(paglalabas ng mga naghihimutok na bungang-utak bunga ng kapagalan sa burukratiko't antipolitikal na lunan ng pag-aaral, kahit nagpipilit ako pasukan ito ng politika. Ewan.)
Tungkulin naming daw ay mangalap ng kaalaman
Siyang totoo, ito ay aming kailangan
Nguni't kaya ba naming mangalap lamang
Habang maraming nakabitin sa alangaang?
Kaming kabataang nakakulong sa bisig ng saya
Paano aalpasan ang tukso at maling haraya
Hindi namin kaya ang magsawalang kibo
Liban na lamang kung kami ay igagapos ninyo
Pakakainin ng loto ng sakdal katangahan
At pagkatapos gawing mga utusang katawan
Na magtatayo, magtatayo, magtatayo
Hindi alam ang sarap ng kung paano magpagupo
Sapagka't sukat na ang panahon ng pag-usbong
Ng mga kalipunan ng mang-aapi't mga buhong
Ngayon na, ating padaliin ang paghuhukom
Tayong kabataan ang siyang maglalagom
Sa mga kasalanan ng mga sa ati'y nauna
Ngayon, tangnan na ang mga tabak at pana!
Sunugin ang kalunsuran, balikan ang kanayunan!
Simulan ang pagwasak sa pangsalaping sanlibutan!
Monday, February 22, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment