Tuesday, August 26, 2008

Ang Prinsipe ni Niccolo Machiavelli: Isang Pagtatangka

Marahil nalalaman ng ilan sa aking mga kaugnay (contact, para sa mga di-nakakaalam) na minsan kong binalak isalin sa wikang Filipino ang One Hundred Years of Solitude ni Gabriel Garcia Marquez, na hindi ko napagtagumpayang ipagpatuloy mula sa unang talata ng unang kabanata (na maaari ninyong basahin dito). Dulot nito, tinmaan ulit ako ng isang kawangakan at ngayon susubukin ko namang isalin ang akdang pulitikal ng Italyanong manunulat at kawaning si Niccolo Machiavelli, ang Il Principe o mas kilala bilang The Prince. Pinagbabatayan ko ngayon ang salin naman sa Ingles ni Daniel Donno at nilalaman nito ang Pag-aalay ng may-aklda't ang maikling unang kabanata nito.

Huwag sanang isipin ng iba na nagpapalalo ako lalo't isa lamang akong baguhang mag-aaral ng agham pulitikal ay pinangasahan ko nang gawin ito, lalo't mayroon namang saling likha sina Rolando at Rosario Yu (na matatagpuan din sa Rizal Library). Dalangin ko lang talagang wag akong wafungin ng mga akademikong makakabasa nito.

~O~O~O~

Si Niccolo Machiavelli sa Kamangha-manghang Lorenzo de' Medici

Yaong mga nagnanais makuha ang paggiliw ng isang prinsipe ay karaniwang nag-aalay sa kanya ng mga bagay na hinahawakan nilang pinakamahalaga o yaong mga kinatutuwaan niya. Kadalasan, kung gayon, nakikita nating hinahandugan ang mga prinsipe ng kabayo, armas, gintong tela, mga mamahaling hiyas, o mga katulad na palamuting karapat-dapat sa kanilang kadakilaan. Sa pagnanais kong ipakita ang aking sarili sa Inyong Kamahalan na may tanda ng paglilingkod sa inyo, hindi ako makakita ng kahit anong pinanghahawakan ko nang buong pagmamahal o ipinagdarangal nang lalo liban sa aking kaalaman ng mga gawa ng mga dakilang tao, na natutunan sa mahabang karanasan ng mga makabagong ugnayan at sa madalas na pagbabasa ukol sa mga datihan na. Matapos suriin at pagnilayang matagal ang mga bagay na ito na may dakilang pagsisikap at pagkasulat sa isang munting aklat, ipinadadala ko ito sa Inyong Kamahalan. Kahit itinuturing ko ang akdang itong di-karapatdapat ipakita sa inyo, gayunman, ako'y lubos na nagtitiwalang dahil sa inyong kabutihang-loob, tatanggapin ninyo ito, sapagka't wala nang mas dakila pang kaloob na magmumula sa akin liban sa mga paraan upang maunawaan sa maikling panahon ang lahat ng aking nalalaman at nauunawaan, matapos ang maraming taon at susun-susong hirap at sakit. Hindi ko pinalamutian ang akdang ito ng mabubuting talata, mga mapagmalaking salita, o anumang pagpaparangya na tulad ng ginagawa ng iba sa kanilang mga akda. Sapagka't pinili kong wala nang iba pang dapat magbigay-dangal dito o kaya'y ang karamihan ng nilalaman at kabigatan ng paksa nito lamang ang makapang-aakit dito. Ni hindi ko ninais na isipin ng iba na ang isang taong mababa't mahirap ay mangahas mag-isip at magtakda para sa pamumuno ng mga prinsipe. Sapagka't kung paanong ang gumuguhit ng mga kabunduka'y tumutuntong sa mga kapatagan upang suriin ang mga burol at kaitaasan at ang mga gumuguhit ng mga mababang lupa'y tumutuntong sa mga bundok, gayundin na upang maunawaan ang kalikasan ng taumbayan kailangang ang isa'y maging prinsipe, at upang maunawaan ang kalikasan ng isang prinsipe kailangang maging kaisa ng taumbayan. Dulot nito, nawa'y tanggapin ng Inyong Kamahalan ang munting handog na ito sa layunin kong ito. Kung inyong pagsisikapang basahin at pagmumuni-munihan ito, makikita ninyo ang isa sa aking mga pinakamimithi, na kayo'y makaabot sa kadakilaang ipinapangako ng kapalara't inyong mga kakayanan. At kung sa inyong kaitaasan ang Inyong Kamahala'y paminsan-minsang titingin sa mga mababang lunang ito, makikita ninyo kung paanong hindi laan kong tinitiis ang mabigat at walang-likat na kalupitan ng kapalaran.

~O~O~O~

Kabanata I: Ang mga Uri ng Prinsipalidad at ang mga Paraan kung Papaano Ito Nakukuha

Ang lahat ng estado't mga pinamumunuang may hawak at humawak ng kapangyarihan sa mga tao'y itinuturing na mga republika o mga prinsipalidad. Ang mga prinsipalidad ay maaaring namamana, kung saan ang mag-anak ng pinuno'y malaon na sa kapangyarihan, o kaya'y bago. Ang mga bago'y maaaring lubusang bago, tulad ng Milan kay Francesco Sforza, o kaya'y mga bahaging idinagdag sa namanang pag-aari ng prinsipeng nakakuha sa kanila, kung paanong ang Kaharian ng Naples ay sa Hari ng Espanya. Ang mga pinamumunuang ganito'y sanay na mamuhay sa ilalim ng isang prinsipe o kaya'y malaya; at ang mga ito'y nakukuha sa pamamagitan ng kapalaran o kaya'y ng kakayanan.

