Thursday, October 1, 2009

Ekonomiko Pa Rin Ang Tanong

(o kung bakit sa kabila ng aking pakikibahagi magiging walang-kwentang "footnote to history" lamang na naman ang mga mobilisasyon para sa nasalanta ng Bagyong Ondoy)

Marahil may mga bagay na kailangan akong alalahanin sa pag-alis ni Ondoy at maaaring pagsaglit ni Pepeng. Hindi naman siguro masamang sabihin na naging kabahagi ako ng sanrekwang mag-aaral ng Pamantasan na lumubog sa baha, gumawa ng iilang patawang patama sa ibang lugar na binabaha, at nakaranas ng existential crisis sa kung bakit inabot din ang Katipunan ng ganitong kalaking sakuna. Gaya ng naikwento ko na, naramdaman ko ang pagdating ng bagyo noon pa lamang naglalakad ako patungong Alingal Hall, kung saan pinagtulungan ako ng hanging habagat at ng mga luha ni Tungkung Langit na bigyan ng baradong ilong pagkatapos. Alam na natin ang nangyari. Napanood na sa YouTube. Naipost na ang lahat ng retrato at na-tag na tayo ng mga kaibigan sa ganoon kalaking problema. Seryoso: wala na tayong masasabi pa. Walang pinagkaiba sa isang malupit, nakapanunugat at matalim na pagtatanghal ng isang trahedya. Dalawa lamang ang posibleng ating magawa kapag hinarap ka ng ganitong sakuna, at least sa pananaw ng iba: ang magitla't umiyak nang mapait sa libu-libong namatay, o ang umiyak habang nagbabalot ng mga tulong, kundi ang makasama mismo sa pag-aabot ng tulong sa mga buhay pa nguni't lubhang nasalanta. Dito lang sa pagkakataon ko ito siguro masasang-ayunan, bahagya lamang, si Ninoy Aquino nang noong Abril 6, 1975, sinabi niya sa kapwa niyang senador na si Francisco "Soc" Rodrigo:

If we want our people to follow, I propose, we must cease arguing and start acting, doing what a freeman must do to assert his rights and defend his freedoms. Actions, not words. Selfless examples, not ideas. The time for talking is past!

Pero, siyempre, hindi yun ganoon kadali.

~O~O~O~

Oo, nakita ko ang buhos ng mga tulong sa loob ng Covered Courts para sa mga nasalanta. Nakita't nakasama ko ang sari-saring tao, Pilipino man o hindi, Atenista mang lubusan o hindi, bagong salta man o ilang araw nang puyat, para lamang makibahagi sa pagbabalot, pagsasaayos, pagbubuhat o pagpapasa-pasa. Ngayon ko lang ito nakita nang harapan, at sa totoo lang, hindi ko pa rin ito maipaliwanag. Yung kaluluwa ng batang ideyalistiko't mapangarapin ay laging sinasabihan akong "wow, ang galing, may kabaitan pa talaga sa puso ng mga tao. May pag-asa pa ang bayang ito." Pero sa sandaling lumitaw na ang retorika at dekonstruksyon sa isip ko, eto na naman ako sa pagbutas ng optimismo. Oo, sinisira ng katotohanan ng buhay ang pagkainosente ng bata; pero kung papaano at kung mabuti ba iyon o masama, sa ibang sulatin na natin talakayan. Sabi nga ni Nick Joaquin: "if you not change, you are a cretin, and who wants to be called a cretin?"

Malaon ko na ring pinagsusumikapang unawain kung paano ba pagbabanyuhayin ang kulturang Atenista bilang isang kilusang hindi pampribado't para sa kita kundi, alinsunod sa Vaticano II, para sa isang simbahang itinatanghal ang kapakanan ng mga dukha. Totoo bang kinalasan na ng Atenista ang minsang inilarawan at tinuligsa ng nakakatandang manunulat ng Matanglawin na si Juan Danilo Jurado (mula sa Matanglawin, Tomo XXVIII, Blg. 4: Marso-Mayo 2003):

