Thursday, June 25, 2009

Kaharap kita ngayon. Oo, ikaw. Ikaw na walang katiyakan ang ihahatid sa akin mula sa iisiang lunan sa loob ng kalawakan na aking kinauupuan sa sandaling ito. Ikaw na ang tanging ibinibigay sa akin ay ilang sinag buhat sa mga mumunting ilaw-dagitab sa kalayuan na aking nais paroonan nguni't hindi ko pa pinipiling gawin sapagka't nais kong lasapin ang bawa't sandali ng pag-iisa sa piling ng dambanang aking itinuring nang ikatlong tahanan.

At bakit hindi? Sa dambanang ito ay naranasan ko na at napagmasdan kung paanong ang parikala ng karunungan at kamangmangan ay nagiging magkasiping. Kung saan at bawa't kalatas na piniling kunin mula sa mga inaamag, bukbukin at kinakalawang na estante ay unti-unting inaagans ng mga dumaraang taon nang hindi man lamang nabubuklat ni ng mga mumunting kamay ng mga batang nagnanais sanang lamnan ng kahit kaunting hiwaga ang haraya ng isipan nguni't napipilitang humiga sa sapin-saping dahon ng balitang hindi nila nawawatasan, na malamang siya ring magtatanggol sa kanila sa mga elemento sa sandaling sila'y panawan ng huling hininga, masairan ng huling patak ng dugo pagkatapos ratratin ng mga gintong punglo ng mga halimaw na tuta ng "disenteng lipunan."

Naiisip mo't nawawatasan kung paano marahil luluha ang angaw-angaw na mga nanginginig na buto sa sinapupunan ng libingan, mga butong dati'y nababalutan ng laman nguni't ipinagsawalang-bahala ang kapangyarihan nila't kakayahang paligayahin ang bawa't nasa nito sa ngalan ng pagtatatag ng isang bagong paraan ng pag-unawa, na ngayo'y napahahalagahan na lamang ng iilang mga naaagnas na katawan, mga puting buhok, mga bukbuking mata, mga mapapait na kaluluwa, mga propetang alam na ang kawakasan ng daigdig nguni't mas sawimpalad pa kay Giovani Bernardone na ni walang kawan ng mga ganid sa parang na papangaralan.

Dama mo kung paanong ang bawa't pinakamaliit na butil ng buto, ang bawa't hibla ng tanso, ang kaliit-liitang piraso ng balat ng puno ay minsang isang bahagi ng buhay, bumubuhay, nagbibigay-buhay, at maaaring kumikitil din ng buhay. Na ang bawa't atomo ng buhay na minsang naging sa santinakpang ito ay kalat-kalat na sa lahat ng dako, na isa na lamang hiwaga ng pagkakataon o tanda ng muling pagbango kung dalawa sa kanila ay magkaniig pa rin sa loob ng mahabang panahon.

At nang mabaling ang iyong tingin sa isang mumunti't makinis na bato, ay napatda ka't napamangha kung papaanong ang isang mumunting bato ay mayroong angking taglay na pang-akit na, kahit sa isang saglit, ay nagawang dapuan ng tingin at bigyan ng paghihinuha ng isang nilalang na maaaring hindi niya makikilala ang pag-iral kahit kailan, at ni hindi rin alam ng nilalang na yaon kung darating ang panahon, sa paglilipas ng mga panahon, sa pag-uumpugan at pag-anod ng mga sedimento ng lupa't kabukiran, ay muling makasama ang batong yaon bilang isa na ring bato, habang ang mga bahagi marahil na kanyang pagiging ay naging ugat na ng buhay para sa ilang likhang kauri o nakakababa, isang palipasan ng mga walang-alam, o bahagi ng walang-kinikilala't walang pinahahalagaha't walang nagpapahalagang alabok ng kalawakan, na naririyan upang tayo'y paalalahanang tayo'y tao.

Hindi ko mapigilan ang aking sarili na manalangin.

Ikaw, ikaw na nagbuhat sa walang-hanggan at patungo rin naman sa walang-hanggan, kaming iyong nilikha na hindi magawang watasan ang iyong kawalan ng kakayanang maunawa ng pahat naming diwa, kaming iyong nilikha upang magbigay-pugay sa iyong pagkadakila nguni't siya namang nagpakababa upang kami'y iyong gawing kabahagi sa kawalan ng kawakasan, paano kami makakaalala na ikaw ang aming mula at tungo?

Sa isang mundo na kinikilala at nagpapakaligaya sa kawalang-katiyakan, sa pag-ibig sa karuwagan at karahasan, sa pagnanais lamang na maging iisa sa gitna ng karamihan, paano kami tutungo sa walang-katapusan mong anyaya kung ang dating landas ay hindi na makita, o kaya'y sa aming katigasan ng pusong pinipigilang iwasang makta upang tiyakang hanggang sa huling patda ng aming mangmang na pag-unawa'y ikaw ang aming libakin nang walang-wawa gayong kami naman ang may sala?

Ikaw na lumikha sa iyong hinirang na bayan, paano kaming hindi magdududa sa pag-ibig na iyong ibinigay kung kami nga lamang ang tanging pinagbubuhatan ng konsepto ng isang bayan? Paano mangyayari na ang aming pag-unawa sa emosyon at lahat ng abstraksyon ay hindi mauwi sa isang kawalang-pagpapahalaga, mga kawalang-kabuluhan? Paanong mabubuhay kung ang tangi naming paraan sa paglikha ay sumailalim sa pagbubuno at pagtatakwil ng sarili gayong sa paglulubog lamang sa sarili kami tunay na lalaya't magiging karapat-dapat mabuhay?

Hindi mo baga tutulutan na lamang na kami ay mabuhay nang walang-hanggan na walang pagkakakilanlan, walang pagkakaiba-iba, walang pagiging kundi ang daloy na pinapakilos at kumikilos sa paraan ant ngalan ng iyong mapagbuniy't mapagmahal na ilaw-dagitab ng diwa?

Katuwiran mo bang kami'y magdusa? O ang kami'y pumili sa wala upang sa wala'y makilala ang pagiging ng iyong tunay na pagpapala?

No comments:

Plurk