Monday, August 3, 2009

Luhang Karayom

Hindi kita inaantay ngayong umaga ito
ng ilang ulit na alalahanin.
Ayaw kong maramdaman ang dampi
ng iyong matutulis na dulo.
Nguni't lumitaw ka.

Matapos mo akong lunurin sa alimuom
ay bigla kang lilisan
At isasabog sa akin ang walang-wawang
sinag ng araw ng alangaang
Na saki'y sumusunog.

Sapagka't ang pagdilig mo sa aking bayan
ay hindi hiningi
Nguni't nagdudulot sakin ng di-kawasang hapis;
ngayong kami'y nilisan
Ng isang inang naipit sa gitna.

Sa akin ay iyong pinaalalang walang paglimot
kung bakit ang puso ko
Kahit umiiwas, ay sakbibi ng panibagong kirot
Lalo't ang pagsintang iwinaksi
Tila magbabalik upang bigyang muli ng pait.

Hindi kita nais makita.

Hindi kita nais makita.

Hindi kita nais makita.

Hindi kita nais.

Hindi kita nais.

Hindi kita.

...

Nais.

Kita.

Makita.

Sapagkat.

Ikaw.

Ang.

Bunga.

Ng.

Paglayo.

No comments:

Plurk