Oo, inaamin ko na alam ng Atenista na karamihan ng mga tao sa ating mundo ay mahirap at walang salapi, ngunit bakit kung umasta ang Atenista ay parang nakapiring na batang naghahanap ng palayok na mapapalo? Kaya sila mahirap dahil tamad sila... Kasalanan na ng tao kung siya’y mamatay ng mahirap pa rin... Mahirap na nga sila, maram pai sa kanila ang magnanakaw at kriminal... Ay, kawawa naman the poor. Ilan lamang ito sa madalas nating marinig sa ating mga kapwa Atenista. Hindi ko maintindihan kung kanila itong mga sinasabi nang dahil sa katangahan o marahil dahil sa pag-aakalang lahat ng bagay ay nakukuha sa sipag na sang-ayon lamang sa burgesyang kapaligiran na iniikutan ng mga Atenista. Hindi ba’t ang kahirapan ay kasiguraduhan din ng ‘di pagtatapos ng pag-aaral at pagkasumpa sa habambuhay na paggawa? Hindi ba’t ang isang manggagawa o magsasaka ay tinitingnan lamang na parang mga makinang bayaran o dili kaya’y mga sakang tagatanim na kayang palitan at alisin “for a more efficient and lower cost of production”? Paano nga ba makakaalpas ang mahihirap sa kahirapan kung ang kakarampot nilang kinikita ay hindi man lamang sapat para sa pang-araw-araw na gastusin, lalo na kaya sa pag-ipon ng kaunti man lamang na kapital? Kung maraming kriminal sa mahihirap, mas maraming kriminal sa mayayaman... hindi nga lamang nahuhuli.

Paano naging ganoon kadali sa Atenista na makibahagi dito, kung papaanong naging madali sa kanyang samahan ang mga magsasaka ng Sumilao at Calatagan? Hindi mo maiiwasang isipin pero doon ka na rin patungo: DAHIL SA MEDIA MILEAGE, O PARA LAMANG SA PAGKALMA SA KANILANG MARURUMI'T NABABAGABAG NA KONSIYENSIYA. Ito pa rin ang lahi ng uring elitista-kapitalista-burukrata na noong panahon ng Unang Kapatang Sigwa (First Quarter Storm) ay tatakbo kaagad mula sa Barrio Forbes Park (ang "barriong mahal ni Marcos") at pupunuin ang Hotel Inter-Continental, takot na singilin ng bayang mang-uusig sa kanilang kakulangan sa pagiging Kristiyano at kalabisan sa pagkakamal. Ito ang uring liberal na ipinagmamayabang ni Ayn Rand; ang bunga ng pagpipilit sa lubusang indibidwalismo, ang sarili bilang pinakamahalaga sa lahat at wala nang iba, kaysa sa sosyalismong ang sarili kasabay ng bayan, ang sarili kasabay ng kapwa, ang sarili kasabay ng Iba.

Sige, narito, nagbigay na tayo, nagpagod na tayo, nagdasal tayo. At yon lamang, at sasabihin na natin kagaya ng mga taong sumama sa libing ni Pangulong Corazon Aquino na: "tangina pare i was at her funeral, I'm damn proud to be Pinoy pare! O kumusta na nga pala yung bagong SUV na winasak mo? Napakilo mo na? Ano na sa 10 mong kotse gagamitin mo?" Para kang nagkwento ng isang krimen na pwedeng-pwedeng gawan ng pelikula ni Carlo J. Caparas o ni Kaka Balagtas (kung di mo sila kilala, pagpalain ka; wag mo nang subukan) tapos mag-aalok ka ng dinuguan sa kinuwentuhan mo. Kumbaga, para masabi lang. Hindi mo tuloy makita lahat nung sinasabing magis, people- and professionals-for-others, sapientia, wala.

Nakikita natin ang ating kultura bilang isang kulturang reaktibo at hindi pro-aktibo. Ibig nating sabihin, kumikilos lamang tayo kapag nagkawasakan na, kapag nasalanta na tayo't lahat ng ating mga pagkakamali at saka magsisisihan, kaysa isipin ang mga posibleng nangyari sa hinaharap at magtatatag na. Kumbaga, lahat ng sinabi ni Machiavelli na dapat gawin ng isang pinuno upang maging mahusay at handa, walang habas nating di pinakinggan, dinuraan, tinapunan ng basura, pinagpuputulan ng puno, at tinaehan. At ngayon magtataka tayo na bumalik ito sa atin? Mga pare, wag niyo naman sabihing ganoon kayo katanga. Ang DepEd ba talaga ang may kasalanan niyan, ang mga magulang ninyong hindi rin alam ang maaaring gawin, o matitigas lang talaga bungo niyo? Huwag nyo naman piliting piliin namin ang preskripsyon ni Aristoteles sa mga taong "intemperate." At gaya ng ating lubusang pagka-atat sa masisisi, pinili nating bagsakan ng galit ng angaw-angaw na demonyo si Jacque Bermejo (na hindi rin natin alam kung siya ba ang nagsulat, nag-"sleep-type" siya, o talagang hindi lang siya nakapag-isip ng mas magandang Facebook status). Di ko tuloy masisi si Lourd De Veyra na magtanong: "KULANG NA BA TAYO SA TALINO?" Naalala ko tuloy si Tracy Isabel Borres; kumusta siya pagkatapos wasakin ni Anonymous?

