Marahil nalalaman ng ilan sa aking mga kaugnay (contact, para sa mga di-nakakaalam) na minsan kong binalak isalin sa wikang Filipino ang One Hundred Years of Solitude ni Gabriel Garcia Marquez, na hindi ko napagtagumpayang ipagpatuloy mula sa unang talata ng unang kabanata (na maaari ninyong basahin dito). Dulot nito, tinmaan ulit ako ng isang kawangakan at ngayon susubukin ko namang isalin ang akdang pulitikal ng Italyanong manunulat at kawaning si Niccolo Machiavelli, ang Il Principe o mas kilala bilang The Prince. Pinagbabatayan ko ngayon ang salin naman sa Ingles ni Daniel Donno at nilalaman nito ang Pag-aalay ng may-aklda't ang maikling unang kabanata nito.
Huwag sanang isipin ng iba na nagpapalalo ako lalo't isa lamang akong baguhang mag-aaral ng agham pulitikal ay pinangasahan ko nang gawin ito, lalo't mayroon namang saling likha sina Rolando at Rosario Yu (na matatagpuan din sa Rizal Library). Dalangin ko lang talagang wag akong wafungin ng mga akademikong makakabasa nito.
~O~O~O~
Si Niccolo Machiavelli sa Kamangha-manghang Lorenzo de' Medici
Yaong mga nagnanais makuha ang paggiliw ng isang prinsipe ay karaniwang nag-aalay sa kanya ng mga bagay na hinahawakan nilang pinakamahalaga o yaong mga kinatutuwaan niya. Kadalasan, kung gayon, nakikita nating hinahandugan ang mga prinsipe ng kabayo, armas, gintong tela, mga mamahaling hiyas, o mga katulad na palamuting karapat-dapat sa kanilang kadakilaan. Sa pagnanais kong ipakita ang aking sarili sa Inyong Kamahalan na may tanda ng paglilingkod sa inyo, hindi ako makakita ng kahit anong pinanghahawakan ko nang buong pagmamahal o ipinagdarangal nang lalo liban sa aking kaalaman ng mga gawa ng mga dakilang tao, na natutunan sa mahabang karanasan ng mga makabagong ugnayan at sa madalas na pagbabasa ukol sa mga datihan na. Matapos suriin at pagnilayang matagal ang mga bagay na ito na may dakilang pagsisikap at pagkasulat sa isang munting aklat, ipinadadala ko ito sa Inyong Kamahalan. Kahit itinuturing ko ang akdang itong di-karapatdapat ipakita sa inyo, gayunman, ako'y lubos na nagtitiwalang dahil sa inyong kabutihang-loob, tatanggapin ninyo ito, sapagka't wala nang mas dakila pang kaloob na magmumula sa akin liban sa mga paraan upang maunawaan sa maikling panahon ang lahat ng aking nalalaman at nauunawaan, matapos ang maraming taon at susun-susong hirap at sakit. Hindi ko pinalamutian ang akdang ito ng mabubuting talata, mga mapagmalaking salita, o anumang pagpaparangya na tulad ng ginagawa ng iba sa kanilang mga akda. Sapagka't pinili kong wala nang iba pang dapat magbigay-dangal dito o kaya'y ang karamihan ng nilalaman at kabigatan ng paksa nito lamang ang makapang-aakit dito. Ni hindi ko ninais na isipin ng iba na ang isang taong mababa't mahirap ay mangahas mag-isip at magtakda para sa pamumuno ng mga prinsipe. Sapagka't kung paanong ang gumuguhit ng mga kabunduka'y tumutuntong sa mga kapatagan upang suriin ang mga burol at kaitaasan at ang mga gumuguhit ng mga mababang lupa'y tumutuntong sa mga bundok, gayundin na upang maunawaan ang kalikasan ng taumbayan kailangang ang isa'y maging prinsipe, at upang maunawaan ang kalikasan ng isang prinsipe kailangang maging kaisa ng taumbayan. Dulot nito, nawa'y tanggapin ng Inyong Kamahalan ang munting handog na ito sa layunin kong ito. Kung inyong pagsisikapang basahin at pagmumuni-munihan ito, makikita ninyo ang isa sa aking mga pinakamimithi, na kayo'y makaabot sa kadakilaang ipinapangako ng kapalara't inyong mga kakayanan. At kung sa inyong kaitaasan ang Inyong Kamahala'y paminsan-minsang titingin sa mga mababang lunang ito, makikita ninyo kung paanong hindi laan kong tinitiis ang mabigat at walang-likat na kalupitan ng kapalaran.
~O~O~O~
Kabanata I: Ang mga Uri ng Prinsipalidad at ang mga Paraan kung Papaano Ito Nakukuha
Ang lahat ng estado't mga pinamumunuang may hawak at humawak ng kapangyarihan sa mga tao'y itinuturing na mga republika o mga prinsipalidad. Ang mga prinsipalidad ay maaaring namamana, kung saan ang mag-anak ng pinuno'y malaon na sa kapangyarihan, o kaya'y bago. Ang mga bago'y maaaring lubusang bago, tulad ng Milan kay Francesco Sforza, o kaya'y mga bahaging idinagdag sa namanang pag-aari ng prinsipeng nakakuha sa kanila, kung paanong ang Kaharian ng Naples ay sa Hari ng Espanya. Ang mga pinamumunuang ganito'y sanay na mamuhay sa ilalim ng isang prinsipe o kaya'y malaya; at ang mga ito'y nakukuha sa pamamagitan ng kapalaran o kaya'y ng kakayanan.
~O~O~O~
At ayun na nga. Malugod pong inaantay ang mga komento, pananaw, payo't pananabon.
No comments:
Post a Comment