Saturday, November 14, 2009

Agosto 8

Pagtatambis ng dalawang sagisag ng walang-hangganan.

Nakikita lang kita sa alaala. Hindi ko na alam kung bakit buhay pa rin ang alaala mo sa akin, kung bakit nakatakda pa rin sa kalendaryo ng aking cellphone ang araw ng iyong kaarawan. Hindi ko alam, kung tutuusin, kung bakit nga ba sumusulat ako ngayon dahil sa iyo. Tanda ko isinusulat ko kahapon ang isang salaysay ng aking naranasang unang linggo ng semestreng ito. Para nga naman kinabukasan makapagsulat na ako ng mga rekisitos at kung anu-ano pang posibleng kahihinatnan ng sari-saring trabaho na ipagagawa sa akin. Pero hindi ko inaasahan na matatagpuan ko uli ang pangalan mo sa aking cellphone, sa petsang iyon: Agosto 8.

Birthday Note: R _ _ _ _ _ _ _ D _ _ _ _ _ _ _ _ 18

Sa totoo lang hindi ko alam ang dahilan, bakit ko kailangan alalahanin ka. Bakit ko kailangan matandaan sa mga sandaling tinitipa ng aking mga daliring dapat ay nai-transcribe na ang mga tala ko ukol sa kung anu-anong mga kamalayan ng tao ukol sa relihiyon, sa Diyos, sa lipunan, sa usapin ng katarungan at kung anu-ano pang mga bagay na pwede mong matutunan sa pamantasan pero sa totoo lang hindi maiintindihan kahit kailan ng isang taong naghihikahos at kumakalam ang sikmura. Pero hindi. Sa isang araw ng paglalagalag sa net pag-aantay nang walang kapararakan sa mga pwedeng sabihin sa akin ng aking email, at kung kailan patulog na ko, saka ko naalala ang petsang ito.

Hindi nga pala kita nabati.

Hindi ko na rin malaman ngayon kung papaano kita uugnayin. Parang napakalaking butas yun sa konsensya ko, na matapos ang walang-butas na apat na taong hindi ko ito nakakalimutan, hindi na kita nakaugnay. Hindi ko na nga rin naaalala ang pinagkakaabalahan ko nang araw na iyon, Ang alam ko na lang ngayon: naitapon ko ang isang mahalagang tungkulin sa isang mahalagang tao sa puso ko. At hanggang ngayon, sa lahat ng iniisip ko, hindi ako mapalagay.

Pero bakit nga ba? Ano ba ang mahalaga sa araw na ito at bigla ka na namang pumasok sa kamalayan ko?

Hindi na pagsisisi e; maliit na bagay lang ito sasabihin mo, kilala kita e.

Hindi naman marahil pagkasabik: nakita kita sa Facebook ngayon lang, dinagdag na kita. Wala naman akong naramdamang lukso ng dugo.

Lalo sigurong hindi pag-ibig. Lagpas na tayo doon; bagaman hindi ko alam ang kahulugan noon magpasahanggang ngayon. O hindi nga ba?

Hindi ako natinag maski ng pagkabalita kong kumalas na ang mambabasa ni Bro. Eli Soriano na si Bro. Willy Santiago, yung hindi pa nabubuklat ang pahina ng Biblia mabibigkas na agad ang sitas. Hindi ako kinilig na makitang magkayakap uli si Princess at si Tom sa paglabas ng huli sa PBB House dahil sa kanyang forced eviction. Hindi ko pa rin naitago ang pakiramdam kong parang dina-diabetes sa mga diyalogo ni Kaye Abad at Diether Ocampo sa isang ekspe (experimental) na tambalan sa Maalaala Mo Kaya.

Pero ang totoo: kumakabog ang dibdib ko nang makita ko uli ang larawan mo. Wala pa ring nagbabago. Makinang pa rin ang iyong mga mata, may timyas pa rin ng talim ng buwan sa kadiliman ng gabi ang iyong ngiti. Tila baga walang nawala sa iyo sa loob ng apat na taong hindi na muling nagtagpo ang ating mga mata. Isang takda ng inosenteng panahon na mayroon pa akong ng tinatawag na pag-asa para sa mundong haharapin ko. Noong hindi ko pa nararanasan at nakikita nang harapan ang kalupitan ng estado at ng sistemang sinumpaan ko nang ibabagsak ng aking mga kamay.

Salamat, nakita muli kita, aking anghel. Lugmok na ang puso ko sa sobrang kapaitan ng aking kapaligiran: marahil hindi na masama ang mangarap at umasa na sana, sa pagkakataong ito, makikilala mo na ako, at kung papaanong sa kabila ng lahat ng aking naranasan, hindi kita nililimot.

No comments:

Plurk