Kaya siguro babawi na lamang ako sa aking pagsusumikap na bigyan kayo ng ideya sa kung ano , ba ang nagpapatakbo sa utak ko ngayong purgang-purga na ako sa Japanese live-action at nakabalik na naman ako sa Ayala Museum. Narito ang ilan sa mga pinagkakaabalahan kong aklat sa kasalukuyan:
I. Books in Print: Ateneo de Manila University Press. (Released 2009). Alam ko, napakapanggago lang yata ng sabihin kong libro ito, pero sa tuwing binubuklat ko ito sa aking paggising, naluluha ako sa dami ng magagandang aklat na nais kong mapasaakin pero hindi ko pwedeng i-hoard dahil iskolar nga naman pala ako... kung naniniwala pa kayo, hehe.
II. Aquino, Benigno Jr. S. Letters - Prison & Exile: Ninoy. Sta. Ana, Manila: The Aquino Family in Cooperation with the La Ignaciana Apostolic Center, 1983. Napulot ko ang polyetong ito kasabay ng susunod na aklat na aking sasalaysayin nang magtungo ang aming klase sa Hi 166 - K kay G. Aaron Moralina. Dahil maliit lang siya, isa na siya sa mga madalas kong bitbiting aklat sa tuwing ako ay maglalagalag, kasama ng The Prince ni Niccolo Machiavelli at The Communist Manifesto nina Karl Marx at Friedrich Engels. Sa isang talaban, magandang isipin kung papaanong natitimpi ng isang opinyong Pilipino ang dalawa sa aking mga tagapagtanglaw sa teorya, kahit liberal ito (dahil sa totoo lang, mga kaibigan, ang puno't dulo ng ating mga suliranin ay ang sistemang liberal na atin pa ring kinakagat). Sa kung papaanong paraan mayroong The Screwtape Letters si C.S. Lewis para sa mga demonyo, mayroon nito si Ninoy sa kanyang pamilya, mga kaibigan at mga kababayan. Pero katulad ng mga personal na liham, dito natin mas nakikilala si Ninoy Aquino bilang isang tao, isang politiko at isang tagapagtaguyod ng mapayapang paraan ng pagbabago. Bagaman ako ay sosyalista, nauunawaan ko ang katotohanan at ang konteksto ng pananalita niya sa kung bakit hangga't maaari'y kaiwas-iwasan niya ang mabigyan ng pagkakataong magtagumpay ang rebelyong Komunista dulot ng pagkawasak na maidudulot nito. Hindi rin natin siya masisisi; nguni't kung makikita lamang niya ang kasalukuyang kalagayan, marahil hindi ito ang tono ng mga liham na inyong matutunghayan.
III. Aquino, Benigno Jr. S. "A Garrison State in the Make" and Other Speeches. With Nick Joaquin's "Before the Blow: Ninoy's Senate Years." Makati: Benigno S. Aquino Jr. Foundation. 1985. Kung ginagamit natin sa ating nasyonalistikong retorika na ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ang Biblia ng sambayanang Pilipino, pwede siguro ilakip ang kalipunan ng mga sulating ito ni Ninoy bilang Bagong Tipan (siyempre, sarkastiko ako sa pagsasabi nito, pero makikita niyo kung bakit). Nasa aklat na ito ang lahat ng mga mahahalagang talumpati na binitiwan ni Ninoy sa kanyang panahon ng panunungkulan sa Senado bago ang 1972, at ang isang afterword ni Nick Joaquin, na noong bago mag-Batas Militar ay isang tagahanga ng mag-asawang Marcos. Makabubuting sipiin ang taguri ni Joaquin: The time would come when Ninoy's words would be recalled with a pang: as auguries that, alas, went unheeded. Sa lahat ng talumpati ni Ninoy (na siyempre'y pagtuligsa sa mga polisiya ni Marcos) nakikita natin na ang bawa't kilos ni Marcos, maski sa simula pa lamang ng kanyang unang araw sa opisina, ay mga metodiko at planadong mga hakbang tungo sa pagtatatag ng isang personality cult, katulad nina Hitler at Stalin. Nguni't ang mga babalang ito, at ang mga kahila-hilakbot na kasawian ng bansa na ating naranasan, ay hindi pinansin ng mga tao dahil natutuwa sila, diumano, sa retorika ng laban ni Ninoy at hindi sa kahalagahan ng babala. Sapagka't ang mga tao'y masyado nang sanay sa mapayapang mga panahon at "demokratikong" kalagayan, iniisip nilang dahil sa kawalan ng kaibahan ng mga partidong Nacionalista at Liberal, hindi na nag-iisip ang tao at tinitignan na lamang ang politika bilang palabas at hindi isang pampamayanang tungkulin. Ito ang mga sanhi kung bakit hindi natin nagawang makaimik at tayo'y naghihilakbot ngayon sa Batas Militar; dahil hindi natin nasunod ang birtud ng paghahanda ng mga Boy Scout.
At kung nandito rin si Ninoy, tiyak na tiyak ko nagwawala na yun ngayon (hindi dahil sa kanyang papatay-patay na anak o sa kanyang lukaret na anak kundi) sanhi ng pag-angat ng isang karismatikong pinuno na nakasalalay sa retorika at personalidad, at hindi sa plataporma de gobyerno / ideolohiya:
Para sa isang mas mabungang pagtanaw sa usaping ito, tignan ang sulatin ni Manuel Quezon III: Notes for an essay on Escudero: Portrait of the Politician as Beyond the Clutches of History (ongoing).
