Friday, September 5, 2008

Kundimang Kung Hindi Man, Hindi Mag-aalinlangan

(Kung nais basahin sa konteksto ng manunulat ang tula, mangyaring basahin po muna ang talababa [footnote] pagkatapos ng tula).

~O~O~O~

Ang ninais ko sanang sabihin kay CJ., RD., MR., MJ, MA., YY. o kay S. na ngayo’y iniaalay ko kay J.

Kung bakit sa gabing ito ako’y sumusulat ng tula
Ay hindi nalalaman, nguni’t hindi dapat pagtakhan
Sapagka’t sa gabing ito’y nadinig ng mga tainga
Ang tinig na matamis ng aking pinag-aalayan

Laang buhay, lakas, nalalaman at pagtatangi
Ay sa kanya ko nga lamang maaaring iuwi
Na ito’y gayon ay bakit? Bakit gayon pa nga ba
Ang ika’y aking makilala’t makasamang minsan pa

Naging layo’t pangarap simula nang ika’y makilala
At nang mapagtantong ang tinatangi’y walang iba
Nang makilalang ang tinig ng amiha’y sa iyo nagmula
Ganyak sa aki’y humilig at managinip na batang tila

Ito ay aking malaon nang ginugunam-gunam
Kahit mula pa noong huli kitang makasayaw
Ang alaala ng gabing iyon ay di pa rin napaparam
Waring naukit na ng talim ng balintataw

At bakit ko nga ba nanaising iyo’y aking kalimutan?
Yaon lamang ang panahong nadama kong ako’y tao
Isang saglit na ako’y nabuhay, nangarap at naligayahan,
Walang makakapantay sa pagpayapa ng delubyo

At paano nga ba ako mabubuhay kundi sa pangarap?
Nang ika’y makilala lahat ay nagkaroon ng kulay
Ang mahirap na pagsubok ay tila mga nahawing ulap
Nagbanyuhay ang mga dati’y salitang malamig at patay

Kaya ngayo’y naninikluhod na sana’y iyong dinggin
Aking pagsamo huwag sanang bayaang inisin
Mula ng tuwa, tungo ng bawa’t pagpaparaya
Ang puwang sa aking puso’y nilamnan mo na

Nalalaman kong tunay na ika’y mag-aalinlangan
Gugulong iyong isipan sa aking mga tinuran
Maaaring ako’y di maunawaan, maaaring kapootan
At alimurahin bilang isang lubos na tampalasan

Na sinamantala ang iyong dalisay na pagtitiwala
Ginawang daan upang ika’y lalong kaibiganin
At nang sarili’y mapabango sa iyong pagkilala
Nang damdamin mo’y tangkain kong kubkubin.

Giliw ko, paano ko nga bang sa iyo’y ipapakita
Itong mahiwagang pagbabago ng nadarama
Kahit pa ang mga talang nagsabog sa kalangitan
Ay saksi sa aking mga himutok tuwing kinagabihan

Wari baga’y ngiti ang tingin sa buwang matalim
Aking tinatanggap dahil sa iyong paggiliw
Yaong kapag naglaho’y magdudulot ng panimdim
Pinagmumulang taos ng tangi kong aliw

Ako ba’y nararapat pang sa iyo’y umasa magpasahuli?
Kandila akong naiipit sa gitna ng marahas daluyong
Alinlangan mang mamatay ang alab ng pagpapatunay
Walang pipigil upang ito’y pagitawin habang buhay

Ah, ito nga lamang ang aking magagawang turan
Laanan ko ng buhay na higit pa sa anumang yaman
Aking hinihintay hanggang sa katapusan ng kailanman
Nakatakda mong pagkilala sa lingkod mo’t tanggulan.


~O~O~O~

Basta, may nagawa akong tawag ngayong pumayapa sa kalooban ko ngayon.

Basta, halata namang may kaemohan ang tula, haha.

Basta, hanggang ngayon hindi pa rin talaga nawawala ang konsepto ng pagmamahal.

Basta, ayaw talaga ako padalhan ng bokasyon. Ayaw yata ako magaya kay Bro. Madz Tumbali (sorry po!).

Basta, tao pa rin pala akong kayang umibig.

No comments:

Plurk