Hindi kasi uso sa iyo dati ang magmasid-masid sa paligid mo e. Dati, pagkatapos na pagkatapos mo sa klase, umuuwi ka na dahil gusto mong maabutan ang susunod na kabanata ng Flame of Recca o kaya ng Masked Rider Ryuki. Ewan mo ba, nagtataka ka rin, bakit nga ba pinag-aaksayahan mo pa ito ng oras kahit disi-sais anyos ka na? Oo nga naman pala. Hindi ka kasi kabahagi ng iyong age bracket: di ka kasali sa henerasyon ng mga umiiskyerda sa kalsada, mga tambay sa internet cafe at mga malalakas ang loob maggagagala sa lansangan sa oras ng gabi. Hindi, pare, batang otsenta-nobenta ka. Lumaki ka sa mga pangarap ng mga malalaking halimaw na tatalunin ng mga nilalang na nakasuot ng body-fit na damit, o mukhang insekto, o higante rin basta. Parte ka ng dekadang nagbunga sa mga kudeta ni Gringo Honasan na palpak naman lagi. Kahit wala ka pang malay-tao noon nakikitawa ka na rin sa Sic-O-Clock News. At ang brand ng komedya mo ay Tropang Trumpo, something like this CHICKEN! di ba? Ito yung mga panahon na hindi pa adik sa bakla si Michael V. ito yung mga panahon na akala mo pang-habambuhay na ang tambalang Ogie at Michelle. Ito ang panahon na ang tunay na nangungunang love-team ay Judy Ann Santos at Wowie de Guzman. Ito ang panahon ng pamamayagpag ng Streetboys sa Sanlinggo nAPO Sila, noong wholesome pa at pinag-iisip ng mga noontime show ang mga tao. Na may insight pa rin kahit sa Battle of the Brainless. Noong hindi pa uso ang nakawan sa McDonald's.
Narinig mo na ito sa mga magulang mo dati: napakasimple ng buhay noon. Kahit naman dumadalas na ang urbanisasyon noong mga magsasampung taong gulang ka na nakakalanghap ka pa rin ng sariwang hangin sa North Luzon Expressway kahit trapik. Nakakakita ka pa ng mga bakang naglalagalag sa kahabaan ng mga kalsada ng Muntinlupa, ng Cubao, ng Maynila. Kahit nagngangawa na ang Simbahan at si Manoling Morato tungkol sa mga usapin ng pelikulang bomba, kebs ka lang. Mas interesado kang silipin ang panty ni Annie kesa pag-interesan ang nabalatang mga panty ni Gretchen Baretto. Noong ang mga pinsan mo ay namomroblema pa lamang sa kung ilang holen na ang nawawala sa kanila. Noong hindi mo pa maisip na ang mga pinsang mong babae ay uhugin pa lamang at hindi mo iisiping mauuna pa silang magkaanak sa iyo.
Pumapalo sa utak mo itong mga alaalang ito kapag wala nang laman ang utak mo at naghahanap ka na ng rason sa kung papaano ka nakarating dito. Andami nang bagay ang nagbago pero naaalala mo pa rin ang mga ito. Pagtatawanan ka siguro ng mga kakilala mo na maalala pa ito kasi iisipin nila napakaisip bata mo pa rin, na inaalala mo pa rin ang mga panahong inosente ka, mga panahong wala kang problema, mga panahong hindi pa pinapakomplikado ng politika at akademya ang buhay mo, nang mga panahong naniniwala ka pa sa happy ending, sa mga pangarap na madadaan sa dasal. Yung panahon na kung mapapanood mo ngayon si Santino maniniwala ka pa rin sa kabutihan ng Diyos, at hindi mo pa kilala ang Diyos bilang maylalang na maraming hihingin sa iyo sa ngalan ng katarungan. Noong ang tingin mo pa sa Diyos ay hindi heneral kundi isang tunay na Ama.
Alam na alam ko pare, narinig mo na to:
緑なす大地 四季折り折りの花
白い砂浜と 可憐なさくら貝
まだ人の胸に ぬくもりがあて
まだ海の色が コバルトの時代
古き銀き時
白い砂浜と 可憐なさくら貝
まだ人の胸に ぬくもりがあて
まだ海の色が コバルトの時代
古き銀き時
Long long ago 20th century
No comments:
Post a Comment