Tuesday, August 4, 2009

Hinahabol A/NG Nakaraan

Isang di-mapigilang pagkabog ng dibdib. Tuloy-tuloy na daloy ng mapagbigay ng buhay na dugo na umaagos sa aking kalamnan, isipan at lahat ng kasu-kasuan.

Ganoon kita nakita sa iyong pagdaan sa pasilyo patungo sa dambanang kaytagal kong ninais marating nang kasama ka.

Napakatagal na rin noon... ilang taon? May ilang araw na rin iyon mula ng huling araw ng Agosto na tayo'y nagkita, nagkagalit, nagkasigawan at nakatanto ng matagal na nating itinatanggi sa isa't isa...

Ang tagal na kitang di nakikita... nasaan ka ba nitong mga nakaraang buwan?

Narito lang naman ako lagi e... ikaw lang ang hindi nakakakita sa akin. Alam kong masaya ka ngayong mga nakakaraang buwan, kaya naman iniisip ko na mukhang hindi mo naman ako kailangang makita para manatili sa tabi mo.

Anong sinasabi mo, tila may pag-aalinlangan mong tinuran. Bakit ang talim yata ng pananalita mo sa akin?

Matalim? Bakit, masakit na ba ako magsalita ngayon? Hindi na ba ako iyong kilala mo, yung taong lagi mong kukulitin kapag nahuhuli sa mga proyekto? Yung pagagalitan mo dahil hindi mo mahagilap kung kailan kailangang-kailangan ng magpuno sa pagkukulang ng iba? Yung kahit kailan mo naman tawagin ay bigla na lang lilitaw para sa iyo? May pait sa aking dila. Para saan at mag-aalala ka kung ganito ako? Hindi mo naman ako kailangan di ba? Alam ko, masaya ka ngayon, kaya nga pinipili ko ring maging masaya, para sa iyo, para rin sa sarili ko... kahit kahit anong gawin ko, hindi ko rin magawa.

Ano bang alam mo sa akin ngayon, ha? Bakit parang alam mo ang nangyayari sa akin? Akala mo ba masaya akong nahihirapan sa bawa't ginagawa ko? Akala mo ba ninanais ko ang buhay na ito? Alam mo namang hindi ko ninais to di ba? Alam mong kung ako ang papipiliin wala ako dito sa takbo ng buhay na ito, dahil hindi ako natutuwa! Kung totoong alam mo kung ano ang nararamdaman ko hindi ka ganyan magsalita ngayon...

Paano ko nga ba mauunawaan kung hindi mo naman ako kailangan? Ayoko ipagsiksikan ang sarili ko sa buhay ng taong mahalaga sa akin kung hindi naman niya ako pinapahalagahan... alam mo ba kung gaano kahirap sa akin gawin iyon, dahil ayaw kita masaktan, kahit bawa't gabi lalo lang pumapait ang pakiramdam ko?

Ikaw lang ba ang nahihirapan? Bakit, sa palagay mo ba hindi kita hinahanap? Hindi ko magawa, dahil maraming pumipigil sa akin. Hindi madali sa akin ang hanapin ka, dahil baka ako lang din ang masaktan. Antagal na kita hinihintay bumalik. Pero lalo mo lang ako sinasaktan...

Oras ko naman ngayon para matameme... ang tanga-tanga ko pala.

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

Narito ka na, palapit ka na sa akin, pero tila naninimdim ang paningin ko... nagdidilim ang paligid ko. Nalulusaw ang paligid, ang dambana, ang mga bulaklak, ang mga tao, ang liwanag nawawala sa aking paligid... lahat liban sa iyo, papalapit, papalapit, papalapit...
... sa kabilang dulo, ang dambana, naroon, ang lahat, naroon, ang ilaw, ikaw, papalayo, papalayo, papalayo, papalayo, papalayo... hintay, saglit, hintay!

Nakita kitang inabot ang kamay niya, ang taong matagal ka nang hinihintay, pero hindi ako, iba, itim ang suot niya, maputla ang balat, kulay tala ang buhok... hindi ko maaninag, hindi ko makuha ang kanyang titig... nguni't nababasa ko ang nais niyang sabihin.

HULI KA NA.

HULI KA NA.

HULI KA NA.

HULI KA NA.

HULI KA NA.

HULI KA NA.

HULI KA NA.

HULI KA NA.

At narinig ko na lamang ang isang tili sa kalayuan. Matinis, malinaw, nanghihilakbot. At ang huli ko na lamang naramdaman ay isang mainit at basang butas sa aking kaliwang dibdib at ang maamo mong mukha't mga kamay na tila itinigil ng panahon, ang iyong mala-anghel na kasuotan ay nabahiran ng pulang karimlan, ng buhay na inagaw sa aking mga kalamnan.

- Isang panaginip, Agosto 4, 2009 Mula alas-nuwebe ng gabi ng nakaraang araw hanggang alas-dos ng madaling araw na ito

~O~O~O~

You are far apart because you both do not know what to do and what you want. You are apart from her because you are not yet clear with your purpose, and you are being held aback by time. She, on the other hand, is not even clear on what she is looking for.

- Isang hula, Agosto 3, 2009
Mula sa isang nakakatandang kaibigan

~O~O~O~

Postscript: marahil tunog nagbuhat ang sulating ito mula sa isang nag-flop na telenobela, pero hindi ko rin alam kung paano ko ipapaliwanag ito. Totoo ang panaginip na ito. At magpasahanggang ngayon, hindi ko malaman kung paano ko ito dapat harapin, o kung anong kilos ba ang nararapat kong tunguhin.

No comments:

Plurk