Wednesday, July 15, 2009

Mahirap ka kasing kalimutan e.

Napalilibutan ako ng mga pagtatakda, mga dokumentong nagtatakda
at mga kalatas na nagsasabi sa aming mga naririto na
magsalita, mangusap, magsulat, magbahagi, magtakda sa pagtataya;

Nguni't ang nakikita ko lamang ay ang kadilimang sumisilip mula
sa labas ng tarangkahang nasa pagitan ng dalawang estante.

Nakabukas sa harap ko ang artikulong matagal nang dapat napaglaho
Ang mga kaluluwa nina Teodoro Agoncillo, Reynaldo Ileto
Patricio Abinales at Donna Amoroso na sa akin ay gumaganyak
Na magbasa't magbunga ng ilan libo pang bungang-utak;

Nguni't ang nais lamang gawin talaga ng aking mga daliri
Kung hindi man ang damahin ang lambot ng unan sa paghimbing
Ay ang pindutin pa ang makinilya o hawakan ang pluma
Upang lumikha ng mga awit ng pagdakila't pag-alala.

Lubhang hinahapis sapagka't marami na ang lumilisan
Habang ang buhay na hawak ay hindi pa kagulangan
Na siyang nagpapaalala sa akin sa minsang lumbay
Ng pantas na walag-sala'y napadapit sa pagkahapay:

Vivo con los recuerdos de los que yo he amado
y oigo de vez en cuando sus nombres pronunciar:
unos estan ya muertos, otros me han abandonado;
mas que importa? ... Yo vivo pensando en lo pasado
y lo pasado nadie me puede arrebatar.

Kaya't paanong makapagsusulat, paanong lalapitan ng musa
Kung kaluluwa'y nagdidilim sa lumbay at pagdurusa?
Manong magwiwika ang dila ng maaalab na diwa
Gayong sa aking puso ay di maghilom ang malalim na hiwa?

Masisisi ba kita? Hindi ko rin magawa. Bakit nga ba?
Sapagka't nalaan ka sa mas maliligayang bagay
Na ako ay naatasang wasakin at ihantong sa hukay
Sa pagsiklab ng apoy na lilipol sa mga ulikba.

Walang magagawa, walang masasabi kundi magtiis
Na nalalaman kong balang araw dugo ay aking ititigis;
At sa parang ng digmaan, luchando con delirio, akin bagang tutulutan
Na maranas mo ang pighating ikaw nama'y di-karampatan?

Kaya nananatili sa dilim, sa pagniniig ng ulap at kalaliman:
Upang ikaw ay magningning sa kawalan kong karapatan
Na hingin kahit minsan ang iyong paag-unawa't pagsinta
Gayong lumagda na akong dugo ang aking tinta.

No comments:

Plurk