IV. Tolentino, Rolando B. Sipat-Kultura: Tungo sa Mapagpalayang Pagbasa, Pag-aaral at Pagtuturo ng Panitikan. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2007. Isa ito sa mga naging paborito kong sangguniing aklat pagkatapos kong maka-A sa klase sa Ph 101 kay Padre Luis David at nang piliin na namin ni Duey Guison na sukuan ang papel sa PoS 130. Malaki-laki ang naitulong sa akin ng aklat na ito sa Fil 108.2 lalo't paborito rin ni RT ang pagsusulat nang may pagkilala sa kaisipan ni Foucault at ng mga postkolonyal. Sapagka't hindi ako karapat-dapat magbigay ng paghuhusga sa aklat, hahayaan ko munang ito magsalita para sa ganang sarili. Mula sa panlikod na pabalat, ang aklat:
ay pag-asinta sa historikal, panlipunan, at modernong transformasyon ng panitikang Filipino. Mula epiko hanggang postmodernong panulaan at panitikang diaspora, naglalahad ang libro ng mapanipat na kritikal na perspektiba sa pag-unawa ng panitikan at lipunang Filipino.
Binibigyan-ugnay at relasyon ng libro ang tila hindi magkakaugnay na bagay: ang epikong bayani at OCW (overseas contract worker), panitikang oral at urban lagend, romantisismo at himagsikan, diaspora at pighati, at iba pa. Makabuluhang karagdagang babasahin ang libro sa anumang textbuk at akdang pampanitikan para komprehensibong maunawaan ang panitikanng Filipino tungo sa malaya at mapagpalayang pagbasa, pagtuturo at pananaliksik.
O, ambigat devah? Hindi ko rin tuloy masisi ang mga freshman na naatasang magbasa ng ilang artikulo mula sa aklat na ito pero sumasakit ang ulo. Maging noong ako'y nag-aaral sa Fil 12 sa ilalim ni Bb. Pamela Cruz, sinakitan ako ng ulo sa pagbabasa pa lamang sa pagsasalaysay ni RT sa kamatayan ni Pepsi Paloma. Hindi ko nalaman na tutungo ako sa isang transformasyon na darating ang araw nagagagad ko na ang paraan ng pagsusulat na ito. Iniisip ko nga na kung mangyayari man na ako'y magtuturo ng anumang kurso, maski sa Agham Politikal, titiyakin kong huhugot ako sa aklat na ito.
Oo, maski makapagturo ako sa high-school.
V. Hau, Caroline S. Necessary Fictions: Philippine Literature and the Nation, 1946-1980. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 200o. Kabahagi rin ang aklat na ito sa aking mabungang pananaliksik ukol sa literaturang postkolonyal. At saka mahirap na ring hindi ito bilhin: sa paulit-ulit ba naman na klase namin sa Fil 108.2 kay G. Gary Devilles, kung papaanong kasama ito ng Pasyon and Revolution ni Reynaldo Ileto na laging nasasangguni sa bawa't klase, e alam mo nang dapat mayroon ka lagi nito bilang akademiko. Mula rin sa panlikod na pabalat, sinisikap ng aklat:
... examines the connection between literature and nationalist discourse during the postwar period through close readings of the works of Jose Rizal, Amado Hernandez, Nick Joaquin, Edgardo Reyes, Ricardo Lee, Kerima Polotan, Carlos Bulosan, and Mano de Verdades Posadas. The book argues that the long-standing affinity between literature and nationalism is based, in part, on the power of literature to formulate and work through a set of questions central to nationalist debates on the possibility and necessity of social change. It asks: what is the relationship between knowledge and action? Between the personal and the political? Between the foreign and Filipino? Between culture and history, culture and politics, culture and economics?
Sa isang masusing pagtanaw, hindi maiiwasan na isipin din natin ang katotohanan na ang ating literatura, sa kabila ng ating pagkahulma sa mga disiplinaryong pagkilos, ay isang uri ng literatura na, sa pangkalahatan, ay mayroong karakter na popular at pluralistiko sa kanyang kahayagan. Kung ihahambing sa ibang perspektiba ng mga bansang mayroong kanon ng mga manunulat (tinutukoy ko ang mga Pilosopo), karamihan sa kanila ay kanluranin at may pagpapahalaga sa pagbubuti ng sarili bago ang pagsasabuti ng bayan. Tayo, sa ating pagkilos bilang mga mamamayan, nahulma na kaagad tayo na isabuhay ang birtud ng pakikipagkapwa, na atin nang nakaligtaan ang pagtanaw sa ating sariling kalagayan. Ito ang suliranin at trahedya ng Marxistang pananaw na ating ginagalawan sa karamihan sa mga kilusan sa emansipasyon. Kaya naman sa ating pagsusumikap na itaguyod naman ang pansariling kapakanan (gaya ng panukala ni Ayn Rand) nagiging mga walang kwenta naman tayong mga mamamayan. Dumating na sa puntong kahit sino na lang, basta published, paniniwalaan at panghahawakan natin, kagaya ng mga anak ng tinapang akala-mo-may-sense-wala-naman-pala:
(Sa mambabasa: sapagka't sinusulat ko ang piyesang ito sa gitna ng pagbuhos ng bagyong Santi, nanganganib ang kompyuter na ginagamit ko na mawalan ng kuryente. Itutuloy ko ang pagsusulat sa mas mabuting mga klima)
No comments:
Post a Comment