Eto, dahil, nga naman hindi talaga ako makagawa ng isang seryosong blog nitong nakakaraang mga araw, napagpasyahan kong unti-untiing ilipat dito sa aking Blogspot ang mga magagandang piyesa (para sa akin) na nagawa ko sa nakakaraang taon. Siyempre, yung mga nasa Filipino lang.
Orihinal itong naipost noong Hunyo 4, 2008:
Orihinal itong naipost noong Hunyo 4, 2008:
~o~o~o~
Hindi makapag-aantay ang tren
para sa lahat ng naglakbay at tumawid at nawalan ng buhay
tumatakbo sa isip mo
ang treng iyong ninanais sakyan
nguni't hinihila ka mula sa istasyon
ng pagpupumilit ng nanay
na manatili sa isang tabi't
piliin ang buhay na walang iniisip
kundi ang sumakay sa Mercedes
tawaging "sir" ng mga SG sa Forbes
malaking paycheck na iaabot
sa iyo ng pinagtatrabahuhan
at huwag subukang sakyan ang tren
na dapat mapigil sa pagtakbo
sa isang treng tiyanak ang nagpapatakbo
binabantayan ng mga kapreng hindi
tabako kundi baril ang umuusok
na ngayo'y pinagsisikapang samahan
upang maglingkod sa pasahero
na sa totoo'y pumipigil sa kanilang umupo
at dahil diya'y lalo kang nagugulumihanan
sa hindi mo pa masabing katotohanan
na natatakot kang kanyang malaman
na ang layon mong biyaheng kayo'y magkaniig
pag pinagtambis sa nais mong pagbaklas sa riles
daranas lang siya ng pagtitiis at pagluhang labis
na dahil sa "makasisira sa imahe ng tren"
maski tumayo sa kinauupua'y di magawa
dahil krimen na ipaalam na natamnan ng bomba
ang tren, na pipigiling ipaalam sa pasahero
ng mga matapa't na kapreng gamit ay M-16
BENG! BENG! BENG! panga mo'y babasagin
kaunting segundo lamang ang sa iyo'y natitira
sasakay ka ba't sisigaw na "may bomba! bumaba!
hanapin iyo't panagutin ang tiyanak na drayber nito!"
kahit puwedeng makapareho si Kuya Jonas
na kaibigan mong sumakay din sa treng may bomba
at dahil sumigaw, ni anino hindi makita, hindi malutas
nguni't kahit magalit pa ang lahat ng nanay
kaysa pabayaang ang mga pasahero'y mamatay
sa bombang naitanim dahil pabaya ang drayber
na mas katakot ang mukha kaysa kay Nora
kung hindi ka sasakay, hindi ka mamamatay
hindi dapat ituring na Pilipinong marangal nabuhay