
Marahil panahon na ating balikan ang isang panata ng mapait, nagluluksa nguni't malinaw na layunin.
(Salin mula sa "Days of Disquiet, Nights of Rage" ni Jose F. Lacaba, pahina 146):
Itinatangis ko ang huwad na kalayaang tangan ko.
Ang kalayaang pautang sa akin ni Uncle Sam
Ay tinik sa aking lalamunan,
Sapot sa aking isipan,
Busal sa aking bibig,
Tanikala saking mga binti at kamay.
Nagluluksa ako sa pamanang dapat sana'y lipos kayamanan
Bunga ng pawis at dugo ng aking mga ninuno
Nguni't dinumihan ng mga maruruming kamay-piyudal
At ginahasa ng isang duhapang na panginoong mananakop -
Gintong pinaging tanso ng kapangyarihang dayo.
Lumuluha akong nagmamalaki sa bandilang sagisag ng kalayaang darating pa lamang;
Ginigising ang pinakamunting hibla ng aking katutubong dangal
na makipagbaka para sa pambansang demokrasya at tunay na kalayaan.
Naniniwala ako:
Na bawa't karapatang pinapangarap ko'y may kaakibat na tungkuling gagampanan.
Na bawa't pag-asang pinahahalagahan ko'y hinahaluan ng mga hamong dapat makamit.
Upang ang bayang ito'y maging tunay na nakapangyayari sa lupang ito,
Nagkakaisa, niyayakap ang isang buhay na nasasapat,
Ipinapangako ko sa alaala ng mga bayaning nagbuwis ng buhay noong 1896
Na ituloy ang himagsikang naiwan nila't di pa tapos!
Ginagabayan ng mga adhikaing tungo sa pambansang demokrasya ng taumbayan,
Pagtatagumpayan kong muli ang kalayaang inagaw sa akin ng imperyalismong Amerikano,
Wawasaking walang-awa lahat ng tanggulang piyudal,
At hindi titigil hangga't di ko maibagsak lahat ng kampilang imperyalista.
Sarili kong dugo'y aking ititigis, sariling buhay ko'y aking ipamimigay!
No comments:
Post a Comment