Mukhang oo e. Kapag nakikinig ka pa sa mga political ad (oo, lahat) na lumabas nitong nakaraang dalawang buwan at may rasyonal ka nang pag-iisip noon, kaawaan ka ng Diyos kapag sinabi mong "lehitimong kampanya ito."

Hindi na ilang ulit ito. Noong ZTE-NBN Deal ay naglagablab tayo at iniangat si Jun Lozada nang binabayo siyang lubusan ng mga alyado ng Pangulo kagaya ni Benjamin Abalos at ng nag-aalangang si Romulo Neri. Noong niratsada sa Bastusang Pambansa ang Con-Ass, nagwala ang mga gising sa internet at magkakasama tayong nag-ingay sa iba-ibang lugar. Ito lamang pagkain ng "mahal" na Pangulo sa Le Cirque e pinaulanan natin ng batikos. At nasaan tayo ngayon? Wala. Tanungin mo ang karaniwang tao di rin nila maalala. Sinasabi nating magsisimula na ang himagsikang magpapabagsak sa pasista-militarista-patronistang pamahalaang ito sa libing ni Pangulong Aquino. At huwag nating kalimutang sampung taon tayong naghahayag ng mga "kontra-SONA." Nasaan tayo patungo? O mas magandang tanong: alam pa ba natin kung bakit natin kailangang may tunguhin?

~O~O~O~

Palagay ko natagpuan ko yung sagot ko noong, habang napilitan akong maglakad mula Barangay Bayanan hanggang Barangay Putatan, lakaran ng mga may 10 kilometro sapagka't naipit sa trapik ang bus na aking sinakyan pauwi ng Muntinlupa. May tambay na nakasuot ng itim na kamisetang sumisigaw ng mensaheng: HINDI PO AKO EMO, NAKIKIUSO LANG PO.

Uso. What's hip and what's happening. Kung ano'ng dumating, yun na. At pagkatapos, matutulog tayong mahimbing at sasabihing: "responsable akong mamamayan."

Anak ng tinapang nabulok pero kinain ni Arroyo.

Nagagalit tayo kapag sinabihang "minsan lang nagkamali, sinumpa na. Nakalimutan na ang lahat ng nagawang mabuti." At bakit nga ba hindi? Matagal nang sinabi ni Aristoteles: "ang taong makatuwiran ay gumagawa ng kabutihan nang paulit-ulit, walang likat." Sapagka't ang halaga ng katarungan ay di natututunan nang paisa-isa, patingi-tingi. Magpapalusot pa tayo na "minsan lang, di na mauulit." At ilang ulit na ba yang nasira, lalo't matagal nang nakita ni Machiavelli na "sadyang mapanlinlang ang tao?" Ilang ulit nangako si Marcos na ito na ang huling utang niya, at tignan ninyo ang naiwan sa atin. Ilang ulit sinabi ni Arroyo na ito na ang huling pagkakataong "makikisawsaw siya sa politika, pero winawasak niya't sinisiil ang karapatang sibil?" Hindi tayo matatapos kung bibilangin ko lahat.

~O~O~O~


Pero gaya ng sinabi na dati ni Pete Lacaba, mas epektibo ang retorika kapag tumatama sa imaheng nakikita mo araw-araw. Hanggang makakakita ka ng mga batang nagsasabing sila'y mga "Badjao" na hindi makauwi (pare, totoo ito. Kahit na may mga napipilitan o gago lang talagang nakikisawsaw sa tanging desperasyon ng mga Badjao, wag mong sabihing nanloloko na silang lahat; basahin mo uli si Jurado sa itaas), hangga't pinupunit ng kanilang inosenteng tinig ng kawalang-pag-asa ang ihip ng hanging amihan sa loob ng pampasaherong bus, at hanggang nakikita mong sa barung-barong sila pinanganak, sa barung-barong sila uuwi, at sa barung-barong sila babagsak nang patay, dilat at gutom, wala kang karapatang sabihing mamamayan ka. Wala kang karapatang sabihing Kristiyano ka. Wala kang karapatang magsabing Pilipino ka.