~O~O~O~

At ayun na nga. Malugod pong inaantay ang mga komento, pananaw, payo't pananabon.

Saturday, August 23, 2008

Sometimes the truth just isn't good enough.

Yet though man intends to speak
Oh, he is held off, always weak
Under the pressure and dillemma
Nothing clear, everything an enigma
Even when spurred by conscience
Eventually, he'll need defense
Despite his want of a clear mind
All circumstance will have him bind
Never did man speak of what's real
Or risk hurting what the others feel
Beneath the seeming countenance,
Likelihood of verity, there's a chance
Even his innocence is marked of fraud
Little or nothing in him worthy of laud
It is in the nature of man, so we fear
Ever to make the truth unclear.

Friday, August 15, 2008

Sa pagnanais na magtampisaw sa Meron...

Nauunawaan ko naman na isa akong hunghang sa lagay na ito, lalo't hinarap ko ang manipestayson ng aking mga kakulangan sa kaalaman at karunungan. Pero nariyan ang konsepto ng pagkapangahas, kaya pangangahasan kong magwika ukol sa Meron, at kung ano nga ba ang Meron sa buhay ng tao. Ranting ba? Maaari. Hindi ko pa alam kung paano ba mag-CMS sa blog e, kaya siguro pababayaan ko muna ang sarili kong magsulat sa paraang makagagarantiya ng F sa isang papel-iskolastiko.
_____________________________________________________________________________

WALA.

Maraming nagsasabi na wala naman talagang wala. Kasi ang wala ay isa lamang antitesis na manipestasyon ng MERON. Sa lahat ng bagay ay may MERON. MERON lahat, sabi nga nila. Kaya ang tanong na "MERON BANG WALA?" kung tutuusin ay isang parikalang hindi talaga mauunawaan ng hindi nagsisikap mag-isip, o ng walang isip. Tanging tao lang naman ang may conscious na pagkilos ukol sa kanyang pagmemeron, kahit lahat ng bagay sa mundo ay nagmemeron.

Kaya siguro naliligaw tayo sa pag-iisip ng malalim. Sa kasalukuyang takbo ng paligid, hindi natin maiiwasang mapansin na ang nais na lamang natin ay ang malilinaw na bagay, o kaya ay MABABABAW na mga bagay. Ayon kay C. Wright Mills, masyado na tayong natatakot sa pagpapalipad ng haraya. Ayaw nating subukang saliksikin ang katotohanan ng mga bagay-bagay, dahil naging takot na tayo sa katotohanan.

Ano ba ang nakakatakot sa katotohanan? Mahirap ba itong unawain? Hindi ba't nilikha naman tayo ng Diyos, ang bukal ng katotohanan? Bakit ba katakut-takot sa isipan ng tao ang pamimilosopiya? Bakit nga ba pinapabayaan na ng tao na lumagpak siya sa isang nibel na mas malala pa sa inilalarawan ng taghoy ni Markham? Bakit nga ba ninanais na lamang niyang siya'y pasukan at labasan ng malilinaw at maliliit na bagay, nagpapakamakina?

Pragmatismo. Empirisismo. Pag-uugali. Mga bagay na ang garanntiya ay resulta, resulta at resulta. Nais na lamang ng daigdig ng mga resulta. Ng realidad. Kahit kuwestiyonable pa rin ang pagiging real ng realidad. Walang puwang para sa panaginip. Para sa mga pangarap.

Kaya siguro hindi na din kataka-taka na ang daigdig ay wala nang panaginip. Walang suke. Walang kaluluwa. At hindi nga ba, nakatakda namang mawasak ang daigdig na ito? Na sabi nga ni San Agustin, ang daigdig na ito'y puno ng kasinungalingan at kasalanan? Ano't sa estampitang Katoliko ko pa nababasa ang konsepto ng "langit sa lupa?" Maski ang establisimentong dapat nagpapahayag ng katotohanan, napapasok ng kasinungalingan. Kaya kahit sa isang mundong walang kaluluwa, ang dikaiosune ay walang-halaga.

Ano nga ba ang katotohanan? Meron nga bang katotohanan?
_____________________________________________________________________________

Malugod na inaanyayahan ang mga reaksyon, konsepto, kontra-argumento at pananabon.

Tuesday, August 12, 2008

Tabula Rasa

Isang sulatang hindi makita ang laman
Lamang nais ko sanang iyong mawatasan
Ang sinasabing hindi pa rin mawiwikang lubusan
Na mahinusay ang nais iparating ng isipan
Gayong ikaw ang tanging pinatutungkulan

Tanging nais kausapin at napapanaginip
Ang matang nangungusap ang nais na tumitig
Ojos y oidos; pangarap na makita't marinig
Nguni't kaharap ay sulatang walang laman pa rin

Panulat na may tintang kulay dugo at matulis
Ano bang magagamit upang magmarka sa malinis?

Plurk