philosophical exercise.”

(11) Rolando Tolentino, “It’s A Crazy Planets: Modernidad, Panitikan at Siyudad” sa Sipat Kultura: Tungo sa Mapagpalayang Pagbabasa, Pag-aaral at Pagtuturo ng Panitikan, (Quezon City, Ateneo de Manila University Press, 2007), 233.

(12) Ibid., 224.

(13) Nick Joaquin, “The Beatas of 17th Century Manila,” sa Culture and History (Pasig City, Anvil Publishing, 2004), 177, 180-181.

(14) Alfred W. McCoy. Closer than Brothers: Manhood at the Philippine Military Academy (Pasig City: Anvil, 1999), 44.

(15) Rolando Tolentino, “Take Up the White Man’s Burden: Kapitalismo, Liberalismo at Sanaysay” sa Sipat Kultura: Tungo sa Mapagpalayang Pagbabasa, Pag-aaral at Pagtuturo ng Panitikan, (Quezon City, Ateneo de Manila University Press, 2007), 147.

(16) Karl Marx at Friedrich Engels, sa The Communist Manifesto (Panimula ni Francis B Randall, salin ni Samuel Moore, ed. Joseph Katz; Simon and Schuster, New York, 1964) 89. Sa orihinal: The bourgeois sees in his wife a mere instrument of production. He hears that the instruments of production are to be exploited in common, and, naturally, can come to no other conclusion than that the lot of being common to all will likewise fall to the women. He has not even a suspicion that the real point is to do away with the status of women as mere instruments of production.

(17) Rich, “Compulsory Heterosexuality and Lesbian Existence,” 187. Nakasaad ang orihinal na pangungusap nang ganito: A woman seeking to escape such casual violations along with economic disadvantage may well turn to marriage as a form of hoped-for protection, while bringing into marriage neither social nor economic power, thus entering that institution also from a disadvantaged position.

(18) 1 Pedro 3:1, 5-6: “Gayon din naman, kayong mga asawang babae, pasakop kayo sa inyog sari-sariling asawa; upang, kung ang ilan ay hindi tumalima sa salita, ay mangahikayat ng walang salita sa pamamagitan ng ugali ng kani-kaniyang asawang babae; Sapagka’t nang unang panahon ay ganito naman nagsigayak ang mga babaing banal na nagsiasa sa Dios, na pasakop sa kani-kaniyang asawa; Na gaya ni Sara na tumalima kay Abraham, na kanyang tinawag na panginoon…”

(19) Michel Foucault, The History of Sexuality Volume 1: An Introduction, (Salin sa Pranses ni Robert Hurley, New York, Random House, 1978), 20.

(20) Danton Remoto, “Sex, Hindi Gera” sa Rampa: Mga Sanaysay (Pasig City, Anvil Publishing, 2008), 6.

(21) Caroline Hau, Necessary Fictions: Philippine Literature and the Nation, 1946-1980 (Quezon City, Ateneo de Manila University Press, 2000), 7.

(22) Lacaba et al., Sister Stella L.

(23) José Rizal, “Sa Mga Kabataang Dalaga ng Malolos: London, Pebrero 22, 1889,” kay Gregorio F. Zaide at Sonia M. Zaide, Jose Rizal: Buhay, Mga Ginawa at Mga Sinulat ng isang Henyo, Manunulat, Siyentipiko, at Pambansang Bayani (Quezon City, All-Nations Publishing, 1997), 399.

(24) Ibid., 405.

(25) Sandra Lee Bartky, “Foucault, Femininity and the Modernization of Patriarchal Power,” sa Feminism and Foucault (Irene Diamond at Lee Duinby, eds., Northeastern University Press, 1988), 83. Nasusulat ang orihinal na pangungusap nang ganito: "We women cannot begin the re-vision of our own bodies until we learn to read the cultural messages we inscribe upon them daily and until we come to see that even when the mastery of the disciplines of femininity produces a triumphant result, we are still only women.”

(26) Lacaba et al., Sister Stella L.

(27) During, “Postmodernism or Postcolonialism Today,” 125.

(28) Lualhati Bautista, Dekada ’70 (Mandaluyong: Cacho Publishing, 1991), 220.

(29) Laganap sa kulturang manghihimagsik ng Pilipino ang imahen ng martir, sa puntong tila baga hindi na ito maihihiwalay sa kanyang pagkilos tungo sa emansipasyon. Sa panulat ni Reynaldo Ileto: “In its narration of Christ’s suffering, death and resurrection, and of the Day of Judgment [the Pasyon] provides powerful images of transition from one state or era to another, e.g., darkness to light, despair to hope, misery to salvation, death to life, ignorance to knowledge, dishonour to purity and so forth. During the Spanish and American colonial eras, these images nurtured an undercurrent of millennial beliefs which, in times of economic and political crisis, enabled to peasantry to take action under the leadership of individuals or groups promising deliverance from oppression.” Pasyon and Revolution: Popular Movements in the Philippines, 1840-1910 (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1979), 14.

(30) Bilang pagpapaliwanag, isinulong ni Benedict Anderson ang kakayanan na likhain ang isang bansa sa sandaling mapanghawakan ng mga mamamayan ang mga paraan ng pagpapahayag na itinatanggi sa kanila dati ng mga panginoong dayuhan. Kanyang wika: “Essentially, I have been arguing that the very possibility of imagining the nation almost historically when, and where, three fundamental cultural conceptions, all of great antiquity, lost their axiomatic groups on men’s minds. The first of these was the idea that a particular script language offered privileged access to ontological truth, precisely because it was an inseparable part of that truth.” Imagined Communities: Reflections on the Origin and Spread of Nationalism (Pasig City: Anvil Publishing, 2003), 36.

(31) During, “Postmodernism or Postcolonialism Today,” 127. Sa orihinal: “the culture destroyed by imperialism and its tongue; the post-colonizers,.. at least cannot jettison the culture and tongues of the imperialist nations.”

(32) Hindi iba sa mga naging salaysay ng kasaysayan ang mga ganitong pagwiwika. Madalas banggitin ang Rebolusyong Pranses ng 1789 at ang Rebolusyong Bolshevik sa Russia bilang halimbawa kung papaanong nagtapos lamang ang mga ito sa ilalim ng mga diktador (sina Napoleon I at Josef Stalin) at pumapatay lamang ito ng higit pang mga tao. Maging ang Partido Komunista ng Pilipinas na pinamumunuan ni Jose Ma. Sison ay binabato rin ng mga ganitong pag-uusig ukol sa diumano’y pagpatay nila sa sarili nilang mga kadreng pinaghihinalaang “mga taksil.”

(33) During, “Postmodernism or Postcolonialism Today,” 128. Makikita sa Ingles kung papaanong “If [one] cannot fully distance himself from the sublimity and internationalism of what we can call image-capitalism, then that is perhaps because he has not listened carefully enough to those voices which talk of the différend on its borders.”

(34) Hau, Necessary Fictions, 182. Tinakdaan nito ang tungkulin ng manunulat: “the author is also ‘principle’ allowing us to codify and contextualize texts in circulation, through a systematic process of attribution that is central, in a methodological way, to the institution of literary scholarship as a viable academic discipline. Moreover, the author… is a discursive figure organizing the production of statements in and about literature.”


Creative Commons License
TUNGO SA PAGSASATINIG NG IBA by Hansley A. Juliano is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Philippines License.

Plurk