Habang nababagoong ang resume mo ng paglilingkod at itinatala mo para may maipakita ka sa iba, wala ka sa kalingkingan ng komadronang handang gumising kahit hatinggabi para magpaanak kahit barya-barya lang ang kita. Sabi nga naman ni Reynaldo Cruz Garcia: maraming mandurukot ang nakakurbata,

At liban pa roon, hindi ka tao pag kinagat mo ang mga info ad ni Bayani Fernando. Hindi natin kailangan ang bayaning alipin, kundi ang bayaning mandirigma ng Himagsikan.

Sabi noon ni Ninoy sa kanyang kapwa senador na si Eva Estrada Kalaw sa isang liham ng Pebrero 21, 1983, mga anim na buwan bago siya pataksil na pinusila sa tarmac ng Manila International Airport:

I realize many will criticize us for even thinking of possibly opening a dialogue with Marcos. Some will call this an imperialist plot designed and conceived in Washington. But if we are to prevent a communist takeover, we must help Marcos inspite of himself find a peaceful solution to our crisis.

I am sure the CPP/NPAs will be most unhappy by the holding of a clean and honest election because this will delay their timetable.

Clean and honest elections will provide fresh hope to people almost desperate. If we are to prevent the radicalization of our people to the left, we must present them with a credible hope and that can be accomplished if we can work out a peaceful transition scenario with the top actor: Marcos.

Only a hopeless people will turn to communism. We must therefore exert every effort to convince Marcos that a genuine return to democracy is the only sure path out of the enveloping red tide.

Only more democracy can defeat communism. Increased repression will only hasten the communist victory.

Alam nating ang layon ni Senador Aquino ay iwasang lubha ang pagdanak ng dugo. Isang pagtatatag sa dati nang pinanghawakan ni Rizal na:

"I do not mean to say that our liberty will be secured at the sword's point, for the sword plays but little part in modern affairs, but that we must secure it by making ourselves worthy of it, by exalting the intelligence and the dignity of the individual, by loving justice, right, and greatness, even to the extent of dying for them,--and when a people reaches that height God will provide a weapon, the idols will be shattered, the tyranny will crumble like a house of cards and liberty will shine out like the first dawn.

"Our ills we owe to ourselves alone, so let us blame no one. If Spain should see that we were less complaisant with tyranny and more disposed to struggle and suffer for our rights, Spain would be the first to grant us liberty, because when the fruit of the womb reaches maturity woe unto the mother who would stifle it! So, while the Filipino people has not sufficient energy to proclaim, with head erect and bosom bared, its rights to social life, and to guarantee it with its sacrifices, with its own blood; while we see our countrymen in private life ashamed within themselves, hear the voice of conscience roar in rebellion and protest, yet in public life keep silence or even echo the words of him who abuses them in order to mock the abused; while we see them wrap themselves up in their egotism and with a forced smile praise the most iniquitous actions, begging with their eyes a portion of the booty--why grant them liberty? With Spain or without Spain they would always be the same, and perhaps worse! Why independence, if the slaves of today will be the tyrants of tomorrow? And that they will be such is not to be doubted, for he who submits to tyranny loves it.

"SeƱor Simoun, when our people is unprepared, when it enters the fight through fraud and force, without a clear understanding of what it is doing, the wisest attempts will fail, and better that they do fail, since why commit the wife to the husband if he does not sufficiently love her, if he is not ready to die for her?"

Nguni't dama pa rin ang liberal-demokratikong pagka-inosente. Kahit hindi nais ni Rizal ang dahas, may pangarap siya sa pagtatatag ng isang bansa. Si Ninoy, sa kabilang banda, ay ipinagtatanggol ang pamumuhay bago si Marcos. Sa kahulihan, kahit sabihin nating si Ninoy ang naglunsad ng himagsikan sa kanyang pagkamatay katulad ni Rizal, si Rizal pa rin ang tunay na rebolusyanaryong ideologo.

Ang masaklap lang, lahat ng imahen ng rebolusyon, coopted pa rin ng kapitalismong salot:


Kahit bagyuhin tayo ng ilang ulit, lindulin pa, paulanan ng apoy, hanggang ang kaluluwa ng Pilipino ay hindi napapalaya, ano ang silbi ng donasyon? Sabi nga ni Isabel Allende sa kanyang nobelisasyon ng Zorro: isa lamang itong malaking panggagago.

(pagtatapos: utang na loob ang sulating ito sa masinop na pagtatala ni Patrick Manalo at sa ilang mabungang talaban ng isip kay Leiron Martija.)

No comments:

Plurk